Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Rehabilitasyon sa mga Bilangguan ng Mexico

Rehabilitasyon sa mga Bilangguan ng Mexico

Rehabilitasyon sa mga Bilangguan ng Mexico

Mula sa manunulat ng Gumising! sa Mexico

REHABILITASYON kung minsan ang ibinibigay na dahilan kung bakit ibinibilanggo ang mga kriminal. Gayunman, ang basta pagpasok sa piitan ay hindi nakapagpapabago sa isang bilanggo. Ang pangganyak na magbago ay dapat na magmula sa isip at puso ng isang tao, na susundan ng taimtim na pagsisisi sa mga nagawang pagkakamali at ng pagnanais na baguhin ang paggawi. Sa maraming bilangguan sa buong mundo, matagumpay ang rehabilitasyong nagaganap sa pamamagitan ng pagtuturo sa Bibliya na ginagawa ng mga Saksi ni Jehova. Tingnan natin ang kanilang programa sa Mexico.

Dinadalaw ng mga Saksi ni Jehova ang 150 bilangguan sa Mexico, at naglalaan sila ng programa ng pagbabasa sa Bibliya at pagtuturo ng moralidad at ng doktrina ng Bibliya. Halimbawa, sa bilangguan sa Ciudad Juárez, Chihuahua, regular na nangangaral ang mga ministrong Saksi ni Jehova sa humigit-kumulang 1,200 bilanggo. Malaki ang paggalang ng mga bilanggo sa mga Saksi at ipinagsasanggalang pa nga nila sila mula sa mapanganib na mga kalagayan. Nang minsang magkagulo sa loob ng bilangguang ito, inawat ng ilan sa pinakamatatapang na bilanggo ang mga nagkakagulo upang makaalis nang ligtas ang mga Saksi.

Ang Mayo 8, 2001, isyu ng Gumising! na may seryeng itinampok sa pabalat na “Mababago Pa Kaya ang mga Bilanggo?” ay tumawag sa pansin kapuwa ng mga bilanggo at opisyal sa piitan. Sa bilangguan sa San Luis Río Colorado, Sonora, 12 Saksi ang nakapamahagi ng 2,149 na kopya ng magasing ito.

Kapag may nasumpungang taimtim na interes sa Bibliya, linggu-linggong bumabalik ang mga Saksi ni Jehova upang magturo ng Bibliya sa mga klase at magdaos ng relihiyosong mga serbisyo. Gaano kabisa ang programang ito ng pagtuturo sa Bibliya na baguhin ang buhay ng mga bilanggo?

Mga Bilanggo na Nagiging mga Ministrong Kristiyano

Kriminal na si Jorge bago pa siya tumuntong ng edad 20. Pagkatapos niyang mabilanggo nang 13 taon sa piitan sa Islas Marías, pinalaya siya. Gayunman, di-nagtagal ay bumalik siya sa pagbebenta ng ilegal na droga. Bilang bayarang mamamatay-tao, natuto siyang sumunod sa utos na pumaslang at nang maglaon, nakapatay siya ng 32 katao. Nang muli siyang mabilanggo, sinabi sa kaniya ng mga abogado niya na ang mga lider ng sindikato na dating umuupa sa kaniya ay handang magbayad ng malaking halaga para palayain siya. Nais nilang palayain siya upang maipapatay nila ang isa pang tao. Ngunit sa panahong ito ay nakikipag-aral na si Jorge ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Sumulong na siya sa espirituwal, nabautismuhan, at naging isang buong-panahong mangangaral, o ministrong payunir, sa bilangguan. Tatanggapin kaya niya ang kalayaan at magtatrabahong muli para sa mga drug lord o mananatili kaya siya sa bilangguan at paglilingkuran si Jehova? “Mas gusto kong manatili sa bilangguan at pagbayaran ang masasamang bagay na ginawa ko,” ang sagot ni Jorge. “Naglilingkod na ako ngayon sa Diyos na Jehova, ang Soberanong Panginoon.” Nanatiling tapat si Jorge sa Diyos at namatay siya na may pag-asang mabuhay muli. Ganito ang sabi ng kaniyang mga kasamang nag-aaral ng Bibliya tungkol sa kaniya, “ ‘Alam niya ang katotohanan at pinalaya siya ng katotohanan.’ ”​—Juan 8:32.

