Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Kinabukasan ng Turismo

Ang Kinabukasan ng Turismo

Ang Kinabukasan ng Turismo

“May mga halimbawa sa halos bawat bansa sa daigdig, kung saan ang pagsulong sa turismo ang pangunahing sinisisi sa pagkasira ng kapaligiran.”​—An Introduction to Tourism, ni Leonard J. Lickorish at Carson L. Jenkins.

ANG pag-unlad ng turismo ay hindi lamang posibleng banta sa kapaligiran kundi maaari ring magdulot ng iba pang mga problema. Isaalang-alang natin sa maikli ang ilan sa mga ito. Pagkatapos, tatalakayin natin ang posibilidad sa hinaharap na malibot ang ating kahanga-hangang daigdig at maging pamilyar sa kamangha-manghang mga gawa rito, lalo na ang kaakit-akit na mga taong naninirahan dito.

Mga Problemang Pangkapaligiran

Nagdulot ng mga problema ang sobrang dami ng mga turista sa ngayon. “Sa India, nasisira na ang Taj Mahal dahil sa mga namamasyal,” ang isinulat ng mga mananaliksik na sina Lickorish at Jenkins, at idinagdag pa: “Sa Ehipto, nanganganib din ang mga piramide dahil sa napakaraming namamasyal.”

Bukod diyan, nagbababala ang mga awtor na ito na ang di-makontrol na turismo ay maaaring pumatay o makapigil sa paglaki ng mga halaman kapag dumaluhong sa mga lugar ng konserbasyon ang pulutong ng mga namamasyal. Karagdagan pa, maaaring malipol ang ilang uri ng halaman at hayop kapag ang mga turista ay nangongolekta ng mga bagay-bagay na gaya ng bibihirang kabibi at korales o kapag kumukuha ng ganitong mga bagay ang lokal na mga residente upang ipagbili sa mga turista.

Lumilikha ng polusyon ang mga turista​—katamtamang isang kilo ng solidong mga basura at kalat bawat araw sa isang turista, ayon sa pagtaya ng UN Environment Programme. Waring naaapektuhan maging ang pinakaliblib na mga lokasyon. Isinasaad sa isang kamakailang ulat mula sa Rainforest Action Network: “Sa popular na mga ruta ng turista sa Himalaya, nagkalat ang mga basura sa daan at ang mga gubat sa mataas na kabundukan ay sinira ng mga manlalakbay na naghahanap ng panggatong para sa pag-iinit ng pagkain at ng tubig na pampaligo.”

Karagdagan pa, ang mga turista ay kadalasan nang labis kumonsumo ng likas na yaman na magagamit sana ng lokal na mga naninirahan. Halimbawa, isinulat ni James Mak sa kaniyang aklat na Tourism and the Economy: “Pitong beses ang dami ng tubig na kinokonsumo ng mga turista sa Grenada kung ihahambing sa mga residente.” Sinabi pa niya: “Sa tuwiran at di-tuwirang paraan, 40 porsiyento ng kabuuang enerhiya na ginagamit sa Hawaii ay napupunta sa turismo, bagaman sa katamtaman ay isa lamang sa walo katao ang turista sa Hawaii.”

Bagaman malaking pera ang maaaring ginugugol ng mga turista sa pamamasyal sa papaunlad na mga bansa, ang karamihan ng mga ito ay hindi napakikinabangan ng lokal na populasyon. Tinataya ng World Bank na 45 porsiyento lamang ng kita sa turismo ang napupunta sa bansang pinapasyalan​—ang karamihan sa salapi ay bumabalik sa mauunlad na bansa sa pamamagitan ng mga tagapag-organisa ng paglalakbay sa ibang bansa at ng mga tuluyang pag-aari ng mga banyaga.

Negatibong Epekto sa Lipunan

Ang mga turista mula sa mas mayayamang bansa sa Kanluran na pumapasyal sa papaunlad na mga bansa ay maaaring may iba pang di-kapansin-pansin​—at kung minsan ay medyo kapansin-pansin​—na negatibong mga epekto sa lokal na kultura. Halimbawa, kadalasang dinadala ng mga turista ang kanilang maluluhong kagamitan para sa kanilang kaalwanan. Para sa lokal na mga residente, maaaring hindi kapani-paniwala ang gayong karangyaan. Kaya maraming lokal na mga residente ang naghangad na magkaroon ng gayong mamahaling mga kagamitan na hindi naman nila kayang bilhin malibang gumawa sila ng malalaking pagbabago sa kanilang istilo ng pamumuhay​—mga pagbabago na posibleng magkaroon ng masamang epekto sa kanilang pakikitungo sa iba.

Binanggit ni Mak ang potensiyal na mga problema, anupat sinabi na ang paglago ng turismo ay maaaring “humantong sa paglalaho ng natatanging mga katangian ng kultura at ng komunidad, lumikha ng alitan sa tradisyonal na mga lipunan hinggil sa paggamit ng mga lupaing pag-aari ng komunidad at paggamit ng likas na yaman, at magpalaganap ng mga gawaing laban sa lipunan, gaya ng krimen at prostitusyon.”

