Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Bakit Mahalaga ang Pagtutulungan

Kung Bakit Mahalaga ang Pagtutulungan

Kung Bakit Mahalaga ang Pagtutulungan

“Walang organismo ang tila isang isla​—ang bawat isa ay may kaugnayan sa iba pang organismo, tuwiran man o di-tuwiran.”​—“Symbiosis​—An Introduction to Biological Associations.”

“KAWING ng buhay”​—angkop na angkop ang pariralang iyan, sapagkat ang buhay ay talaga namang kawing ng mga organismong magkakaugnay at umaasa sa isa’t isa! Ang mga tao ay malaking bahagi ng kawing na iyan. Bilang katibayan, tingnan mo na lamang ang iyong katawan. Tahimik na nagtatrabaho sa daanan ng pagkain at dumi sa loob ng iyong katawan ang napakaraming mabubuting baktirya na tumutulong upang manatili kang malusog sa pamamagitan ng pagpatay sa nakasasamang mga baktirya at pagtulong sa panunaw gayundin sa paggawa ng kinakailangang mga bitamina. Bilang kapalit, ikaw naman na pinamamahayan ng baktirya ay nagbibigay ng pagkain at mapagkalingang kapaligiran.

May gayunding nabubuong mga alyansa sa kaharian ng mga hayop, lalo na roon sa mga ngumunguya ng dati nitong kinain na tulad ng mga baka, usa, at tupa. Ang rumen, ang unang bahagi ng kanilang tiyan, ay may pinatutuloy na mistulang ekosistema ng mga baktirya, fungus, at protozoa. Sa pamamagitan ng pagkasim, ang cellulose, isang mahiblang carbohydrate na nasusumpungan sa mga pananim, ay pinasisimple ng mga mikroorganismong ito para maging iba’t ibang nutriyente. Maging ang ilang insekto na kumakain ng cellulose, kabilang na ang mga miyembro ng pamilya ng mga uwang, ipis, silverfish, anay, at putakti, ay gumagamit ng mga baktirya sa proseso ng pagtunaw.

Ang gayong malapít na pagtutulungan ng magkakaibang organismo ay tinatawag na simbiyosis, na nangangahulugang “magkasamang namumuhay.” * “Mahalaga ang gayong mga pag-aalyansa sa pagdebelop ng bawat sistemang nabubuhay,” ang sabi ni Tom Wakeford sa kaniyang aklat na Liaisons of Life. Sandaling pansinin ang lupa, sapagkat diyan nagmumula ang marami sa sistemang nabubuhay sa ating planeta.

Lupa​—Halos Buháy na Organismo na Rin!

Binabanggit ng Bibliya na ang lupa ay may lakas. (Genesis 4:12) Tama ang pangungusap na ito, sapagkat ang matabang lupa ay hindi lamang duming walang buhay. Masalimuot na kapaligiran ito para sa pagpapasibol, anupat punung-puno ng organismo. Sa isang kilo lamang ng lupa, maaaring may mahigit na 500 bilyong baktirya, isang bilyong fungus, at hanggang 500 milyong nilalang na maraming selula, mula insekto hanggang bulati. Marami sa mga organismong ito ay nagtutulungan, anupat ginagawang mas simpleng mga sangkap ang substansiyang mula sa mga bagay na may buhay​—tulad ng tuyong dahon at dumi ng hayop​—habang kinukuha ng mga ito ang nitrogen, na kinukumberte naman nila sa mga anyong masisipsip ng mga halaman. Ang karbon ay ginagawa rin nilang carbon dioxide at iba pang sangkap na kailangan ng mga halaman para sa potosintesis.

May espesyal na kaugnayan sa baktirya ang mga legumbre, gaya ng alfalfa, clover pea, at balatong, sa diwa na pinahihintulutan ng mga ito na “salutin” ang kanilang mga sistema ng ugat. Ngunit sa halip na pinsalain ang mga halaman, tinutulungan ng baktirya ang mga ugat upang tumubo rito ang maliliit na buko. Namamahay rito ang mga baktirya at lumalaki nang hanggang 40 ulit, anupat nagiging mga bacteroid. Ang kanilang atas ay ikumberte ang nitrogen upang maging mga sangkap na magagamit ng mga legumbre. Bilang kapalit, nakakakuha ng pagkain ang mga baktirya mula sa mga halaman.

