Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Ang Pinakapaboritong Hayop sa Buong Daigdig

“Maaaring ang aso ang pinakamatalik na kaibigan ng tao, subalit ang pinakapaboritong hayop sa buong daigdig ay ang tigre,” ang ulat ng The Independent ng London. Pagkatapos ipalabas ang isang serye ng mga dokumentaryo, na bawat isa ay nagtatampok sa isa sa sampung hayop, lumitaw sa isang surbey sa mahigit 52,000 katao mula sa 73 bansa na nakalalamang lamang nang 17 boto ang tigre sa aso. Pumapangatlo ang lumbalumba, ang kasunod ay kabayo, leon, ahas, elepante, chimpanzee, oranggutan, at balyena. Ipinaliwanag ni Dra. Candy d’Sa, eksperto sa paggawi ng mga hayop, na “nauunawaan [ng mga tao] ang ugali ng mga tigre, yamang mukhang mabangis at nakatatakot ito, subalit marangal naman at matalino. Sa kabaligtaran, ang aso ay isang matapat at magalang na nilalang at nauudyukan nito ang isa na ipakita ang palakaibigang katangian ng tao.” Natutuwa ang mga conservationist sa pagkapanalo ng tigre sa surbey. Ganito ang sabi ni Callum Rankine, ng World Wide Fund for Nature: “Kung tigre ang pinipili ng mga tao na paborito nilang hayop, nangangahulugan ito na kinikilala nila ang kahalagahan ng mga ito, pati na sana ang pangangailangang tiyakin ang kaligtasan ng mga ito.” Tinatayang 5,000 tigre na lamang ang nananatiling buháy sa ilang.

Mikrobyo sa Bibig at Kalusugan

“Ang bibig ay isang masalimuot na ekosistema,” ang sabi ng magasing Science. “Sa nakalipas na 40 taon, sinusuri ng mga oral biologist ang malalaking pangkat ng mga mikrobyo na mabilis dumami sa ngipin, gilagid, at dila.” Matagal nang alam ng mga biyologo na maaaring kumalat at maging sanhi ng mga problema sa iba pang bahagi ng katawan ang baktirya na karaniwang nasusumpungan sa bibig. Natuklasan na ang mga sakit sa puso ay nauugnay sa isang baktirya na nasa bibig, at ipinakikita ng mga pag-aral na isa pang uri ng baktirya ang nagiging sanhi ng panganganak nang kulang sa buwan. Mangyari pa, mas maraming tuwirang pinsala ang naidudulot ng masasamang baktirya. Kapag dumami nang husto ang mga ito at matalo ang mabubuting baktirya sa bibig, ang resulta ay pagkasira ng ngipin, pagdurugo ng gilagid, at mabahong hininga. “Wala nang ngipin ang 3 sa 10 katao na mahigit 65 anyos,” ang sabi ng ulat. “Sa Estados Unidos, kalahati sa lahat ng adulto ay alinman sa may sakit sa gilagid o sirang ngipin.” Sa pag-aaral sa mga baktiryang ito, umaasa ang mga mananaliksik na matututo silang gumawa ng “mga mouthwash na susugpo sa masamang baktirya lamang at hindi kapuwa sa mabuti at masamang baktirya.”

Mga Kaugalian sa Pagtulog

“Natuklasan sa isang pangglobong surbey hinggil sa mga kaugalian sa pagtulog na mas gabing natutulog at mas maagang gumigising ang mga tao sa Asia kaysa sa karamihan ng mga Amerikano at Europeo,” ang ulat ng Aljazeera, isang channel na pambalita. Mahigit 14,000 katao sa 28 bansa ang tinanong kung anong oras sila karaniwang natutulog at kung anong oras sila gumigising. Sa Portugal, 3 sa 4 katao ang lampas na sa hatinggabi kung matulog. Ang mga taga-Asia ang pinakamaagang gumising, na pinangungunahan ng Indonesia, “kung saan 91% ang nagsabing gising na sila pagsapit nang 7 n.u.” Pinakamaigsi ang tulog ng mga Hapones. Mahigit sa 40 porsiyento ang natutulog nang anim na oras o mas maigsi pa rito gabi-gabi. Kabaligtaran naman nito ang mga Australiano. Bukod sa sila ang may pinakamataas na bilang ng mga natutulog bago mag-alas diyes ng gabi, halos sangkatlo ng mga sinurbey sa kanilang bansa, sa katamtaman, ang natutulog nang mahigit siyam na oras gabi-gabi.

Huminto Na sa Paninigarilyo Ngayon!

