Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pasiglahin ang Inyong mga Anak na Magbasa

“Napansin na tinutularan ng mga anak ng mga mahilig magbasa ang halimbawa ng kanilang mga magulang,” ang sabi ng espesyalista sa neurolinguistics na si Beatriz González Ortuño, gaya ng iniulat sa pahayagang Reforma sa Mexico. Yamang malaki ang potensiyal ng mga bata na matuto, makabubuting pasiglahin silang magbasa bago pa nila matukoy ang mga patinig. Halimbawa, maaaring basahan sila ng mga kuwento na tutulong sa kanila na linangin ang imahinasyon. Ang pahayagan ay nagbigay ng sumusunod na mga mungkahi upang pasiglahin ang mga bata na magbasa: “Maupong kasama nila. . . . Hayaan silang magbuklat ng mga pahina, magsalita kung kailan nila gusto, at hayaan silang magtanong. . . . Tanungin sila tungkol sa mga bagay at tauhan na nasa kuwento. Sagutin ang lahat ng itatanong nila. . . . Iugnay ang nababasa sa aklat sa karanasan ng mga bata.”

Mga Elepante at mga Sili

Matagal nang dahilan ng pagtatalo ng mga tagapagtaguyod ng pangangalaga sa kapaligiran at ng mga magsasaka ang mga elepante sa mga parke ng Aprika. Hindi umubra ang mga bakod, apoy, at mga tambol upang panatilihin sa loob ng parke ang mga elepante. Paulit-ulit na sinisira ng gumagala-galang mga elepante ang mga pananim anupat natatapakan pa nga ang mga tao na ikinamamatay ng mga ito. Subalit sa wakas, isang panghadlang ang natuklasan​—ang halamang sili. Iniuulat ng pahayagang The Witness sa Timog Aprika na hindi nagpupunta ang mga elepante sa mga hanggahan ng parke na tinamnan ng mga ito dahil “nasusuklam [ang mga elepante] sa amoy ng halaman.” Sa ngayon ay hindi na kailangang ‘itaboy ng nagpapasalamat na mga tanod-gubat ang mga elepante pabalik sa loob ng parke,’ at nabawasan na ang pinsala sa mga pananim ng mga magsasaka sa lugar na iyon. Maaari ring pagkakitaan nang malaki ang mga sili.

Nakagagambala sa Pagtulog ang mga Text Message

“Nakagagambala sa pagtulog ng mga kabataan ang mga text message,” ang ulat ng newsletter sa kalusugan na Apotheken Umschau sa Alemanya. Sa isang pag-aaral na idinaos sa Leuven University, sa Belgium, 2,500 kabataan, na edad 13 hanggang 16, ang tinanong kung gaano kadalas silang nagigising dahil sa dumarating na mga text message sa kanilang mga cellphone at kung gaano katindi ang pagod na nadarama nila sa iba’t ibang oras. Sampung porsiyento ang nag-ulat na nagigising sila sa mga text message nang di-kukulangin minsan sa isang linggo. Ang tulog naman ng 3 porsiyento ay nagagambala sa ganitong paraan gabi-gabi. Ayon sa isa sa mga mananaliksik, “ipinahihiwatig ng mga resulta ng pagsusuri na ang mga cellphone ay maaaring may malaking epekto sa kalidad ng pagtulog ng dumaraming tin-edyer.” Ganito ang inirerekomenda ng newsletter: “Dapat tiyakin ng mga magulang na patay ang cellphone ng kanilang anak sa gabi.”

Kung Paano Lumalangoy Nang Pasalungat sa Agos ang mga Isda

Ayon sa isang pag-aaral na inilathala sa magasing Science, sinasamantala ng mga brook trout at ng iba pang uri ng isda ang mga alimpuyo ng tubig na umiikot sa di-gumagalaw na mga bagay upang hindi sila gaanong mapagod at makatipid ng lakas laban sa agos. Sa pamamagitan ng pagbabagu-bago ng posisyon ng kanilang katawan at paggalaw kasabay ng mga alimpuyo ng tubig na nasasalubong nila, ang sabi ng New Scientist, nakatitipid ng napakalaking enerhiya ang mga trout anupat hindi na nila kailangan pang gamitin ang kanilang pangunahing mga kalamnan para sa paglangoy. “Kakaunting lakas lamang ang nagagamit sa paraang ito ng paggalaw sa isang maunos na kapaligiran,” ang paliwanag ng isa sa mga awtor ng pag-aaral, si George Lauder, isang dalubhasa sa biomechanics sa Harvard University. Sa diwa, ang sabi ng New Scientist, “binabaluktot ng mga isda ang kanilang katawan sa hugis na gaya ng sa hydrofoil para madala sila ng mga alimpuyo, tulad ng isang bangkang nagtututok ng layag sa direksiyon ng hangin.”