Malaki rin ang papel ng mga fungus, o amag, sa paglaki ng halaman. Sa katunayan, halos ang bawat puno, palumpong, at damo ay may di-lantad na pakikipag-alyansa sa mga fungus sa ilalim ng lupa. “Sinasalot” din ng mga organismong ito ang mga ugat, kung saan nila tinutulungan ang mga halaman na sipsipin ang tubig at mahahalagang mineral, tulad ng iron, phosphorus, potasyum, at zinc. Bilang kapalit, ang mga fungus, na hindi makagawa ng sarili nilang pagkain dahil wala silang kloropil, ay nakakakuha ng mga carbohydrate mula sa halaman.

Ang isang halamang lubusang umaasa sa mga fungus ay ang orkid. Sa parang, ang pag-aalyansa ay nagsisimula sa tulad-alikabok na mga buto ng orkid, na nangangailangan ng tulong upang tumubo. Tinutulungan din ng mga fungus ang malaki nang halaman upang gumana nang mas mahusay ang maliit na sistema ng ugat nito. Ayon kay Wakeford, ang fungus ay “bumubuo ng malaki at aktibong sistema ng pangongolekta ng pagkain na tumitiyak na masasapatan ang kailangang pagkain ng orkid. Bilang kapalit, nakakakuha [ang fungus] ng paunti-unting bitamina at mga nitrogen compound mula sa halaman. Gayunman, malinaw ang mga hangganan ng pagkabukas-palad ng orkid. Kinokontrol ng halaman ang fungus sa pamamagitan ng likas na mga pamatay-fungus, sakaling magtangka itong umakyat mula sa tahanan nito sa loob ng mga ugat, at tumubo sa tangkay ng orkid.”

Sa namumulaklak na mga halaman, ang mga ugnayang ito sa lupa ay isang bahagi lamang ng kuwento; may iba pa silang pakikipag-alyansa na mas madaling makita.

Mga Alyansa sa Pagpaparami

Kapag dumapo ang bubuyog sa bulaklak, nagkakaroon ng simbiyotikong ugnayan ang dalawang ito. Ang bubuyog ay nakakakuha ng nektar at polen samantalang ang bulaklak naman ay nabubudburan ng polen mula sa iba pang bulaklak na kauri nito. Tumutulong ang pakikipag-alyansang ito upang makapagparami ang namumulaklak na mga halaman. Pagkatapos ng polinisasyon ng bulaklak, hindi na ito gumagawa ng pagkain. Paano nalalaman ng mga insekto na sarado na ang “kainan”? “Sinasabi” ito sa kanila ng mga bulaklak sa iba’t ibang paraan. Baka mawala na ang kanilang samyo, malagas ang kanilang talulot, humilig sa ibang direksiyon, o magbago ng kulay​—baka maging maputla ang mga ito. Baka hindi natin ito ikatuwa, pero malaking “tulong” ito sa masisipag na bubuyog, na maaari na ngayong magtuon ng pansin sa mga halamang puwede pang kainan.

Nitong nakaraang mga taon, mabilis na umunti sa ilang lugar ang mga insektong tumutulong sa polinisasyon, lalo na ang mga bubuyog. Nagbabadya ng panganib ang kalakarang ito, sapagkat halos 70 porsiyento ng namumulaklak na mga halaman ay umaasa sa mga insektong tumutulong sa polinisasyon. Isa pa, 30 porsiyento ng ating pagkain ay mula sa mga pananim na tinulungan ng mga bubuyog sa polinisasyon.

Mga Langgam sa Hardin

May ilang langgam din na may simbiyotikong pakikipag-alyansa sa mga halaman. Bilang kapalit ng pagtatayuan ng kanilang bahay at ng pagkain, tumutulong ang mga insektong ito sa polinisasyon ng mga halaman, nagkakalat ng mga buto nito, nagsusuplay ng nutriyente, o nagsasanggalang mula sa mga hayop na kumakain ng halaman, insekto man o mamalya. Ang isang uri ng langgam na gumagawa ng bahay sa hungkag na mga tinik ng puno ng akasya ay pumapatay pa nga sa nagbabantang mga baging, na natutuklasan ng mga ito kapag nagpapatrulya sa teritoryo sa palibot ng puno. Nagpapasalamat ang akasya sa napakahusay na serbisyong paghahalaman na ito sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga langgam ng matamis nitong nektar.

