Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Sobrang Katabaan Nais ko kayong papurihan sa inyong seryeng “Sobrang Katabaan​—Ano ba ang Solusyon?” (Nobyembre 8, 2004) Bumaba ang timbang ko nang 50 kilo sa pamamagitan ng programa ng pagkain ng mas masusustansiyang pagkain at araw-araw na pag-eehersisyo. Mula nang pumayat ako, mas nakatatagal ako, anupat mas nakakayanan ko na ang ministeryo nang hindi nahahapo.

M. E., Estados Unidos

Ako ay lampas na sa edad 45 at mas palaisip na ako sa aking kalusugan, subalit hindi ako noon nababahala sa sobrang katabaan. Determinado na ako ngayong magpapayat. Nagsimula ako kaagad. Tiniyak sa akin ng seryeng ito na inaalagaan ni Jehova ang bawat isa sa atin.

H. S., Hapon

Maraming salamat sa makatotohanang impormasyon tungkol sa sobrang katabaan. Sinimulan ko ngayon ang programa ng pag-eehersisyo at iniba ko ang aking kaugalian sa pagkain. Mahigit 30 taon na akong nagbabasa ng inyong magasin, at napakalaking tulong ang naibigay ng inyong magasin sa aking buhay!

N. J., Estados Unidos

Ang timbang ko ay 160 kilo. Ayon sa tsart sa pahina 5, ang timbang ko dapat ay 76 na kilo. Ang dami kong kailangang gawin upang mabawasan ang timbang na ito. Alam kong makatutulong ang artikulong ito at ang mga karanasan dito.

W. O., Estados Unidos

Natutuwa akong malaman na nagmamalasakit sa ating kalusugan si Jehova at ang kaniyang organisasyon. Gayunman, ang isang bagay na nakabahala sa akin ay ang tsart sa pahina 5. Gumagamit ang ilang doktor ng tsart na nagpapakita ng pinakamagaan hanggang sa pinakamabigat na tamang timbang ayon sa laki ng katawan ng isang tao. Malaki ang katawan ko, kaya iba ang timbang ko kaysa sa isang tao na mas maliit ang katawan ngunit gayundin ang taas.

C. S., Estados Unidos

Sagot ng “Gumising!”: Salamat sa impormasyong ito. Ang nasa pahina 5 ay isang uri lamang ng tsart na makatutulong sa isang tao na malaman ang kaniyang tamang timbang. Hindi namin nilayong ipahiwatig na hindi tama ang ibang tsart.

Masasalamin sa serye ang laganap na pananaw na matagumpay ang isang taong payat, samantalang kabaligtaran naman sa taong sobra ang timbang. Ang pagiging sobra ko ba sa timbang ay nangangahulugang tamad ako, walang pangganyak, at walang silbi?

I. J., Alemanya

Sa wari ko ay hindi ninyo isinama ang sikolohikal na aspekto ng suliraning ito. Sang-ayon ako na mahalagang paglabanan ang pagiging mataba, pero ipagpalagay na hindi nagtagumpay ang isa. Ano ang madarama niya?

Y. Z., Russia

Baka isipin ng ilang mambabasa na ang payat na mga tao lamang ang iniibig ni Jehova o na ang mga tao lamang na may “normal” na timbang ang maaaring maging Saksi ni Jehova.

R. B., Alemanya

Sagot ng “Gumising!”: Ibinangon ng tatlong mambabasa sa itaas ang mga puntong hindi tinalakay sa ating serye. Totoo namang may ilang sanhi ng sobrang katabaan na walang kinalaman sa labis na pagkain. Halimbawa, bumibigat ang timbang ng isang tao dahil sa pag-inom ng ilang gamot. Maaaring maging mahirap din ang pagpapapayat para sa ilan dahil sa henetikong mga salik. Anuman ang dahilan, hindi namin layuning ipahiwatig na ang mga lalaki at babae lamang na may tamang timbang ang kaayaaya sa Diyos. Sana ang aming serye ay nakapag-udyok at nakapagbigay ng praktikal na mga mungkahi sa sinumang gustong magkaroon ng programa ng pagkain ng masusustansiyang pagkain at pag-eehersisyo​—at mabawasan ang timbang bilang resulta. Nakapagliligtas-buhay ang gayong mga programa. Ikinalulungkot namin ang anumang di-pagkakaunawaan hinggil sa bagay na ito.