Kadalasan nang nadarama ng mga turista sa ngayon na magagawa nila ang lahat ng kanilang maibigan, kaya gumagawa sila ng mga bagay na hindi naman nila gagawin kung nasa tahanan sila kasama ng mga kapamilya at kaibigan. Dahil dito, ang imoralidad ng mga turista ay naging suliranin na seryoso ang mga kahihinatnan. Ganito ang sinabi ni Mak nang banggitin niya ang isang kilaláng halimbawa: “Tumitindi ang pagkabahala ng buong daigdig hinggil sa mga epekto ng turismo sa prostitusyon ng mga bata.” Noong 2004, ganito ang iniulat ng ahensiya sa pagbabalita na CNN: “ ‘Isinisiwalat ng mapananaligang mga pagtaya na may 16,000-​20,000’ bata na biktima ng seksuwal na pagsasamantala sa Mexico, ‘pangunahin na sa mga hanggahan, lunsod, at lugar na puntahan ng mga turista.’ ”

Ang mga Pakinabang sa Paglalakbay

Ang ating lupa ay isang kahanga-hangang tahanan, na nagtatanghal ng di-nagbabago at kamangha-manghang mga panoorin​—makulay na paglubog ng araw, kalangitang kumikislap sa dami ng mga bituin, at sari-saring mga halaman at hayop. Saanman tayo nakatira, nasisiyahan tayo sa ilan sa mga ito at sa iba pang kamangha-manghang mga katangian ng ating makalupang tahanan. Gayunman, kapana-panabik nga kung mabubuksan ang pagkakataon upang makapaglakbay tayo at makita ang iba pang mga halimbawa ng kamangha-manghang mga bagay sa lupa!

Bagaman napahahanga ang maraming turista sa kamangha-manghang pisikal na mga bagay sa lupa, sinasabi nila na ang pinakatampok na bahagi ng paglalakbay ay ang pakikipagkilala sa mga taong may naiibang kultura. Kadalasan na, natutuklasan ng mga manlalakbay na hindi totoo ang negatibong mga impresyon hinggil sa mga dayuhan. Tumutulong ang kanilang paglalakbay upang maunawaan ang mga taong iba ang lahi at kultura at mabuo ang mahahalagang pagkakaibigan.

Naikintal sa maraming turista na hindi laging nagpapaligaya sa mga tao ang mga pag-aari. Higit na mahalaga ang kaugnayan ng isa sa iba​—anupat nasisiyahan sa pakikisama sa dati nang mga kaibigan at sa pakikipagkilala sa bagong mga kaibigan. Inilalahad ng isang ulat sa Bibliya kung paanong ang “makataong kabaitan” na tinanggap mula sa “mga taong [taga-Malta na] may wikang banyaga” ay pinakinabangan ng unang-siglong mga manlalakbay na dumanas ng pagkawasak ng barko roon. (Gawa 28:1, 2) Ang pagdalaw sa ngayon sa ibang mga bansa at sa mga tagaroon ay nakatulong sa marami na matantong iisang pamilya lamang tayo at na kaya nating mamuhay sa lupa nang magkakasama at payapa.

Sa ngayon, iilan lamang ang nakapaglalakbay sa iba’t ibang panig ng daigdig. Subalit kumusta naman sa hinaharap? Posible kayang maranasan ng karamihan, o maging ng lahat, ang gayong paglalakbay?

Pag-asa sa Hinaharap

Tayong lahat ay talagang magkakamag-anak at pawang mga miyembro ng pamilya ng tao. Totoo, namatay ang unang taong mag-asawa, gaya ng ibinabala sa kanila kung susuwayin nila ang Diyos. (Genesis 1:28; 2:17; 3:19) Kaya lahat ng kanilang mga supling, kasali na tayong lahat sa ngayon, ay tumatanda rin at namamatay. (Roma 5:12) Subalit nangangako ang Diyos na matutupad ang kaniyang orihinal na layunin na panirahan ang lupa ng mga taong umiibig sa kaniya. “Sinalita ko nga iyon,” ang sabi ng kaniyang Salita, “gagawin ko rin naman.”​—Isaias 45:18; 46:11; 55:11.

Isip-isipin ang kahulugan nito! Ipinangangako ng Bibliya na sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” (Awit 37:29; Mateo 6:9, 10) Bilang paglalarawan sa magiging situwasyon ng mga tao sa lupa sa hinaharap, sinasabi sa Bibliya: “Ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.”​—Apocalipsis 21:3, 4.

Gunigunihin ang kahanga-hangang mga posibilidad sa hinaharap na malibot ang daigdig at maging pamilyar sa kamangha-manghang mga gawa rito, lalo na ang kaakit-akit na mga taong naninirahan dito. Hindi na ikababahala ang seguridad sa panahong iyon! Magiging kaibigan natin ang lahat ng tao sa lupa​—oo, ang inilalarawan sa Bibliya bilang ‘buong samahan ng mga kapatid sa sanlibutan.’​—1 Pedro 5:9.

[Larawan sa pahina 8, 9]

Isang tampok na bahagi ng paglalakbay ang pakikipagkaibigan sa mga taong iba ang kultura

Walang limitasyon ang pag-asa sa hinaharap na madalaw ang mga tao at mapasyalan ang mga lugar sa iba’t ibang bansa