May Day—Ano ang Kahulugan Nito sa Iyo?
May Day—Ano ang Kahulugan Nito sa Iyo?
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRITANYA
Ano ang sumasagi sa isip mo kapag naririnig mo ang May Day? Mga parada at demonstrasyon? Sayawan sa Maypole? Bakasyon sa trabaho?
DEPENDE kung saan ka nakatira, baka iba’t iba ang maisip mo tungkol sa May Day. Subalit magkakaugnay ang mga ito. Makatutulong ang pagsulyap sa pinagmulan ng May Day upang maunawaan natin ang pagdiriwang nito sa ngayon.
Sinaunang Pinagmulan
Sa sinaunang Roma, ang unang araw ng Mayo ay pumapatak sa kapistahan ng Floralia, na ipinangalan bilang parangal kay Flora, ang diyosa ng panahon ng tagsibol at mga bulaklak. Panahon iyon ng awitan, sayawan, at makukulay na parada ng mga bulaklak. Tuwang-tuwa lalo na ang mga Romanong patutot sa kapistahang ito, sapagkat itinuturing nilang kanilang patron si Flora.
Nang sakupin ng mga Romano ang ibang mga lupain, dala-dala nila ang kanilang mga kostumbre. Gayunman, natuklasan ng mga Romano na sa mga bansang Celtic, ipinagdiriwang na ang unang araw ng Mayo bilang kapistahan ng Beltane. a Sa bisperas ng araw na iyon, na simula ng bagong araw na Celtic, pinapatay ang lahat ng apoy, at kapag sumikat na ang araw, nagsisiga ang mga tao sa tuktok ng mga burol o sa ilalim ng sagradong mga punungkahoy upang salubungin ang panahon ng tag-araw at ang panibagong buhay. Inilalabas nila ang mga baka upang manginain, at nananawagan sila sa mga diyos na protektahan ang mga ito. Di-nagtagal at pinagsama ang Floralia at Beltane at naging kapistahan ng May Day.
Para sa mga taong nagsasalita ng wikang Aleman at sa mga taga-Scandinavia, Walpurgis ang katumbas ng Beltane. Nagsisimula ang pagdiriwang sa Gabi ng Walpurgis sa pamamagitan ng pagsisiga upang itaboy ang mga mangkukulam at masasamang espiritu. Ang iba pang Europeo ay nagkaroon ng kani-kanilang bersiyon ng mga kostumbre sa May Day, na ang karamihan sa mga ito ay isinasagawa pa rin.
Halos walang naging impluwensiya sa gayong paganong mga kapistahan ang mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan. “May Day—o Beltane—ang pinakamaluwag na araw sa kalendaryo, ang tanging kapistahan na hindi makontrol kailanman ng simbahang Kristiyano at ng iba pang awtoridad,” ang sabi ng pahayagang Guardian ng Inglatera.
Mga Kostumbre sa May Day
Pagsapit ng Edad Medya, may naidagdag na mga bagong kostumbre sa naging paboritong kapistahan sa Inglatera. Nagpapalipas ng gabi ang mga lalaki at babae sa kakahuyang malapit sa kanilang lugar para b Laganap ang imoralidad, ayon sa pulyetong The Anatomy of Abuses ni Philip Stubbes, isang Puritan. Ang mga nagdiriwang ay naglalagay ng isang punungkahoy sa gitna ng nayon bilang Maypole, at ito ang naging pokus ng buong araw na sayawan at palaro. Tinawag ito ni Stubbes na “karima-rimarim na Idolong ito.” Pumipili ang mga tao ng reyna ng Mayo at kadalasan, ng hari ng Mayo, para mangasiwa sa mga pagdiriwang. Karaniwan din ang mga Maypole at reyna ng Mayo sa iba pang mga lugar sa Europa.
manguha ng mga bulaklak at namumulaklak na mga sanga at ‘salubungin ang Mayo’ pagsikat ng araw.Ano ang kahulugan ng mga kostumbreng ito ng May Day? Ganito ang paliwanag ng Encyclopædia Britannica: “Noong una, nilayon ang gayong mga ritwal upang makatiyak na sagana ang bunga ng mga pananim, at samakatuwid ng bakahan at ng mga tao rin, subalit unti-unti nang nawala ang kahulugang ito sa halos lahat ng pagkakataon, at naging popular na mga pagdiriwang na lamang ang mga kaugaliang ito.”
