Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Manguha Tayo ng Kabute!

Manguha Tayo ng Kabute!

Manguha Tayo ng Kabute!

Mula sa manunulat ng Gumising! sa Czech Republic

MARAMING beses ka na sigurong nakakain nito​—marahil ay sa pizza o ensalada, sopas, o sarsa. O baka natuwa ka sa kakatwang hitsura nito, na gustung-gusto ng maraming tagaguhit lalo na niyaong mga larawan sa mga kuwentong pambata. Pero naisip mo na ba kung ano talaga ang kabute? Ano ang nagpapasibol dito? Sinu-sino ang nangunguha ng kabute, at paano? Tingnan natin.

Karaniwan nang madaling makilala ang mga kabute. Walang dahon ang mga ito, walang bulaklak, at walang kloropil na nagbibigay ng berdeng kulay sa mga ito. Kaya madalas na kitang-kita ang mga ito sa gitna ng berdeng mga halaman. Marami ang may ulo sa dulo ng tangkay. Pero iba-iba ang hugis at kulay ng mga ito. Mayroon pa ngang mga kabute na nagliliwanag sa dilim. Ang kabute ay isang uri ng fungus. Pero maraming uri ng fungus na hindi naman talaga kabute ngunit karaniwang isinasama sa grupo ng mga ito. Halimbawa, may mga fungus na kahawig ng mga korales sa dagat. Ang ibang uri naman ay tumutubo sa mga puno at nagmumukhang maliliit na istante ng aklat.

Ano ba Ito?

Matagal na inakala ng mga siyentipiko na ang kabute ay naiiba at medyo misteryosong uri ng halaman. Sa ngayon, itinuturing na ng karamihan sa mga biyologo na mas masalimuot na uri ng amag ang mga kabute. Tinatawag nilang hiwalay na uri ng mga organismo ang mga kabute dahil sa kakaibang kayarian ng katawan, pagtubo, at paraan nito ng pagkuha ng makakain. Maraming kabute ang puwedeng kainin, at nakagagamot pa nga ang ilan. Gayunman, ang iba nito ay nagiging sanhi ng halusinasyon o nakalalason. Ang siyentipikong pangalan ng kabute ay Mycota o Mycetes. Kaya ang makasiyentipikong pag-aaral ng mga fungus na tulad ng kabute ay tinatawag na mycology.

Ang Nakagugulat na Kabute

Paano nagpaparami ang mga kabute? Matagal na naging misteryo ito sa siyensiya. Sa ngayon, alam natin na ang magugulang na kabute ay nagkakalat ng pagkaliliit na mga espora (spore), na isinasabog ng hangin. Ang mga espora na nasa lupa ay nagiging malago at sanga-sangang maninipis na sinulid na tinatawag na mycelium. Tumutubo rito ang katawan ng kabute. Ang bahaging ito ng kabute ang nakasanayan na nating makita at kunin.

Upang mabuhay, kailangan ng mga kabute ang maraming iba’t ibang uri ng organikong mga bagay. Kaya ang mga ligaw na uri nito ay kadalasang tumutubo sa mga kagubatan, hardin, at damuhan. Ang karaniwang pinagkukunan ng sustansiya ng mga kabute ay mga punungkahoy na may sakit o patay na, kaya mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga kabute sa paglilinis ng kagubatan. Sa pagkain ng mga lantang halaman, dahon, at sanga, tumutulong ang mga kabute sa paggawa ng likas na humus, anupat pinatataba ang lupa. May simbiyotikong kaugnayan ang ilang kabute sa malulusog na puno; sinisipsip ng mycelium ng kabute ang tubig at nutriyente mula sa lupa at ibinibigay ang bahagi nito sa halaman. Sinusuklian naman ito ng halaman sa pamamagitan ng paglalaan ng nutriyente sa kabute.

Kailangan din ng mga kabute ang halumigmig at init. Kaya naglilitawan ang mga ito pagkaraan ng ulan sa tag-araw. Sa magagandang kalagayan, ang ilang uri ay umaabot sa hustong laki nito sa loob lamang ng magdamag. Isang uri nito ang nangangailangan lamang ng 10 hanggang 14 na araw upang lumaki nang may diyametro na mga 50 sentimetro. Napakahaba naman ng buhay ng ilang uri. Ang mycelium na tinutubuan ng katawan ng kabute ay maaaring mabuhay nang ilang siglo. At ang mga fungus na nagiging bahagi ng mga lichen, ayon sa ilang nakalap na impormasyon, ay maaaring mabuhay nang hanggang 600 taon.

Ang isang naiibang katangian ng ilang uri ng kabute o ng mga kamag-anak nito​—tulad halimbawa ng mga truffle​—ay ang matapang na amoy nito. Kaya naaamoy ng mga aso ang mga ito sa layong anim na metro, bagaman ang buong katawan nito ay tumutubo sa ilalim ng lupa. a

Sinu-sino ang Nangunguha ng mga Kabute?

Sa pagdaan ng mga siglo, nangunguha ng mga kabute sa iba’t ibang lugar ang mga tao. Sa ngayon, sa ilang rehiyon ng Kanluraning Europa at Hilagang Amerika, ang mga nangunguha ng kabute ay halos puro propesyonal lamang na tagakuha, na nagbebenta naman ng mga ito sa mga mangangalakal. Sa kabaligtaran, ang pangunguha ng kabute ng karaniwang mga tao ay popular na tradisyon sa Gitna at Silanganing Europa. Hindi lamang mga tagalalawigan ang mahilig manguha ng mga kabute. Maraming tagalunsod ang gustong magpalipas ng kanilang dulo ng sanlinggo sa pangunguha ng kabute sa kagubatan. Ginagawa nila ito upang marelaks ang kanilang isip at katawan​—at upang madagdagan din ang kanilang suplay ng pagkain. Paano ba nangunguha ng kabute ang mga tao?