Sa kabilang banda, mas gusto naman ng ilang langgam ang “pag-aalaga ng hayop,” at ang kanilang inaalagaan ay mga apid na naglalabas ng matamis na honeydew kapag marahang hinagod ng mga antena ng langgam ang mga ito. Tungkol sa mga apid, ganito ang sabi ng aklat na Symbiosis: “Inaalagaan ng mga langgam ang mga insektong ito na gaya ng mga baka, anupat waring ginagatasan ang mga ito para sa pagkain at ipinagsasanggalang ang mga ito mula sa mga maninila.” Kung paanong isinisilong ng magbubukid ang kaniyang mga baka sa kamalig nang magdamag, gayundin kadalasang dinadala ng mga langgam ang mga apid sa ligtas na bahay ng langgam sa gabi at ibinabalik ang mga ito sa “pastulan” sa umaga, karaniwan na sa mas mura at mas malulusog na dahon. At hindi lamang kakaunting apid ang pinag-uusapan dito. Ang mga langgam ay baka may mga “kawan” ng libu-libong apid sa loob ng iisang bahay ng langgam!

Habang higad pa, ang ilang uri ng paruparo ay inaalagaan din ng mga langgam. Halimbawa, ang malaking asul na paruparo ay may simbiyotikong ugnayan sa pulang mga langgam. Sa katunayan, hindi makukumpleto ang siklo ng buhay nito kung walang tulong ng mga langgam. Habang higad pa, binibigyan nito ng matamis na likido ang mga langgam. Sa bandang huli, kapag lumabas na ang paruparo mula sa talukab nito, iniiwan nito ang bahay ng langgam nang ligtas at naipagsanggalang.

Mapanganib na Pamumuhay

Kung isa kang ibon, magdadala ka ba ng buháy na ahas sa iyong pugad? “Hinding-hindi!” baka sabihin mo. Pero iyan mismo ang ginagawa ng isang uri ng ibon​—ang malaking kuwago. Ang tawag sa ahas ay blind snake. Sa halip na saktan ang mga inakáy, kumakain ang ahas na ito ng mga langgam, langaw, at iba pang insekto at mga uod o pupa nito. Ayon sa isang ulat sa magasing New Scientist, ang mga inakáy na lumaking kasama ng blind snake sa pugad “ay mas mabilis lumaki at mas malamang na mabuhay” kaysa sa mga inakáy na lumaki nang hindi kasama ang mistulang tagalinis na ito.

Ang isang ibon na tinatawag na balankawitan (water thick-knee), o water dikkop, ay hindi lamang namumugad kasama ng isang ahas; gusto nitong gumawa ng pugad malapit sa pugad ng Nile crocodile​—isang reptilya na naninila ng ilang ibon! Gayunman, sa halip na maging pagkain, ang balankawitan ay nagsisilbing tanod. Kapag nanganganib ang pugad man nito o niyaong sa buwaya, sisiyap ang ibon bilang babala. Kung nasa malayo ang buwaya, kakaripas ito pauwi dahil sa siyap.

Tinuka at Hinigop Para Luminis

Nakakita ka na ba ng mga ibong tulad ng tagak o mga oxpecker na nakadapo sa likod ng mga antilope, baka, giraffe, o barakong baka, habang tinutuka ang balat nito? Sa halip na maging pang-abala, malaking pabor ang ibinibigay ng mga ibon sa mga hayop na ito sa pamamagitan ng pagkain sa mga kuto, garapata, at iba pang parasito na hindi kayang tanggalin ng mga hayop nang sila lamang. Kinakain din ng mga ito ang himaymay na may impeksiyon at ang mga uod. Sumusutsot pa nga ang mga oxpecker at nabababalaan ang mga hayop sa posibleng panganib.

Dahil palaging nasa tubig ang hipopotamus, nalilinis ito ng mga “kaibigang” ibon at isda. Kapag nasa tubig ang hipopotamus, “binabakyum” ng mga isdang tinatawag na mga black labeo, isang uri ng karpa, ang mga lumot, patay na balat, at mga parasito​—halos lahat ng dumidikit sa hayop. Nililinis pa nga nila ang mga ngipin at gilagid nito! Tumutulong din ang iba pang uri ng isda​—ang ilan sa paglilinis ng sugat at ang iba naman ay sa paggamit ng kanilang mahahabang nguso para makasingit at manginain sa pagitan ng mga daliri sa paa ng hipopotamus at sa iba pang bahagi ng katawan na mahirap abutin.

Mangyari pa, ang mga isda ay kinakapitan din, at kung gayon ay kailangan alisan, ng mga bagay na dumidikit, tulad ng mga krustasyo at mga panlabas na baktirya, mga fungus, at kuto, gayundin ng mga napinsala o may sakit na himaymay. Sa layuning ito, ang mga isda ay karaniwan nang nagtutungo sa kanilang lokal na istasyon ng paglilinis. Nililinis doon nang mabuti ng matitingkad na goby, mga wrasse, at mga hipong tagalinis ang kanilang mga kliyente, at nakakakuha naman ang mga ito ng makakain kapalit ng kanilang pagsisikap. Ang malalaking isda ay maaari pa ngang may buong pangkat ng tagalinis na nagseserbisyo sa kanila!

