Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pag-abuso sa Alak at ang Kalusugan

Pag-abuso sa Alak at ang Kalusugan

Pag-abuso sa Alak at ang Kalusugan

“Santé!” “Salute!” “Za vashe zdorovye!” “Chuc suc khoe!” Maging sa Pransiya, Italya, Russia, o Vietnam, iisa ang pagbati na maririnig bago mag-inuman ang magkakaibigan: “Mabuting kalusugan!” Gayunman, sa kabaligtaran, milyun-milyon katao sa buong daigdig ang namamatay dahil sa pag-inom.

ANG pag-abuso sa alak ay isang masalimuot na problema, kabilang na rito ang mapanganib na pag-inom, nakapipinsalang pag-inom, at pagkasugapa. Ang mapanganib na pag-inom, gaya ng pakahulugan dito ng World Health Organization, ay “regular na pag-inom ng alak na maaaring magdulot ng pinsala,” sa katawan, isip, o lipunan. Kasali rito ang pag-inom nang higit sa limitasyong inirerekomenda ng mga awtoridad sa kalusugan o isinasaad ng batas. Ang nakapipinsalang pag-inom ay nagsasangkot ng pag-inom na nagdudulot na ng pinsala sa katawan o isip pero hindi pa humahantong sa pagkasugapa. Ang pagkasugapa ay inilalarawan bilang “kawalan ng kakayahan na magpigil sa pag-inom.” Ang isang taong sugapa sa alak ay may matinding pagkauhaw rito, umiinom pa rin sa kabila ng mga problemang idinudulot nito, at nakararanas ng di-kaayaayang mga sintomas kapag hindi nakainom.

Anuman ang edad mo, kasarian, o lahi, hindi ka ligtas sa ibinubunga ng mapanganib na pag-inom. Ano ba talaga ang epekto ng alak sa katawan? Ano ang mga panganib sa kalusugan ng labis na pag-inom? At ano ang karaniwang maituturing na ligtas na antas ng pag-inom?

Mapanganib sa Isip

Ang ethanol, ang sangkap na masusumpungan sa karamihan ng alkoholikong inumin, ay isang neurotoxin​—samakatuwid nga, isang substansiyang maaaring makapinsala o makasira sa sistema ng nerbiyo. Sa katunayan, ang isang lasing ay dumaranas ng isang uri ng pagkalason. Kapag napasobra, ang ethanol ay nagiging sanhi ng koma at kamatayan. Halimbawa, maraming estudyante sa Hapon ang namamatay taun-taon sa ikkinomi, o mabilis at tuluy-tuloy na paglagok ng alak. Kayang ikumberte ng katawan ang ethanol upang maging di-nakapipinsalang mga substansiya, subalit hindi ito kaagad nagagawa ng katawan. Kapag mas mabilis na iinumin ang alkohol kaysa sa kayang tanggapin ng katawan, maiipon ang ethanol sa sistema at magkakaroon ng masamang epekto sa paggana ng utak. Paano?

Ang pagsasalita, paningin, koordinasyon, isip, at paggawi ay pawang nauugnay sa napakasalimuot na serye ng mga kemikal na reaksiyon sa mga neuron, o pangunahing mga selula, ng utak. Binabago ng ethanol ang mga reaksiyong iyon, anupat sinusupil o labis na pinalalakas ang ilang neurotransmitter​—mga kemikal na naghahatid ng mga signal sa pagitan ng mga neuron. Sa gayon, ang daloy ng impormasyon sa utak ay nababago, anupat hindi gumagana nang normal ang utak. Kaya kapag labis ang nainom ng isang tao, lumalabo ang kaniyang pagsasalita at paningin, bumabagal ang kaniyang kilos, at humihina ang kaniyang pagpipigil sa sarili​—pawang karaniwang mga sintomas ng pagkalango.

