Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ko Makokontrol ang Aking Paggastos?

Paano Ko Makokontrol ang Aking Paggastos?

“Madalas akong nagpaplanong bumili ng hindi ko naman talaga kailangan, at malamang na hindi ko abot-kaya, dahil lamang bumaba na ang presyo nito.”​—Anna, * Brazil.

“Inaanyayahan ako kung minsan ng mga kaibigan ko na sumama sa kanila sa magastos na mga lakaran. Gusto kong makasama ang aking mga kaibigan at magsaya. Walang gustong sumagot na, ‘Sori, hindi kaya ng bulsa ko.’”​—Joan, Australia.

PARA bang laging kulang ang panggastos mo? Kung mas malaki sana ang baon mo, mabibili mo ang gusto mong gamit sa paglilibang. Kung mas mataas lamang sana ang sahod mo, mabibili mo ang “kailangan” mong sapatos. Pero sa halip na mag-alala sa perang wala sa bulsa mo, bakit hindi mo pag-aralang kontrolin ang perang dumaraan sa kamay mo?

Kung isa kang kabataang nakapisan sa iyong mga magulang, puwede mo namang hintayin ang panahong hindi ka na nakatira sa bahay ninyo bago ka matutong humawak ng pera. Pero para itong pagtalon palabas ng eroplano nang hindi pa natututong gumamit ng parasyut. Totoo namang puwedeng matutuhan ng isang tao kung paano gumamit ng parasyut habang bumubulusok siya sa lupa. Pero mas mabuti sana kung alam na niya ang pangunahing mga prinsipyo sa paggamit ng parasyut bago pa siya tumalon!

Sa katulad na paraan, ang pinakamagandang panahon para matuto kang humawak ng pera ay bago mo pa maranasan ang hirap sa pinansiyal. “Ang salapi ay pananggalang,” ang isinulat ni Haring Solomon. (Eclesiastes 7:12) Pero maipagsasanggalang ka lamang nito kung matututuhan mong kontrolin ang iyong paggastos. Kapag natutuhan mo ito, lalaki ang kumpiyansa mo sa iyong sarili pati na ang paggalang sa iyo ng mga magulang mo.

Matuto ng Saligang mga Bagay

Naitanong mo na ba sa iyong mga magulang kung ano ang nasasangkot sa pagpapatakbo ng sambahayan? Halimbawa, alam mo ba kung magkano ang gastos buwan-buwan sa kuryente at tubig, pagmamantini ng kotse, pamamalengke, at pagbabayad ng upa o utang sa bangko? Baka iniisip mong mababagot ka lamang sa mga detalyeng ito. Pero tandaan na nakadagdag ka rin sa mga gastusing ito. Bukod dito, kapag hindi ka na nakatira sa inyo, kakailanganin mo ring magbayad ng ganitong mga gastusin. Kaya mas mabuting alamin mo na ang mga ito. Hilingin mo sa iyong mga magulang ang kopya ng ilang bayarin, at makinig kang mabuti habang ipinaliliwanag nila kung paano sila nagbabadyet para rito.

“Ang taong marunong ay makikinig at kukuha ng higit pang turo, at ang taong may unawa ang siyang nagtatamo ng mahusay na patnubay,” ang sabi ng isang kawikaan sa Bibliya. (Kawikaan 1:5) Ganito ang sinabi ni Anna, na nabanggit kanina, “Tinuruan ako ng tatay ko kung paano magbadyet, at ipinakita niya sa akin kung gaano kahalaga ang pagiging organisado sa paghawak ng pondo ng pamilya.” Samantala, tinuruan naman si Anna ng iba pang praktikal na aral ng kaniyang nanay. “Itinuro niya sa akin na mahalagang ihambing muna ang mga presyo ng isang bagay bago mamili,” ang sabi ni Anna, at idinagdag pa niya, “Maraming nagagawa si Inay sa kaunting pera.” Ano ang naging pakinabang dito ni Anna? “Sa ngayon, kaya ko nang hawakan ang sarili kong pananalapi,” ang sabi niya. “Maingat kong kinokontrol ang aking gastos, kaya may kalayaan ako at kapayapaan ng isip dahil sa pag-iwas sa di-kinakailangang utang.”

