Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Kung Bakit Nakapagpaparelaks ang Pagtawa
Bakit nakapagpaparelaks ang pagtawa? Ipinakikita ng pananaliksik na pinakikilos ng pagtawa hindi lamang ang mga dako sa utak na nauugnay sa pang-unawa at wika kundi ang nucleus accumbens din naman, ang dako sa utak na nauugnay sa kaligayahan at katuwaan, ang ulat ng The Vancouver Sun. Ayon kay Dr. Allan Reiss ng Stanford University, ang nucleus accumbens na ito ay “isang napakalakas na subsystem ng utak.” Naniniwala si Reiss na ang pag-aaral tungkol sa pagpapatawa ay makatutulong sa mga manggagamot upang higit na maunawaan ang sosyal na paggawi. “Karaniwang idinidikta ng ugaling mapagpatawa ng isa kung paano, at kanino tayo makikipagkaibigan at bubuo ng pangmatagalang ugnayang romantiko pa nga,” ang sabi ni Dr. Reiss. “Kapag napapaharap [ang mga tao] sa lahat ng uri ng kaigtingan, ang pagpapatawa ay isa ring panlahat na mekanismo upang makayanan ito.”
‘Ang Bagong Sakit sa Ika-21 Siglo’
Ganiyan inilarawan ng ilang saykayatris ang bagong “pagkasugapa” sa mga cell phone. Ayon sa isang pagsusuri na isinagawa ng Pantanging Sentro Para sa Paggamot at Rehabilitasyon ng mga Pagkasugapa sa Lipunan (CETRAS), ang pinakamadaling tablan nito ay “mga walang-asawang edad 16-25, na mahiyain, kulang sa pagkamaygulang at mayayamutin,” ang ulat ng pahayagang El País ng Espanya. Ang “pagkasugapa” ay humahantong sa “walang-tigil na paggamit ng mga cell phone upang tumawag at mag-text,” sabi ng saykayatris na si Blas Bombín. Kapag hindi nila magamit ang kanilang cell phone, sila’y “nababalisa at nayayamot.” Bukod sa apektado ng “pagkasugapa” sa cell phone ang pakikipag-ugnayan sa iba, magastos din ito. Binabanggit ng CETRAS ang mga kaso ng mga pasyenteng nagmamay-ari ng walong cell phone at nagbabayad ng “hanggang 800€ [$1,000] bawat buwan sa mga bayarin sa telepono.”
Dumarami ang mga Iskuwater sa Daigdig
Kung magpapatuloy ang kasalukuyang bilis, “isa sa bawat tatlo katao sa daigdig ang magiging mga iskuwater sa loob ng 30 taon,” ang sabi ng The Guardian ng London, na sinisipi ang report ng United Nations. Nakalulungkot nga, “940 milyon katao—halos isang-ikaanim ng populasyon ng daigdig—ang nakatira sa mga lugar na mabaho at marumi, nakasásamâ sa kalusugan, na ang karamihan dito ay walang tubig, sanitasyon, mga serbisyong pampubliko o legal na seguridad.” Sa distrito ng Kibera sa Nairobi, Kenya, mga 600,000 ang naninirahan bilang mga iskuwater. Ganito ang sabi ni Anna Tibaijuka, direktor ng programa sa pamayanang pantao ng United Nations na UN-habitat: “Ang labis-labis na di-pagkakapantay-pantay at kawalan ng trabaho ay umaakay sa mga tao na maging mapaghimagsik. Ang mga iskuwater ay mga lugar kung saan nagtutungo ang lahat ng masasamang elemento, kung saan mailap ang kapayapaan at katiwasayan at kung saan hindi maipagsasanggalang ang mga kabataan.”
Problema Hinggil sa Paradahan sa Tsina
Ang mabilis na pag-unlad ng ekonomiya sa Tsina ay nagbunga ng pagmamay-ari ng kotse ng milyun-milyon. Subalit may isang problema—mahirap humanap ng paradahan. Maraming itinayong residensiyal na mga lugar sa nakalipas na 25 taon ay walang paradahan sapagkat iilang tao lamang ang may kotse nang itayo ang pabahay. Ang mas lumang residensiyal na pamayanan ay may makikipot at paliku-likong iskinita, anupat halos imposibleng magparada ng kotse. Samantala, “ang bilang ng mga awto sa Beijing ay lumampas na sa 2 milyon, at halos 600,000 lamang ang puwedeng iparada,” ang ulat ng China Today. Sa buong bansa, mga 20 porsiyento lamang ng mga may kotse ang may legal na paradahan. Ang isa pang nagpapahiwatig ng pagdami ng mga kotse ay ang lumalaking pangangailangan para sa langis. Ayon sa China Today, “di-magtatagal ay papalitan ng Tsina ang Hapon bilang ang pangalawang pinakamalakas gumamit ng petrolyo.”