Kapag matagal na nahantad sa alak, nababago ang kemistri ng utak upang labanan ang nakalalasong epekto ng ethanol at mapanatiling normal ang paggana ng nerbiyo. Humahantong ito sa tolerance, na nangangahulugang hindi na siya gaanong tinatablan ng alak na gaya ng dati. Pagkasugapa ang nagiging bunga kapag nasanay na nang husto ang utak sa alak anupat hindi na ito wastong gumagana kapag walang alak. Hinahanap-hanap na ng katawan ang alak upang mapanatili ang kemikal na pagkatimbang. Kapag hindi nakainom ang isang tao, ganap na nababago ang kemistri ng kaniyang utak at dumaranas siya ng mga sintomas na sanhi ng paghinto sa pag-inom, gaya ng pagkabalisa, panginginig, o pangingisay pa nga.

Hindi lamang binabago ng pag-abuso sa alak ang kemistri ng utak kundi humahantong din ito sa pagliit at pagkasira ng selula, anupat nababago ang mismong kayarian ng utak. Bagaman posible ang bahagyang paggaling kung ititigil ang pag-inom, waring wala nang lunas ang ilang pinsalang ito, anupat lalo pang naaapektuhan ang memorya at iba pang kakayahan ng utak sa pagkontrol ng mga kalamnan. Ang pinsala sa utak ay hindi lamang resulta ng matagal na pagkahantad sa alak. Waring ipinakikita ng pananaliksik na maaaring makapinsala maging ang pag-abuso sa alak sa maikling panahon.

Sakit sa Atay at Kanser

May mahalagang papel ang atay sa metabolismo ng pagkain, paglaban sa impeksiyon, pagkontrol sa daloy ng dugo, at pag-aalis ng nakalalasong mga substansiya, pati na ang alkohol, sa katawan. Ang matagal na pagkahantad sa alkohol ay pumipinsala sa atay sa tatlong yugto. Sa unang yugto, ang pagkumberte sa ethanol ay nagpapabagal sa pagtunaw ng taba, anupat naiipon ito sa atay. Steatohepatitis ang tawag dito. Paglipas ng panahon, hahantong ito sa malalang pamamaga ng atay, o hepatitis. Bagaman maaaring maging tuwirang sanhi ng hepatitis ang alak, lumilitaw na pinahihina rin nito ang panlaban ng katawan sa mga virus ng hepatitis B at hepatitis C. a Kapag napabayaan, puputok at mamamatay ang mga selula dahil sa pamamaga. Lumalala pa ang pinsalang ito dahil waring pinagagana ng alkohol ang likas na sistema ng kusang pagkamatay ng selula na tinatawag na apoptosis.

Ang huling yugto ay ang cirrhosis. Ang lumalala at patuloy na pamamaga ng atay at pagkasira ng selula ay nagdudulot ng permanenteng pinsala. Sa kalaunan, napupuno ng bukol ang atay, sa halip na manatiling malambot na gaya ng espongha. Sa dakong huli, hindi na dadaloy nang normal ang dugo dahil sa mga pilat sa himaymay ng atay, anupat humahantong sa pagkasira ng atay at kamatayan.

May isa pang masama at di-halatang epekto ang alkohol sa atay​—humihina ang kakayahan ng atay na gampanan ang papel nito sa pagdepensa at paglaban sa epekto ng mga substansiyang nagdudulot ng kanser. Hindi lamang nito pinabibilis ang pagdebelop ng kanser sa atay kundi pinalalaki rin nito ang panganib na ang isa ay magkaroon ng kanser sa bibig, lalaugan, babagtingan, at esopago. Bukod diyan, dahil sa alkohol ay mas madaling napapasok ng mga substansiyang nagiging sanhi ng kanser ang mga mucous membrane sa bibig, anupat pinalalaki ang panganib sa mga naninigarilyo. Mas nanganganib na magkakanser sa suso ang mga babaing umiinom araw-araw. Ayon sa isang pag-aaral, 69 na porsiyentong mas malaki ang panganib na magkakanser sa suso ang mga umiinom nang tatlo o higit pang tagay ng inuming de-alkohol bawat araw kaysa sa mga hindi umiinom.

