Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Paghahanap ng Isang Pintor ng Kaligayahan sa “Paraiso”

Ang Paghahanap ng Isang Pintor ng Kaligayahan sa “Paraiso”

Ang Paghahanap ng Isang Pintor ng Kaligayahan sa “Paraiso”

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA TAHITI

MULA nang maiwala ng unang taong si Adan ang Paraiso, hinahanap na ito ng kaniyang mga inapo. Ang masigasig na paghahanap na ito sa Paraiso ay nag-udyok sa maraming pintor na ilarawan ito sa kanilang mga ipinipinta. Isa sa gayong pintor ang tanyag na dalubsining noong ika-19 na siglo na si Paul Gauguin.

Mga dalawang taon na ang nakalilipas, daan-daang panauhin, kabilang na ang baguhang mga pintor, ang pumunta na lulan ng dalawang barko sa maliit na isla ng Hiva Oa, isa sa Marquesas Islands, sa French Polynesia. Sa islang ito namatay si Gauguin noong 1903. Sa ika-100 taon ng kaniyang kamatayan, ang pagpapasinaya sa sentrong pangkultura na ipinangalan sa kaniya ay umakit sa mga panauhing ito na gustung-gusto ang mga ipininta niya.

Nasaan ang Paraiso?

Ngunit bakit tumakas sa Europa si Gauguin mahigit isang siglo na ang nakalilipas upang permanenteng manirahan sa mapayapang islang ito sa Timog Pasipiko? Pagkatapos maghikahos bilang dalubsining sa Europa, kinamuhian ni Gauguin ang kaniyang sariling sibilisasyon. Hinamak niya ang itinuring niyang di-mapagparayang mga tradisyon sa kultura ng Europa at ang nakatatag na mga kaayusan doon. Ito ang naging konklusyon ni Gauguin sa kaniyang unang dalaw sa Tahiti, na tumagal nang mga dalawang taon. Pagbalik niya sa Europa, ipinasiya niya: “Wala nang makapipigil sa aking pag-alis at hindi na ako kailanman babalik. Napakawalang-saysay ng buhay natin dito sa Europa!” Ipinahayag niya ang kaniyang pagtatakwil sa moral na mga prinsipyo at paniniwala ng Kanluran, at tulad ng maraming Europeo noong panahon niya, pinangarap din ni Gauguin ang paraisong matagal nang nawala kung saan maipagsasanggalang ang isa mula sa masasamang epekto ng sibilisasyon. Umasa si Gauguin na masasapatan ang kaniyang paghahangad sa paraiso sa isang hardin ng kaluguran sa Pasipiko kung saan namamayani ang kapayapaan at araw. Inasam-asam niya ang magandang lugar na ito sa labas ng kaniyang bansa, ang inaakala niyang kaayaayang lugar para magpinta.

Iniisip ni Gauguin, tulad ng maraming kapanahon niya, na mas mainam ang mamuhay nang malayo sa tatag na sibilisasyon sa gitna ng kalikasan dahil sa pagiging simple ng ganitong buhay. Yamang ang mga taga-Polynesia ay nakatira malapit sa kalikasan at iniingatan ito, inakala ng ilang tao na mabubuting bagay lamang ang kaya nilang gawin. Ang kanilang banayad na disposisyon at pagiging simple ay waring kumakatawan sa sakdal na daigdig. Hinahanap ni Gauguin ang gayong kaligayahan. Gayunman, nahirapan pa rin siyang hanapin ang mga sagot sa hiwaga ng pag-iral at kahihinatnan ng tao at tuklasin ang lunas sa lungkot at takot sa kamatayan.

Nakasumpong ng inspirasyon si Gauguin sa South Seas. Muling pinukaw ng kapaligirang ito ang kaniyang paghahangad na magpinta ulit. Isa sa mas gusto niyang paksa ang simpleng kagandahan ng mga tao. Mababanaag sa mga mukhang ipininta niya ang kapayapaan, kumpiyansa, at kasiyahan. Sa pamamagitan ng kaniyang mga ipininta, nais ihatid ni Gauguin ang kalagayan at katangian ng maalamat na daigdig kung saan namamayani ang kapayapaan sa silong ng langit sa tropiko.

Tunay na Kaligayahan

Nahanap ba ni Gauguin ang tunay na kaligayahan sa Tahiti o Hiva Oa o sa iba pang isla? Napilitan siyang tanggapin na maging sa maliliit na islang ito sa tropiko, ang buhay ay nauuwi sa kamatayan. Walang kasakdalan sa mundong ito. Minsan sa unang mga taon niya sa Tahiti, isinulat niya: “Matagal-tagal na akong nalulungkot, at naaapektuhan nito ang aking mga ipinipinta. . . . Kagalakan ang kulang.” Hindi nasapatan ng maliligayang lupain sa kaniyang mga ipininta ang kaniyang inaasam-asam. Nadama pa rin niya ang pangangailangan sa salapi, at may mga suliranin din siya sa kalusugan. Kahit sa kapaligirang ito, hindi pa rin niya masagot ang mahahalagang tanong hinggil sa buhay. Habang nasa isip niya ang kabalintunaang ito, ipinasiya niyang magpinta sa isang malaking kambas, na magiging obra maestra ng kaniyang mga ipininta sa Tahiti. Isa itong pagkalaki-laking makasagisag na pinta na halos apat na metro ang haba at pinamagatang D’où venons-nous? Que sommes-nous? Où allons-nous? (Saan Tayo Nagmula? Ano ba Tayo? Saan Tayo Patungo?). Sa pamamagitan nito, tinangka niyang ilarawan ang kawalan niya ng kaunawaan hinggil sa daigdig, ang di-malirip na hiwaga ng ating pag-iral.