Harapin ang mga Hamon

Totoo namang mas madaling sabihin kaysa gawin ang pagkontrol sa paggastos, lalo na kapag nakatira ka pa sa bahay ninyo at binibigyan ka ng baon o kumikita sa trabaho. Bakit? Dahil malamang na mga magulang mo ang nagbabayad ng karamihan sa mga gastusin. Kaya malaking bahagi ng pera mo ang puwede mong gastusin sa paraang gusto mo. At masarap gumastos. “Para sa akin, napakadaling gumastos at gustung-gusto kong gawin ito,” ang pag-amin ni Paresh, isang kabataang lalaki sa India. Ganito rin ang nadarama ni Sarah na taga-Australia. “Masaya ako kapag may nabibili ako,” ang sabi niya.

Bukod dito, baka gipitin ka rin ng iyong mga kaibigan na gumastos nang mas malaki kaysa sa kaya mo. Ganito ang sinabi ni Ellena, edad 21: “Sa mga kaibigan ko, pangunahing libangan ang pamimili. Kapag kasama ko sila, para bang kailangan mong gumastos para maging masaya ka.”

Natural lamang na gusto mong tanggapin ka ng iyong mga kaibigan. Pero tanungin mo ang iyong sarili, ‘Gumagastos ba ako kapag kasama ng mga kaibigan ko dahil abot-kaya ko o dahil napipilitan lamang ako?’ Maraming tao ang gumagastos para lamang igalang ng mga kaibigan at kasama. Magdudulot ng malaking pinansiyal na suliranin sa iyo ang tendensiyang ito, lalo na kung may credit card ka. Ganito ang babala ng pinansiyal na tagapayo na si Suze Orman: “Kung inaakala mong kailangan mong pahangain ang mga tao dahil sa kung ano ang mayroon ka sa halip na kung sino ka, malaki ang panganib na mabaon ka sa utang dahil sa iyong credit card.”

Sa halip na sagarin ang iyong credit card o ubusin ang buong sahod mo sa minsanang paglilibang, bakit hindi mo subukan ang solusyon ni Ellena? “Kapag lumalabas ako kasama ng aking mga kaibigan,” ang sabi niya, “nagpaplano muna ako at kinakalkula ko kung hanggang magkano ang gagastusin ko. Deretso sa bangko ang sahod ko, at kinukuha ko lamang ang halagang kailangan ko para sa paglabas naming magkakaibigan. Katalinuhan din para sa akin na mamili kasama lamang ng mga kaibigan kong maingat sa pera na hihikayat sa akin na paghambingin muna ang mga presyo bago mamili sa halip na bilhin agad ang una kong makita.”​—Kawikaan 13:20.

Matuto sa Sagot na Hindi Puwede

Kahit hindi ka binibigyan ng baon o kumikita sa trabaho, maaari ka pa ring matuto ng mahahalagang aral tungkol sa pera habang nakatira ka pa sa bahay ninyo. Halimbawa, kapag humihingi ka ng pera sa iyong mga magulang o nagpapabili ka sa kanila ng isang bagay, baka hindi sila pumayag. Bakit? Ang isang dahilan marahil ay sapagkat mas mahal ang gusto mong ipabili kaysa sa abot-kaya ng badyet ng pamilya. Sa pagtanggi sa kahilingan mo​—bagaman mas gusto nilang pumayag​—ang iyong mga magulang ay nagpapakita sa iyo ng magandang halimbawa ng pagpipigil sa sarili. At napakahalaga ng pagpipigil sa sarili sa mahusay na paghawak ng pera.

Ipagpalagay nang abot-kaya ng mga magulang mo ang iyong mga hinihiling. Magkagayunman, baka hindi pa rin nila ibigay iyon. Baka isipin mong kuripot sila. Pero pag-isipan mo ito: Baka itinuturo nila sa iyo ang mahalagang aral na hindi nakadepende ang iyong kaligayahan sa pagkakamit ng lahat ng gusto mo. Ganito ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito: “Ang maibigin sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak, ni ang sinumang maibigin sa yaman ay masisiyahan sa kita.”​—Eclesiastes 5:10.

Ang katotohanang ito ay pinatutunayan ng karanasan ng maraming kabataan na binibilhan ng kanilang mga magulang ng lahat ng gusto nila. Sa kalaunan, natutuklasan ng mga kabataang ito na hindi talaga sila kontento. Gaanuman karami ang maging pag-aari nila, lagi pa rin silang nakadarama na kailangan nilang dagdagan ang anumang mayroon na sila. Sa kalaunan, ang mga kabataang nakukuha ang lahat ng gusto nila ay baka lumaking mga walang utang na loob. “Kung pinalalayaw ng isa ang kaniyang lingkod [o anak] mula pa sa pagkabata, siya ay magiging walang utang na loob sa dakong huli ng kaniyang buhay,” ang babala ni Solomon.​—Kawikaan 29:21.

