Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aling mga Pelikula ang Panonoorin Mo?

Aling mga Pelikula ang Panonoorin Mo?

Aling mga Pelikula ang Panonoorin Mo?

NITONG nakalipas na mga dekada, iba’t iba ang naging reaksiyon sa paglaganap ng sekso, karahasan, at kalaswaan sa mga panoorin. Sinasabi ng ilan na ang isang partikular na eksena sa sekso ay mahalay, samantalang nangangatuwiran naman ang iba na ito ay artistiko. Iginigiit ng ilan na hindi kinakailangan sa pelikula ang karahasan, samantalang sinasabi naman ng iba na kailangan ito. Sinasabi ng ilan na ang mga usapang gumagamit ng napakaraming pagmumura ay kasuklam-suklam, samantalang inaangkin naman ng iba na ito ay realistiko. Ang itinuturing ng isang tao na malaswa ay tinatawag naman ng iba na malayang pagpapahayag. Kung makikinig ka sa magkabilang panig, ang lahat ng ito ay waring maliliit na pagtatalo lamang sa kahulugan ng mga salita.

Ngunit ang nilalaman ng pelikula ay hindi lamang isang bagay para sa di-mahalagang pagtatalo. Dapat itong ikabahala, hindi lamang ng mga magulang kundi ng lahat na nagpapahalaga sa mga pamantayang moral. “Tuwing nagbabakasakali ako at lumalabag sa aking tamang pasiya at bumabalik sa sinehan, pakiramdam ko’y nagiging mas masamang tao ako paglabas ko,” ang malungkot na sinabi ng isang babae. “Ako ang nahihiya para sa mga taong gumawa ng basurang ito, at nahihiya ako para sa aking sarili. Para bang lalong bumaba ang aking pagkatao dahil sa mga bagay na kapapanood ko lamang.”

Pagtatakda ng mga Pamantayan

Hindi na bago ang pagkabahala sa nilalaman ng mga pelikula. Noong nagsisimula pa lamang ang industriya ng pelikula, nagkaroon na ng kaguluhan dahil sa seksuwal na mga paksa at kriminal na mga elementong ipinalalabas sa pinilakang tabing. Sa wakas, noong dekada ng 1930, isinabatas ang isang kodigo sa Estados Unidos na mahigpit na kokontrol sa ipalalabas na mga pelikula.

Ayon sa The New Encyclopædia Britannica, ang bagong kodigong ito para sa mga pelikula “ay masyadong mapanupil, anupat ipinagbabawal ang pagpapakita sa pelikula ng halos lahat ng may kaugnayan sa normal na nararanasan ng adultong mga tao. Ipinagbabawal nito ang pagpapakita ng ‘mga eksena ng pagnanasa,’ at ni hindi man lamang maaaring ipahiwatig ang pangangalunya, bawal na pagtatalik, pang-aakit, at panggagahasa maliban na lamang kung talagang mahalaga ito sa takbo ng istorya at kung parurusahan nang husto ang mga gumawa nito sa wakas ng pelikula.”

May kaugnayan sa karahasan, ang mga pelikula ay “pinagbabawalang magpakita o tumalakay ng tungkol sa mga sandata na karaniwang ginagamit noon, magpakita ng mga eksena ng krimen, magpakita na namamatay ang mga alagad ng batas sa kamay ng mga kriminal, magpahiwatig ng labis-labis na kalupitan o patayan, o gumamit ng pagpaslang o pagpapatiwakal maliban na lamang kung ito ay napakahalaga sa takbo ng istorya. . . . Hindi pinahihintulutang ilarawan ang anumang krimen bilang makatuwiran.” Bilang sumaryo, binanggit ng kodigo na “walang pelikulang gagawin na magpapababa sa pamantayang moral ng mga manonood nito.”

Mula sa mga Restriksiyon Hanggang sa mga Rating

Pagsapit ng dekada ng 1950, binabale-wala na ng maraming prodyuser sa Hollywood ang kodigo, anupat sa tingin nila’y makaluma na ang mga alituntunin nito. Kaya naman, noong 1968 ay inalis na ang kodigo at pinalitan ng rating system. a Sa pamamagitan ng rating system, ang isang pelikula ay maaaring maglaman ng kahit na anong eksena, ngunit lalagyan ito ng isang simbolo na nagbababala sa publiko may kaugnayan sa antas ng nilalaman nitong “pang-adulto.” Ayon kay Jack Valenti, na nagsilbi bilang presidente ng Motion Picture Association of America sa loob ng halos apat na dekada, ang tunguhin ay “magbigay ng patiunang babala sa mga magulang, upang sila mismo ang magpasiya kung anong mga pelikula ang dapat at hindi dapat panoorin ng kanilang mga anak.”

