Ang Pinakamatinding Salot sa Kasaysayan
Ang Pinakamatinding Salot sa Kasaysayan
NASA kasagsagan pa rin ng Digmaang Pandaigdig I ang buong mundo noong Oktubre 1918. Bagaman malapit nang magwakas ang labanan, sinesensor pa rin ang mga balita. Kaya ang Espanya lamang, na hindi nakikipagdigma, ang bansang nag-ulat na sa maraming lugar, nakababahala ang bilis ng pagkakasakit at pagkamatay ng mga sibilyan. Dahil dito, nabuo ang pangalan na naging tawag sa sakit na ito hanggang sa ngayon—trangkaso Espanyola.
Nagsimula ang pandemic noong Marso 1918. a Naniniwala ang maraming nagsiyasat na ang sakit na ito ay nagmula sa estado ng Kansas, E.U.A. Mula roon, maliwanag na kumalat ito sa Pransiya dala ng bagong dating na mga sundalo ng Estados Unidos. Nang matapos ang biglang pagdami ng mga namatay dahil sa trangkasong ito, waring nawala na ang salot pagsapit ng Hulyo 1918. Walang kaalam-alam ang mga doktor nang panahong iyon na nag-iipon lamang ng lakas ang pangglobong epidemya na ito upang maging mas mabagsik na mamamatay-tao.
Nang magwakas ang Digmaang Pandaigdig I noong Nobyembre 11, 1918, nagsaya ang buong daigdig. Pero nakalulungkot, halos kasabay nito, sumalakay ang salot sa buong lupa. Isa itong halimaw na naging ulong-balita sa buong daigdig. Mangilan-ngilan lamang sa mga nabuhay nang panahong iyon ang hindi naapektuhan, at takot na takot ang lahat. Ganito ang komento ng isang iginagalang na awtoridad hinggil sa trangkaso: “Umikli ng mahigit 10 taon noong 1918 ang inaasahang haba ng buhay ng tao sa Estados Unidos.” Paano naiiba ang salot na ito?
Kakaibang Salot
Ang isang nakababahalang pagkakaiba ay ang bilis ng pagdapo ng trangkasong ito. Gaano kabilis? Sa kamakailang aklat na The Great Influenza, sinipi ng awtor na si John M. Barry ang nakasulat na report tungkol sa karanasang ito: “Sa Rio de Janeiro, normal ang tinig ng isang lalaki noong tanungin niya si Ciro Viera Da Cunha, isang estudyante sa medisina na naghihintay ng trambiya, nang biglang bumagsak ang nagtanong, patay na; sa Cape Town, Timog Aprika, sumakay ng trambiya para maglakbay nang limang kilometro pauwi si Charles Lewis nang bumagsak ang konduktor, patay na. Sa limang kilometrong paglalakbay, anim na taong lulan ng bus ang namatay, kabilang na ang drayber.” Pawang namatay sa trangkaso.
Isa pa, nariyan ang takot—takot sa mga bagay na hindi pa nalalaman. Hindi masagot ng siyensiya kung ano ang sanhi ng sakit o kung paano ito kumakalat. Nagpatupad ng mga patakaran sa pampublikong kalusugan: ikinuwarentenas ang mga daungan; ipinasara ang mga sinehan, simbahan, at iba pang pampublikong mga lugar ng pagtitipon. Halimbawa, sa San Francisco, California, E.U.A., ipinag-utos ng mga opisyal na magsuot ng gasang pantakip sa ilong at bibig ang buong populasyon. Pagmumultahin o ikukulong ang sinumang mahuhuling walang gayong pantakip habang nasa pampublikong mga lugar. Pero tila wala ring saysay ang gayong mga hakbang. Hindi sapat at huli na ang mga ito.
Laganap din ang takot sapagkat walang pinipili ang trangkaso. Sa mga kadahilanang hindi pa maipaliwanag, hindi gaanong naapektuhan ng sakit na ito noong 1919 ang mga may-edad na; dumapo
at pumatay ito sa malulusog na tao. Ang karamihan sa mga namatay sa trangkaso Espanyola ay nasa pagitan ng 20 at 40 taóng gulang.Bukod dito, talagang pangglobong epidemya ito. Umabot pa nga ito sa mga isla sa tropiko. Nakarating ang trangkaso sa Kanluraning Samoa (kilala na ngayon bilang Samoa) noong Nobyembre 7, 1918 dala ng mga pasahero ng barko at sa loob ng dalawang buwan, mga 20 porsiyento ng populasyon na 38,302 ang namatay. Bigla at lubhang naapektuhan ang bawat pangunahing bansa sa daigdig!