Nalasong mga Sanggol

Mas kalunus-lunos ang epekto ng pag-abuso sa alak sa di-pa-naisisilang na sanggol. “Di-hamak na mas nakapipinsala ang alkohol sa nabubuong fetus kaysa sa anumang iba pang drogang inaabuso,” ang ulat ng International Herald Tribune. Kapag umiinom ang isang babaing nagdadalang-tao, umiinom din ang kaniyang nabubuong sanggol, at mas mapaminsala ang nakalalasong epekto ng alkohol sa yugtong ito na nabubuo pa lamang ang fetus. Nagdudulot ang alkohol ng permanenteng pinsala sa sentral na sistema ng nerbiyo nito. Hindi wastong nabubuo ang mga neuron. Namamatay ang mga selula. Ang iba pang selula ay nabubuo sa maling bahagi ng katawan.

Ang resulta nito na fetal alcohol syndrome (FAS) ang pinakapangunahing sanhi ng mabagal na pag-unlad ng isip ng mga bagong silang. Kasali sa mga problemang napapaharap sa mga batang may FAS ang paghina ng isip, suliranin sa wika, mabagal na pagkilos at pag-iisip, di-normal na paggawi, mabagal na paglaki, pagiging labis na malikot, at mga karamdaman sa pandinig at paningin. Maraming sanggol na may FAS ang ipinanganganak din na may karaniwang mga depekto sa mukha.

Bukod diyan, ang mga bata na ang mga ina ay uminom ng kahit katamtamang dami ng alak sa panahon ng pagdadalang-tao ay maaaring magkaroon ng ilang kapansanan, kasali na ang problema sa paggawi at kahirapang matuto. “Hindi mo kailangang maging alkoholiko upang saktan ang iyong sanggol,” ang sabi ni Propesora Ann Streissguth, ng fetal alcohol and drug unit ng University of Washington, “ang kailangan lamang ay uminom ka nang katamtaman habang nagdadalang-tao ka.” Ganito ang isinasaad sa report ng French National Institute of Health and Medical Research Alcool​—Effets sur la santé: “Ang pag-inom ay nakapipinsala sa buong yugto ng pagdadalang-tao, at wala pang naitatakdang dami ng alak na maaaring inumin nang walang panganib.” Kaya nga, ang maaaring pinakamatalinong gawin ng mga babaing nagdadalang-tao o nagpaplanong magdalang-tao ay huwag nang uminom ng anumang alak. b

Ligtas na Pag-inom

Hindi pa nabanggit sa itaas ang lahat ng mga panganib sa kalusugan. Noong 2004, sinabi sa artikulo ng magasing Nature na “maging ang kaunting alak ay nagpapalaki sa panganib na mapinsala ang isa at sa posibilidad na magkaroon siya ng mga 60 sakit.” Kung gayon, ano ang masasabing ligtas na pag-inom? Sa ngayon, milyun-milyon katao sa buong daigdig ang ligtas na nasisiyahang uminom paminsan-minsan. Ang susi sa mabuting kalusugan ay ang pagiging katamtaman. Subalit gaano ba karami ang katamtaman? Maaaring ituring ng karamihan ng mga tao na katamtaman naman silang uminom, marahil ay nangangatuwiran na hangga’t hindi sila nalalasing o sugapa sa alak, wala silang problema. Gayunman, sa Europa, 1 sa bawat 4 na lalaki ang umiinom sa antas na maituturing na mapanganib.

