Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Gumuguho Na ang Great Wall ng Tsina
“Sinira na ng mga turista, mga debeloper at erosyon ang dalawang-katlo ng Great Wall ng Tsina,” ang ulat ng pahayagang The Guardian ng London. “Ang dako na isa sa mga pamana ng daigdig ay gumuguho na. . . . Sinasabing ang mga bahagi nito ay sinisira, pinupuno ng mga sulat at drowing at tinitibag para gamitin sa mga kulungan ng baboy at mga minahan ng karbon.” Inilagay ito kamakailan ng World Monuments Fund, na naglarawan sa pader bilang “isa sa pinakamahabang pangkulturang tanawin sa ibabaw ng lupa,” sa talaan nito ng pinakananganganib na pang-arkitekturang lugar sa buong daigdig. Maging ang mga pinagkatiwalaang mag-ingat nito ay tumutulong din sa paggiba nito. Sa isang pagkakataon, lumilitaw na ang “mga opisyal na tagapangalaga nito na nagigipit sa pinansiyal at hindi nasanay nang mabuti” ay nagpahintulot sa isang debeloper na gibain ang bahagi ng pader na 14 na metro ang haba at 600 taon na. Dahil pagkahaba-haba ng pader—mga 6,400 kilometro ang orihinal na haba—halos imposibleng mamantini ito nang wasto.
Bagong Saltang mga Takas
“Ang pabigat na tubig, na dala ng mga barko bilang pambalanse upang hindi ito tumagilid, ay punô ng libu-libong uri ng buhay-dagat na maaaring sumalakay sa mga bagong kapaligiran kapag pinaagos sa mga daungan,” ang babala ng grupong pangkapaligiran na World Wildlife Fund (WWF). Ang bagong saltang mga uring ito, mula sa dikya hanggang sa lumot, “ay maaaring magdulot ng pinsalang kasinlubha niyaong sa natapong langis” at makasira ng mga ekosistema, ang sabi ng isang ulat ng Reuters. “Ang mga nakaligtas sa biyahe ay makapamumuhay sa bagong mga tirahan, malaya sa mga maninila at parasito.” Ang mga halimbawa nito ay ang mga zebra mussel na mula sa Europa at dumami sa mga daang-tubig sa rehiyon ng Great Lakes sa Hilagang Amerika, ang Asian kelp na nakarating sa Australia, at ang dikya mula sa Hilagang Amerika na naihatid sa Dagat na Itim. Tinatayang sampung bilyong tonelada ng pabigat na tubig ang inilalabas ng mga barko sa buong daigdig taun-taon. “Wala pang mahusay at matipid na pandalisay sa pabigat na tubig,” ang sabi ni Andreas Tveteraas, tagapagsalita ng WWF.
Pagpapatiwakal sa Internet
Binabanggit pa rin ang diborsiyo, kawalan ng trabaho, at pag-abuso sa droga at inuming de-alkohol bilang pangunahing mga salik na sanhi ng “pagdami ng mga nagpapatiwakal sa mga kabataang lalaki” sa Inglatera at Wales, ayon sa isang artikulo sa The Times ng London. Subalit nagiging mas nakababahala ang mga chat room sa Internet kung saan nagkakakilala ang mga kabataan at nagsasaayos ng mga pagpapatiwakal. “Inaakit ng internet mismo ang mga taong pinakamalamang na magpatiwakal: ang mga kabataang lalaki. Pitumpu’t limang porsiyento ng mga pagpapatiwakal ay ginagawa ng mga lalaki at 80 porsiyento sa mga ito ay ginagawa ng mga lalaking edad 15 hanggang 24,” ang sabi ng pahayagan. Maaaring libu-libo ang tinatawag na mga site ng pagpapatiwakal sa Internet. “Ang karamihan sa mga sumasali sa mga website ng pagpapatiwakal ay nakadaramang hindi sila minamahal at tila nag-iisip na silang magpatiwakal, o kaya ay nagtangka na ngang magpatiwakal, at maraming payo roon kung paano huwag magpapigil na ituloy ito,” ang dagdag pa ng artikulo. Inuudyukan ng ilang site ang potensiyal na biktima ng pagpapatiwakal na ituloy na ang kaniyang plano sa halip na magbago ng isip.
Sulat Para sa Diyos
Taun-taon, ang pangasiwaan ng koreo sa Israel “ay naghahatid ng daan-daang sulat para sa Diyos,” ang ulat ng The Economist. “Galing sa bawat sulok ng daigdig ang mga sulat, at may nagpapadala sa buong taon, subalit nagiging mas masigasig ang mga sumusulat sa Diyos bago sumapit ang mga kapistahan gaya ng Pasko o Yom Kippur.” Ang mga sulat ay nagpapahayag ng papuri, reklamo, o kahilingan—kadalasan ay paghingi ng tawad o tulong. Saan napupunta ang mga sulat? “Ang mga sulat na may adres ng mga nagpadala nito ay ibinabalik sa kanila,” ang sabi ng The Economist. “Ang iba pa ay ipinadadala sa Western (“Wailing”) Wall sa Jerusalem, at ipinagkakatiwala sa punong rabbi, para isingit sa mga bitak ng banal na pader. Kapag ang sumulat ay waring hindi isang Judio, ipinadadala ang kaniyang sulat sa kagawaran ng kapakanang panrelihiyon.” Gayunman, “inihahatid lamang ang mga sulat para sa Diyos nang isa o dalawang beses sa isang taon,” ang sabi ng artikulo. Ang kompanya ng telekomunikasyon sa Israel sa ngayon “ay may eksklusibong linya ng fax para sa Diyos at kabubukas lamang nito ng account sa e-mail para sa mga nais pabilisin ang kanilang makalangit na pakikipagtalastasan.”
