Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Corcovado—Ang Brilyante ng Costa Rica na Hindi Pa Natatabas

Corcovado—Ang Brilyante ng Costa Rica na Hindi Pa Natatabas

Corcovado​—Ang Brilyante ng Costa Rica na Hindi Pa Natatabas

Mula sa manunulat ng Gumising! sa Costa Rica

“BRILYANTENG hindi pa natatabas.” Angkop na inilalarawan ng pamilyar na pariralang iyan ang Corcovado National Park. Matatagpuan ito sa Osa Peninsula, sa gawing timog ng Baybaying Pasipiko ng bansang Costa Rica sa Sentral Amerika. Kahali-halinang lugar na pasyalan ang Corcovado dahil sa di-mailarawang likas na kagandahan ng maulang gubat na ito na halos hindi pa nagagalaw, dahil nakabukod ito, at dahil may napakaraming uri ng mga puno, insekto, reptilya, at mamalya rito.

Bagaman maganda ang parkeng ito, para itong isang brilyanteng hindi pa natatabas. Matatagpuan ito sa isa sa pinakamalaking tropikal na maulang kagubatan ng Sentral Amerika, at wala ka ritong makikitang maraming restawran, otel, o mga tindahan ng subenir. Bukod sa ilang istasyon ng tanod-gubat at mahahabang daanan​—na tinagurian ng isang hanbuk sa paglalakbay na pinakamagandang sistema ng daanan sa anumang parke na maulang gubat​—halos walang magpapaalaala sa iyo na may nakarating nang tao rito.

Gubat na Ginawang Parke

Noong unang mga taon ng dekada ng 1970, seryosong isinaalang-alang na gawing pambansang parke ang maulang gubat na ito. Gayunman, hindi magiging madali ang proyektong ito. Kakailanganin ang maraming manggagawa, salapi, at kagamitan. Noong kalagitnaan ng dekada ng 1970, iniulat na may mga taong namamayan na lumilipat sa rehiyon. Bukod dito, isang kompanya sa pagtotroso na nagmamay-ari ng malaking lote sa gubat ang nagpaplanong maglunsad ng malawakang pagtotroso, at maraming mangangaso ang nanghuhuli ng mga hayop sa gubat na ito.

Magkagayunman, ang mga siyentipiko at biyologo mula sa palibot ng daigdig na kumikilala sa kahalagahan ng pangangalaga sa maulang gubat na ito ay gumamit ng kanilang impluwensiya. Noong Oktubre 31, 1975, inianunsiyo ng pamahalaan ng Costa Rica ang pagtatatag ng Corcovado National Park. Mula noon, hindi na naging banta ang malawakang pagtotroso at pangangaso.

Ang Iba’t Ibang Mukha ng Corcovado

Napakaraming iba’t ibang uri ng hayop at halaman sa lupang saklaw ng Corcovado na may sukat na 54,000 ektarya. Hindi kukulangin sa walong tirahan ng mga hayop at halaman, o ekosistema, ang nasa loob ng mga hangganan ng parke. May di-kukulanging 500 uri ng punungkahoy sa loob ng mga ekosistemang ito. Ang pinakamalaking punungkahoy sa parke ay ang puno ng kapok. Tatlong metro ang diyametro nito at umaabot nang mahigit sa 70 metro ang taas.

Gusto mo bang magmasid sa mga ibon? Walang-alinlangang magiging abala ka at matutuwa sa populasyon ng ibon na may halos 400 uri sa Corcovado. Nakatira sa parke ang pinakamalaking populasyon ng scarlet macaw sa bansa. Habang lumilipad ang mga ito, ang magagandang kulay nito na nasisinagan ng araw sa tropiko ay waring gumuguhit sa kalangitan.

Baka naman mas gusto mong pag-aralan ang mas malapit sa lupa. Walang problema! Ang Corcovado ay may 116 na uri ng ampibyan at reptilya, kabilang na ang ahas na fer-de-lance. Pero huwag mo itong titigan nang matagal o malapitan, sapagkat ang makamandag na ahas na ito ay may reputasyon bilang naiiba sa pagiging agresibo! Kabilang sa mga ampibyan ay ang uri ng palaka na nakikita ang laman-loob​—kapag inilagay mo ito sa ibabaw ng malinaw na salamin, makikita mong gumagana ang mga laman-loob nito!

Puwede ka ring magpalipas ng oras habang nagmamasid ng ilan sa 140 mamalya na nakatira sa Corcovado. Kabilang dito ang mga pusang gubat, ocelot, apat na uri ng unggoy, tatlong uri ng anteater, dalawang uri ng sloth, at dalawang uri ng armadilyo. Mayroon ding humigit-kumulang 10,000 uri ng insekto sa parkeng ito.

