Ginintuang mga Taon?
Ginintuang mga Taon?
ALA-6:30 isang umaga ng taglamig sa Soweto, Timog Aprika. Kailangan nang bumangon ni Evelyn sa higaan. * Sa bahay niya na walang central heating, para kang pinarurusahan.
Hirap na hirap niyang inusog sa gilid ng kama ang kaniyang mga tuhod na kumikirot dahil sa artritis. Saka siya umupo at naghintay. Unti-unting humupa ang kirot sa kaniyang mga binti. Ngayon ay inihahanda naman ni Evelyn ang kaniyang sarili upang tumayo. Dumaraing siya sa kirot. Hawak ang baywang, gaya ng ‘tipaklong na kinakaladkad ang kaniyang sarili,’ dahan-dahang umika-ika si Evelyn papuntang banyo.—Eclesiastes 12:5. *
‘Hay, salamat!’ ang sabi ni Evelyn sa kaniyang sarili. Hindi lamang siya nagising sa isa na namang panibagong araw, kundi naikilos din niya ang kaniyang kumikirot na katawan.
Subalit may isa pa siyang ikinababahala. “Iyon ay ang ‘madiskaril’ ang aking isip,” ang sabi ni Evelyn. Paminsan-minsan, nalilimutan niya kung nasaan ang kaniyang susi, pero matalas pa ang kaniyang isip. “Basta ipinananalangin ko na huwag sana akong mag-ulianin,” ang sabi ni Evelyn, “tulad ng nangyayari sa ilang matatanda.”
Noong batá-batá pa siya, hindi kailanman pinag-isipan ni Evelyn ang tungkol sa pagtanda. Para bang kahapon lamang ay kabataan pa siya, subalit ngayon ay laging ipinaaalaala ng kaniyang katawan na 74 na taóng gulang na siya.
Maituturing ng ilang tao, na mas mabuti ang kalagayan kaysa kay Evelyn at walang gaanong malubhang sakit at kaigtingan, ang huling bahagi ng kanilang buhay bilang ginintuang mga taon. Tulad ng patriyarkang si Abraham, baka umabot sila sa “lubos na katandaan, matanda na at nasisiyahan.” (Genesis 25:8) Ang iba naman ay nakararanas ng “mapanglaw na mga araw at taon” at ang tanging nasasabi: “Hindi ako nasisiyahan sa buhay.” (Eclesiastes 12:1, Today’s English Version) Sa isang surbey, negatibo ang pananaw ng napakaraming tao sa pagreretiro, kaya iminungkahi ng magasing Newsweek na palitan ang katawagang ginintuang mga taon ng “Panahon ng Kadiliman.”
Ano ang pananaw mo sa pagtanda? Ano ang ilang hamong napapaharap sa mga may-edad na? Hindi ba talaga maiiwasan ang pagpurol ng isip kapag tumatanda na? Ano ang magagawa ng isa upang magkaroon ng kapayapaan ng isip sa ginintuang mga taon?
[Mga talababa]
^ par. 2 Binago ang ilang pangalan sa seryeng ito.
^ par. 3 Ang talatang ito mula sa sinaunang aklat ng Bibliya na Eclesiastes ay matagal nang kinikilala bilang isang matulaing paglalarawan na puno ng unawa sa hirap na dinaranas sa pagtanda.