Dumarami ang Pananalakay ng mga Pirata
Ayon sa ICC International Maritime Bureau, “dumami at naging mas marahas ang mga pagsalakay ng mga pirata sa buong daigdig noong nakaraang taon, na ang kabuuang bilang ay 445 insidente kung ihahambing sa 370 noong 2002 . . . Tumaas ang bilang ng mga pagsalakay na gumagamit ng mga baril mula 68 tungo 100 noong 2002 at halos dumoble ang bilang ng mga na-hostage na marinero na umabot sa 359. Umakyat sa barko ang mga pirata sa 311 insidente at may kabuuang 19 na barko ang na-hijack.” Pitumpu’t isang tripulante at pasahero ang naitalang nawawala, samantalang 21 marinero naman ang pinatay—mas marami nang 11 kaysa noong nakalipas na taon. Natuklasan na pinakamadalas na namang salakayin ng mga pirata ang katubigan ng Indonesia, kung saan naganap ang 121 pagsalakay, kasunod nito ang katubigan ng Bangladesh na sinalakay nang 58 beses at ang katubigan ng Nigeria na sinalakay nang 39 na beses. “Ang lahat ng pangha-hijack ay maibibilang sa dalawang pangunahing kategorya,” ang sabi ng kagawaran. Ang mga ito ay “mga operasyong istilong pangmilitar ng militanteng mga grupo na nambibihag ng mga tripulante para ipatubos ang mga ito at nang makakalap sila ng pondo para sa kanilang mga layunin at mga pagsalakay sa mga madaling mabiktimang bapor na panghila at lantsa-de-deskarga.”
Pag-aaral sa Seksuwal na Pang-aabuso ng mga Pari
“Natuklasan ng dalawang matagal nang hinihintay na pag-aaral na dumanas ang Simbahang Romano Katoliko [sa Estados Unidos] ng epidemya ng seksuwal na pang-aabuso sa mga bata na kinasasangkutan ng di-kukulangin sa 4 na porsiyento ng mga pari sa loob ng mahigit 52 taon at ang pinakamaraming pari na nasangkot ay galing sa grupo na inordena noong 1970, na ang bawat isa sa 10 pari ay inakusahan ng pang-aabuso nang maglaon,” ang ulat ng The New York Times. “Ang kabuuang bilang ay umabot sa 10,667 bata na diumano ay nabiktima ng 4,392 pari mula 1950 hanggang 2002, subalit nagbabala ang mga pag-aaral na kahit ang bilang na ito ay hindi kumpleto,” yamang maraming insidente ang hindi naiulat. Isiniwalat ng isang pag-aaral, na isinagawa sa John Jay College of Criminal Justice sa New York, na “inakusahan ng pang-aabuso ang mga pari sa mahigit na 95 porsiyento ng mga diyosesis at sa mga 60 porsiyento ng relihiyosong mga orden.” Binanggit ng isa pang pag-aaral, ng Katolikong pambansang lupon ng tagasuri, ang umiiral na kultura sa mga seminaryong Katoliko na “kumukunsinti sa maluwag na moral.”
Iminumungkahi ang Katamtamang Pag-eehersisyo
“Ang katamtamang pag-eehersisyo, gaya ng paglalakad nang 20 kilometro bawat linggo, ay maaaring humadlang sa pagbigat ng timbang at tumulong sa pagbabawas ng timbang sa mga indibiduwal na hindi nagdidiyeta,” ang ulat ng FDA Consumer. Pinatunayan ng walong-buwang pag-aaral sa “182 palaupong lalaki at babae na sobra sa timbang, edad 40-65 . . . na may maliwanag na kaugnayan ang dami ng pisikal na mga gawain at ang dami ng naibabawas sa timbang.” Ang mga nakibahagi ay hinati sa apat na grupo at nagpatuloy sa dati nilang regular na pagkain. Ang tatlo sa mga grupo ay nag-ehersisyo nang hindi magkakasindalas. Ang ikaapat, na kontroladong grupo, ay hindi nag-ehersisyo. “Bumigat ang timbang ng kontroladong grupo sa panahon ng pag-aaral,” ang sabi ng artikulo. “Nang ihambing sa kontroladong grupo, lumiit ang sukat ng baywang at balakang ng lahat ng grupong nag-ehersisyo.” Ipinahihiwatig ng mga resulta na kadalasang makokontrol ang timbang sa pamamagitan ng katamtamang pag-eehersisyo, gaya ng paglalakad nang kalahating oras araw-araw.”