Ayon sa katuturang ibinibigay ng iba’t ibang reperensiya, ang katamtamang pag-inom ay ang pagkonsumo ng 20 gramo ng purong alkohol bawat araw, o dalawang tagay para sa kalalakihan, at 10 gramo naman, o isang tagay, para sa kababaihan. Iminumungkahi ng mga awtoridad sa kalusugan sa Pransiya at Britanya ang “makatuwirang hangganan” na tatlong tagay bawat araw para sa kalalakihan at dalawa naman para sa kababaihan. Inirerekomenda pa ng National Institute on Alcohol Abuse and Alcoholism ng Estados Unidos sa “mga taong 65 anyos at higit pa na limitahan ang kanilang pag-inom sa isang tagay bawat araw.” c Gayunman, iba-iba ang reaksiyon ng ating katawan sa alkohol. Sa ilang kalagayan, maging ang mababang limitasyong ito ay maaaring napakataas na sa iba. Halimbawa, “makasasamâ ang katamtamang dami ng alak sa mga taong may mood at anxiety disorder,” ang sabi ng 10th Special Report to the U.S. Congress on Alcohol and Health. Ang edad, personal na rekord ng kalusugan, at laki ng pangangatawan ay mga salik na kailangang isaalang-alang.​—Tingnan ang kahong “Pagbawas sa Panganib.”

Anong tulong ang makukuha ng mga taong umaabuso sa alak? Sasagutin ng susunod na artikulo ang tanong na ito.

[Mga talababa]

a Ayon sa isang pag-aaral sa Pransiya, doble ang panganib na magkaroon ng cirrhosis ang mga pasyenteng may hepatitis C virus (HCV) na malakas uminom kaysa sa mga pasyenteng may HCV na katamtamang uminom. Inirerekomenda na ang mga taong positibo sa HCV ay uminom lamang ng kaunting alak o lubusang umiwas dito.

b Dapat malaman ng mga babaing nagpapasuso na matapos silang uminom, naiipon ang alkohol sa kanilang gatas. Sa katunayan, madalas na mas marami ang alkohol sa gatas ng ina kaysa yaong nasa dugo, yamang mas maraming tubig sa gatas na sisipsip sa alkohol kaysa sa tubig na nasa dugo.

c Yamang ang terminong isang “tagay” ay hindi pare-pareho sa iba’t ibang lugar, ang dami ng alkohol sa isang baso ay depende sa dami na karaniwang inihahain sa isang partikular na lugar at dapat itong isaalang-alang bago uminom.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 5]

TAGAY MUNA BAGO MAGMANEHO?

Ang mga pagbabawal sa pagmamaneho nang nakainom ay halos kasintagal na ng mga sasakyan. Ang kauna-unahang bansa na nagpasa ng gayong batas ay ang Denmark noong 1903.

Kapag uminom ka nang walang laman ang sikmura, ang epekto ng alkohol sa iyong dugo ay umaabot sa pinakamataas na antas nito sa loob ng mga kalahating oras pagkatapos itong inumin. Taliwas sa paniniwala ng marami, hindi mababawasan ang iyong kalasingan sa pamamagitan ng pag-inom ng kape, paglanghap ng sariwang hangin, at pag-eehersisyo. Ang pagpapalipas lamang ng panahon ang tanging makababawas sa epekto ng alkohol sa iyong katawan. Tandaan din na kapag uminom ka ng isang tagay ng alak (wine), serbesa, o matatapang na inuming de-alkohol, pare-pareho ang dami ng alkohol nito. d

Kahit kaunting alak ay makapagpapahina na ng iyong kakayahan sa pagmamaneho. Nakaaapekto sa iyong paningin ang alak. Nagmumukhang maliit ang mga karatula sa daan. Kumikitid ang iyong tingin at nababawasan ang kakayahan mong tumantiya ng mga distansiya at magpokus sa malalayong bagay. Bumabagal ang kakayahan ng iyong utak na magproseso ng impormasyon, gayundin ang kilos at koordinasyon ng iyong katawan.