Nang gamitin ang rating system, naalis na ang hadlang. Binaha ng sekso, karahasan, at kalaswaan ang karaniwang mga iskrip ng pelikula sa Hollywood. Ang bagong kalayaan na ipinagkaloob sa mga pelikula ay nagpakawala ng daluyong na hindi na kayang pigilan. Gayunman, dahil sa rating, patiunang nabibigyan ng babala ang publiko. Ngunit masasabi ba sa iyo ng rating ang lahat ng dapat mong malaman?

Kung Ano ang Hindi Masasabi sa Iyo ng mga Rating

Nadarama ng ilan na sa paglipas ng mga taon, naging maluwag na ang rating system. Sinusuportahan ng isang pag-aaral sa Harvard School of Public Health ang gayong hinala, sapagkat natuklasan nito na ang mga pelikula na itinuturing na katanggap-tanggap sa mga nakababatang tin-edyer ay naglalaman na ngayon ng higit na karahasan at higit na lantarang eksena sa sekso kaysa sa mga pelikula isang dekada lamang ang nakalilipas. Sinabi ng pag-aaral na “ang mga pelikula na may magkatulad na rating ay maaaring malaki ang pagkakaiba sa dami at uri ng posibleng di-magandang nilalaman nito” at na “ang mga rating na batay lamang sa edad ay hindi naglalaan ng sapat na impormasyon hinggil sa paglalarawan ng karahasan, sekso, kalaswaan at iba pang nilalaman.” b

Ang mga magulang na basta na lamang hinahayaan ang kanilang mga anak na manood ng sine ay maaaring walang alam sa kung ano ang itinuturing na angkop na panoorin sa ngayon. Halimbawa, inilarawan ng isang kritiko ng pelikula ang bida ng isang pelikula, na binigyan ng rating sa Estados Unidos na angkop para sa mga tin-edyer. Siya ay “isang 17-taóng-gulang na kabataang babae na may sariling disposisyon at handang sumama sa araw-araw na paglalasing, ilegal na paggamit ng droga, pagpapakasasa sa sekso sa isang parti at agresibong pakikipagtalik sa isang kabataang lalaki na noon lamang niya nakilala.” Ang ganitong nilalaman ng isang pelikula ay karaniwan na lamang. Ang totoo, binanggit ng The Washington Post Magazine na ang mga pagtukoy sa oral sex ay waring “karaniwan nang katanggap-tanggap” sa mga pelikula na binigyan ng rating na angkop para sa mga tin-edyer. Maliwanag, hindi lamang ang rating ang dapat maging tanging batayan sa pag-alam sa nilalaman ng isang pelikula. May mas mabuti pa bang giya?

“Kapootan Ninyo ang Kasamaan”

Ang rating system ay hindi kahalili ng budhing sinanay sa Bibliya. Sa lahat ng kanilang mga pagpapasiya​—pati na yaong mga may kaugnayan sa libangan​—sinisikap ng mga Kristiyano na ikapit ang paalaala na masusumpungan sa Bibliya sa Awit 97:10: “Kapootan ninyo ang kasamaan.” Ituturing ng isang taong napopoot sa kasamaan na mali ang masiyahan sa mga bagay na kinamumuhian ng Diyos.

Ang mga magulang ay lalo nang kailangang maging napakaingat sa uri ng pelikula na ipinahihintulot nilang panoorin ng kanilang mga anak. Magiging masyado tayong kampante kung basta susulyapan lamang natin ang mga rating. Posibleng ang isang pelikula na may angkop na rating para sa edad ng iyong anak ay nagtataguyod ng mga pamantayan na hindi mo sinasang-ayunan bilang isang magulang. Hindi naman ito kataka-taka sa mga Kristiyano, yamang tanggap na ng sanlibutan ang paraan ng pag-iisip at paggawi na salungat sa makadiyos na mga pamantayan. c​—Efeso 4:17, 18; 1 Juan 2:15-17.

