Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Mga Kabataan at Cell Phone

“Nahihirapan ang mga kabataan sa Britanya na organisahin ang kanilang buhay kapag wala ang kanilang mga cell phone,” ang ulat ng Daily Telegraph ng London. Isang grupo ng mga kabataang edad 15 hanggang 24 ang hindi pinagamit ng cell phone ng mga mananaliksik sa loob ng dalawang linggo. “Isa itong pambihirang karanasan,” ang sabi ng ulat. “Napilitan ang mga kabataan na tiisin ang masasabing di-pangkaraniwang mga karanasan: gaya ng pakikipag-usap sa kanilang magulang, pagpunta sa bahay ng kanilang mga kaibigan at pakikipagkilala sa magulang ng mga ito.” Ipinaliwanag ni Propesor Michael Hulme ng Lancaster University, sa Inglatera, na ang karaniwang pakikipag-usap ng mga kabataan sa pamamagitan ng cell phone ay “isang bagay na nagbibigay sa kanila ng kasiguruhan at personal na pagkakakilanlan.” Ayon sa pahayagan, isang kabataang babae ang “hindi mapakali at nagiging maigting” kapag wala ang kaniyang cell phone, samantalang isang kabataang lalaki naman ang nakadamang napabukod siya at “kailangan [niyang] patiunang makipag-appointment sa mga kausap sa partikular na mga oras,” di-tulad ng dati na puwede niyang “makausap ang [kaniyang] mga kaibigan kailanma’t gusto [niya].”

Masyadong Nagtitipid sa Tubig ang mga Aleman?

Nagkakaproblema ang Alemanya sa sistema ng suplay ng tubig at mga imburnal nito dahil sa sobrang pagtitipid ng tubig, ayon sa ulat ng Frankfurter Allgemeine Sonntagszeitung. Inaasahan noon na lalakas ang konsumo sa tubig, kaya naman gumawa ng mga linya ng suplay ng tubig at sistema ng imburnal. Kasabay nito, pinasigla ang pagtitipid ng tubig yamang mahalagang tulong ito upang mapangalagaan ang kapaligiran at likas-yaman, at bunga nito, bumaba ang konsumo sa tubig. Ang problema ngayon ay “naiimbak sa mga tubo sa maraming lugar ang ating tubig na maiinom,” ang sabi ni Ulrich Oemichen ng German Gas and Water Boards Association. “Kinakalawang ang mga tubo kapag matagal na naiimbak dito ang tubig, at sumasama sa tubig ang mga metal.” Isa pa, kapag hindi sapat ang tubig sa mga imburnal, naiipon ang solidong mga bagay roon at nagsisimulang mabulok ang mga ito. Ang tanging solusyon ay linisin ang mga linya ng suplay ng tubig at mga imburnal gamit ang tubig na maiinom na hindi sana dapat masayang.

Cesarean at mga Alerdyi

“May mga panganib na maaaring lumitaw sa hinaharap dulot ng panganganak nang Caesarean na hindi pa namin naisasaalang-alang,” ang sabi ni Sibylle Koletzko ng Ludwig Maximilian University sa Munich, Alemanya. “Hindi ko [ito] irerekomenda kung hindi rin lang kinakailangan.” Sinasabi ng mga mananaliksik na ang panganganak nang Caesarean ay maaaring isang dahilan ng pagtaas ng bilang ng mga batang may hika at may mga alerdyi. Nasumpungan sa isang pag-aaral sa 865 sanggol na pinasuso ng kani-kanilang ina sa loob ng unang apat na buwan, na ang mga sanggol na ipinanganak nang Cesarean ay mas maraming problema sa panunaw at mas malamang na magkaroon ng mga alerdyi sa pagkain. Ayon sa New Scientist, “isang dahilan marahil ang hindi pagkakaroon ng pagkakataon ng mga sanggol na ipinanganak nang Caesarean na makalunok ng kapaki-pakinabang na baktirya mula sa [normal na] panganganak; ang mga baktirya sa bituka ay pangunahin nang nakatutulong sa sistema ng imyunidad.”

“Pinakamagandang Dekorasyon sa Bahay”?