Ang mga sagot sa tanong hinggil sa buhay na ipinahayag ni Gauguin sa kaniyang mga ipininta at ng iba pang pintor na nauna at sumunod sa kaniya ay masusumpungan sa Bibliya, ang aklat kung saan isinisiwalat ng Diyos ang kaniyang layunin para sa sangkatauhan. Totoo at kasiya-siya ang mga sagot na nakasaad dito. Nag-aalok ito ng tiyak na pag-asa sa hinaharap. Bukod dito, itinuturo nito sa atin na saanman tayo nakatira​—sa Pasipiko o saanman​—makasusumpong lamang tayo ng tunay na kaligayahan sa pamamagitan ng pamumuhay kasuwato ng kalooban ng ating Maylalang, ang Diyos na Jehova. Nalulugod ang mga Saksi ni Jehova sa French Polynesia at sa iba pang lugar sa daigdig na ibahagi sa iba ang kamangha-manghang pag-asang ito hinggil sa isang paraiso sa hinaharap.

Pagkopya sa Batikang Dalubsining

Sa ika-100 taon ng kamatayan ni Gauguin, nagkaroon ng eksibit ng sandaang kopya ng mga ipininta niya na kahawig na kahawig ng mga orihinal. Ang karamihan sa mga ito ay ipininta ng dalawang dalubsining, sina Claude at Viera Farina. Tumira sila sa Hiva Oa nang matagal-tagal upang makopya ang mga ipininta ni Gauguin, na ibinigay nila sa sentrong pangkultura.

Upang makopya at mailarawan nang eksakto ang ideyang nais ipahayag ni Gauguin, pinag-aralan nila maging ang kaliit-liitang detalye ng mga kulay at anyo sa malalaking litrato ng orihinal na mga ipininta. Ipinaliwanag nila na sa halip na simpleng trabaho lamang, ang pagkopya ng mga likhang-sining ay mahirap at kumakain ng maraming oras at lakas. “Mabuti pa ang batikang dalubsining at may kalayaan siyang lumikha, at kung maglagay man siya ng limang paa sa isang mesa, walang mag-iisip na kakaiba ito​—sa katunayan, sa kabaligtaran, sasabihin ng madla na siya ay isang henyo. Pero kung malimutan ng tagakopya ang kahit isang dahon sa palumpong, abut-abot ang punang sasapitin ng gawa niya! Iyan ang dahilan kung bakit mas kaunti ang mga tagakopya kaysa sa iba pang mga dalubsining,” ang sabi ng dalawa. Anu-ano ang katangian ng mahusay na tagakopya? “Dapat na may malalim siyang kaalaman hinggil sa batikang dalubsining at sa buhay nito sapagkat wala na siyang kaharap sa trabaho kundi ang mga litrato, at magkagayunman ay maaaring hindi pa maging eksaktung-eksakto ang mga kulay. Kaya naman, dapat siyang mangalap ng tumpak na impormasyon sa mga museo.” Mataas ang presyo sa ngayon ng mga ipininta ni Gauguin, at bunga nito, ang mga gawa ng mag-asawang Farina ay mahalagang ambag sa sentrong pangkultura.

[Larawan sa pahina 23]

Ipininta ni Paul Gauguin ang kaniyang sarili

[Larawan sa pahina 23]

“Femmes de Tahiti” o “Sur la plage” (Mga Babaing Taga-Tahiti o Sa Baybayin)

[Mga larawan sa pahina 24]

“Femme à la mangue” (Babaing May Mangga), nasa itaas ang orihinal, kasama ang kopyang ginawa nina Claude at Viera Farina, na makikita sa ibaba sa kanilang ‘studio’ sa Atuona

[Credit Lines]

Erich Lessing/Art Resource, NY

Copie dʹoeuvre de Gauguin, avec lʹaimable autorisation de Claude et Viera Farina

[Larawan sa pahina 25]

“Les Parau Parau” (Walang-saysay na Bulung-bulungan)

[Credit Line]

Scala/Art Resource, NY

[Larawan sa pahina 25]

“Quand te maries-tu?” (Kailan Ka Magpapakasal?)

[Credit Line]

Erich Lessing/Art Resource, NY

[Picture Credit Line sa pahina 23]

Gawang-sining: Erich Lessing/ Art Resource, NY