Hindi ito nangangahulugan na lahat ng pelikula ay masama. Ngunit kailangang mag-ingat. May kaugnayan sa bagay na ito, ang Mayo 22, 1997, na isyu ng Gumising! ay may ganitong komento: “Dapat na maingat na timbangin ng bawat isa ang mga [bagay-bagay] at magpasiya taglay ang isang malinis na budhi sa harap ng Diyos at ng tao.”​—1 Corinto 10:31-33.

Paghahanap ng Angkop na Libangan

Paano maingat na makapamimili ang mga magulang kung aling pelikula ang dapat panoorin ng kanilang pamilya? Isaalang-alang ang sumusunod na mga komento ng mga magulang sa buong daigdig. Ang kanilang mga komento ay makatutulong sa pagsisikap mong maglaan ng kapaki-pakinabang na libangan para sa iyong pamilya.​—Tingnan din ang kahon na “Ibang mga Anyo ng Libangan,” sa pahina 14.

“Laging sinasamahan ng sinuman sa aming mag-asawa ang mga anak namin sa panonood ng sine noong bata pa sila,” ang sabi ni Juan, na nasa Espanya. “Hindi sila nanonood nang sila-sila lamang o nang kasama lamang ang ibang kabataan. Ngayon, bilang mga tin-edyer, hindi sila nanonood sa unang pagpapalabas ng pelikula; sa halip, mas gusto naming maghintay muna sila hanggang sa mabasa namin ang mga komento ng mga kritiko o marinig namin ang komento ng ibang pinagkakatiwalaan namin hinggil sa pelikula. Pagkatapos bilang isang pamilya ay nagpapasiya kami kung dapat naming panoorin ang pelikulang ito.”

Pinasisigla ni Mark, mula sa Timog Aprika, ang tapatang pakikipag-usap sa kaniyang tin-edyer na anak na lalaki kung ano ang kasalukuyang palabas sa mga sinehan. “Pinasisimulan naming mag-asawa ang pag-uusap, anupat inaalam ang kaniyang opinyon hinggil sa pelikula,” ang sabi ni Mark. “Dahil dito, nalalaman namin kung ano ang nasa isip niya at nagagawa naming makipagkatuwiranan sa kaniya. Bilang resulta, nakapipili kami ng mga pelikula na maaari naming panoorin nang sama-sama.”

Si Rogerio, mula sa Brazil, ay gumugugol din ng panahon kasama ng kaniyang mga anak sa pagsusuri sa mga pelikula na gusto nilang panoorin. “Binabasa ko sa kanila ang sinasabi ng mga kritiko,” ang sabi niya. “Sumasama ako sa kanila sa tindahan ng video para maturuan ko sila kung ano ang titingnan sa mga pabalat na nagpapahiwatig na maaaring di-angkop ang isang pelikula.”

Nakita ni Matthew, mula sa Britanya, na kapaki-pakinabang na ipakipag-usap sa kaniyang mga anak ang mga pelikula na gusto nilang panoorin. “Mula pagkabata,” ang sabi niya, “kasali na ang aming mga anak sa mga pag-uusap tungkol sa nilalaman ng mga pelikula na kinawiwilihan namin bilang pamilya. Kung napagpasiyahan naming huwag panoorin ang isang partikular na pelikula, ipinaliliwanag naming mag-asawa kung bakit, sa halip na basta sabihin na huwag itong panoorin.”

Karagdagan pa, nasumpungan ng ilang magulang na nakatutulong ang pagsasaliksik sa Internet hinggil sa mga pelikula. May ilang Web site na nagbibigay ng detalyadong ulat hinggil sa nilalaman ng mga pelikula. Magagamit ang mga ito upang magkaroon ng mas malinaw na pagkaunawa sa mga pamantayan na itinataguyod ng isang partikular na pelikula.

Ang mga Pakinabang ng Isang Sinanay na Budhi

Binabanggit ng Bibliya yaong mga “nasanay ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.” (Hebreo 5:14) Kaya, ang tunguhin ng mga magulang ay ikintal sa kanilang mga anak ang mga pamantayang tutulong sa mga bata na gumawa ng matatalinong pasiya kapag may kalayaan na silang mamili ng kanilang sariling libangan.