Ang mga kliyenteng isda ay may iba’t ibang paraan upang ipahiwatig na nais nilang magpalinis. Halimbawa, ipinuposisyon ng ilan ang kanilang katawan sa kakaibang paraan​—nakababa ang ulo, nakataas ang buntot. O baka ibuka nila nang husto ang kanilang bibig at hasang, na para bang sinasabi: “Sige, pasok kayo. Hindi ako nangangagat.” Agad namang nagpapaunlak ang mga tagalinis, kahit na isang nakatatakot na maninila ang kliyente, tulad ng moray eel o pating. Habang nililinisan, ang ilang kliyente ay nagbabago ng kulay, marahil upang maging mas kitang-kita ang mga parasito. Sa mga akwaryum na walang isdang tagalinis, ang mga isdang-dagat ay “madaling sinasalot ng mga parasito at nagiging masasaktin,” ang sabi ng aklat na Animal Partnerships. “Ngunit sa sandaling maglagay sa akwaryum ng isdang tagalinis, nagtatrabaho ito kaagad para linisan sila, at pumipila naman ang iba para magpalinis na para bang alam nila ang nangyayari.”

Habang mas marami tayong nalalaman, lalo tayong namamangha sa pagkakaisa at pagdepende sa isa’t isa na kitang-kita sa buháy na daigdig sa paligid natin. Tulad ng mga musikero sa isang orkestra, ginagampanan ng bawat organismo ang papel nito, anupat tumutulong upang manatiling umiiral at kasiya-siya ang simponiya ng buhay​—pati na ang buhay ng tao. Walang-alinlangang patotoo ito hinggil sa isang matalinong disenyo at sa Dakilang Disenyador!​—Genesis 1:31; Apocalipsis 4:11.

Ang Tanging Pinagmumulan ng Di-pagkakaisa

Talagang nakalulungkot na ang mga tao ay kadalasang hindi nakikipagtulungan sa kalikasan. Di-tulad ng mga hayop, na pangunahin nang ginagabayan ng likas na mga ugali, ang mga tao ay naiimpluwensiyahan ng iba’t ibang salik, mula sa pag-ibig at iba pang magagandang katangian hanggang sa poot at makasariling interes.

Dahil ang mga tao ay tila mas kinokontrol ng huling nabanggit, ikinatatakot ng marami ang magiging kinabukasan ng ating planeta. (2 Timoteo 3:1-5) Subalit hindi nila isinasaalang-alang ang Maylalang. Ang katuparan ng layunin ng Diyos sa lupa ay hindi lamang magpapanauli sa tamang balanse sa kalikasan kundi magbubunga rin ng pagkakaisa na hindi pa kailanman nangyayari sa lahat ng nilalang, pati na sa mga tao.

[Talababa]

^ May tatlong pangkalahatang kategorya ng simbiyosis: mutualism, kapag nakikinabang ang dalawang organismo; commensalism, kapag nakikinabang ang isa nang hindi napipinsala ang iba; at parasitism, kapag nakikinabang ang isa sa ikapipinsala ng iba. Ang mga halimbawa rito ay mula sa kategorya kung saan nakikinabang ang dalawang organismo.

[Kahon/Larawan sa pahina 7]

Organismong Binubuo ng Tambalan

Ang matigas, kulay-abo o berdeng patse-patse na madalas mong makita sa mga bato at katawan ng puno ay malamang na mga lichen. Sinasabi ng ilang reperensiya na maaaring umaabot sa 20,000 uri ang mga ito! Waring iisang organismo lamang ang mga lichen, pero ang totoo, ang mga ito ay tambalan ng fungus at alga.

Bakit nagsasama ang dalawang organismo? Hindi makagawa ng sarili nilang pagkain ang mga fungus. Kaya sa pamamagitan ng mikroskopikong mga sinulid, kumakapit ang fungus sa alga, na gumagamit ng potosintesis upang makagawa ng asukal. Ang bahagi ng asukal na ito ay tumatagas sa katawan ng alga at sinisipsip ng fungus. Ang alga naman ay nakakakuha ng halumigmig mula sa fungus at naipagsasanggalang sa sobrang liwanag ng araw.

Mapagpatawang inilarawan ng isang siyentipiko ang mga lichen bilang “fungus na nakatuklas ng agrikultura.” At mahusay sila sa gawaing ito, sapagkat ayon sa aklat na Liaisons of Life, “ang sukat ng ibabaw ng lupa na sakop [ng mga lichen] ay mas malaki nang sampung ulit kaysa sa sakop ng maulang kagubatan sa tropiko.” Nabubuhay sila mula Artiko hanggang Antartiko at maging sa likod ng mga insekto!

