Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Nahihirapang mga Tagapag-alaga

Ayon sa isang pag-aaral ng Statistics Canada, “tatlo sa 10 katao sa pagitan ng 45 at 64 na taóng gulang ang nag-aasikaso ng alagain at may-edad nang kamag-anak habang nag-aalaga rin sila ng mga anak na wala pang 25 taóng gulang at marami sa kanila ay nagtatrabaho pa nang buong panahon,” ang sabi ng diyaryong National Post ng Canada. Natuklasan sa pag-aaral na sa mga taong nag-aalaga ng mga may-edad na habang nagpapalaki rin sila ng mga anak, mas maraming babae ang nagkakaroon ng depresyon kaysa sa mga lalaki. Gumugugol ang mga babaing nagtatrabaho ng mga 29 na oras bawat buwan sa pag-aalaga ng may-edad na kung ihahambing sa mga 13 oras bawat buwan na ginugugol naman ng mga lalaking nagtatrabaho. Malamang din na mas maraming gawain ang mga babae, tulad ng pagluluto at pagpapaligo sa mga may-edad na. Mahigit kalahati sa mga tinanong sa surbey ang nag-iisip na “mas magagampanan nila nang mabuti ang kanilang mga tungkulin kung makapagpapahinga sila paminsan-minsan mula sa pag-aalaga,” ang sabi ng Post.

Gaano Katagal Ka ba Dapat Umidlip?

“Natuklasan ng mga siyentipiko na ang nakaugaliang pag-idlip ay nagpapahusay sa pagtatrabaho,” ang ulat ng Sydney Morning Herald ng Australia. Gayunman, mahalaga kung gaano katagal ang pag-idlip. Pagkatapos subukin ang iba’t ibang tagal ng pag-idlip, ganito ang sabi ng eksperto sa pagtulog na si Propesor Leon Lack ng Flinders University: “Ang isang minutong pag-idlip ay waring walang anumang naidudulot na pakinabang. Ang limang minutong pag-idlip ay waring nakabubuti sa ilang tao ngunit hindi nagdudulot ng malaking pakinabang. Gayunman, ang 10 minutong pag-idlip ay waring may naidudulot na malaking pakinabang sa halos lahat ng aspektong sinubok namin.” Sa kabaligtaran, ang mga taong nakatulog nang mas matagal​—hanggang 30 minuto​—ay nagsabing nakadama sila ng pagod sa loob ng hanggang isang oras pagkatapos umidlip.

Bumaling sa Diyos ang Isang Ateista

Isang propesor ng pilosopiya sa Britanya na tinatawag na “pinakamaimpluwensiyang ateista sa buong daigdig” ang nagsasabi na ngayong naniniwala na siya sa Diyos. Sa ipinakita sa Internet na maikling bahagi ng panayam na nakaiskedyul ilathala sa babasahing Philosophia Christi, sinabi ng 81-taóng-gulang na si Dr. Antony Flew na kailangan niyang “tanggapin ang kasalukuyang ebidensiya.” Ayon kay Flew, kabilang sa ebidensiyang ito ang kamakailang mga tuklas sa siyensiya sa larangan ng cosmology at pisika. Bukod dito, “ang mga natuklasan sa mahigit na limampung taon ng pagsasaliksik sa DNA ay naglaan ng mga katibayan para sa bago at mabigat na argumento na may nagdisenyo nga,” ang paliwanag niya. Maging ang “salaysay sa Bibliya [sa Genesis kabanata 1uno] ay maaaring tumpak ayon sa siyensiya,” ang sabi niya. Kung gayon, handa na ba siyang maging aktibong Kristiyano? “Malamang na hindi,” ang sabi niya. Pero “kung gusto kong magkaroon ng anumang buhay sa hinaharap, dapat akong maging isang Saksi ni Jehova.”

Malusog na Gilagid, Malusog na Puso?

Ang regular na pagsisipilyo, na tumutulong upang maiwasan ang sakit sa gilagid, ay maaaring makabawas sa panganib na maistrok o maatake sa puso ang isa, ang ulat ng diyaryong Milenio ng Mexico City. Natuklasan ng mga mananaliksik sa University of Minnesota na ang mga taong nasumpungang may maraming baktirya na nagdudulot ng sakit sa gilagid ay mayroon ding mas makitid na carotid artery. Ang isang posibleng paliwanag ay na “ang mga mikroorganismo na nagdudulot ng sakit sa gilagid ay dumaraan sa daluyan ng dugo, na labis na nagpapaaktibo sa sistema ng imyunidad at nagdudulot ng pamamaga,” ang sabi ng diyaryo. Ang pamamaga namang ito ang nagpaparami ng mga naimbak na taba sa mga arteri o nagiging sanhi ng pamumuo ng dugo na maaaring humantong sa atake sa puso, ayon sa teoriya ng mga mananaliksik. Kung gayon, “ang pangangalaga sa ngipin at gilagid ay maaaring may malaking epekto sa kalusugan ng puso at ugat,” ang sabi ng Milenio.

