Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Pagpapalaki ng mga Anak sa Disiplina ng Diyos

Pagpapalaki ng mga Anak sa Disiplina ng Diyos

“Kung Paano Magtatakda ng mga Alituntunin na Hindi Lalabagin ng Inyong mga Anak”

“Limang Pamantayan na Dapat Mong Ituro sa Iyong Anak Pagsapit Niya ng Limang Taóng Gulang”

“Limang Kasanayan Hinggil sa Emosyon na Dapat Matutuhan ng Bawat Bata”

“Limang Palatandaan na Masyado Kang Mapagpalayaw”

“Pambihirang Disiplina sa Loob Lamang ng Isang Minuto”

KUNG madali lamang magdisiplina ng mga anak, kakaunti ang magkakainteres sa mga artikulo ng magasin na gaya ng nasa itaas. Unti-unting maglalaho ang napakaraming aklat hinggil sa pagpapalaki sa mga anak. Gayunman, hindi kailanman madaling magpalaki ng mga anak. Kahit noong nakalipas na libu-libong taon, sinasabi na “ang mangmang na anak ay nagdadala ng kalungkutan sa kanyang ama, at nagdudulot ng kapaitan sa kanyang ina.”​—Kawikaan 17:25, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino.

Sa ngayon, sa kabila ng napakaraming payo hinggil sa paksang ito, maraming magulang ang hindi makatiyak kung paano didisiplinahin ang kanilang mga anak. Anong tulong ang inilalaan ng Bibliya?

Ang Tunay na Kahulugan ng Disiplina

Buong-linaw na itinatakda ng Bibliya ang papel ng mga magulang hinggil sa pagdidisiplina. Halimbawa, sinasabi sa Efeso 6:4: “Kayo, mga ama, huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” Espesipikong binabanggit ng kasulatang ito na ang ama ang dapat manguna sa pangangalaga sa kaniyang mga anak. Mangyari pa, makikipagtulungan ang ina sa kaniyang asawa.

Hinggil sa paksang ito, ganito ang sinasabi sa The Interpreter’s Dictionary of the Bible: “Sa Bibliya, ang isang bahagi ng pagdidisiplina ay may malapit na kaugnayan sa pagsasanay, pagtuturo, at kaalaman, at ang kabilang bahagi naman ay sa pagsaway, pagtutuwid, at pagpaparusa. Ang disiplina ay karaniwan nang nauugnay sa pagsasanay sa mga anak.” Samakatuwid, ang disiplina ay hindi lamang basta pagsaway; nasasangkot dito ang lahat ng pagsasanay na kailangan ng mga anak upang sumulong. Subalit paano maiiwasan ng mga magulang na inisin ang kanilang mga anak?

Magpakita ng Empatiya

Ano ba ang nakaiinis sa mga anak? Gunigunihin ito. May katrabaho kang masungit at magagalitin. Kumukulo ang dugo niya sa iyo. Lagi na lamang niyang pinupuna ang lahat ng sinasabi at ginagawa mo. Madalas ay hindi niya gusto ang trabaho mo at tila ayaw niya sa iyo. Hindi ba nakaiinis at nakasisira ito ng loob mo?

Ganito rin ang maaaring mangyari sa isang anak kung lagi na lamang siyang pinupuna o pagalít na itinutuwid ng kaniyang mga magulang. Totoo na kailangan ng mga anak ang pagtutuwid paminsan-minsan at sa Bibliya ay binibigyang-awtoridad ang mga magulang na gawin ito. Gayunman, ang pagyamot sa anak dahil sa mabagsik at di-maibiging pakikitungo ay makapipinsala sa kaniya sa emosyonal, espirituwal, at maging sa pisikal na paraan.