Sumikat at Nalaos
Sinikap ipatigil ng mga Protestanteng Repormador ang itinuturing na paganong pagdiriwang. Noong 1555, ipinagbawal ang May Day sa Calvinistang Scotland. Pagkatapos ay ipinagbawal naman ang mga Maypole noong 1644 ng Parlamento ng Inglatera na pinangungunahan ng mga Puritan. Noong panahon ng Commonwealth nang walang hari ang Inglatera, ipinatigil ang “mahahalay na gawain” sa May Day. Gayunman, ibinalik ang mga Maypole kasabay ng monarkiya noong 1660.
Unti-unting nawala ang mga pagdiriwang ng Maypole noong ika-18 at noong maagang bahagi ng ika-19 na siglo, ngunit ibinalik ito kamakailan at binigyan ng higit na moral na tema. Marami sa itinuturing na tradisyonal na mga kostumbre sa May Day, gaya ng pagsasayaw ng mga bata sa palibot ng Maypole habang iwinawagayway ang makukulay na laso, ay nagsimula kamakailan lamang. Gayunman, natutuklasan ng mga mananaliksik sa sinaunang mga tradisyon ng May Day ang paganong pinagmulan nito.
Dinala ng mga nandayuhang Europeo ang kanilang mga kostumbre sa May Day sa bagong mga lupain, at ipinagdiriwang pa rin ng ilan sa kanilang mga inapo ang May Day sa tradisyonal na paraan. Gayunman, sa maraming bansa, ang May Day, o unang Lunes pagkaraan ng Mayo 1, ay isa na lamang kapistahan ngayon ng mga manggagawa.
Naging Araw ng Paggawa ang May Day
Ang mga parada at demonstrasyon ng makabagong panahong May Day ay nagsimula sa Hilagang Amerika. Bakit doon? Sa pag-unlad ng industriya, nagkaroon ng bagong mga makina na pinaaandar nang walang tigil, anupat umasa tuloy ang mga may-ari ng pabrika na magtatrabaho ang kanilang mga manggagawa nang hanggang 16 na oras araw-araw maliban na kung Linggo. Sa pagsisikap na iangat ang buhay ng mga manggagawa, hiniling ng pederasyon ng mga unyon ng mga manggagawa
sa Estados Unidos at Canada ang pagtatrabaho nang walong oras lamang sa isang araw simula noong Mayo 1, 1886. Tumanggi rito ang karamihan sa mga nagpapatrabaho kaya noong a-uno ng Mayo, libu-libong manggagawa ang nagwelga.Nagkaroon ng unang mga martir ang kilusan ng mga manggagawa sa Estados Unidos sa Haymarket Riot sa Chicago, Illinois, at nag-rally ang mga manggagawa sa Espanya, Holland, Inglatera, Italya, Pransiya, at Russia bilang pagsuporta. c Noong 1889, idineklara sa isang pagpupulong ng pandaigdig na mga partidong Sosyalista sa Paris na ang Mayo 1, 1890 ay magiging araw ng internasyonal na mga demonstrasyon upang isulong ang pagtatrabaho nang walong oras sa isang araw. Mula noon, ang petsang ito ang naging taunang okasyon upang ibangon ang mga kahilingan ng mga manggagawa ukol sa mas maalwang pagtatrabaho.
Sa mga republika ng Unyong Sobyet, tradisyonal na ipinagdiriwang ang May Day sa pamamagitan ng mga paradang militar at pagtatanghal ng nagawang mga pagsulong sa teknolohiya. Sa ngayon, ipinagdiriwang ng maraming bansa tuwing a-uno ng Mayo, ang kapistahang tinatawag na Araw ng Paggawa o International Workers’ Day. Ngunit sa Estados Unidos at Canada, ipinagdiriwang ang Araw ng Paggawa tuwing unang Lunes ng Setyembre.
