Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Jantar Mantar—Obserbatoryo na Walang mga Teleskopyo

Jantar Mantar—Obserbatoryo na Walang mga Teleskopyo

Jantar Mantar​—Obserbatoryo na Walang mga Teleskopyo

Mula sa manunulat ng Gumising! sa India

BAKA magulat ang mga dumadayo sa Jantar Mantar sa New Delhi, India, sa mga istraktura roon, at magtaka, ‘Talaga bang obserbatoryo ito?’ Para sa mga pamilyar sa makabagong mga gusali kung saan matatagpuan ang mga instrumento sa astronomiya na gumagamit ng napakamodernong teknolohiya, malayong maisip ng isa na ang kakaibang mga istrakturang ito na masoneriya ay isang obserbatoryo. Ngunit ganiyan nga mismo ang Jantar Mantar nang itayo ito noong maagang bahagi ng ika-18 siglo. Kapansin-pansin, kahit na walang mga teleskopyo at iba pang instrumento rito na gawa noon sa Europa, nagbigay ang obserbatoryong ito ng detalyado at tumpak na impormasyon hinggil sa mga bagay sa kalangitan.

Jantar Mantar ang karaniwang tawag sa tatlo sa limang obserbatoryo na itinayo ng tagapamahalang Rajput na si Maharaja Sawai Jai Singh II. Ang “Jantar” ay hango sa salitang Sanskrit na “yantra,” na nangangahulugang “instrumento,” gayundin ang “Mantar” mula sa “mantra,” na nangangahulugang “pormula.” Nabuo ang pangalang Jantar Mantar dahil sa karaniwang kaugalian na pagdaragdag ng salitang may katugmang tunog bilang pagdiriin.

Isang plake na nakakabit sa isang instrumento sa Jantar Mantar sa New Delhi noong 1910 ang nagsasaad na itinayo ang obserbatoryong ito noong 1710. Gayunman, ipinahihiwatig ng pagsasaliksik nang maglaon na natapos ito noong 1724. Gaya ng makikita natin, ang konklusyong ito ay sinusuhayan ng impormasyon hinggil sa talambuhay ni Jai Singh. Subalit suriin muna natin sandali ang mga instrumento sa obserbatoryong ito, na itinuturing na pinakamatatanda sa buong daigdig sa lahat ng ganitong uri ng instrumento.

Mga Istrakturang Masoneriya Bilang mga Instrumento

Ang obserbatoryo ay may apat na iba’t ibang instrumentong masoneriya na gawa sa bato. Ang bukod-tangi sa lahat ay ang Samrat yantra, o Sukdulang instrumento​—na “pangunahin nang isang sundial na ang bawat oras ay magkakapareho ng agwat.” Ito ang pinakamahalagang likha ni Jai Singh. Binubuo ito ng pagkalaki-laking tatsulok na masoneriya at may taas na 21.3 metro, lapad na 34.6 metro, at kapal na 3.2 metro. Ang hypotenuse nito na may habang 39 na metro ay katapat ng axis ng lupa at nakaturo sa Polong Hilaga. Sa magkabilang panig ng tatsulok, o gnomon, ay may quadrant (sangkapat na bilog) na may maliliit na markang panukat ng oras, minuto, at segundo. Bagaman daan-daang taon na ang simpleng mga sundial, ang instrumentong ito na pangunahin nang sumusukat ng oras ay ginawa ni Jai Singh na isang tumpak na kasangkapan upang sukatin ang declination (distansiya mula sa ekwador ng kalangitan na sinusukat sa pamamagitan ng digri) at ang iba pang kaugnay na mga coordinate (set ng numero na ginagamit upang tukuyin ang lokasyon sa kalawakan) ng mga bagay sa kalangitan.

Ang tatlong iba pang istraktura sa obserbatoryo ay ang Ram yantra, Jayaprakash yantra, at Mishra yantra. Masalimuot ang pagkakadisenyo ng mga ito para masukat ang declination, altitud, at azimuth ng araw at ng mga bituin. Ipinakikita pa nga ng instrumentong Mishra kung tanghaling tapat na sa iba’t ibang lunsod sa buong daigdig.

