Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Di-kumukupas na Pang-akit ng Ginto

Ang Di-kumukupas na Pang-akit ng Ginto

Ang Di-kumukupas na Pang-akit ng Ginto

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRALIA

SA GITNA ng iláng sa Australia, mabigat ang mga yapak ng manggagalugad sa tuyong sahig ng sapa. Napapaso sa araw sa katanghaliang-tapat ang kaniyang likod. Basang-basa ng pawis ang kaniyang maalikabok na damit. Determinado pa rin, hawak niya ang mahabang tungkod na metal na nakakabit sa aparatong kasinlaki ng plato. Iwinawasiwas niya sa ibabaw ng lupa ang napakamodernong detektor ng metal. Tumatagos nang isang metro sa ilalim ng mabatong lupa ang magnetic field nito. Natanggap ng headphone na suot niya ang signal mula sa detektor ng metal at naglabas ito ng tuluy-tuloy at matinis na tunog.

Biglang kumabog ang kaniyang dibdib habang ang matinis na tunog ay bumaba at naging lagitik​—isang tiyak na palatandaan na may nakabaong metal sa ilalim ng kaniyang aparato. Lumuhod siya at nagsimulang maghukay. Dali-dali niyang binungkal ang matigas na lupa sa pamamagitan ng kaniyang maliit na piko. Malamang na ang nakabaong metal ay isang pako lamang na kinakalawang. Baka lumang barya ito. Pero habang lumalalim ang hukay, sinusuri niya kung may palatandaan ng ginto.

Kasalukuyang Pagkukumahog sa Ginto

Maaaring nagbago na ang mga pamamaraan ng paghahanap ng ginto, subalit masikap na hinahanap ng sangkatauhan sa buong kasaysayan ang makintab na dilaw na metal na ito. Sa katunayan, sa nakalipas na mahigit na 6,000 taon, ayon sa World Gold Council, mahigit sa 125,000 tonelada ng ginto na ang namina. a Bagaman tanyag ang sinaunang mga sibilisasyon sa Ehipto, Opir, at Timog Amerika dahil sa kanilang kayamanang ginto, mahigit 90 porsiyento ng lahat ng gintong namina ay nahukay nitong nakaraang 150 taon.​—1 Hari 9:28.

Nagsimula noong 1848 ang biglang pagdami ng mga naghahanap ng ginto nang may matagpuang ginto sa Sutter’s Mill, sa American River, sa California, E.U.A. Pinasimulan ng tuklas ang tinawag nang bandang huli na pagkukumahog (rush)​—ang pagdagsa ng mga manggagalugad sa iisang lugar sa pag-asang makahanap ng ginto. Ang lahat ng dumating ay nangangarap makahukay ng kayamanang nakabaon sa lupain ng California. Nabigo ang marami, subalit napakalaki naman ng naging tagumpay ng ilan. Nang taóng 1851 lamang, 77 tonelada ang namina mula pa lamang sa mga minahan ng ginto sa California.

Nang mga panahon ding iyon, may natuklasang ginto sa kabilang panig ng daigdig sa bagong kolonya ng Australia. Si Edward Hargraves, na naging makaranasan sa mga minahan ng ginto sa California ay dumating sa Australia at nakatuklas ng ginto sa batis malapit sa maliit na bayan ng Bathurst, New South Wales. Noong 1851, natuklasan din ang malalaking deposito ng ginto sa Ballarat at Bendigo, sa estado ng Victoria. Nang kumalat ang balita hinggil sa tuklas na ito, nagsimula ang pagkukumahog. Ang ilang dumating ay propesyonal na mga minero. Gayunman, marami ay mga magbubukid o nag-oopisina na hindi pa kailanman nakahawak ng piko ng minero. Sa paglalarawan sa eksena sa isang bayan kung saan nagkukumahog ang mga tao sa ginto, isang lokal na pahayagan nang panahong iyon ang nagsabi: “Nagkakagulo na naman sa Bathurst. Mas tumindi ang init ng pagkukumahog sa ginto. Nagkikita-kita ang mga lalaki, nagtititigan sa isa’t isa, nag-uusap-usap tungkol sa malabo at walang-kuwentang mga bagay at nag-iisip-isip kung ano ang susunod na mangyayari.”

