Mag-ingat sa mga “Puting Dragon”!
Mag-ingat sa mga “Puting Dragon”!
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA SWITZERLAND
Ano ang nakalilipad nang walang pakpak, nanghahampas nang walang kamay, at nakakakita nang walang mata?—Bugtong hinggil sa mga puting dragon noon pang Edad Medya.
KAYANG lamunin ng avalanche (gumuguhong niyebe), na angkop na tinatawag na puting dragon, ang isang taong umaakyat sa bundok o tabunan pa nga ang isang buong nayon sa isang kisap-mata lamang. Ito ang dahilan kung bakit tinawag na puting kamatayan ang avalanche. Ano ang sanhi ng kasindak-sindak na penomenong ito? Kung nakatira ka sa lugar na may kabundukang nababalot ng niyebe, alam mo na ang sagot. Gayunman, kung nakatira ka sa tropikal na rehiyon o sa kapatagan, baka hindi ka nababahala, yamang hindi ka kailanman mapipinsala ng mga avalanche maliban na lamang kung maglalakbay ka at susuong sa teritoryo ng mga puting dragon.
Nagkakaroon ng mga avalanche sa matataas na kabundukan kung saan sagana at madalas na bumabagsak ang niyebe. Biglang nangyayari ito kapag mabilis na humugos sa dalisdis ng bundok o sa bangin ang malalaking kimpal ng niyebe, yelo, lupa, bato, at iba pang mga bagay gaya ng mga punungkahoy, anupat kadalasan nang winawasak ang anumang daanan nito. Hindi lamang ang bigat at lakas ng isang avalanche ang matinding pumipinsala kundi pati rin ang presyon ng hangin sa unahan nito na maaaring makapagpabuwal sa halos dikit-dikit na mga punungkahoy at makasira sa iba pang mga bagay na madaraanan nito, gaya ng mga tulay, kalsada, o riles.
Likas na Penomeno
Ang malaking bahagi ng dumadagundong na tone-toneladang kimpal ng yelo ay binubuo ng pagkaliliit na mga taliptip ng niyebe. Paanong ang isang napakagandang bagay na gaya ng bumabagsak na niyebe ay maaaring maging lubhang nakamamatay na gaya ng humuhugong na avalanche? Ang sagot ay nasa mga katangian ng niyebe. Iba-iba ang hitsura ng niyebe: hugis-kristal, bolitas, at maliliit na butil. Ang mga taliptip na hugis-kristal ay laging kagaya ng mga bituin na may anim na tulis at walang katapusan ang pagkakasari-sari ng mga disenyo nito. Kahanga-hanga ang bawat taliptip. Kapag bumagsak na sa lupa ang hugis-kristal na mga niyebe, maaaring magbago ang hitsura ng mga ito. Dahil sa pagkakaiba-iba sa temperatura ng hangin at presyon mula sa nagpatung-patong na niyebe, lumiliit ang mga ito habang nababaon sa lupa. Sa loob lamang ng 24 na oras, ang 30 sentimetro ng kababagsak pa lamang na niyebe ay maaaring masiksik at maging 10 sentimetro na lamang ang kapal.
Ang katatagan ng pang-ibabaw na suson ng niyebe ay nakadepende sa hugis ng mga taliptip ng niyebe. Nagkakabit-kabit ang mga hugis-kristal na may anim na tulis, subalit ang mga hugis-butil at bolitas ay gumugulong-gulong at lumilikha ng mabuway na mga suson. Ang di-matatag na mga suson na ito ay madaling dumulas sa mas solidong suson sa ilalim. Kaya ang uri ng niyebe, ang dami ng niyebeng bumabagsak, ang pagiging matarik ng dalisdis, pagkakaiba-iba ng temperatura, at ang lakas ng hangin ay pawang mga salik na nagdudulot ng avalanche. Maaari ring di-sinasadyang magkaroon ng avalanche dahil sa bigat ng isang tao o hayop na dumaan sa matarik na dalisdis na nababalot ng niyebe. Gayunman, may iba pang mga uri ng avalanche.