Kapag naaksidente ka matapos uminom, malamang na mas malala ang magiging pinsala mo kaysa kung hindi ka nakainom. Bukod diyan, mababawasan ang tsansa mong mabuhay matapos ang anumang biglaang operasyon dahil sa epekto ng alkohol sa puso at sirkulasyon ng dugo. “Kaya taliwas sa akala ng maraming tao, ang karamihan ng mga namamatay dahil sa alak ay mga lasing na drayber mismo,” ang sabi ng report ng French National Institute of Health and Medical Research. Dahil sa mga panganib na ito, nagbigay ang report ng sumusunod na mga mungkahi:

◼ Huwag uminom kung magmamaneho.

◼ Huwag sasakay sa kotse kung nakainom ang drayber nito.

◼ Huwag payagang magmaneho ang mga kaibigan o magulang na nakainom.

[Talababa]

d Karaniwan na, mga pitong gramo ng alkohol ang napoproseso o nailalabas ng katawan bawat oras. Iba-iba ang dami ng isang tagay sa bawat bansa. Ayon sa katuturang ibinigay ng World Health Organization, ang isang tagay ay may sampung gramo (0.35 onsa) ng purong alkohol. Halos katumbas ito ng 250 mililitro ng serbesa, 100 mililitro ng alak (wine), o 30 mililitro ng matatapang na inuming de-alkohol.

[Mga larawan]

Halos may pare-parehong dami ng alkohol ang mga inuming ito

Isang bote ng regular na serbesa (330 ml na 5% ay alkohol)

Isang shot ng matapang na inuming de-alkohol (whiskey, gin, vodka) (40 ml na 40% ay alkohol)

Isang baso ng alak (wine) (140 ml na 12% ay alkohol)

Isang maliit na baso ng liqueur (70 ml na 25% ay alkohol)

[Kahon sa pahina 6]

PAGKASUGAPA SA ALAK​—NASA GENE BA ITO?

Sa pagtatangkang makasumpong ng lunas sa alkoholismo, sinisikap ng mga siyentipiko na maunawaan ang papel na ginagampanan ng mga gene sa pinagmulan at paglala nito. Mula noon, natuklasan ng mga siyentipiko ang ilang gene na waring nakaiimpluwensiya sa reaksiyon ng katawan ng isang tao sa alkohol. Gayunman, hindi lamang henetika ang tanging salik na humahantong sa alkoholismo. Kahit na may tendensiyang uminom ang ilang tao dahil sa kaniyang gene, maiiwasan pa rin ang pagkasugapa. Nasasangkot ang kapaligiran ng isang tao. Ang di-mabuting pagpapalaki ng mga magulang, pag-abuso sa alak ng mga kasambahay o kasamahan, di-pagkakaunawaan, mga problema sa emosyon, depresyon, pagkaagresibo, mapanganib na katuwaan, pagiging matagal tablan ng alak, o pagkasugapa sa iba pang substansiya ay sinasabing pawang mga salik na nagiging sanhi ng alkoholismo. Ang mga ito at ang iba pang mga bagay ay maaaring humantong sa pagkasugapa.

[Kahon/Larawan sa pahina 6]

PRANSIYA:

Tinataya ng mga pag-aaral na ang bilang ng mga nag-aabuso sa alak ay mga limang milyon, at dalawa hanggang tatlong milyon sa mga ito ay sugapa sa alak

NIGERIA:

Ayon sa pahayagang Daily Champion sa Lagos, “mahigit 15 milyong taga-Nigeria ang alkoholiko”​—halos 12 porsiyento ito ng populasyon

PORTUGAL:

Isa ito sa mga bansang pinakamaraming kumonsumo ng purong alkohol sa bawat katao. Iniuulat ng pahayagang Público sa Lisbon na 10 porsiyento ng populasyon ang may “malalang mga kapansanan sanhi ng alak”

ESTADOS UNIDOS:

Ayon sa 10th Special Report to the U.S. Congress on Alcohol and Health, “humigit-kumulang 14 na milyong Amerikano​—7.4 porsiyento ng populasyon​—​ang wastong nasuri na nag-aabuso sa alak o isang alkoholiko”

[Kahon sa pahina 8]

PAGBAWAS SA PANGANIB

Ang sumusunod na talaan ng mga hangganan ng pag-inom na hindi gaanong mapanganib ay inilathala ng Department of Mental Health and Substance Dependence ng World Health Organization. Ang pagsunod sa mga hangganang ito ay hindi nangangahulugang hindi mahahantad ang isa sa mga panganib ng pag-inom. Iba’t iba ang reaksiyon sa alkohol ng bawat indibiduwal.

◼ Hindi hihigit sa dalawang tagay bawat araw e

Huwag uminom kahit man lamang dalawang araw sa loob ng isang linggo

Sa sumusunod na mga situwasyon, kahit isa o dalawang tagay ay labis na:

◼ Kapag nagmamaneho o nagpapaandar ng makina

◼ Kapag nagdadalang-tao o nagpapasuso

◼ Kapag umiinom ng ilang uri ng gamot

◼ Kapag may ilang uri ka ng sakit

◼ Kung hindi mo makontrol ang iyong pag-inom

[Talababa]

e Ang isang tagay ay katumbas ng sampung gramo ng alkohol bawat baso.

[Credit Line]

Pinagkunan: Brief Intervention for Hazardous and Harmful Drinking

[Kahon/Larawan sa pahina 9]

ALKOHOL​—MABUTI SA PUSO?

Naniniwala ang mga siyentipiko na sinusupil ng mga kemikal sa pulang alak (polyphenol) ang kemikal na nagpapakipot sa mga daluyan ng dugo.

Bukod diyan, karaniwan nang iniuugnay ang alkohol sa pagdami ng tinatawag na mabuting kolesterol. Binabawasan din nito ang mga substansiyang nagiging sanhi ng pamumuo ng dugo.

Anumang pakinabang na makukuha sa inuming de-alkohol ay waring mula sa pag-inom nang kaunti lamang sa iba’t ibang araw ng sanlinggo, sa halip na sa pag-inom ng kabuuang dami nito nang minsanan sa isang gabi. Ang pag-inom nang mahigit sa dalawang tagay sa isang araw ay iniuugnay sa pagtaas ng presyon ng dugo, at dahil sa sobrang pag-inom, lumalaki ang panganib na maistrok ang isa at maaari itong maging sanhi ng pamamaga ng puso at di-regular na tibok ng puso. Ang labis na pag-inom ay nagiging sanhi ng ganitong mga panganib at iba pang mga sakit anupat napawawalang-saysay ang anumang magandang epekto ng alkohol sa puso at mga daluyan ng dugo. Anumang bagay na sobra ay masama.

[Dayagram/Larawan sa pahina 7]

KUNG PAANO NAKAPIPINSALA SA IYO ANG ALAK

Utak

Pagkamatay ng selula, pagkamalilimutin, depresyon, agresibong paggawi

Panlalabo ng paningin at pagsasalita, at pagbagal ng koordinasyon ng katawan

Kanser sa lalamunan, bibig, suso, atay

Puso

Paghina ng kalamnan, posibilidad na atakihin sa puso

Atay

Nababalot ng taba, lumalaki, pagkatapos ay nagkakapilat (cirrhosis)

Iba pang mga panganib

Mahinang sistema ng imyunidad, mga ulser, pamamaga ng lapay

Mga babaing nagdadalang-tao

Panganib na magkadepekto o maging mabagal ang pag-unlad ng isip ng mga sanggol

[Larawan sa pahina 8]

“Di-hamak na mas nakapipinsala ang alkohol sa nabubuong ‘fetus’ kaysa sa anumang iba pang drogang inaabuso”