Ano ang sumunod na nangyari? Biglang lumaki ang populasyon dito. Sa loob ng sampung taon pagkalipas ng 1851, dumoble ang bilang ng mga taong naninirahan sa Australia nang magsama-sama sa bansa mula sa lahat ng sulok ng daigdig ang mga umaasang makahanap ng ginto. Iba-iba ang dami ng ginto na natuklasan sa buong kontinente. Kapag bumagal ang isang pagkukumahog, may isa na namang magsisimula. Sa taóng 1856 pa lamang, nakahukay na ng 95 tonelada ng ginto ang mga manggagalugad na Australiano. Pagkatapos, noong 1893, nagsimulang magmina ng ginto ang mga minero sa lupaing malapit na Kalgoorlie-Boulder, Kanluraning Australia. Mula noon, mahigit 1,300 tonelada ang nakuha mula sa tinatawag na “pinakamatabang dalawa at kalahating kilometro kuwadradong lupa sa buong daigdig na may ginto.” Mayroon pa ring nakukuhang ginto sa lugar na ito at ipinagmamalaki nito ang pinakamalalim na opencut na minahan ng ginto sa daigdig​—bangin na gawa ng tao na halos dalawang kilometro ang lapad, halos tatlong kilometro ang haba, at umaabot sa 400 metro ang lalim!

Sa ngayon, ang Australia ang ikatlo sa mga bansang mapagkukunan ng pinakamaraming ginto. May 60,000 kataong nagtatrabaho sa industriyang ito at mapagkukunan ito taun-taon ng mga 300 tonelada ng ginto, o katumbas na halaga nito na limang bilyong dolyar (ng Australia). Ang Estados Unidos ang ikalawang pinakamalaking minero ng ginto sa daigdig. Gayunman, sa loob ng mahigit sandaang taon, ang nangungunang bansa na mapagkukunan ng pinakamaraming ginto ay ang Timog Aprika. Halos 40 porsiyento ng lahat ng gintong namina kailanman ay nagmula sa bansang iyan. Sa buong daigdig, mahigit 2,000 tonelada ng ginto ang nakukuha bawat taon. Ano ang nangyayari sa lahat ng mamahaling metal na iyan?

Pinagsamang Kayamanan at Kagandahan

Ginagamit pa rin ang ginto sa paggawa ng mga barya. Ang pagawaan ng barya sa Perth, Kanluraning Australia, ang isa na ngayon sa pangunahing gumagawa ng ganitong uri ng barya sa buong daigdig. Wala sa pangkalahatang sirkulasyon ang mga baryang ito kundi iniipon ng mga nangongolekta nito. Bukod dito, sangkapat ng lahat ng gintong namimina ay ginagawang mga ingot ng ginto​—solidong mga bloke ng nasasalat na kayamanan​—​at itinatago sa mga kaha-de-yero ng mga bangko. Ang Estados Unidos ang may pinakamaraming barang ginto sa buong daigdig sa mga bangko nito.

Sa kasalukuyan, mga 80 porsiyento ng gintong namimina taun-taon​—mga 1,600 tonelada​—ang ginagawang alahas. Maaaring ang Estados Unidos ang may pinakamaraming ginto sa mga bangko nito, ngunit kung isasama sa bilang ang mga alahas, ang India ang may pinakamaraming ginto sa loob ng mga hangganan nito. Bukod pa sa pagiging mahalaga at maganda, may mga katangian ang malambot na metal na ito kung kaya nagagamit ito sa maraming iba’t ibang paraan.

Sinaunang Metal na May Modernong Gamit

Malamang na natanto ng mga Paraon ng sinaunang Ehipto na hindi kinakalawang ang ginto kung kaya ginamit ito sa mga maskara ng patay. Bilang katibayan ng kakayahang tumagal ng ginto, nang mahukay ng mga arkeologo ang libingan ni Paraon Tutankhamen libu-libong taon pagkamatay niya, ang natagpuang ginintuang maskara ng kabataang hari ay hindi kumupas at makintab na dilaw pa rin ang kulay.

Nananatiling makintab ang ginto dahil hindi ito apektado ng tubig at hangin​—ang sumisira sa iba pang metal, tulad ng bakal. Dahil hindi kinakalawang ang ginto at pambihira ang kakayahan nitong maghatid ng kuryente, magandang gamitin ito sa mga piyesang elektroniko. Taun-taon, mga 200 tonelada ng ginto ang ginagamit sa paggawa ng mga TV, VCR, cell phone, at mga 50 milyong computer. Bukod dito, may manipis na suson ng ginto ang de-kalidad na mga compact disc upang matiyak na magagamit ito nang matagal.

May di-pangkaraniwang mga katangian ang maninipis na suson ng ginto. Isaalang-alang ang interaksiyon ng metal na ito sa liwanag. Kapag ipinroseso ito sa pagkaninipis na suson, ang ginto ay nagiging malinaw (transparent). Sa nipis na ito, tumatagos ang mga alon ng berdeng liwanag subalit tumatalbog dito ang liwanag na infrared. Tumatagos ang liwanag sa mga bintanang kinalupkupan ng ginto subalit tumatalbog dito ang init. Kaya naman, kinakalupkupan ng ginto ang mga bintana ng piloto sa modernong mga eroplano, gayundin ang mga bintana ng maraming bagong gusaling pang-opisina. Binabalutan din ng di-malinaw na gintong palara ang sensitibong mga bahagi ng mga sasakyang pangkalawakan, anupat mabisang napoprotektahan ang mga ito mula sa matinding radyasyon at init.