Binanggit sa Gumising! ni Shirley Ramirez Carvajal, biyologo at koordineytor ng parke para sa programa ng pangangasiwa ng hayop-iláng sa Corcovado, ang tungkol sa proyektong lagyan ng kulyar na may radyo ang mga pusang gubat at iba pang hayop. Tutulong ito sa mga siyentipiko upang mapag-aralan ang mga kaugalian ng mga ito sa pagkain at ang lawak ng kanilang tirahan. Makatutulong naman ang impormasyong ito sa mga opisyal ng parke upang malaman kung kailangan pang palawakin ang mga hangganan ng parke at matiyak na may sapat na pagkain para sa mga hayop. Ang pagpapalawak ng parke ay magsasanggalang din sa mga hayop mula sa henetikong mga panganib ng pagpapalahi sa magkakamag-anak na hayop (inbreeding).

Gayunman, hindi lamang hayop-iláng ang matatagpuan sa Corcovado. Puwede mo ring puntahan ang Salsipuedes Cave, kilalang imbakan ng ilan sa kayamanan ng magdaragat at manggagalugad na Ingles na si Sir Francis Drake. Mga ilang kilometro lamang sa gawing hilaga ng Corcovado ang Look Drake, kung saan sinasabing dumaong ang manggagalugad na ito noong 1579 nang libutin niya ang daigdig.

Minsang nanganib ang “brilyante” na ito noong nagkaroon ng pagkukumahog para sa ginto. Sumiklab ang unang daluyong ng pagkukumahog na ito noong mga taon ng dekada ng 1930 nang matuklasan ang piraso ng mga ginto na tumitimbang ng hanggang isang kilo. Nang maglaon, noong mga taon ng dekada ng 1960, muling nagkaroon ng pagkukumahog para sa ginto at naulit pa pagkalipas ng ilang taon nang maitatag na ang parke. Ang pinakahuling pagkukumahog na ito ang nag-udyok sa daan-daang minero na lumipat doon. Ipinagbawal ng pamahalaan ang mga minero mula sa Corcovado noong 1986.

Tulad ng iba pang lugar, may mga suliranin pa rin ang Corcovado. Nakausap ng Gumising! si Gerardo A. Chaves, katulong na administrador ng Corcovado National Park, na nagsabing bukod pa sa pagkalap ng salapi, kagamitan, at iba pang tulong, kabilang sa iba pang suliranin dito ang pagsira sa kagubatan sa labas ng hangganan ng parke at ang ilegal na pangangaso. Upang maingatan ang Corcovado, walang-alinlangang kailangang harapin ang bawat isa sa mga suliraning ito sa malapit na hinaharap.

Ang Corcovado National Park ay tiyak na isa pa rin sa mga dako sa daigdig na hindi pa nagagalaw. Oo, kung paanong gustung-gusto ng mga tao ang literal na brilyante dahil sa kagandahan at tibay nito, ang brilyante ng Costa Rica na hindi pa natatabas ay tiyak na hahangaan at kalulugdan sa darating pang mga taon ng libu-libong bisita, na nagpapahalaga sa likas na kagandahan ng lupa. Para sa mga Kristiyano, ang parke ay isang paalaala kung magiging gaano kaganda ang buong lupa kapag ginawa na itong pangglobong paraiso ng Diyos!​—Lucas 23:43.

[Mapa sa pahina 14]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Corcovado National Park

[Larawan sa pahina 15]

Maulang gubat

[Credit Line]

Steve Pace

[Mga larawan sa pahina 15]

Mga “white fungus mushroom” at “red mushroom”

[Credit Line]

©kevinschafer.com

[Larawan sa pahina 16, 17]

Umaabot hanggang sa dalampasigan ang maulang gubat

[Larawan sa pahina 16, 17]

“Arrow-poison frog”

[Larawan sa pahina 16, 17]

Taong namamasyal sa ibaba ng talon

[Larawan sa pahina 17]

Mga “squirrel monkey”

[Larawan sa pahina 17]

“Ocelot”

[Larawan sa pahina 17]

“Motmot”

[Larawan sa pahina 17]

“Sloth”

[Larawan sa pahina 17]

“Scarlet macaw”

[Picture Credit Lines sa pahina 17]

Dalampasigan: Barbara Magnuson/Larry Kimball; palaka: © Michael and Patricia Fogden; talon: ©kevinschafer.com; lahat ng iba pang larawan: Steve Pace