Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Doktor Nabasa ko kamakailan ang seryeng “Unawain ang Iyong Doktor.” (Enero 22, 2005) Salamat sa inyong malinaw na paglalarawan hinggil sa nadarama ng mga doktor. Isa akong nars, at nasasaksihan ko mismo ang hindi pagkakaunawaan ng mga tauhan sa panggagamot at ng mga pasyente. Umaasa ako na makatutulong ang seryeng ito sa marami upang higit na maunawaan ang mga tauhan sa panggagamot at mapahalagahan ang kanilang ginagawa.
L. K., Russia
Isang doktor ang nagsabi sa akin na sabik na sabik niyang binasa ang magasin. Pinapurihan niya ang pananaliksik at lubusan siyang sumang-ayon sa tinalakay sa serye. Salamat sa napakahusay na mga artikulong ito.
H. Z., Alemanya
Sarili ko lang ang iniisip ko nang maospital ako. Pero tinulungan ako ng magasing ito na unawain ang kaigtingang nadarama ng mga doktor. Mula ngayon, kapag magpapagamot ako, susundin ko ang payo sa kahon na “Pakikipagtulungan sa Iyong Doktor,” sa halip na basta magsabi ng mga palagay ko tungkol sa aking sakit. Nais kong maging isang higit na maunawaing pasyente.
J. M., Hapon
Isa akong Kristiyanong elder at doktor. Sa dami ng pasyenteng nagpapatingin sa akin sa isang araw, talagang dumaranas ako ng pagkapagod dahil sa habag. Nakatulong sa akin ang pagiging isang Saksi ni Jehova upang maging timbang ako sa aking propesyon. Sinisikap kong maging organisado sa aking trabaho upang mabigyan ko ng sapat na panahon ang aking asawa at mga anak at ang aking Kristiyanong mga pananagutan. Tinulungan ako ng magasing Gumising! na maging timbang at manatiling nakapokus sa kung ano talaga ang mahalaga.
P. R., Estados Unidos
Hindi ako sumasang-ayon sa sinabi ninyo na “gumagawa ng walang-basehang paghahabol ang ilang abogado para magpayaman.” Karaniwan nang walang natatanggap ang mga abogado hangga’t walang desisyon ang korte o walang napagkasunduan ang magkabilang panig. Upang maipanalo ang isang kaso, dapat nilang mapatunayan na mayroong ginawang paglabag sa pamantayan ng pangangalaga. Yamang mahigit 30 taon na akong humahawak ng mga kaso laban sa kapabayaan o maling panggagamot ng mga doktor, masasabi ko na mas marami nang kaso na inilapit sa akin ang tinanggihan ko kaysa sa aking tinanggap.
J. M., Estados Unidos
Sagot ng “Gumising!”: Binanggit namin na “gumagawa ng walang-basehang paghahabol ang ilang abogado” hindi upang komentuhan kung gaano kalaganap ang gayong mga paghahabol. Nais naming sabihin na ang dumadalas na pagdedemanda dahil sa kapabayaan o maling panggagamot ay nagdudulot ng tunay na pagkabahala sa maraming doktor. Tiyak na nangyayari ang gayong walang-basehang mga demanda. Gayunpaman, totoo rin ang mga komento ng mambabasa. May itinatakdang limitasyon ang sistema ng batas anupat maaaring maging imposible—kung hindi man labag sa etika—na gumawa ng gayong walang-basehang paghahabol.
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong Ako po ay 11 taóng gulang. Talaga pong nagustuhan ko ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ano ang Dapat Kong Gawin Kung Ipagtapat sa Akin ng Iba ang Kanilang mga Problema?” (Enero 22, 2005) May isang kabataang babae sa aming paaralan na dumanas ng masaklap na karanasan sa buhay, at ikinuwento niya sa akin ang lahat ng tungkol doon. At ang mas masaklap pa, kamamatay lamang ng kaniyang lolo noong nakaraang linggo. Marami po akong magagamit mula sa artikulong ito para aliwin siya. Lubhang nakaaaliw sa akin na malaman na talagang nauunawaan ni Jehova kung ano ang pinagdaraanan ng mga kabataan.
A. H., Estados Unidos
Ako po ay 14 na taóng gulang, at marami akong kaibigan na humihingi sa akin ng payo. Kung minsan, masyadong mabigat para sa akin ang problemang inilalapit nila. Ipinaliliwanag ko sa kanila sa mabait na paraan kung bakit hindi ko sila matutulungan, at paminsan-minsan, binibigyan ko sila ng impormasyong salig sa Bibliya. Nagtatanong na sa akin ngayon ang mga kaibigan ko tungkol sa aking relihiyon. Naudyukan ako nito na gawing paksa ng talumpating iniatas sa akin ang “Sino ba Talaga ang mga Saksi ni Jehova, at Ano ang Pinaniniwalaan Nila?”
B. D., Canada