Maraming kabataang Saksi ni Jehova ang tumanggap ng mahusay na pagsasanay mula sa kanilang mga magulang hinggil sa bagay na ito. Halimbawa, nasisiyahan sina Bill at Cherie, na nasa Estados Unidos, sa panonood ng mga pelikula kasama ang kanilang dalawang tin-edyer na anak na lalaki. “Paglabas sa sinehan,” ang sabi ni Bill, “madalas naming pinag-uusapan bilang pamilya ang pelikula​—kung anong mga pamantayan ang itinuro nito at kung sang-ayon ba kami o hindi sa mga pamantayang iyon.” Siyempre pa, batid nina Bill at Cherie na kailangang maging mapamili. “Patiuna naming binabasa ang tungkol sa pelikula, at hindi kami nahihiyang lumabas ng sinehan kung sa hindi namin inaasahan ay may di-kanais-nais na nilalaman ang pelikula,” ang sabi ni Bill. Dahil isinasama nila ang kanilang mga anak sa responsableng pagpapasiya, nadarama nina Bill at Cherie na natutulungan ang kanilang mga anak na magkaroon ng matalas na pakiramdam sa tama at mali. “Nagiging mas matalino sila sa pagpapasiya pagdating sa pagpili ng pelikulang gusto nilang panoorin,” ang sabi ni Bill.

Tulad nina Bill at Cherie, natulungan ng maraming magulang ang kanilang mga anak na masanay ang kanilang kakayahan sa pang-unawa may kaugnayan sa libangan. Totoo, ang karamihan sa ginagawa ng industriya ng pelikula ay di-angkop. Sa kabilang panig, kapag ginagabayan sila ng mga simulain sa Bibliya, makapagtatamasa ang mga Kristiyano ng mabuting libangan na kapaki-pakinabang at nakagiginhawa.

[Mga talababa]

a Maraming bansa sa buong daigdig ang gumagamit na rin ng katulad na sistema kung saan ang simbolo ng rating ang nagpapakita kung sa aling grupo ng edad maaaring angkop ang isang pelikula.

b Bukod diyan, ang batayang ginagamit para bigyan ng rating ang isang pelikula ay maaaring magkakaiba sa bawat bansa. Ang isang pelikula na itinuturing na di-angkop para sa mga tin-edyer sa isang lupain ay maaaring tumanggap ng mas maluwag na rating sa ibang lupain.

c Dapat ding isaisip ng mga Kristiyano na ang mga pelikula para sa mga bata at mga tin-edyer ay maaaring naglalaman ng mga elemento ng pangkukulam, espiritismo, o iba pang anyo ng demonismo.​—1 Corinto 10:21.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 12]

“SAMA-SAMA KAMING NAGPAPASIYA”

“Noong bata pa ako, sama-sama kaming nanonood ng sine bilang isang pamilya. Ngayong malaki na ako, pinapayagan na ako ng aking mga magulang na manood ng sine kahit na hindi sila kasama. Gayunman, bago nila ako payagan, inaalam muna ng aking mga magulang ang pamagat ng pelikula at kung tungkol saan ito. Kung wala silang ideya tungkol sa pelikula, binabasa nila ang mga komento tungkol sa pelikula o pinanonood ang rebista nito sa TV. Sinusuri rin nila sa Internet ang impormasyon tungkol sa pelikula. Kung inaakala nilang hindi angkop ang pelikula, ipinaliliwanag nila kung bakit. Hinahayaan din nila akong ipahayag ang aking opinyon. Tapatan kaming nag-uusap, at sama-sama kaming nagpapasiya.”​—Héloïse, 19, Pransiya.

[Kahon/Larawan sa pahina 13]

PAG-USAPAN ITO!

“Kung may ipinagbabawal ang mga magulang ngunit wala namang inihahaliling anumang angkop na libangan, baka tangkain ng mga anak na palihim na sapatan ang kanilang mga naisin. Kung gayon, kapag ipinakita ng mga anak na gusto nilang panoorin ang isang uri ng di-kanais-nais na libangan, ang ilang magulang ay hindi kaagad-agad nagbabawal, ni nagpapahintulot sa kanila. Sa halip, pinalalamig muna nila ang situwasyon. Sa loob ng ilang araw, kapag pare-parehong malamig ang ulo, pinag-uusapan nila ang bagay na iyon, anupat tinatanong ang kabataan kung bakit sa palagay niya ay katanggap-tanggap ang ganitong uri ng libangan. Kapag pinag-uusapan ito, kadalasan nang nagbabago ang isip ng mga kabataan at sumasang-ayon sa kanilang mga magulang anupat nagpapasalamat pa nga. Pagkatapos, sa pangunguna ng mga magulang, pumipili sila ng ibang libangan na maaari nilang gawin nang sama-sama.”​—Masaaki, isang naglalakbay na tagapangasiwa sa Hapon.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 14]