Kadalasang maagang-maaga nagsisimula ang mga nangunguha, kapag sariwa ang mga kabute. Habang dahan-dahang naglalakad sa kagubatan, naghahanap sila sa mga damuhan, lumot, o puno na tinutubuan ng mga kabute. Nakasuot sila ng casual na damit at matibay na sapatos o bota, at may kapote sa kanilang bag sa likod sakaling biglang umulan. Iniingatan ng nangunguha ng kabute ang kalikasan kung kaya iniiwasan niyang masira ang kapaligiran, anupat nag-iingat pa nga na hindi mag-ingay para hindi magambala ang mga hayop.

Hayun! Nakakita siya ng kabute. Yumuko siya at sinuri ito nang hindi hinahawakan upang malaman kung puwede itong kainin. Ang tinitingnan niyang mabuti ay ang magugulang na kabute sapagkat matitiyak lamang niya kung anong uri ng kabute ito kapag magulang na. Pagkatapos masiguro ang uri nito, marahan niyang hinawakan ito sa tangkay​—hindi kailanman sa ulo​—at binunot mula sa lupa. Kaagad niyang tinanggal ang nakadikit na lupa o dumi at ang anumang bahagi na kinain ng uod o may sira. Tinabunan niya ng lumot o lupa ang anumang inalis niya mula sa kabute. Inilagay niya sa kaniyang basket ang malinis nang mga kabute. Hindi niya inilagay ang mga kabute sa mga plastik na supot o lalagyan sapagkat magsisimula itong kumasim at masisira bago pa siya makauwi.

Maganda ring manguha ng kabute bilang grupo. Isang ministrong Kristiyano ang nagkuwento: “Lalabas muna kami sa ministeryo bilang grupo, pero pagkatapos, hindi kami kaagad naghihiwa-hiwalay para masiyahan sa pagsasamahan. Nagpupunta pa kami kung minsan sa malapit na kagubatan para sama-samang manguha ng kabute. Habang naghahanap, nagkukuwentuhan kami ng mga karanasan sa ministeryo at nagkakasayahan.”

Paghahanda ng Kabute

Maraming gamit sa pagluluto ang kabute. Masarap ang ilan at puwedeng gawing pangunahing sangkap ng ihahandang pagkain. Halimbawa, gusto ng maraming tao na iprito ang ulo ng malaking portobello na para bang steak o hiwain ang karaniwang kabute at igisa kasama ng gulay. Maaaring gawing pampalasa sa maraming iba’t ibang pagkain ang maaanghang na uri ng kabute. Kapag pinatuyo nang tama, ang kabute ay puwede ring maging pagkaing pampapayat o pampalusog. Nagugustuhan din ang ilang uri dahil sa protina, bitamina, at mineral ng mga ito.

Madaling masira ang kabute. Kaya naman, kailangang gamitin na ito sa araw na kinuha ito. Ayon sa mga eksperto, ang kabuting puwedeng kainin ngunit hindi naimbak nang tama ay maaaring makalason. Kung hindi mo gustong kainin kaagad ang kabute, maaari mong patuyuin o isterilisahin ang mga ito. Sa ganitong paraan, makakain mo ito sa buong taon. Malalaman mo pa ang higit na detalye sa pagkuha ng kabute sa mga reperensiyang aklat.

Kailangang Mag-ingat

Kung hindi mo pa nasubukang manguha ng kabute at gusto mong gawin ito, napakahalaga na maingat ka munang magsaliksik. Alamin kung anu-anong kabute na tumutubo sa inyong lugar ang nakakain at kung ano ang nakalalason. Matutong kilalanin ang mga ito. Baka gusto mo ring konsultahin ang ilang eksperto, tulad ng parmasiyutiko o mycologist. Huwag na huwag kumuha ng kabute dahil lamang maganda o mabango ito. Kung hindi ka sigurado sa uri ng isang kabute, huwag mo itong kunin! Hindi na makakain, o baka mapanganib pa ngang kainin, ang putaheng nahaluan ng kahit isang nakalalasong kabute. Kung mahilo ka o sumakit ang ulo mo pagkakain ng kabute, kumonsulta kaagad sa doktor.

Manguha ka man o hindi ng kabute, puwede mong pagmasdan lagi ang kanilang kagandahan. Sa paggawa nito, maaalala mo na hindi basta na lamang tumubo ang masasalimuot, mahalaga, at nakagugulat na mga nilikhang ito. Tulad ng iba pang kamangha-manghang nilalang sa daigdig ng kalikasan, katibayan ang mga ito na may marunong at maibiging Maylalang.​—Genesis 1:11-​13; Awit 104:24.

[Talababa]

a Mga aso at baboy na pantanging sinanay ang ginagamit upang maghanap ng mga truffle. Napakamahal ng mga truffle kung ihahambing sa karaniwang mga kabute.

[Larawan sa pahina 26]

“Morel”

[Larawan sa pahina 26]

“Shiitake”

[Larawan sa pahina 26]

“Portobello”

[Larawan sa pahina 26]

“Cremini”