Mga Kabataang May mga Repetitive Strain Injury
Dumaraming kabataan ang nagpapagamot dahil sa repetitive strain injury (RSI), ang ulat ng The Globe and Mail ng Canada. “Sinasabi ng mga doktor at mga pisyoterapist na ang kanilang mga pasyente ay pabata nang pabata sapagkat ang di-aktibong mga bata ay gumugugol ng higit na panahon sa mga computer kapuwa sa bahay at sa paaralan,” ang sabi ng pahayagan. Ayon sa Globe, ang palaging pagmamakinilya o pagpindot sa isang video game controller ay maaaring mauwi sa kirot at pamamaga na karaniwan sa mga pinahihirapan ng RSI. Ang mga magulang ay pinapayuhang bantayan ang bikas (posture) ng kanilang mga anak at maging alisto sa mga sintomas ng RSI—isang batang hinihimas-himas ang kaniyang mga siko o pulsuhan o idinaraing ang pamamanhid o pamimitig.
Mapanganib na Dako ng Trabaho?
Ayon sa isang pagsusuri sa Sweden, “ang pagtatrabaho na kasama ng mga taong di-kasekso ay mapanganib sa iyong pag-aasawa,” ang ulat ng The Wall Street Journal. Nirepaso ng awtor ng pagsusuri na si Yvonne Aberg ang mga rekord ng pamahalaan tungkol sa mga diborsiyo at trabaho at natuklasan niya na “ang pagtatrabaho kasama ng mga . . . di-kasekso ay nagpataas ng bilang ng diborsiyo nang nakagugulat na 70%, kung ihahambing sa isang opisina na punô ng mga magkakatrabaho na pare-pareho ang sekso.” Natuklasan din ni Aberg na totoo ito sa mga magkatrabaho sila man ay may-asawa o wala. Ang pitong-taóng pag-aaral, na nagsasangkot sa 37,000 manggagawa sa 1,500 dako ng trabaho, ay salig sa mga estadistika ng mga diborsiyo at trabaho sa halip na sa personal na mga ulat lamang, na hindi gaanong tumpak. Binabanggit ng artikulo na ang isang paraan upang mabawasan nang 50 porsiyento ang posibilidad ng diborsiyo ay ang pagtatrabaho ng mag-asawa sa iisang opisina.
Ministrong Di-sumasampalataya
Isang ministrong Luterano ang lubhang pinag-usapan noong nakaraang taon dahil sa pagsasabing “walang makalangit na Diyos, walang buhay na walang hanggan, walang pagkabuhay-muli.” Pagkatapos masuspendi nang maikling panahon, siya ay pinayagang bumalik sa trabaho bilang isang ministro, ang ulat ng BBC News. Si Thorkild Grosbøl sa parokya ng Tårbæk na malapit sa Copenhagen ay “humingi ng tawad dahil sa kaniyang mga komento” at kumilala sa kaniyang mga obligasyon sa simbahan, ang sabi ni Obispo Lise-Lotte Rebel ng diyosesis ng Helsingør. Gayunman, ipinagpatuloy pa rin ni Grosbøl ang pangangaral ng gayong paksa. Noong Hunyo 2004, sinabi ng obispo na kapag tumangging magbitiw si Grosbøl, titiyakin sa isang paglilitis kung maaari pa siyang magpatuloy bilang isang ministro.
Sinaunang Inskripsiyon ng Ebanghelyo
Sa kauna-unahang pagkakataon, nasumpungan ng mga iskolar sa Palestina ang isang talata mula sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na nakasulat sa isang sinaunang libingan, ang ulat ng Frankfurter Allgemeine Zeitung ng Alemanya. Di-sinasadyang nasumpungan ang inskripsiyon sa nakilalang Libingan ni Absalom. Nakita ng antropologong si Joe Zias mula sa isang litratong kinuhanan sa takipsilim ang waring nabubura nang inskripsiyon. Tinapalan ito ng simpleng papier-mâché at nabasa ang talata sa Bibliya. Ang inskripsiyon ay buhat sa Lucas 2:25 at katugma ng Codex Sinaiticus ng ikaapat na siglo. Ang tuklas ay mahalaga sapagkat ang paggamit ng mga teksto sa Bibliya sa mga lapida ay karaniwang naging popular noon lamang mga taóng 1000 C.E.