Ang Pera ay Panahon

May kasabihan sa ilang kultura, Ang panahon ay pera. Idiniriin nito na dapat gumugol ng panahon ang mga tao para kumita ng pera at ang pagsasayang ng panahon ay pagsasayang ng pera. Totoo rin ang kabaligtaran nito​—ang pera ay panahon. Kung nagsasayang ka ng pera, nagsasayang ka ng panahong ginugol para kitain ang perang iyon. Matuto kang magkontrol ng gastos at matututo ka ring magkontrol ng iyong panahon. Paano?

Pag-isipan ang komento ni Ellena. “Kapag kinokontrol ko kung magkano ang gastos ko, nakokontrol ko kung magkano ang kailangan kong kitain,” ang sabi niya. “Sa paggawa ng praktikal na badyet at pagsunod dito, hindi ko kailangang gumugol ng maraming oras sa trabaho para may maibayad sa malalaking utang. Mas nakokontrol ko ang panahon at buhay ko.” Gusto mo bang makontrol sa ganitong paraan ang buhay mo?

[Talababa]

^ par. 3 Binago ang mga pangalan.

PAG-ISIPAN

▪ Nahihirapan ka bang kontrolin ang iyong paggastos? Bakit?

▪ Bakit mo dapat iwasan ang pag-ibig sa salapi?​—1 Timoteo 6:9, 10.

[Kahon/​Larawan sa pahina 12]

SAGOT BA ANG MAS MARAMING PERA?

Ang pagkakaroon ba ng mas maraming pera ang solusyon sa iyong pagiging gastador? “Inaakala nating lahat na ang mas malaking kita ang sagot sa ating mga suliranin sa pananalapi, pero bihira nga na ito ang sagot,” ang sabi ng pinansiyal na tagapayo na si Suze Orman.

Bilang paglalarawan: Kung nagmamaneho ka nang hindi mo nakokontrol ang sasakyan o nakaugalian mo nang magmaneho nang nakapikit, mas mapapalagay ba ang loob mo kung magpapakarga ka ng mas maraming gasolina? Mas ligtas ka kayang makararating sa iyong pupuntahan? Sa katulad na paraan, kung hindi ka matututong magtipid, hindi makatutulong sa iyong kalagayan ang mas malaking kita.

[Kahon/​Chart sa pahina 13]

KONTROLIN ITO

Magkano ang nagastos mo noong nakaraang buwan? Anu-ano ang pinagkagastusan mo? Hindi mo alam? Heto ang paraan para makontrol mo ang iyong gastos bago ka makontrol ng gastos mo.

Magrekord. Kahit sa loob lamang ng isang buwan, irekord mo kung magkano ang natatanggap mong pera at kung kailan mo ito natanggap. Ilista ang bawat bagay na binibili mo at kung magkano ito. Sa katapusan ng buwan, kuwentahin kung magkano ang kabuuan ng pumasok na pera at ang kabuuan ng gastusin.

Magbadyet. Sa blangkong papel, gumawa ng tatlong kolum. Sa unang kolum, ilista ang lahat ng inaasahan mong kikitain sa isang buwan. Sa pangalawang kolum, ilista ang mga bagay na pinaplano mong pagkagastusan; gamitin ang isinulat mong talaan sa iyong rekord bilang giya. Habang lumilipas ang buwan, isulat sa pangatlong kolum kung magkano ang aktuwal na nagagastos mo sa bawat bagay na pinlano mong pagkagastusan. Irekord din ang lahat ng gastos na hindi mo pinlano.

Baguhin ang iyong plano. Kung mas malaki ang ginagastos mo kaysa sa inaasahan mo at nagkakautang ka na, baguhin mo ang iyong plano. Bayaran ang iyong utang. Kontrolin ang iyong paggastos.

[Chart]

Gupitin at gamitin ito!

Buwanan Kong Badyet

Kita Badyet para Aktuwal na

sa gastusin ginastos

baon pagkain

trabahong “part-time” damit

iba pa telepono

libangan

donasyon

pang-impok

iba pa

 

 

Kabuuan Kabuuan Kabuuan

₱ ₱ ₱

[Larawan]

Tandaan, kung nagsasayang ka ng pera, nagsasayang ka rin ng panahong ginugol para kitain ang perang iyon

[Larawan sa pahina 11]

Bakit hindi mo tanungin ang iyong mga magulang kung paano magbadyet?