[Kahon/Mga larawan sa pahina 8]

Korales​—Kahanga-hangang Produkto ng Simbiyosis

Ang mga bahura ng korales ay binubuo ng mga polyp at alga. Dahil nakasiksik ang mga alga sa lahat ng mapapasukang dako sa mga selula ng polyp, ang mga alga ang nagbibigay ng matitingkad na kulay sa mga korales. At kadalasang mas mabigat ang mga ito kaysa sa mga polyp, kung minsan ay sa proporsiyong 3 sa 1, anupat ang mga korales ay mas maituturing na halaman kaysa hayop! Gayunman, ang pangunahing papel ng mga alga ay isailalim sa potosintesis ang organikong mga sangkap, 98 porsiyento nito ay ibinibigay nila sa mga polyp bilang “upa.” Kailangan ng mga polyp ang nutrisyong ito hindi lamang upang mabuhay kundi upang makagawa ng mga balangkas na batong-apog na siya namang bubuo sa mga bahura.

Nakikinabang ang mga alga sa pagsasamang ito sa dalawang paraan. Una, nakakakuha sila ng pagkain sa inilalabas ng mga polyp​—carbon dioxide, mga nitrogen compound, at mga phosphate. Ikalawa, naipagsasanggalang ng matigas na balangkas ang mga alga. Kailangan din ng mga alga ang liwanag ng araw; kaya tumutubo ang mga bahura ng korales sa malinaw at naaarawang tubig.

Kapag naging di-kaayaaya ang kalagayan ng korales, tulad halimbawa dahil sa pagtaas ng temperatura sa tubig, ibinubuga ng mga polyp ang mga alga at namumuti. Bilang resulta, maaaring mamatay na ito sa gutom. Nitong nakaraang mga taon, napansin ng mga siyentipiko ang nakababahalang pagdami ng namumuting korales sa buong mundo.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 8, 9]

Aral sa Pagtutulungan

Dalawang eroplanong jet ang tumawid sa kalangitan na tulad ng mga ibong magkakahanay. Pero hindi ito rutin na paglipad lamang; isa itong eksperimento sa siyensiya batay sa naunang mga pag-aaral hinggil sa mga pelikano. Natuklasan ng mga mananaliksik na ang mga pelikano na lumilipad nang magkakahanay ay nakakakuha ng karagdagang puwersang pang-angat sa ere (lift) mula sa mga ibong nasa unahan nito, anupat bumabagal nang 15 porsiyento ang bilis ng pagtibok ng puso nito kaysa kapag mag-isa lamang itong lumilipad. Makikinabang din kaya ang mga eroplano sa mga prinsipyo ring ito ng erodinamika?

Upang malaman ito, ang mga inhinyero ay naglagay ng pasadya at sopistikadong mga kagamitang elektroniko sa isang eroplanong pang-eksperimento na tutulong sa piloto na panatilihing di-lalampas sa 30 sentimetro ang layo ng kaniyang eroplano mula sa isang espesipikong posisyon, habang ang eroplanong nasa unahan nito ay mga 90 metro ang distansiya mula rito. (Tingnan ang larawan.) Ang resulta? Ang naranasang hirap ng eroplano sa paglipad sa himpapawid (drag) ay nabawasan nang 20 porsiyento kaysa sa yaong pangkaraniwan, at ang gasolinang nagamit nito ay mas kaunti nang 18 porsiyento. Naniniwala ang mga mananaliksik na ang natuklasang ito ay magagamit kapuwa sa mga bagay na pangmilitar at pansibilyan.

[Credit Lines]

Jets: NASA Dryden Flight Research Center; birds: © Joyce Gross

[Mga larawan sa pahina 5]

Sa “rumen” ng baka, pinatutuloy nito ang mistulang ekosistema ng mga baktirya, “fungus,” at “protozoa” (pinalaking nakasingit na larawan)

[Credit Line]

Nakasingit na larawan: Melvin Yokoyama and Mario Cobos, Michigan State University

[Larawan sa pahina 7]

Tumutulong ang mga bubuyog upang makapagparami ang namumulaklak na mga halaman

[Larawan sa pahina 8, 9]

Isang baka na may kaharap na tagak

[Larawan sa pahina 10]

“Butterfly fish” kasama ng isang maliit na isdang tagalinis

[Larawan sa pahina 10]

“Spotted cleaner shrimp” na nasa “anemone”