IBANG MGA ANYO NG LIBANGAN

◼ “Ang mga kabataan ay may likas na pagnanais na makasama ang kanilang mga kaedad, kaya lagi naming pinaglalaanan ang aming anak na babae ng mabubuting kasama sa ilalim ng aming patnubay. Yamang maraming huwarang kabataan sa aming kongregasyon, pinasigla namin ang aming anak na babae na makipagkaibigan sa kanila.”​—Elisa, Italya.

◼ “Asikasung-asikaso namin ang libangan ng aming mga anak. Nag-oorganisa kami ng kapaki-pakinabang na mga aktibidad para sa kanila, gaya ng paglalakad, pagbabarbekyu, pagpipiknik, at pagsasalu-salo kasama ang mga kapuwa Kristiyano na iba’t iba ang edad. Sa ganitong paraan, hindi itinuturing ng aming mga anak na ang libangan ay isang bagay na kanilang ikasisiya lamang kung mga kaedad nila ang kanilang kasama.”​—John, Britanya.

◼ “Nasumpungan naming kasiya-siya ang pagtitipon kasama ng kapuwa mga Kristiyano. Gustung-gusto rin ng aking mga anak ang paglalaro ng soccer, kaya paminsan-minsan, isinasaayos namin na makipaglaro ng isport na ito sa iba.”​—Juan, Espanya.

◼ “Pinasisigla namin ang aming mga anak na magkahilig sa pagtugtog ng mga instrumento sa musika. Sumasali rin kami sa maraming libangan, gaya ng tenis, volleyball, pagbibisikleta, pagbabasa, at pakikipagsamahan sa mga kaibigan.”​—Mark, Britanya.

◼ “Regular kaming nagbo-bowling bilang pamilya kasama ang mga kaibigan. Gayundin, sinisikap naming mag-iskedyul ng isang espesyal na bagay na magagawa namin nang magkakasama minsan sa isang buwan. Ang susi sa pag-iwas sa mga problema ay ang pagiging mapagbantay ng mga magulang.”​—Danilo, Pilipinas.

◼ “Ang aktuwal na pagpunta sa mga okasyon ay mas kawili-wili kaysa sa basta nakaupo ka lamang at nanonood ng pelikula. Inaabangan namin ang lokal na mga okasyon gaya ng mga eksibit ng sining, sasakyan, o kaya naman ay mga konsyerto. Ang ganitong uri ng mga okasyon ay kadalasang nagbibigay ng pagkakataong makapag-usap habang nagaganap ito. Nag-iingat din kami na huwag maglaan ng labis-labis na libangan. Hindi lamang malaking panahon ang masasayang namin, hindi na rin magiging kakaiba o kapana-panabik ang okasyong iyon.”​—Judith, Timog Aprika.

◼ “Hindi lahat ng ginagawa ng ibang bata ay angkop para sa aking mga anak, at sinisikap kong tulungan sila na maunawaan ito. Kasabay nito, sinisikap naming mag-asawa na paglaanan sila ng mabuting libangan. Sinisikap naming huwag nilang masabi, ‘Hindi na po tayo umaalis. Wala po tayong ginagawa.’ Bilang pamilya, namamasyal kami sa mga parke at nagsasaayos ng mga salu-salo sa aming tahanan kasama ang iba sa aming kongregasyon.” d—Maria, Brazil.

[Talababa]

d Para sa karagdagang impormasyon hinggil sa sosyal na pagtitipon, tingnan ang kasama naming babasahin, Ang Bantayan, Agosto 15, 1992, pahina 15-20.

[Credit Line]

James Hall Museum of Transport, Johannesburg, Timog Aprika

[Larawan sa pahina 11]

Suriin muna ang mga komento hinggil sa pelikula BAGO ka magpasiya

[Larawan sa pahina 12, 13]

Mga magulang, turuan ang inyong mga anak na maging mapamili