“Mga kalahati hanggang dalawang-katlo ng lahat ng sugapa sa sigarilyo ang mamamatay sa kalaunan dahil sa kanilang bisyo,” ang sabi ng isang report sa BMJ, isang babasahing pangmedisina sa Britanya. Natuklasan ng mga mananaliksik na ang paninigarilyo ay hindi lamang mas mapanganib kaysa sa dati nilang inaakala kundi hindi rin nakikinabang ang mga naninigarilyo sa “paghaba ng buhay sa nakalipas na kalahating siglo.” Bagaman ipinakikita ng pag-aaral na tumaas tungo sa 33 porsiyento ang probabilidad na makaabot nang 90 anyos ang mga taong 70 taóng gulang na hindi kailanman nanigarilyo, ang posibilidad na umabot sa gayong edad ang mga taong naninigarilyo ay bumaba pa nga mula 10 porsiyento tungo sa 7 porsiyento. “Sa katamtaman, ang mga naninigarilyo ay mas maagang namamatay nang mga 10 taon kaysa sa mga hindi naninigarilyo,” ang sabi ng artikulo, at ang paghinto sa bisyo ay makapagpapahaba ng buhay. Mas mabuti kung mas maagang hihinto ang mga naninigarilyo. Natuklasan na nabawasan nang kalahati ang mga panganib para sa mga huminto sa paninigarilyo sa edad na 50, at maaaring maiwasan niyaong mga huminto sa edad na 30 ang halos lahat ng panganib na ito.

Kawalang-Alam sa Bibliya

Natuklasan sa isang kamakailang surbey sa Internet sa Britanya na isinagawa ng YouGov, isang kompanya sa pagsusurbey, na “hindi alam ng mahigit sa sangkapat ng mga sinurbey na sa Betlehem ipinanganak si Jesu-Kristo,” ang sabi ng pahayagang The Guardian ng London. “At tatlong-kapat lamang ang nakaaalam na Judio si Jesus.” Nang tanungin hinggil sa Sampung Utos, inisip ng humigit-kumulang kalahati ng mga sinurbey na ang ikaanim na utos, “Huwag Kang Papatay,” ang pinakamahalaga sa ating panahon. Nasa pinakahuli naman ang unang utos, na ganito ang pagkakasabi sa Bagong Sanlibutang Salin: “Ako ay si Jehova na iyong Diyos . . . Huwag kang magkakaroon ng iba pang mga diyos laban sa aking mukha.”​—Exodo 20:2, 3.

Nasasagad ang Yaman ng Lupa

“Dalawang-katlo ng yaman ng planeta, mula sa mga pinagmumulan ng enerhiya hanggang sa sariwang tubig at malinis na hangin, ang nasasagad na o narurumhan,” ang ulat ng Daily News sa New York. Ipinakikita ng pag-aaral “na isinagawa ng 1,360 eksperto mula sa 95 bansa” ang pinsalang nagawa ng tao sa mga ekosistema sa nakalipas na 50 taon. “Nasasagad na ang likas na mga sistema ng Lupa dahil sa mga gawain ng tao anupat hindi na tiyak ang kakayahan ng mga ekosistema ng planeta na sustinihan ang susunod na mga henerasyon,” ang konklusyon ng ulat. Ang ulat na sinuportahan ng UN at ng World Bank ay nagbabala na sa kalaunan, baka pumalya na ang ilang sistema sa kalikasan, anupat maging dahilan ng pagkakalbo ng kagubatan, pagkakasakit, o pagkalipol ng mga nilalang sa ilang bahagi ng karagatan.

“Tulad-Kanggaru na Pangangalaga” sa mga Sanggol

“Mas mahaba ang tulog, mas maluwag ang paghinga at mas mabilis bumigat ang mga sanggol na binibigyan ng tulad-kanggaru na pangangalaga,” ang sabi ng Daily Yomiuri sa Hapon. Paano ba ginagawa ang “tulad-kanggaru na pangangalaga”? Basta hihiga lamang ang ina o ama at idadapa ang sanggol sa kanilang dibdib sa loob ng isa o dalawang oras bawat araw. Ganito ang sabi ni Toyoko Watanabe, nangangasiwa sa departamento para sa mga bagong-silang na sanggol sa Tokyo Metropolitan Bokuto Hospital: “Nagsimula ang tulad-kanggaru na pangangalaga sa Colombia bilang desperadong pamamaraan upang lunasan ang kakulangan ng incubator. Napansin ng UNICEF na bumaba ang bilang ng namamatay na mga sanggol na kulang sa buwan, at kaagad silang nailalabas sa ospital.” Sa ngayon, ang sabi ng pahayagan, “nauuso sa mauunlad na bansa ang ideyang ito [ng pangangalaga] sa mga sanggol na ipinanganak nang kulang sa buwan at husto sa buwan.” Maraming pakinabang ang pagdaiti ng katawan ng mga magulang sa katawan ng sanggol, kasali na ang pagiging malapít nila sa isa’t isa. Bukod diyan, wala itong bayad at hindi nangangailangan ng pantanging mga kagamitan.