Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Alagang Hayop Maraming salamat sa seryeng “Mga Alagang Hayop—Paano Mo Minamalas ang mga Ito?” (Pebrero 22, 2004) Partikular kong pinahahalagahan kung paano isinulat ang mga artikulo, na nagpapakita ng pag-ibig at konsiderasyon sa mga hayop. Bibigyan ko ng kopya ng magasin ang aking beterinaryo. Ang mga artikulong gaya nito ay maaaring magpakilos sa mga mahihilig sa hayop na mapalapít kay Jehova.
O. M., Italya
Kamakailan lamang ay nagsimula na akong mamuhay nang mag-isa, kung kaya’t nag-alaga ako ng dalawang kuting. Tuwang-tuwa ako sa kanila, pero nakikita ko rin ang kahalagahan ng hindi pagturing sa mga ito na parang tao. Tinulungan ako ng artikulong ito na maunawaan ang pangangailangan na maging timbang pagdating sa mga alagang hayop.
K. O., Hapon
Maraming, maraming salamat sa inyo. Tatlong linggo na ang nakalilipas, pinapatáy ko ang aking 13-taóng-gulang na alagang aso upang matapos na ang paghihirap nito. Isa ito sa pinakamahirap na pasiyang kinailangan kong gawin. Noong umagang iyon, muli kong binasa ang serye hinggil sa mga alagang hayop. Ito’y madamayin, maunawain, at nakatutulong.
S. G., Estados Unidos
Nagtatrabaho ako sa isang lalaking kilalá sa kaniyang mga naitulong sa makabagong industriya ng pagkain para sa mga alagang hayop. Iniwan ko sa aking patungan ng papel ang serye hinggil sa mga alagang hayop. Nang umalis ako upang mananghalian, nakita niya ang magasin, binasa ito, at lubhang nagustuhan ito anupat ibig niyang regular na tumanggap ng Gumising!
L. W., Estados Unidos
Napakahusay ng mga artikulo at tinulungan ako nito na magkaroon ng timbang na saloobin sa aking mga alagang hayop. Nais kong banggitin na kapag nag-alaga ang isang tao ng pusa o aso sa kaniyang tahanan, dapat niyang isaalang-alang ang pagkakapon dito. Ang isang dahilan kung bakit napakaraming pinapatay na aso at pusa ay ang kawalan ng sapat na ampunan ng mga hayop upang kupkupin ang mga ito.
C. B., Estados Unidos
Sagot ng “Gumising!”: Salamat sa pagbanggit ng puntong ito sa aming mga mambabasa.
Sinabi ng inyong artikulo na sa bagong sanlibutan ng Diyos, “ang lahat ng hayop, kapuwa ang maaamo at maiilap, ay magiging mapayapa sa isa’t isa.” Makatuwiran bang isipin na hindi na iiral ang maninilang mga hayop?
D. B., Canada
Sagot ng “Gumising!”: Mula nang mahulog sa kasalanan ang tao, maraming bagay sa ating planeta ang hindi na balanse. Ang hinaharap lamang ang makapagsasabi kung paano eksaktong matutupad ang mga hula ng Bibliya hinggil sa kapayapaang iiral sa gitna ng mga hayop sa Paraiso. Gayunman, lubusan tayong makapagtitiwala na aalisin ng ating Maylalang ang lahat ng bagay na nakapipinsala sa ating planeta.—Awit 37:10, 11.
Paglalakad Salamat sa artikulong “Bakit Kailangan Mong Maglakad-lakad?” (Pebrero 22, 2004) Kapaki-pakinabang na malaman na sa pamamagitan lamang ng paglalakad, nababawasan ang panganib na magkaroon ng sakit sa puso at maistrok! Dahil sa artikulo, aking natanto na napakatagal ko na palang itinataguyod ang isang palaupong istilo ng pamumuhay. Susundin ko ang payo na maglakad-lakad nang regular.
L. B., Sweden
Telephone Sex Gusto kong ipahayag ang aking pasasalamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Anong Masama sa Telephone Sex?” (Pebrero 22, 2004) Napakapait ng aking karanasan sa pagharap sa malubhang problemang ito. Ang mga epekto ay nakapipinsala sa espirituwal, anupat umakay ito sa mas malulubhang kasalanan at pagkawala ng mga pribilehiyo sa kongregasyong Kristiyano. Nawa’y mapasainyo ang karunungan ni Jehova habang naglalaan kayo ng mga artikulong tumutulong sa amin na manatiling malakas sa espirituwal.
J. H., Espanya