Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Maalat ang Dagat?

Bakit Maalat ang Dagat?

Bakit Maalat ang Dagat?

KUNG ilalatag nang pantay sa buong lupain ang lahat ng asin sa dagat, makabubuo ito ng isang suson na mahigit 150 metro ang kapal​—mga 45 palapag ang taas! Saan kaya nanggaling ang lahat ng asin na iyon, lalo na kung iisiping tuluy-tuloy naman ang pag-agos ng tubig-tabang mula sa mga batis at ilog patungo sa mga karagatan? Natuklasan ng mga siyentipiko ang ilang pinanggagalingan nito.

Ang isang pinanggagalingan ay ang lupang tinutuntungan natin. Habang sinisipsip ng lupa at bato ang tubig-ulan, natutunaw nito ang kati-katiting na mineral, pati na ang asin at ang mga kemikal na sangkap nito, at dumadaloy ito sa dagat sa pamamagitan ng mga batis at ilog (1). Ang tawag sa prosesong ito ay weathering. Mangyari pa, bahagyang-bahagya lamang ang asin sa tubig-tabang, kaya hindi natin ito nalalasahan.

Ang isa pang pinanggagalingan ay ang mga mineral na nagiging asin sa pinakabalat ng lupa sa ilalim ng karagatan. Tumatagos ang tubig sa sahig ng dagat sa pamamagitan ng mga bitak, umiinit ito nang napakainit, at muling pumapaibabaw tangay ang lusaw na mga mineral. Ibinubuga sa dagat ng mga hydrothermal vent​—ang ilan ay nagiging geyser sa ilalim ng dagat​—ang pinagsamang tubig at lusaw na mga mineral (2).

Sa kabaligtarang proseso naman na gayundin ang resulta, ang mga bulkan sa ilalim ng dagat ay nagbubuga ng napakaraming maiinit na bato sa karagatan, at naglalabas naman ang mga batong ito ng mga kemikal sa tubig (3). Pinanggagalingan din ng mga mineral ang hangin na may tangay na maliliit na butil mula sa lupa patungo sa dagat (4). Dahil sa mga prosesong ito, nasa tubig-dagat ang halos lahat ng kilalang sangkap. Gayunman, ang pangunahing sangkap ng asin ay ang sodium chloride​—ang karaniwang asin. Ito ang bumubuo sa 85 porsiyento ng lusaw na asin at siyang pangunahing dahilan kung bakit maalat ang tubig-dagat.

Bakit Hindi Nagbabago ang Antas ng Asin?

Ang asin ay naiipon sa dagat sapagkat ang tubig na sumisingaw mula sa karagatan ay halos puro. Naiiwan sa karagatan ang mga mineral. Kasabay nito, patuloy ang pagdaloy ng mga mineral sa mga karagatan; pero hindi nagbabago ang antas ng asin na mga 35 bahagi sa bawat sanlibong bahagi ng tubig-dagat. Kung gayon, lumilitaw na ang asin at iba pang mineral ay nadaragdagan at nababawasan sa halos magkaparehong dami. Nagbabangon ito ng tanong, Saan kaya napupunta ang asin?

Ang maraming sangkap ng asin ay nasisipsip ng katawan ng mga nabubuhay na organismo. Halimbawa, kinakain ng mga coral polyp, molusko, at krustasyo ang kalsyum, isang sangkap ng asin, para sa kanilang balat (shell) at buto. Kinukuha ng pagkaliliit na mga alga na tinatawag na mga diatom ang silica. Kinakain ng baktirya at iba pang organismo ang lusaw na organikong mga sangkap. Kapag namatay o kinain ang mga organismong ito, ang asin at mineral sa kanilang katawan ay nahuhulog sa sahig ng dagat sa kalaunan bilang patay na mga sangkap o dumi (5).

Ang maraming asin na hindi naalis ng biyokemikal na mga proseso ay naaalis sa ibang paraan. Halimbawa, maaaring may kahalong kaunting asin ang putik at ang iba pang mga sangkap sa lupa na nakararating sa karagatan sa pamamagitan ng mga ilog, tubig-ulan, at mga abo mula sa bulkan at tinatangay ito sa sahig ng dagat. May asin na dumidikit naman sa mga bato. Sa gayon, sa iba’t ibang paraan, maraming asin ang napupunta sa sahig ng dagat (6).

Naniniwala ang maraming mananaliksik na kinukumpleto ng mga prosesong heopisika ang siklong ito sa loob ng napakahabang panahon. Ang pinakabalat ng lupa ay binubuo ng pagkalalaking plato. Ang ilan sa mga ito ay nagbabanggaan sa mga subduction zone, kung saan pumapailalim ang isang plato sa katabi nitong plato at lumulubog hanggang sa mainit na mantel. Karaniwan nang pumapailalim ang mas mabigat na platong pangkaragatan sa mas magaan na karatig nitong platong kontinental, tangay ang nakadikit ditong mga latak ng asin na parang isang malaking makinang panghakot. Sa ganitong paraan, unti-unting nareresiklo ang kalakhang bahagi ng pinakabalat ng lupa (7). Ang lindol, bulkan, at guwang ng lupa ay mga indikasyon ng prosesong ito. *

Kamangha-mangha ang Di-pagbabago

Nagkakaiba-iba ang antas ng alat ng karagatan sa iba’t ibang lugar at kung minsan sa iba’t ibang lagay ng panahon. Ang may pinakamaalat na tubig na dumadaloy sa karagatan ay ang Gulpo ng Persia at ang Dagat na Pula, kung saan napakabilis ng ebaporasyon. Ang mga rehiyon ng karagatan na dinadaluyan ng tubig-tabang mula sa malalaking ilog o napakadalas na inuulan ay hindi gaanong maalat kung ihahambing sa karaniwan. Gayundin ang tubig-dagat na malapit sa natutunaw na mga yelong tubig-tabang mula sa Polong Hilaga at Polong Timog. Kabaligtaran naman nito, kapag nagyeyelo, nagiging mas maalat ang karatig na tubig-dagat. Gayunman, hindi nagbabago ang antas ng alat ng karagatan sa pangkalahatan.