Sinauna at Modernong Koneksiyon
Noon pa man ay kapistahan na ng mga tao ang May Day. Nagbabakasyon sa trabaho ang mga manggagawa payagan man sila o hindi ng kanilang mga amo. Binabaligtad ang mga papel ng mga tao sa lipunan. Ang hari at reyna ng araw na iyon ay pinipili mula sa pangkaraniwang mga tao, at karaniwan nang nagiging tampulan ng mga biruan ang mga uring namamahala. Kaya madaling naiugnay ang May Day sa mga kilusan ng mga manggagawa, at pagsapit ng ika-20 siglo, kasama na ito sa kalendaryo ng mga Sosyalista.
Tulad ng May Day noong una, ang International Workers’ Day ay naging araw ng mga parada sa mga lansangan. Gayunman, naging karaniwan ang karahasan sa mga pagdiriwang ng May Day nitong nakalipas na mga taon. Halimbawa, ang May Day 2000 ay naging okasyon ng pandaigdig na mga rally laban sa kapitalismo sa buong globo. Nabahiran ng labanan, kapinsalaan, at pagkasira ng mga ari-arian ang mga protesta.
Sinasapatan ang Pangangailangang Magkaroon ng Pagbabago
Makatotohanan bang asahan na magagawa ng mga tao ang kinakailangang mga pagbabago sa daigdig na magdudulot ng pakinabang sa lahat ng taong tapat? Hindi. Paulit-ulit na napatunayang totoo ang sinaunang kawikaan sa Bibliya: “Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.”—Jeremias 10:23.
Isang nakahihigit na kapangyarihan—higit pa sa kakayahan ng mga tao—ang kailangan upang magkaroon ng mapayapang mga kalagayan sa daigdig. Ang Pinagmumulan ng kapangyarihang iyan ay ang Maylalang ng lupa, ang Diyos na Jehova. Binabanggit ng kaniyang Salita, ang Bibliya, na “binubuksan [niya] ang [kaniyang] kamay at sinasapatan . . . ang nasa ng bawat bagay na may buhay.” (Awit 145:16) Malugod ka naming inaanyayahan na higit pang suriin ang kamangha-manghang mga pangako ng Diyos.
Bilang katuparan ng modelong panalangin na itinuro ng Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, sa kaniyang mga tagasunod, darating ang Kaharian ng Diyos, at tiyak na mangyayari ang kalooban ng Diyos sa lupa. Ganito ang pangako ng Bibliya na gagawin ng inatasang Tagapamahala ng Diyos, si Jesu-Kristo: “Ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang napipighati at ang sinumang walang katulong. Maaawa siya sa maralita at sa dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay ililigtas niya. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa paniniil at mula sa karahasan.”—Awit 72:12-14.
[Mga talababa]
a Beltane ang pinakakaraniwang tinatanggap na bersiyon sa Ingles ng salitang Celtic.
b Bago gamitin ang kalendaryong Gregorian mahigit-higit na 400 taon na ang nakalilipas, ang simula ng Mayo ay mas huli nang 11 araw kaysa sa ngayon, kaya mas mainit ang panahon at mas maraming dahon.
c Ang kaguluhang ito ay sumiklab nang sumunod na araw pagkatapos na humantong sa kamatayan ng ilang manggagawa ang sagupaan ng mga nagwelga at ng mga nagpatigil sa welga.
[Larawan sa pahina 12]
Itinatayong Maypole tuwing May Day sa labas ng isang simbahan sa London noong ika-16 na siglo
[Credit Line]
Mula sa aklat na Observations on Popular Antiquities
[Larawan sa pahina 14]
“Rally” laban sa mga kapitalista, May Day 2000, London, Inglatera
[Credit Line]
© Philip Wolmuth/Panos Pictures