Si David, na nasentensiyahan ng 110 taon dahil sa pagpatay, pangingidnap, at pagnanakaw, ay nakakulong sa yunit para sa mapanganib na mga kriminal kung saan napakahigpit ng seguridad. Gayunman, dahil sa napakalalaking pagbabago sa kaniyang paggawi simula nang makipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, binigyan siya ng espesyal na pahintulot na dumalo sa pulong sa labas ng kaniyang yunit kasama ang isang guwardiya. Nabago ang kaniyang buhay ayon sa mga kahilingan ng Bibliya, anupat nakikibahagi na siya ngayon sa gawaing pangangaral at nagdaraos ng walong pag-aaral sa Bibliya sa iba pang bilanggo sa kaniyang yunit. Napahanga maging ang sarili niyang pamilya sa mga pagbabagong ginawa niya anupat nagpupunta sila sa kaniya upang magpaturo ng Bibliya. Sinabi ni David, “Hindi ako nagsasawang pasalamatan si Jehova sa pagbibigay sa akin ng espirituwal na kalayaan.”

Bilang resulta ng programa ng pagtuturo sa Bibliya na ginagawa ng mga Saksi ni Jehova, ang 175 nagbagong mga bilanggo sa 79 na bilangguan sa Mexico ay naaprubahang makibahagi sa gawaing pangangaral, at 80 sa kanila ay nabautismuhan. Nagdaraos sila ng kabuuang bilang na 703 pag-aaral sa Bibliya sa iba pang bilanggo. Bukod dito, mga 900 bilanggo ang dumadalo sa mga pulong Kristiyano na idinaraos sa mga piitan.

Papuri Mula sa mga Opisyal

Kinikilala ng mga opisyal sa bilangguan ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Halimbawa, binigyan ng mga opisyal sa bilangguan sa Tekax, Yucatán ang mga Saksi ng isang sertipiko na kumikilala sa kanilang “mahalaga, mapagsakripisyo at mapagkawanggawang pagsuporta” sa mga bilanggo noong taóng 2002.

Nang simulan ng mga Saksi ang programa ng pagtuturo sa Bibliya sa bilangguang ito, mahigpit na minamanmanan ng maraming guwardiya ang mga pulong nila bilang grupo. Ngunit sa paglipas ng panahon, nang magbago ang personalidad ng mga bilanggo, iginalang ng mga guwardiya ang grupo, at isa na lamang ang naatasang magbantay sa kanila.

May sariling Kingdom Hall ang bilangguan sa Ciudad Juárez. Nagbigay ng pahintulot na magpasok ng mga materyales para sa pagtatayo upang gawing dako ng pagsamba ang isang inabandonang lugar na may metal na istraktura. Ang 13 bautisadong bilanggo at ang kanilang mga inaaralan sa Bibliya lamang ang nagtulung-tulong sa pagtatayo. Ang bulwagan ay may sound system, palikuran, at mga upuan para sa 100 katao na tulad sa sinehan. Mga 50 katao ang regular na dumadalo sa limang lingguhang pagpupulong.

Oo, posible ang rehabilitasyon sa pamamagitan ng pagtuturo sa Bibliya. Kung paanong nagsisi at nanalangin upang humingi ng kapatawaran ang tauhan sa Bibliya na si Manases​—Judeanong hari na nakagawa ng malaking kasamaan at naging bilanggo sa Babilonya​—ang mga bilanggo sa ngayon ay maaari ring magbago ng kanilang personalidad at maging mga indibiduwal na may takot sa Diyos.​—2 Cronica 33:12, 13.

[Larawan sa pahina 20, 21]

Pagbabautismo sa loob ng bilangguan

[Larawan sa pahina 20, 21]

Buong-panahong mga ministro at ang kanilang mga guro sa Pioneer Service School sa loob ng bilangguan