Nararapat Pag-ukulan ng Atensiyon ang Inyong mga Anak

Dapat mag-ukol ng panahon ang mga magulang sa kanilang mga anak. Hinggil sa mga tuntunin ng Diyos, sinasabi ng Deuteronomio 6:7 sa mga ama: “Ikikintal mo iyon sa iyong anak at sasalitain mo iyon kapag nakaupo ka sa iyong bahay at kapag naglalakad ka sa daan at kapag nakahiga ka at kapag bumabangon ka.” Likas na kailangan ng mga anak na madamang taimtim silang pinagmamalasakitan ng kanilang mga magulang. Mauunawaan mo ang nadarama ng iyong mga anak kung araw-araw mo silang kakausapin sa mahinahong paraan. Tutulong ito upang madaling maabot ng mga simulaing salig sa Bibliya ang kanilang puso, anupat mapakikilos silang ‘matakot sa tunay na Diyos at tuparin ang kaniyang mga utos.’ (Eclesiastes 12:13) Bahagi ito ng makadiyos na disiplina.

Kung ang pagpapalaki sa mga anak ay katulad ng pagtatayo ng bahay, ang disiplina ay parang isa sa mga kagamitan sa pagtatayo. Kapag ginagamit ito nang wasto ng mga magulang, mahuhubog nila ang kanais-nais na mga katangian sa kanilang mga anak at masasangkapan ang mga anak na harapin ang mga pagsubok sa buhay. Inilalarawan ng Kawikaan 23:24, 25 ang resulta: “Ang ama ng matuwid ay walang pagsalang magagalak; ang ama na nagkaanak ng isa na marunong ay magsasaya rin sa kaniya. Ang iyong ama at ang iyong ina ay magsasaya, at siyang nagsilang sa iyo ay magagalak.”

[Kahon/Larawan sa pahina 27]

ANG “PANGKAISIPANG PATNUBAY NI JEHOVA”

Binabanggit ng Efeso 6:4 ang “pangkaisipang patnubay ni Jehova.” Ang orihinal na terminong Griego para sa pananalitang “pangkaisipang patnubay” ay isinalin sa ilang Bibliya na “pagiging palaisip,” “payo,” at “paalaala.” Ipinahihiwatig ng lahat ng terminong ito na hindi lamang basta pagbabasa ng Bibliya o regular na pagsaklaw ng materyal sa isang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya ang kailangang gawin ng mga pamilya. Dapat tiyakin ng mga magulang na nauunawaan ng kanilang mga anak ang kahulugan ng Salita ng Diyos, ang kahalagahan ng pagsunod, ang pag-ibig ni Jehova sa kanila, at ang proteksiyong ibinibigay niya sa kanila.

Paano ito magagawa? Nakita ni Judy, may tatlong anak, na may kailangan pa siyang gawin bukod sa palaging ipaalaala sa kaniyang mga anak ang makadiyos na mga simulain. “Napansin kong nayayamot sila kapag paulit-ulit kong sinasabi ang iyo’t iyon ding mga bagay sa magkakatulad na paraan. Nagsimula akong humanap ng iba’t ibang paraan upang turuan sila. Ang isang paraan ay ang paghanap ng mga artikulo sa magasing Gumising! na tumatalakay sa mga puntong iyon sa naiibang paraan. Kaya natutuhan ko kung paano magbigay ng kinakailangang paalaala sa aking mga anak nang hindi naman sila iniinis.”

Napaharap noon sa mahihirap na kalagayan ang pamilya ni Angelo. Ganito ang kaniyang sinabi hinggil sa kung paano niya tinuruan ang kaniyang mga anak na babae na magbulay-bulay sa Salita ng Diyos: “Sama-sama naming binabasa ang mga talata sa Bibliya, at pagkatapos ay pumipili ako ng ilang parirala at ipinaliliwanag ko kung paano ito kumakapit sa kalagayan ng aking mga anak na babae. Nang maglaon, kapag personal silang nagbabasa ng Bibliya, napapansin kong nag-iisip sila nang malalim, anupat binubulay-bulay kung paano ito kumakapit sa kanila.”