“Ang mga turista at negosyante mula sa Kanluran na ilegal na bumibili ng mga balat ng tigre sa Tsina ay responsable sa pagpatay sa isa sa pinakananganganib malipol na uri ng hayop sa daigdig,” ang sabi ng The Sunday Telegraph ng London. Ang populasyon ng maiilap na tigre ay umunti mula sa mga 100,000 isang siglo ang nakalilipas tungo sa wala pang 5,000 sa kasalukuyan. Ang karamihan ay nabubuhay sa India, at mayroon ding ilan sa mga bansa sa Timog Asia gayundin sa Malayong Silangan. Ang Environmental Investigation Agency, isang institusyong pangkawanggawa sa London, ay nag-ulat na itinuturing ng mga mamimili ang balat “bilang pinakamagandang dekorasyon sa bahay, ngunit isinasapanganib naman nilang malipol nang tuluyan ang mga tigre. . . . Lubhang nanganganib malipol ang mga hayop na ito anupat kailangang-kailangan ang bawat isa[ng tigre] para sa ikaliligtas ng kanilang uri.” Mula 1994 hanggang 2003, may nakumpiskang 684 na balat ng tigre, ngunit ang bilang na iyan ay hinihinalang maliit na porsiyento lamang ng mga naipuslit.

Identification Chip na Naipapasok sa Katawan

“Inaprubahan ng Food and Drug Administration sa Estados Unidos ang pagpapasok ng identification microchip sa katawan” upang makuha ang impormasyong kailangan sa paggamot sa isang pasyente, ang ulat ng Journal of the American Medical Association (JAMA). Inirerekomenda ng mga gumagawa nito na ipasok ang chip, na kasinliit ng butil ng bigas, sa ilalim ng balat ng pasyente sa may braso. Kapag tinapatan ng scanner ang bahaging nilagyan ng chip, mababasa ng mga tauhan sa panggagamot ang identification number nito. Sa pamamagitan ng koneksiyon sa Internet na may seguridad, gagamitin ang numerong ito upang makuha ang impormasyong nakaimbak sa isang database. Ang bagong teknolohiyang ito ay “makatutulong upang mabilis na makuha ang napakahahalagang impormasyong kinakailangan para magamot ang mga pasyenteng walang malay o hindi makapagsalita,” ang sabi ng JAMA, at “maaari rin [itong] gamitin para sa seguridad, sa pinansiyal na transaksiyon, at bilang personal na pagkakakilanlan.”

Pagsasama Nang Di-kasal

“Nagiging katanggap-tanggap na sa mga taga-Canada ang pakikipag-live-in muna bago magpakasal,” ang ulat ng pahayagang Vancouver Sun. Sinabi ni Alan Mirabelli, ehekutibong direktor ng Vanier Institute of the Family sa Ottawa: “Ang henerasyong ito ng mga taga-Canada na edad 35 pababa ang may pinakamaraming bilang ng nagdidiborsiyo at naghihiwalay na mga magulang kailanman. Kaya naman ayaw nilang magpadalus-dalos sa pagpapakasal.” Natuklasan sa isang pambansang surbey sa halos 2,100 taga-Canada na edad 18 hanggang 34 na “22 porsiyento . . . ang nagsasama nang di-kasal, at 27 porsiyento ang kasal. Nasumpungan sa isang nakalipas na pag-aaral ng Vanier Institute na noong 1975, 61 porsiyento ang nagsasama nang kasal at isang porsiyento lamang ang nagsasama nang di-kasal.”

Ang Taon na May Pinakamasamang Lagay ng Panahon

“Ang taóng 2004, na hindi malilimutan dahil sa pananalanta ng apat na malalakas at mapangwasak na mga bagyo sa Caribbean at sa Asia, ang ikaapat sa 10 naitalang mga taon na may pinakamainit na lagay ng panahon mula noong 1990,” ayon sa ulat ng Associated Press. Ang taóng 2004 din ang may pinakamalaking halaga ng pinsala dahil sa lagay ng panahon. Sa Estados Unidos at Caribbean pa lamang, tinatayang mahigit sa $43 bilyon ang kabuuang halaga ng pinsalang dulot ng bagyo. Habang sinasalanta ng bagyo at mainit na lagay ng panahon ang ilang lugar, napakatindi naman ng taglamig sa ibang lugar. Halimbawa, ang Timugang Argentina, gayundin ang Chile at Peru, ay dumanas ng matinding taglamig at pag-ulan ng niyebe noong Hunyo at Hulyo. Ayon sa report, “sinasabi ng mga siyentipiko na malamang na manatiling di-normal ang klima sa buong globo dahil sa patuloy na pagtaas ng temperatura.”