Nagsisimula ang mga wind avalanche kapag tinangay ng malakas na bugso ng hangin ang kababagsak pa lamang na magkahalong maliliit na butil at kristal na niyebe—ang malapulbos na niyebeng gustung-gusto ng mga nag-iiski. Palibhasa’y magaan ang niyebe, tinatangay ito ng hangin at maaaring humugos sa libis sa bilis na mahigit 300 kilometro bawat oras. Sa kalagayang ito, napakalakas ng presyon ng hangin sa unahan ng kimpal ng niyebe anupat
kaya nitong paliparin ang mga bubong at wasakin pa nga ang mga bahay sa loob lamang ng ilang segundo.Ang isa sa pinakanakamamatay na uri ng avalanche ay ang hard-slab avalanche. Ang avalanche na ito ay dulot ng naipong niyebe na bumaon na sa lupa at nasiksik sa loob ng mahaba-habang panahon. Kapag nabasag ang pang-ibabaw na suson ng niyebe, maaaring dumulas sa dalisdis ng bundok ang malalaking tipak ng yelo sa bilis na 50 hanggang 80 kilometro bawat oras. Ang gayong matitigas na deposito ay maaaring bumitin din sa gilid ng bangin. Napakapanganib nito sa mga nag-iiski, yamang ang bigat pa lamang ng isang nag-iiski ay sapat na upang mabiyak ang malaking tipak ng yelo at maging dahilan ng pagguho na maaaring maglibing sa kaniya sa loob lamang ng ilang segundo.
Tuwing tagsibol, lumalaki ang panganib na magkaroon ng mga avalanche. Bahagyang natutunaw ang niyebe dahil sa ulan o sa matinding sikat ng araw, na karaniwang nagdudulot ng mga wet-slab avalanche. Mas mabagal ang paghugos nito, subalit maaaring gumuho ang buong niyebeng nakabalot sa dalisdis. Habang dumadausdos ang kimpal ng niyebe, sumasama rito ang malalaking bato, punungkahoy, at lupa, na nagiging bunton ng samot-saring mga bagay paghinto nito.
Ang isang penomeno na kagaya ng avalanche ay ang glacier, o ice avalanche. Ang mga glacier ay dambuhalang mga tipak ng yelo na nabubuo sa napakalamig na mga rehiyon—sa mabababang lugar, o sa malililim na dalisdis kung saan hindi natutunaw ang niyebe. Gayunman, sa paglipas ng panahon, nagiging solidong yelo ang niyebe. Napakabagal dumausdos ang glacier. Dahil natatantiya ang galaw nito, madalang itong makapinsala o makapangwasak.
Saan Nangyayari ang mga Avalanche?
Hindi nagkakaroon ng avalanche sa lahat ng rehiyon sa lupa kung saan umuulan ng niyebe. Upang mangyari ito, may pinipili itong partikular na taas ng kabundukan at espesipikong klima kung saan nabubuo ang niyebe at yelo. Ipinakikita ng estadistika na sa buong daigdig, mga isang milyong avalanche ang nagaganap taun-taon. Ang ilang mapanganib na mga lugar ay ang Andes ng Timog Amerika, ang
Rocky Mountains ng Hilagang Amerika, ang kabundukan ng Himalaya sa Asia at, siyempre, ang Alps sa Europa, mula sa Pransiya pahilagang-silangan hanggang sa Switzerland, Alemanya, at Austria. Sa pinaninirahang mga bahagi ng mga rehiyong ito, may katamtamang bilang na 200 katao ang namamatay taun-taon dahil sa mga avalanche. Sa bilang na ito, 26 ang katamtamang bilang ng namamatay sa Switzerland.Dalawang napakamapangwasak na avalanche ang naganap sa Andes ng Peru. Noong taóng 1962, natapyas ang isang tipak ng yelo na isang kilometro ang haba mula sa 50-metrong kapal ng yelo sa taluktok ng Bundok Huascarán na 6,768 metro ang taas. Ang tipak ng yelo na apat na milyong tonelada ay mas malaki nang apat na beses kaysa sa Empire State Building ng New York! Bumulusok ang kimpal na ito sa bilis na 18 kilometro sa loob ng 15 minuto. Pitong nayon ang nalibing sa niyebe, at mula 3,000 hanggang 4,000 katao ang namatay nang matabunan sila ng pira-pirasong labí, na 13 metro ang lalim at may lawak na 2 kilometro. Noong 1970, gayundin ang nangyari sa bundok na iyon. Subalit sa pagkakataong iyon, nayanig ang yelo sa taluktok ng bundok sa gawing hilaga dahil sa lindol. Gumuho mismo ang bundok. Libu-libong tonelada ng niyebe, bato, at yelo ang humugos sa bilis na 300 kilometro bawat oras sa isang makitid na libis, anupat tinangay nito ang malalaking bato at mga bahay na nadaanan nito. Tinatayang 25,000 katao ang namatay. Ano ang maaaring gawin upang maipagsanggalang mula sa gayong kalunus-lunos na mga pangyayari ang mga nakatira sa bulubunduking mga lugar?