Inimbento ni Jai Singh ang lahat ng instrumentong nabanggit sa itaas maliban sa Mishra yantra. Ang mga ito ay di-hamak na mas masalimuot at praktikal kaysa sa anupamang bagay sa India nang panahong iyon at nakatulong upang magkaroon ng tumpak na mga almanak at mga talahanayan sa astronomiya. Ang mga ito ay elegante at magaganda ang pagkakadisenyo at nagbigay ng mahahalagang impormasyon hanggang sa maging lipas na ang mga ito dahil sa teleskopyo at iba pang mga imbensiyon. Subalit bakit hindi inilakip ng napakatalinong lalaking ito na may mataas na pinag-aralan sa kaniyang mga pagsasaliksik sa astronomiya ang ilang kagamitang ginagamit na noon sa Europa, kabilang na ang optikal na teleskopyo? Ang sagot ay masusumpungan sa impormasyon hinggil sa maharaja (prinsipeng Hindu na mas mataas ang ranggo kaysa sa raha) at sa kasaysayan nang panahong iyon.

“Nakatutok sa Pag-aaral ng Siyensiya ng Matematika”

Ipinanganak si Jai Singh noong 1688 sa estado ng India na Rajasthan. Ang kaniyang ama, isang maharaja sa Amber na siyang kabisera ng angkan ng mga Rajput sa Kachavaha, ay nasa ilalim ng awtoridad ng mga kapangyarihang Mogul sa Delhi. Tinuruan ang kabataang prinsipe ng mga wikang tulad ng Hindi, Sanskrit, Persiano, at Arabe. Nag-aral din siya ng matematika, astronomiya, at martial arts. Ngunit isang asignatura ang pinakamalapit sa puso ng prinsipe. Isang akda noong panahon niya ang nagsabi: “Mula nang magkaisip siya, at habang sumusulong sa pagkamaygulang, si Sawai Jai Singh ay lubusang nakatutok sa pag-aaral ng siyensiya ng matematika (astronomiya).”

Noong 1700, sa edad na 11, iniluklok si Jai Singh sa trono ng Amber pagkamatay ng kaniyang ama. Di-nagtagal, ang kabataang hari ay ipinatawag ng emperador na Mogul sa kaniyang korte sa timog India, kung saan nakilala ni Jai Singh si Jagannātha, isang lalaking may malawak na kaalaman sa matematika at astronomiya. Naging pangunahing kawani ng hari ang lalaking ito nang maglaon. Naging pabagu-bago ang kalagayan sa pulitika ng kabataang maharaja hanggang sumapit ang 1719, nang magsimula ang paghahari ni Muḥammad Shāh. Ipinatawag si Jai Singh sa kabisera, sa Delhi, para makipagkita sa bagong tagapamahalang Mogul. Lumilitaw na sa pagkikitang ito, na naganap noong Nobyembre 1720, iminungkahi ni Jai Singh ang pagtatayo ng isang obserbatoryo, na malamang na naisakatuparan noong 1724.

Ano ang nag-udyok sa maharaja para magtayo ng isang obserbatoryo? Napagtanto ni Jai Singh na ang mga almanak at mga tsart ng astronomiya sa India ay hindi tumpak at walang gaanong nagaganap na pagsulong sa larangan ng astronomiya. Kaya ipinasiya niyang gumawa ng bagong mga tsart na tutugma sa aktuwal na nakikitang mga bagay sa kalangitan. Nais din niyang may magamit na mga instrumento para sa mga obserbasyon sa astronomiya ang lahat ng taong masigasig sa pag-aaral ng astronomiya. Kaya nagkaroon si Jai Singh ng malaking aklatan na may mga aklat mula sa Pransiya, Inglatera, Portugal, at Alemanya. Sa kaniyang korte, malugod niyang tinanggap ang mga iskolar mula sa mga paaralan ng astronomiya na Hindu, Islamiko, at Europeo. Nagpadala pa nga siya sa Europa ng isang opisyal na grupo mula sa Silangan upang mangalap ng impormasyon hinggil sa astronomiya, at inatasan niya silang mag-uwi ng mga aklat at instrumento.

Hindi Magtatagpo ang Silangan at Kanluran

Bakit pa nagtayo si Jai Singh ng mga istrakturang masoneriya, samantalang ginagamit na noon ang teleskopyo, micrometer, at vernier sa Europa? At bakit waring hindi siya pamilyar sa mga tuklas nina Copernicus at Galileo may kaugnayan sa pag-ikot ng lupa sa palibot ng araw?

