Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Kakulangan sa Tulog Salamat sa seryeng “Kakulangan sa Tulog—Biktima Ka Ba?” (Pebrero 8, 2004) Gaya ng dati, tumanggap ng saganang nakapagtuturong impormasyon at kaaliwan ang mga mambabasa ng Gumising! Mga dalawa at kalahating taon na akong pinahihirapan ng sleep apnea. Sa simula, alam ko na may problema sa akin, pero hindi ko alam kung ano. Nang masuri ako, nalaman ko kung gaano talaga kaseryoso ang kakulangan sa tulog! Tutulungan ako ng magasing ito na ipaliwanag ang aking kalagayan sa mga kaibigan ko.
W. M., Estados Unidos
May kinalaman sa mga computer ang trabaho ko at dahil sa aking iskedyul, hindi regular ang mga kaugalian ko sa pagtulog. Nitong nakaraan, upang matapos ang aking trabaho sa takdang panahon, halos hindi ako natulog nang ilang gabi. Hindi nagtagal pagkatapos nito, habang may ipinatatalastas ako sa pulong sa aming Kingdom Hall, bigla na lamang akong nalito. Nasabi ko ang mismong kabaligtaran ng dapat kong sabihin! Lubha akong natakot nang mabasa ko ang magasing ito at makita ang pinsala na maaaring idulot ng kakulangan sa tulog. Maliwanag na sumapit na ang panahon para pag-isipan kong muli ang aking mga kaugalian sa pagtulog.
T. I., Hapon
Mayroon akong restless legs syndrome, na binanggit sa serye. Bagaman gumawa na ako ng mga hakbang upang malunasan ang aking sakit, inilalagak ko ang aking tiwala sa pangako ng Bibliya sa Isaias 33:24 na sa malapit na hinaharap, “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’”
L. O. G., Espanya
May maling impormasyon sa inyong artikulo tungkol sa restless legs syndrome. Pinahihirapan ako ng malubhang uri nito, at mali ang mga sanhi na ibinigay ninyo. Isa itong sakit sa sistema ng nerbiyo at kalamnan.
Y. J., Estados Unidos
Sagot ng “Gumising!”: Pahapyaw lamang na tinalakay ng aming artikulo ang medikal na mga sanhi ng sakit na ito. Sa halip, binanggit nito ang ilang salik na pinaniniwalaan ng mga mananaliksik na maaaring kaugnay nito. Magkagayunman, gaya ng nakasaad sa talababa, mas malawak na tinalakay ang “restless legs syndrome” sa isyu ng Nobyembre 22, 2000. Sinabi sa artikulong iyon: “Bagaman itinuturing ng mga eksperto ang RLS bilang isang sakit sa sistema ng nerbiyo, ang dahilan nito ay mahirap tuntunin.”
Damit ng mga Taga-Mexico Wiling-wili ako sa pagbabasa ng artikulong “Pinahahalagahan Namin ang Aming Isinusuot na mga Damit.” (Pebrero 8, 2004) Tuwang-tuwa ako na binanggit ninyo ang Chontal sa Oaxaca, bagaman kaunti lamang sila kung ihahambing sa iba pang grupong etniko. Ang aking lolo at lolo sa tuhod ay mga Chontal, at nasumpungan kong iniharap nang may dignidad ang impormasyon.
A. L., Mexico
Tumutulong ang mga artikulong tulad nito upang malaman natin ang iba pang kultura at lahi. Pakisuyong ipagpatuloy ninyo ang paglalathala ng ganitong mahuhusay na impormasyon, sapagkat ang pagbabasa nito ay isang paraan upang madalaw namin ang mga tao at lugar na hindi namin mapuntahan mismo.
M. L. E., Mexico
Maiilap na Pusa Ako po ay 13 taóng gulang, at talagang gustung-gusto kong magbasa ng Gumising! Nagustuhan ko ang artikulong “Kapag ang mga Pusa ay Naging Mailap.” (Pebrero 8, 2004) Mahilig ako sa hayop lalo na sa mga pusa. Hindi ko na mahintay ang susunod na isyu!
Z. B., Russia
Ulan Maraming salamat sa artikulong “Umuulan Na Naman!” (Pebrero 8, 2004) Ilang taon ko nang iniisip kung paano napalulutang sa atmospera ang milyun-milyong tonelada ng tubig. Salamat sa Gumising! at nasagot na sa wakas ang aking tanong.
G. D., Pransiya