Nariyan din ang dami ng naapektuhan ng salot na ito. Halimbawa, kaagad na kumalat ang sakit na ito sa Philadelphia, Pennsylvania, E.U.A. at marami ang naapektuhan. Pagsapit ng kalagitnaan ng Oktubre 1918, kulang na kulang na ang mga kabaong. “Isang tagagawa ng kabaong ang nagsabing makapagbebenta siya ng 5,000 kabaong sa loob ng dalawang oras, kung mayroon lamang sana siya nito. Kung minsan, mas marami pa nang sampung beses ang mga bangkay kaysa sa mga kabaong na nasa morge sa lunsod,” ang sabi ng istoryador na si Alfred W. Crosby.
Sa maikling panahon, mas marami pa ang namatay sa trangkaso kaysa sa anupamang sakit na tulad nito sa buong kasaysayan ng tao. Ang karaniwang tantiya sa bilang ng mga namatay mula rito sa buong daigdig ay 21 milyon, pero itinuturing na ngayon ng mga eksperto na mababa ang bilang na ito. Sinasabi ng mga eksperto sa epidemya ngayon na ang mas malamang na bilang ng mga namatay ay 50 milyon o baka 100 milyon pa nga! Ganito ang komento ni Barry, na binanggit sa itaas: “Mas maraming namatay sa trangkaso sa loob ng isang taon kaysa sa namatay sa Black Death ng Edad Medya sa loob ng isang siglo; mas maraming taong namatay dahil dito sa loob ng dalawampu’t apat na linggo kaysa sa namatay sa AIDS sa loob ng dalawampu’t apat na taon.”
Kapansin-pansin na mas maraming Amerikano ang namatay sa trangkaso Espanyola sa loob ng isang taon kaysa sa pinagsamang bilang ng namatay sa dalawang digmaang pandaigdig. Ipinaliwanag ng awtor na si Gina Kolata: “Kung ngayon dumating ang salot na tulad nito, at pumatay ng gayunding porsiyento ng populasyon sa Estados Unidos, 1.5 milyong Amerikano ang mamamatay, na mas malaki pa kaysa sa pinagsama-samang bilang ng namatay sa isang taon dahil sa sakit sa puso, kanser, istrok, malalang sakit sa palahingahan, AIDS, at Alzheimer’s.”
Sa maikli, ang trangkaso Espanyola ang pinakakapaha-pahamak na pangglobong epidemya sa buong kasaysayan ng sangkatauhan. Ano ang naitulong ng siyensiya?
Nang Walang Magawa ang Siyensiya
Sa simula ng Digmaang Pandaigdig I, waring malaki ang pagsulong ng medisina sa pagsugpo sa sakit. Kahit noong digmaan, ipinagmamalaki ng mga doktor ang kanilang tagumpay sa pagbawas sa mga epekto ng nakahahawang mga sakit. Nang panahong iyon, sinabi ng The Ladies Home Journal na hindi na kailangan sa mga bahay sa Amerika ang silid para sa burol ng patay. Iminungkahi nito na gawin nang sala mula noon ang gayong mga silid. Subalit dumating ang trangkaso Espanyola, at halos walang nagawa ang medisina.
Isinulat ni Crosby: “May bahagi ang lahat ng doktor noong 1918 sa pinakamalaking kabiguan ng medisina noong ikadalawampung siglo o, kung ang bilang ng namatay ang panukat, sa buong kasaysayan.” Upang hindi naman maibunton ang lahat ng sisi sa medisina, ganito ang sabi ni Barry: “Alam na alam ng mga siyentipiko nang panahong iyon kung gaano kalaki ang panganib, kung paano gamutin ang maraming uri ng pulmonyang dulot ng baktirya na komplikasyon ng trangkaso, at nagbigay sila ng payo hinggil sa pampublikong kalusugan na magliligtas sana sa sampu-sampung libong buhay ng mga Amerikano. Hindi pinansin ng mga pulitiko ang payo na iyon.”
Kaya ngayon, pagkalipas ng mga 85 taon, ano na ang natutuhan natin mula sa nakasisindak na pangglobong epidemyang ito? Ano ang sanhi nito? Mauulit kaya ito? Kung oo, matagumpay kaya itong masusugpo? Baka magulat ka sa ilang sagot dito.
[Talababa]
a Ang epidemya ay pagkalat ng sakit sa isang partikular na lugar—sa pamayanan, lunsod, o buong bansa. Ang pandemic ay pangglobong epidemya.
[Blurb sa pahina 6]
Ang karamihan sa mga namatay sa trangkaso Espanyola ay nasa pagitan ng 20 at 40 taóng gulang
[Larawan sa pahina 4]
Klase sa paaralan noong 1919, Canon City, Colorado, E.U.A.
[Credit Line]
Courtesy, Colorado Historical Society, 10026787
[Larawan sa pahina 4, 5]
Pulis
[Credit Line]
Photo by Topical Press Agency/Getty Images
[Larawan sa pahina 5]
Mga manlalaro ng beysbol na may pantakip sa ilong at bibig
[Credit Line]
© Underwood & Underwood/CORBIS