May kinalaman dito ang kawalan ng komunikasyon sa pagitan ng Silangan at Kanluran. Ngunit hindi lamang ito ang disbentaha. Sangkot din dito ang relihiyosong kapaligiran nang panahong iyon. Ayaw maglakbay sa Europa ng mga iskolar na Brahman sapagkat kapag tumawid sila ng dagat, maiwawala nila ang kanilang caste (pag-uuring panlipunan). Ang karamihan sa mga kawaning taga-Europa na tumulong kay Jai Singh na mangalap ng impormasyon ay mga iskolar na Jesuita. Ayon kay V. N. Sharma, na sumulat ng talambuhay ni Jai Singh, ang mga Jesuita at karaniwang Katoliko ay pinagbantaang isasailalim sa Inkisisyon kung tatanggapin nila ang pananaw ni Galileo at ng iba pang mga siyentipiko na ang lupa ay umiikot sa palibot ng araw. Para sa simbahan, ito ay erehiya at ateismo. Kung gayon, hindi nga nakapagtataka na ang mga akda nina Copernicus at Galileo o ang bagong mga instrumento na ginagamit na pansuhay sa mga teoriya na umiikot ang lupa sa palibot ng araw ay wala sa listahan ng bibilhin ng mga isinugo ni Jai Singh sa Europa.

Patuloy na Pagsisikap

Nabuhay si Jai Singh sa panahon ng kawalan ng pagpaparaya sa relihiyon at pagkapanatiko. Sa kabila ng kaniyang napakahusay at buong-kadalubhasaang pagpapagal upang gawing makabago ang kaalaman tungkol sa kalangitan, halos walang nagawang pagsulong sa larangang ito sa India sa loob ng maraming dekada. Magkagayunman, ang obserbatoryong Jantar Mantar ay patotoo ng pagsisikap ng isang taong uhaw sa kaalaman.

Maraming siglo bago pa nagkaroon si Jai Singh ng interes sa paggalaw ng mga bagay sa kalangitan, nakatanaw na sa langit ang iba pang palaisip na mga tao, habang nagsisikap na maunawaan ang mga nilikha sa uniberso. Walang alinlangan, patuloy na ‘ititingin ng sangkatauhan ang kanilang mga mata sa itaas’ ng kalangitan sa pagsisikap na palawakin ang kanilang kaalaman sa mga gawa ng mga kamay ng Diyos.​—Isaias 40:26; Awit 19:1.

[Dayagram/Larawan sa pahina 18]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ang Samrat yantra ay isang tumpak na sundial. Ang anino ng malaking tatsulok ay makikita sa nakakurbang mga quadrant (tingnan ang itinatampok ng puting bilog) na may maliliit na markang panukat

[Dayagram/Larawan sa pahina 18]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ang Jayaprakash yantra ay binubuo ng mga hating-globo na inuka ang loob at may mga marka sa malukong na ibabaw nito. May salu-salubong na mga kawad sa kabi-kabilang dulo ng bibig nito

Mula sa loob ng Ram yantra, maitatapat ng nagmamasid ang posisyon ng bituin sa iba’t ibang marka o sa gilid ng bintana

[Dayagram/Larawan sa pahina 18]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ipinakikita ng Mishra yantra kung tanghaling tapat na sa iba’t ibang lunsod

[Dayagram sa pahina 19]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ang obserbasyong batay sa abot-tanaw, na siyang pinakamaagang anyo ng astronomiya, ay ginawang napakatumpak ni Jai Singh

Upang matukoy ang lokasyon ng isang bituin, kailangan mong alamin ang altitud (kung gaano ito kataas sa kalangitan) nito at azimuth (kung gaano kalayo ito sa silangan mula sa tunay na hilaga)

Sa Samrat yantra, kailangan ang dalawang tao para matukoy ang isang bituin at maitala ang posisyon nito

[Credit Line]

Ibaba: Reproduced from the book SAWAI JAI SINGH AND HIS ASTRONOMY, published by Motilal Banarsidass Publishers (P) Ltd., Jawahar Nagar Delhi, India

[Mapa sa pahina 19]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

INDIA

New Delhi

Mathura

Jaipur

Varanasi

Ujjain

Nagtayo si Jai Singh ng limang obserbatoryo sa India, kabilang na ang isang nasa New Delhi

[Picture Credit Line sa pahina 18]

Larawan: Courtesy Roop Kishore Goyal