Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mas Maraming Mapagpipilian, Mas Kaunting Kasiyahan?

Mas Maraming Mapagpipilian, Mas Kaunting Kasiyahan?

Mas Maraming Mapagpipilian, Mas Kaunting Kasiyahan?

ANG mga tao sa Estados Unidos ngayon ay “mas maraming mapagpipilian sa mas maraming pitak ng buhay kaysa sa anumang panahon noon,” ang sabi ng artikulo sa magasing Scientific American. Totoo ito pagdating sa mapagpipiliang mga produkto, serbisyo, trabaho, at maging sa personal na mga ugnayan. Waring makatuwirang isipin na mas masisiyahan ka sa buhay kung mas malaya kang makapipili. Gayunman, nakapagtataka na kadalasan itong humahantong sa kalungkutan. Paano?

Binabanggit ng artikulo na nakaaapekto sa kaligayahan ng isang tao ang kaniyang saloobin hinggil sa mga mapagpipilian. Halimbawa, gumugugol ang ilang tao ng maraming oras at pagsisikap upang mapili ang pinakamahusay na produkto sa pamamagitan ng maingat na pagbabasa ng mga etiketa at pagsusuri sa bagong mga produkto, at pagkatapos ay inihahambing ang nabili nila sa nabili ng iba. Ang iba namang mamimili ay kontento nang makabili ng “mabuti-buting” produkto, kahit na may iba pang mas magandang mapagpipilian. Tumitigil sa paghahanap ang gayong mga tao kapag nasumpungan na nila ang produktong nakasasapat sa kanilang pangangailangan.

Maliwanag, para sa mga taong gusto lagi ang pinakamainam, lalong humihirap ang paggawa ng desisyon habang dumarami ang mapagpipilian. Pagkatapos, kapag nakapili na sila, ang sabi ng Scientific American, “nanghihinayang naman sila sa ibang mapagpipilian na hindi nila nabigyan ng panahon na suriin.” Sa bandang huli, ang gayong mga tao ay “hindi gaanong kontento sa buhay, hindi gaanong maligaya, at hindi gaanong optimistiko at mas nakadarama ng panlulumo.” Ano ang mahihinuha natin dito? “Makatuwirang isipin na sa paanuman,” ang sabi ng artikulo, “ang napakaraming mapagpipilian ay nagiging isa sa mga sanhi ng epidemya ng kalungkutan na lumalaganap sa makabagong lipunan.”

Gayunman, sinabi ng mga awtor ng pag-aaral na maaaring bawasan ang kaigtingang nauugnay sa pagpili. Paano?

● Maaaring ipasiya natin na limitahan ang ating mapagpipilian kapag hindi naman gaanong mahalaga ang gagawin nating desisyon. Halimbawa, ugaliing pumunta sa iilang tindahan lamang kapag namímilí ng damit.

● Piliin ang bagay na makasasapat sa pangunahin mong mga pangangailangan sa halip na hanapin ang ‘pinakamahusay’ na mahirap namang masumpungan. Pagkatapos ay tigilan na ang pag-iisip hinggil dito.

● Huwag nang masyadong isipin ang waring kaakit-akit na mga katangian ng bagay na hindi mo napili. Sanayin ang iyong sarili na magtuon ng pansin sa magagandang katangian ng pinili mo.

● Matagal nang kasabihan ang “Huwag kang masyadong umasa para hindi ka mabigo.” Pero praktikal ang payong ito kung nais mong masiyahan sa buhay.

[Credit Line sa pahina 31]

Halaw sa Scientific American