Hindi rin nasisira ng baktirya ang ginto. Kaya naman, ginagamit ito ng mga dentista upang ayusin o palitan ang mga sira o bulok na ngipin. Nitong nakalipas na mga taon, napatunayang magandang gamitin ang ginto sa mga implant sa pag-oopera tulad ng mga stent​—maliliit na tubo na ipinapasok sa loob ng katawan bilang pansuporta sa nasugatang mga ugat o arteri.

Dahil sa maraming iba’t ibang gamit, halaga, at kagandahan ng ginto, walang-alinlangang maghahanap pa rin sa mga lupain ng kaakit-akit na metal na ito ang mga manggagalugad.

[Talababa]

a Napakasiksik ng ginto anupat ang isang kubiko ng metal na ito na may sukat na 37 metro sa bawat panig ay tumitimbang ng mga isang tonelada.

[Kahon sa pahina 25]

Saan Matatagpuan ang Ginto?

Bato: May katiting na ginto sa lahat ng batong igneous. Marami-raming ginto ang nasa ilang tipak ng bato anupat sulit para sa mga kompanya na minahin, durugin, at tanggalin ang metal mula sa inambato (ore) sa pamamagitan ng kemikal. Ang inambato na mataas ang kalidad ay may mga 30 gramo lamang ng ginto sa bawat tonelada ng bato.

Reef: Sa bihirang mga pagkakataon, matatagpuan ang susun-suson na ginto sa pagitan ng mga suson ng kwarts.

Ilog: Sa paglipas ng panahon, nabibiyak ang mga reef na may ginto at sa kalaunan ay nahahantad sa araw, ulan, at hangin, anupat lumalabas ang nakasingit na ginto, na naiipon naman sa mga sapa at ilog bilang maliliit na butil o taliptip (flake).

Balat ng Lupa: Ang mga kimpal ng ginto na di-regular ang hugis at waring basta na lamang nabubuo sa balat ng lupa ay kilala bilang mga nugget. Pagkalalaki kung minsan ng mga kimpal na ito. Ang pinakamalaking nugget ng ginto na natagpuan kailanman sa Australia ay tinawag na The Welcome Stranger, at tumitimbang ng mga 70 kilo! Natuklasan ito noong 1869 sa estado ng Victoria sa Australia. Sa Australia matatagpuan ang malalaking nugget, anupat napagkunan ito ng 23 sa 25 pinakamalalaking nugget na natuklasan kailanman. Sa ngayon, ang mga nugget ng ginto, na maaaring kasinliit ng ulo ng posporo, ay mas bihira kaysa sa mga brilyanteng panghiyas ang kalidad.

[Kahon/Larawan sa pahina 27]

Paano Gumagana ang Detektor ng Metal?

Ang mahalagang piyesa sa isang detektor ng metal ay karaniwan nang dalawang piraso ng paikot (coil) na metal. Dumaraan ang kuryente sa isa sa mga metal na ito, anupat lumilikha ng magnetic field. Kapag dumaan ang detektor sa ibabaw ng isang bagay na gawa sa metal, tulad ng nugget ng ginto, nagkakaroon ng mahinang magnetic field ang bagay na iyon. Ang mahinang field na iyon ay nahihiwatigan ng ikalawang paikot na metal ng detektor at nagbibigay ito ng signal sa gumagamit ng detektor sa pamamagitan ng ilaw, instrumentong panukat, o tunog.

[Mga larawan sa pahina 25]

Biglang pagdami ng namiminang ginto noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo:

1. Sutter’s Mill, California, E.U.A.

2. Bendigo Creek, Victoria, Australia

3. Golden Point, Ballarat, Victoria, Australia

[Credit Lines]

1: Library of Congress; 2: Gold Museum, Ballarat; 3: La Trobe Picture Collection, State Library of Victoria

[Mga larawan sa pahina 26]

Modernong Gamit ng Ginto

May manipis na suson ng ginto ang de-kalidad na mga “compact disc”

Ginagamit ang gintong palara sa mga sasakyang pangkalawakan

Ginagamit ang ginto sa mga “microchip”

Ang mga kableng tinubog sa ginto ay may pambihirang kakayahang maghatid ng kuryente

[Credit Lines]

NASA photo

Carita Stubbe

Courtesy Tanaka Denshi Kogyo

[Larawan sa pahina 26]

Ang pinakamalalim na “opencut” na minahan ng ginto sa daigdig, sa Kalgoorlie-Boulder, Kanluraning Australia

[Credit Line]

Courtesy Newmont Mining Corporation

[Picture Credit Line sa pahina 24]

Brasil Gemas, Ouro Preto, MG