Ang tubig-dagat ay masasabi ring hindi nagbabago ng pH, na sukat ng antas ng asido o alkaline ng isang sangkap, na may neutral na bilang na 7. Ang pH ng tubig-dagat ay nasa pagitan ng 7.4 at 8.3, na medyo mataas ang alkaline. (Ang dugo ng tao ay may pH na mga 7.4.) Kung wala na sa antas na ito ang pH, manganganib ang karagatan. Sa katunayan, ito ang kinatatakutan ngayon ng mga siyentipiko. Ang karamihan sa carbon dioxide na idinaragdag ng mga tao sa atmospera ay napupunta sa karagatan at nagkakaroon ng reaksiyon sa tubig anupat nabubuo ang carbonic acid. Kaya maaaring unti-unting pinararami ng mga tao ang asido ng karagatan.

Ang marami sa mga mekanismong nagpapanatiling hindi nababago ang kemikal na kalagayan ng tubig-dagat ay hindi pa lubusang nauunawaan. Gayunman, itinatampok pa rin ng ating natutuhan ang napakalawak na karunungan ng Maylalang, na nangangalaga sa kaniyang nilikha.​—Apocalipsis 11:18.

[Talababa]

^ par. 10 Tingnan ang artikulong “Ang Sahig ng Karagatan​—Isiniwalat ang mga Lihim Nito,” sa Nobyembre 22, 2000, isyu ng Gumising!

[Dayagram/​Mga Larawan sa pahina 16, 17]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ulan

1 Mga mineral sa mga bato

2 Hydrothermal vent

3 Pagsabog sa karagatan

4 Hangin

KARAGATAN

SAHIG NG DAGAT

PINAKABALAT NG LUPA

5 Mga diatom

6 Abo mula sa bulkan

7 SUBDUCTION ZONE

[Credit Lines]

Vent: © Science VU/Visuals Unlimited; eruption: REUTERS/Japan Coast Guard/Handout

Diatoms: Dr. Neil Sullivan, USC/NOAA Corps; volcano photo: Dept. of Interior, National Park Service

[Kahon/​Dayagram sa pahina 18]

Asin sa Dagat

Bagaman mahigit nang isang siglong pinag-aaralan ng mga siyentipiko ang tubig-dagat, hindi pa rin nila alam ang lahat ng kemikal na sangkap nito. Gayunman, naibukod nila ang sari-saring lusaw na sangkap ng asin at nakalkula ang proporsiyon ng mga ito. Ang kabilang sa mga sangkap na ito ay:

[Dayagram]

55% Chloride

30.6 Sodyum

7.7 Sulfate

3.7 Magnesyo

1.2 Kalsyum

1.1 Potasyum

0.4 Karbonato

0.2 Bromide

at iba pa, gaya ng borate, strontium, at fluoride.

[Kahon/​Larawan sa pahina 18]

Mas Maalat Kaysa sa Karagatan

May ilang katubigan sa interyor na mas maalat kaysa sa karagatan. Ang isang magandang halimbawa nito ay ang Dagat na Patay, ang pinakamaalat na katubigan sa buong lupa. Ang tubig ay umaagos patungo sa Dagat na Patay, tinatawag na Dagat Asin noong panahon ng Bibliya, tangay ang lusaw na asin at iba pang mga mineral. (Bilang 34:3, 12) Dahil ang baybayin ng Dagat na Patay ang pinakamababang tuyong lugar sa lupa, may isang paraan lamang para mabawasan ang tubig​—sa pamamagitan ng ebaporasyon, na nagpapababaw sa kapantayan ng dagat nang hanggang 25 milimetro bawat araw kung tag-init.

Sa gayon, ang dami ng asin sa gawing itaas ng tubig ay mga 30 porsiyento​—halos sampung ulit ang dami kaysa sa Dagat Mediteraneo. Yamang tumataas ang densidad ng tubig dahil sa asin, lutáng na lutáng sa tubig ang mga lumalangoy. Sa katunayan, puwede silang mahiga rito at magbasa ng diyaryo kahit walang salbabida.

[Kahon sa pahina 18]

Nalilinis ng Asin ang Hangin

Ayon sa pananaliksik, napipigil ng maliliit na butil ng polusyon sa hangin ang pagpatak ng ulan mula sa mga ulap na nasa ibabaw ng lupa. Gayunman, mas madaling gumawa ng ulan ang maruruming ulap sa ibabaw ng karagatan. Ang pagkakaibang ito ay dahil sa aerosol ng asin-dagat mula sa mga tilamsik ng dagat.

Ang maliliit na patak ng tubig na namumuo sa maliliit na butil ng polusyon sa atmospera ay pagkaliliit para maging ulan; sa gayon ay nananatili ito sa atmospera. Lumalaki ang mga ito dahil sa aerosol ng asin-dagat na humihigop sa maliliit na patak ng tubig na nasa mga ulap sa karagatan. Ito ang nagiging ulan na lumilinis sa maruming atmospera.