Nabubura Na ang Alaala Hinggil sa Auschwitz

Mahigit isang milyon katao ang namatay sa kinatatakutang kampong bitayan sa Auschwitz sa Poland noong Digmaang Pandaigdig II. Gayunman, ayon sa The Daily Telegraph ng London, “walang kaalam-alam ang halos kalahati ng populasyon ng mga adulto [sa Inglatera] tungkol sa Auschwitz.” Ang surbey sa 4,000 katao ay ipinagawa ng British Broadcasting Corporation bilang pag-alaala sa ika-60 anibersaryo ng pagpapalaya sa kampong bitayan.

Manika Para sa Pagtuturo ng Braille

Naglabas ang Pambansang Organisasyon sa Espanya Para sa mga Bulag (ONCE) ng isang manikang tinatawag na Braillín. Yamang dinisenyo ito upang turuan ng Braille ang mga bata, ang manika ay may anim na malalaking pindutan sa harap ng katawan nito na katumbas ng anim na serye ng tuldok na ginagamit sa Braille. Maging ang mga batang babae at lalaki na wala namang kapansanan sa paningin ay maaaring matuto ng Braille kapag pinaglalaruan ang Braillín. Tatlumpung eksperto ang tumulong upang pagandahin ang kalidad at subukin ang manika, at mga 50 bata ang tumulong upang mapabuti nang husto ang disenyo nito. Pinaplano ng ONCE na mamahagi ng mahigit sa 1,100 manikang Braillín sa mga paaralan nito para sa mga bulag. Ayon kay María Costa ng Samahan sa Pagsasaliksik sa Industriya ng Laruan, “Ang Braillín ay napakahusay na gamit sa pagtuturo. Bukod dito, bagong paraan ito ng paglalaro ng mga manika, isang paraan na pinagsasama ang pag-aaral at ang katuwaan.”

Nakamamatay na Polusyon sa Hangin

“Taun-taon, nagiging sanhi ng kamatayan ng 310,000 katao ang polusyon sa hangin sa Europa,” ang ulat ng diyaryong El País sa Espanya. Lalo nang nag-aalala ang mga eksperto dahil sa dalawang bagay na nakapagpaparumi sa hangin: ozone sa mababang bahagi ng atmospera at mga partikula na nakalutang sa hangin. Lumalabas ang mga partikulang ito dahil sa pagsusunog ng fossil fuel, pangunahin na ng mga sasakyan, mga planta ng kuryente, at mga pabrika. Ang lugar na may pinakamalalang polusyon sa Europa ay yaong sakop ng Benelux, na sinusundan naman ng hilagang Italya at Silanganing Europa. Idinagdag pa ng diyaryo: “Bukod sa pagsira sa kalusugan ng tao, ang polusyon sa hangin ay sumisira sa kapaligiran. Ito ang pinagmumulan ng acidification sa mga kagubatan, lawa, at iba pang ekosistema. Pinipinsala ng ozone ang mga pananim, at sinisira ng polusyon sa hangin ang mga gusali sa lunsod.”

Bangkarote ang mga Katolikong Diyosesis

Nang papatapos na ang 2004, tatlong Katolikong diyosesis sa Estados Unidos ang nagpetisyon na ng pagkabangkarote. Napilitan ang tatlong ito na magpetisyon dahil sa gastusin sa mga iskandalo may kaugnayan sa seksuwal na pang-aabuso ng klero. Ilang diyosesis ang nag-uusap-usap hinggil sa posibilidad na magpetisyon ng pagkabangkarote, ngunit ang naunang gumawa nito ay ang Artsidiyosesis ng Portland, Oregon, noong Hulyo 2004. Naihinto ng petisyong ito ang dalawang asunto na ang hinihingi ng mga nagrereklamo ay $155 milyon sa kabuuan bilang kabayaran sa pangmomolestiya. Ayon sa National Catholic Reporter, “nagbayad na ang artsidiyosesis at ang mga [kompanya ng] seguro nito ng mahigit sa $53 milyon upang aregluhin ang mahigit sa 130 paghahabol ng mga taong nagsasabing inabuso sila ng mga pari.” Noong Setyembre 2004, ang diyosesis ng Tucson, Arizona, ang pangalawang diyosesis na nagpetisyon ng pagkabangkarote upang mabigyan ng proteksiyon laban sa mga asunto na humihingi ng milyun-milyong dolyar na kabayaran. Ang ikatlo naman ay ang diyosesis ng Spokane, Washington, noong Disyembre 2004.