Hindi Pabigat ang mga May-Edad Na

“Sa halip na magtuon lamang ng pansin sa mga gastusin sa pangangalaga sa mga may-edad na, mahalagang isaalang-alang ang positibong mga bagay at ang halagang natitipid dulot ng mga may-edad nang hindi humihingi ng suweldo para sa kanilang trabaho,” ang sabi ng isang ulat na inilathala ng Australian Institute of Family Studies. “Ang karamihan sa mga di-sinusuwelduhang may-edad na ay naglalaan ng tulong na mahirap makuha sa mga trabahong binabayaran.” Isinisiwalat ng pag-aaral na “ang mga Australianong mahigit sa 65 taóng gulang ay nakapag-aambag ng halos $39 na bilyon [$27 bilyon, U.S.] taun-taon [sa lipunan] sa pamamagitan ng pag-aalaga sa iba nang walang suweldo at boluntaryong pagtatrabaho.” Kasama sa gayong boluntaryong mga gawain ang pag-aalaga sa mga bata at may-sakit na mga adulto, gayundin ang paggawa sa gawaing-bahay. Binanggit ng awtor na ang gayong pagtatrabaho nang walang suweldo, “ay maaaring magsilbing ‘pandikit’ sa lipunan na makatutulong upang manatiling nabubuklod ang komunidad.” Hindi masusukat ang halaga nito sa pera lamang.

Ang Pinakamatandang Inimprentang Aklat na Buo Pa

Masusumpungan na ngayon sa British Library ang pinaniniwalaang pinakamatandang inimprentang aklat na buo pa sa buong daigdig, ang ulat ng BBC News. Ang akda ng mga Budista na tinatawag na The Diamond Sutra ay may petsang 868 C.E. at nasumpungan noong 1907 sa isang kuweba sa Dunhuang, Tsina. “Binubuo ito ng isang balumbon ng kulay-abong papel na may imprentang mga titik Tsino, na nakarolyo sa isang kahoy na pingga,” ang sabi ng ulat. Ipinapalagay na ang aklat at ang iba pang mga bagay na nasumpungan kasama nito ay “bahagi ng isang aklatan na itinago sa kuweba noong mga taóng 1000AD.” Ang balumbon ay may petsang daan-daang taon bago pa naimbento ang pag-iimprenta ng isahang tipong letra sa Europa, subalit gaya ng iniulat ng BBC, “ang paggawa ng papel at pag-iimprenta ay matagal nang ginagawa sa Tsina noong panahong iyon.”

Nagpapabagal ng Reaksiyon ang Ingay

“Miyentras mas maingay ang kapaligiran, mas mabagal ang reaksiyon mo,” ang sabi ng The Toronto Star. Ito ang naging resulta ng isinagawang pag-aaral ng mananaliksik na si Duane Button sa Memorial University, Newfoundland, Canada, kung saan pinagawa niya ng mga pisikal at mental na gawain ang mga tao habang naririnig nila ang iba’t ibang antas ng ingay. Natuklasan niyang ang pagkahantad sa ingay na may antas na 53 decibel sa loob ng opisina ay nakapagpapabagal nang 5 porsiyento sa reaksiyon ng isang tao, samantalang ang ingay na may antas na 95 decibel sa pabrika ay nakapagpapabagal naman dito nang 10 porsiyento. Bagaman ang pagkakaiba sa oras ng reaksiyon ay katiting na mga bahagi lamang ng isang segundo, binanggit ng ulat na “malaki ang epekto sa pagmamaneho ng katiting na mga bahaging ito ng isang segundo.” Kahit ang reaksiyon na mas mabagal nang .035 segundo, ang sabi ni Button, ay maaaring maging dahilan ng aksidente.

Nagsasara ang mga Simbahan

Ipinatalastas ng Roman Catholic Archdiocese ng Boston, E.U.A., na isasara nito ang 65 sa 357 parokya nito​—halos sangkalima ng kabuuang bilang. Mga 60 simbahan at 120 kaugnay na mga gusali ang ipagbibili. Ayon sa The New York Times, ang pagbabagong ito ay “dulot na rin ng bumababang bilang ng mga nagsisimba at dumaraming problema sa pananalapi na pinalubha pa ng krisis sa seksuwal na pang-aabuso ng mga miyembro ng klero.” Sinipi ng pahayagan si R. Scott Appleby, direktor ng Cushwa Center for the Study of American Catholicism sa Notre Dame University, na nagsasabing “dahil sa iskandalong ito, nasaid ang pananalapi ng artsidiyosesis” hanggang sa puntong hindi na nito kayang “suportahan ang mga parokya.”