Maiiwasan ba ang mga Avalanche?
Maiiwasan ang ilang uri ng avalanche. Ang iba naman ay hindi. Hindi maiiwasan ang mga avalanche na dulot ng lagay ng panahon; normal lamang ito gaya ng pagdaloy ng tubig-ulan sa bubong. Likas lamang na nangyayari ito tuwing magpapalit ng kapanahunan. Subalit sa mga lugar na nagaganap ang ganitong mga avalanche, natutuhan ng mga awtoridad buhat sa karanasan na dapat ipagbawal ang pagtatayo ng mga bahay sa mapanganib na mga lugar at gumawa ng mga tunel at lagusan upang ipagsanggalang ang pangunahing mga ruta ng trapiko. Sa kabilang panig, ang nangyayaring mga avalanche dahil sa mga taong walang ingat, gaya ng mapagsapalarang mga nag-iiski na nagwawalang-bahala sa mga babala at pagbabawal, ay maiiwasan naman.
Sa Switzerland, gumawa ng pag-iingat ang pamahalaan dahil sa nakalipas na mga karanasan. Noong 1931, isang komisyon sa pananaliksik sa Switzerland ang itinatag, at noong 1936, sinimulan ng kauna-unahang pangkat ng matatapang na mananaliksik ang makasiyensiyang mga pag-aaral sa lugar ng Weissfluhjoch na 2,690 metro ang taas, sa hilaga ng bayan ng Davos. Nang dakong huli, noong 1942, itinatag ang Swiss Federal Institute for Snow and Avalanche Research. May ilan pang makabagong mga obserbatoryo na itinayo sa iba’t ibang lokasyon sa kabundukan. Dahil sa mga institusyong ito, patiunang nalalaman ang mga pagbabago sa lagay ng panahon, at regular nilang isinasahimpapawid ang mga babala hinggil sa panganib na magkaroon ng avalanche sa nakalantad na mga dalisdis.
Gayunman, posible pa ring magbago nang di-inaasahan ang lagay ng panahon, at hindi maiiwasan ang mga panganib. Kaya ang mga nakatira sa mapanganib na mga lugar o ang mga nagbabakasyon o nagpapalipas ng dulo ng sanlinggo sa bulubunduking mga pook sa taglamig ay dapat maging palaisip hinggil sa pananagutan nilang umiwas na maging dahilan ng avalanche. Kapansin-pansin, ipinakikita ng mga pag-aaral sa Pransiya na hindi nagdudulot ng mga avalanche ang mga sound wave na nililikha ng mga eroplano, ni ang boses man ng mga tao, di-gaya ng dating paniniwala.
Mga Hakbang ng Pamahalaan Bilang Pananggalang
Di-nagtagal nang magsimulang manirahan ang mga tao sa bulubunduking mga rehiyon, nabatid nila ang panganib na dulot ng mga avalanche. Upang hindi matabunan ng niyebe ang kanilang mga bahay, nagtanim sila ng mga punungkahoy na kanilang iniingatan upang maging pananggalang sa mga dalisdis na nasa gawing itaas ng kanilang mga tirahan. Sa maraming kalagayan, mabisa ang pananggalang na ito, kaya nga iniingatan pa rin ng mga awtoridad doon ang mga punungkahoy na ito
hanggang ngayon. Ang mga ito ang pinakamagaling na likas na depensa laban sa mga avalanche. Gayunman, ipinakikita ng karanasan na kailangang marami at halos dikit-dikit ang mga ito, na binubuo ng daan-daang punungkahoy sa bawat ektarya, at iba’t ibang uri ng matatanda at batang mga punungkahoy.Nitong kamakailan, gumawa ang mga inhinyero ng metal na mga harang na nakabaon sa kongkreto. Itinayo ang mga ito sa mga lugar kung saan posibleng magkaroon ng avalanche sa bandang itaas ng bundok bago ang unang hanay ng mga punungkahoy. Maaaring itayo ang mga ito hanggang sa taas na apat na metro, subalit napakagastos kung ang bawat dalisdis ay lalagyan nito. Upang hindi matangay ang mga gusali sa pundasyon nito, nagtayo rin ng malalaking bunton ng bato at lupa sa paanan ng mga dalisdis upang mabawasan ang puwersa ng mga avalanche. Maililihis ng mga bunton na ito ang mga avalanche upang hindi ito humugos sa mga nayon at mga bahay sa libis. Itinayo rin ang hugis-V na mga pader na gawa sa lupa na may kapal na dalawang metro at taas na limang metro. Ang pinakatulis ng pader na hugis-V ay nakaharap sa bundok upang mahati nito sa dalawa ang avalanche at ilihis ang niyebe sa magkabilang gilid. Ang magkabilang gilid ng pader na hugis-V ay 90 o 120 metro ang haba at maaaring magsanggalang sa buong mga nayon. Gayunman, kapag nanganganib ang mahalaga at pangunahing mga lansangan at riles sa libis, ang pinakamabisang proteksiyon—at ang pinakamagastos din—ay ang mga tunel, o lagusan, na gawa sa kahoy, bakal, at kongkreto.
