Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Kahanga-hangang Kalendaryo ng mga Maya

Ang Kahanga-hangang Kalendaryo ng mga Maya

Ang Kahanga-hangang Kalendaryo ng mga Maya

Mula sa manunulat ng Gumising! sa Mexico

PARA sa sinaunang mga Maya, a napakahalaga ng pagsubaybay sa panahon. Ang kanilang paniniwala tungkol sa mga pangyayaring mauulit sa ilang siklo ay makikita sa kanilang mga kalendaryo.

Ang tinatawag ng mga awtoridad na kalendaryong tzolkin (bilang ng mga araw) ay binubuo ng 260-araw na siklong hinati-hati sa 13 yugto na may bilang. Ang bawat yugto ay umaabot nang 20 araw, na ang bawat araw ay may sariling natatanging pangalan. Ang kalendaryong tzolkin ang pinagbatayan ng kinaugaliang mga ritwal ng mga Maya at ginamit sa panghuhula.

Ginamit din ang kalendaryong sibil, o haab, kasabay ng kalendaryong ritwal. Isa itong kalendaryong solar na may 365 araw. Mayroon itong 19 na buwan, na 18 sa mga ito ay umaabot nang 20 araw; at ang isang buwan naman ay may limang araw lamang, kung kaya sa kabuuan ay 365 araw. Ibinatay sa solar na taóng ito ang agrikultura at pang-araw-araw na buhay. Pinag-isa ng mapamaraang mga Maya ang dalawang kalendaryong ito tungo sa tinatawag ng mga mananaliksik na Calendar Round, na nagbibigay ng mga petsa mula sa mga elemento ng bawat kalendaryo. Umaabot nang 52 taon bago maulit ang napakahabang siklong ito ng mga araw. b

Walang natuklasang sinaunang bagay na aktuwal na kumakatawan sa buong kalendaryo ng mga Maya. Naunawaan ng mga iskolar ang sistema ng kalendaryo sa pamamagitan ng pag-unawa sa kahulugan ng ilang natitirang aklat ng mga Maya at ng pag-aaral sa nakaukit na mga simbolo (glyph) sa mga bato at monumento ng mga Maya.

Sa ngayon, pagkatapos ng ilang siglong pananaliksik, gustung-gusto pa ring pag-aralan ng mga eksperto ang kalendaryo ng mga Maya. May komplikadong mga katangian ito gaya ng eksaktong mga pagbabago sa haba ng solar na taon at eksaktung-eksaktong pagsasamapa ng mga siklo ng buwan at mga planeta. Oo, ang lahat ng ito’y buong-kahusayang kinalkula ng sinaunang mga Maya, na eksaktong sumubaybay sa panahon.

[Mga talababa]

a Tingnan ang artikulong “Ang mga Maya​—Noon at Ngayon,” sa Setyembre 8, 2001, isyu ng Gumising!

b Bukod dito, ginamit ng mga Maya ang kalendaryong Long Count, isang patuluyang rekord ng mga araw mula sa sinaunang saligang petsa.

[Dayagram/Mga larawan sa pahina 31]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Tzolkin Haab

6 Caban 5 Pop

Ang petsang itinampok sa inukit na bato na nasa itaas ay 6 “Caban” 5 “Pop” at katumbas ng Pebrero 6, 752 C.E.

[Dayagram/Mga larawan sa pahina 31]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

0 1 5

Ginamit ng mga Maya ang kombinasyon ng tatlong simbolo sa itaas upang kumatawan sa bawat numero.

0 1 2 3 4

5 6 7 8 9

10 11 12 13 14

15 16 17 18 19

Sa halip na 7 araw, ang kalendaryong tzolkin ay may 20 araw na may mga pangalan. Nasa ibaba ang ilan sa mga simbolo

Ilang simbolo (glyph) para sa 19 na buwan ng kalendaryong haab

[Picture Credit Lines sa pahina 31]

Kanan sa itaas at nakasingit na larawan: HIP/Art Resource, NY; glyphs: An Introduction to the Study of the Maya Hieroglyphs/Sylvanus Griswold Morlay/Dover Publications