Ang Kapangyarihan ng Diyaryo
Ang Kapangyarihan ng Diyaryo
Nang wakasan ng Digmaang Pandaigdig I ang monarkiya sa Alemanya, namahala ang sosyalistiko-demokratikong gobyerno sa Berlin. Pagkatapos, tinangkang ibagsak ng mga Komunista ang bagong pamahalaang ito. Inisip kapuwa ng mga Komunista at ng pamahalaan na ang pagkontrol sa pamahayagan ay mangangahulugan ng pagkontrol hindi lamang sa opinyon ng publiko kundi sa mga tao mismo. Sa gayong paraan nagsimula ang matinding labanan para makontrol ang pamahayagan.
NITONG nakalipas na mga siglo, ang mga diyaryo ay humubog sa kultura, nakaimpluwensiya sa pulitika, gumanap ng mahalagang papel sa negosyo, at nakaapekto sa araw-araw na pamumuhay ng milyun-milyong tao. Ano ang papel ng diyaryo sa iyong buhay?
Maliwanag na noong 1605, sa Alemanya lumabas ang unang diyaryo sa Europa. Sa ilang lugar sa ngayon, mga 3 sa 4 katao na mahigit 14 anyos ang nagbabasa ng diyaryo araw-araw. Bagaman sa ilang papaunlad na mga bansa ay wala pang 20 kopya ang pang-araw-araw na diyaryo sa bawat 1,000 residente, ang Norway ay may mahigit na 600 pahayagan. Sa buong daigdig, mga 38,000 diyaryo ang inilalathala.
Sa lahat ng dako, ipinaaalam ng mga diyaryo sa publiko ang mahahalagang pangyayari. Ngunit hindi lamang iyan ang nagagawa nito. Nagbibigay ang mga diyaryo ng impormasyon na pinagbabatayan ng opinyon ng maraming mambabasa. Ayon kay Dieter Offenhäusser ng Komisyon ng Alemanya para sa UNESCO, “ang ating pagbabasa ng diyaryo araw-araw” ay nakaaapekto sa “ating saloobin, ating ikinikilos, at maging sa ating saligang moral na mga simulain.”
Sinasabi ng mga istoryador na pinasiklab, sinuportahan, at ipinagmatuwid ng mga diyaryo ang mga digmaan. Binanggit nila ang Digmaan ng Pransiya at Prussia noong 1870-71, Digmaan ng Espanya at Amerika noong 1898, at ang Digmaan sa Vietnam noong 1955-75. Maraming negosyante, siyentipiko, bituin sa musika at pelikula, at pulitiko ang bumagsak dahil sa iskandalong inilathala sa mga diyaryo. Sa tanyag na iskandalo sa Watergate noong kalagitnaan ng dekada ng 1970, ang investigative journalism ang naging mitsa ng sunud-sunod na mga pangyayari na nagtulak sa presidente ng Estados Unidos na si Richard M. Nixon upang magbitiw sa tungkulin. Oo, mabuti man o masama ang impluwensiya nito, walang-alinlangang malakas ang kapangyarihan ng pamahayagan.
Pero paano nagsimula ang impluwensiyang ito? Gaano kaya katotoo ang nababasa natin sa diyaryo? Anu-anong pag-iingat ang tutulong sa atin upang makinabang sa mga ito?
[Larawan sa pahina 3]
Labanan para makontrol ang diyaryo sa Berlin pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I