Ang isa pang paraan upang maiwasan ang mga avalanche ay basagin ang mabibigat na kimpal ng niyebe. Halimbawa, ang mga sundalo sa Canada ay nagpapatrulya tuwing taglamig sa mga nayon at naghahagis sa niyebe ng mga pampasabog. Sa ganitong paraan nila binabantayan ang Trans-Canada Highway, anupat binabasag ang niyebe bago pa ito gumuho at tumabon sa lansangan. Ang pamamaraang ito ay ginagamit na rin sa Switzerland, kung saan ang mabuway na mga dalisdis ay hinahagisan at binabagsakan ng mga pampasabog mula sa helikopter upang gawing buhaghag ang niyebe.
Pagsagip Mula sa Avalanche
Ang mga nag-iiski at umaakyat sa bundok ay inaasahang maghihintay muna samantalang sinusuri kung ligtas ang dalisdis. Huwag na huwag ipagwalang-bahala ang nakapaskil na mga babala! Tandaan na maaaring mabaon sa niyebe maging ang pinakamakaranasang nag-iiski. Kung masukol ka ng isang avalanche, huwag mataranta! Gumalaw ka na parang lumalangoy sa karagatan, ang payo ng mga eksperto. Tutulong ito upang manatili kang malapit sa ibabaw ng niyebe. O itaas ang isa mong kamay sa abot ng iyong makakaya. Maaari nitong ipabatid sa mga tagasagip kung nasaan ka. Takpan ang iyong bibig at ilong ng kabilang kamay. Ipinakikita ng mga estadistika ng mga nasagip na kalahati lamang ng mga biktima ng mga avalanche ang nakaliligtas matapos matabunan nang mahigit sa 30 minuto. Sa ngayon, ang ilang nag-iiski ay nagdadala ng mga panghudyat, gaya ng de-batiryang mga transmiter. Yamang laging nag-aabang ang puting kamatayan sa matataas na lugar, kailangan ang mabilisang mga pagsisikap na sagipin ang mga biktima ng mga avalanche.
Maraming siglo nang nag-aalaga ng mga asong Saint Bernard ang mga mongheng Agustino sa Swiss Alps. Ang mga asong ito ay may lakas at tibay na magpagala-gala sa makapal na niyebe at nakatatagal ang mga ito sa napakalamig na hangin at lagay ng panahon. Hindi basta-basta naliligaw ng direksiyon ang mga ito at napakadali nilang mahalata ang tunog at kilos na hindi napapansin ng mga tao. Kaya naman nakapagliligtas sila ng daan-daang buhay! Ngayon, ang karamihan ng mga asong tagasagip ay mga German shepherd, subalit ang ilang lahi ng aso ay sinasanay rin sa ganitong uri ng trabaho. Bukod diyan, mabisa ang mga elektronikong pantulong, at ang maingat na paghahanap ng mga tagasagip ay nakapagliligtas ng buhay. Gayunman, hindi mapapantayan ng mga ito ang tagumpay ng sinanay na mga aso.
Gaya ng nakita natin, “ang nakalilipad nang walang pakpak, nanghahampas nang walang kamay, at nakakakita nang walang mata” ay isang penomeno na nagsisiwalat sa malalakas na puwersang aktibo sa kalikasan. Dapat tayong mag-ingat sa mga puting dragon na ito.
[Blurb sa pahina 19]
Kung masukol ka ng isang avalanche, gumalaw ka na parang lumalangoy sa karagatan
[Larawan sa pahina 18]
Ang mga asong “Saint Bernard” ay madalas litratuhan na may nakakuwintas na maliit na bariles ng brandi, bagaman hindi talaga nila ito dinadala sa mga misyon sa pagsagip
[Picture Credit Line sa pahina 17]
AP Photo/Matt Hage