Ang Iba’t Ibang Anyo ng Pagtatangi
Ang Iba’t Ibang Anyo ng Pagtatangi
“Itaboy mo palabas ng pinto ang pagtatangi, at papasok naman ito sa bintana.”—Frederick the Great, Hari ng Prussia.
NAKATIRA si Rajesh sa Paliyad, isang nayon sa India. Gaya ng iba pang hamak na mga tao, kailangan niyang maglakad nang 15 minuto upang umigib ng tubig para sa kaniyang pamilya. “Hindi kami pinahihintulutang umigib sa mga gripong nasa nayon na ginagamit ng mga taong mataas ang katayuan sa lipunan,” ang paliwanag niya. Noong nag-aaral pa siya, hindi man lamang mahawakan ni Rajesh at ng kaniyang mga kaibigan ang bola na ginagamit ng ibang mga bata sa paglalaro ng soccer. “Mga bato na lamang ang pinaglalaruan namin,” ang sabi niya.
“Nararamdaman kong napopoot ang mga tao sa akin, pero hindi ko alam kung bakit,” ang sabi ni Christina, isang tin-edyer mula sa Asia na naninirahan sa Europa. “Talagang nakasisiphayo,” idinagdag pa niya. “Madalas ay ibinubukod ko na lamang ang aking sarili, pero hindi rin ito nakabuti.”
“Una kong naranasan ang pagtatangi nang ako’y 16 na taóng gulang,” ang sabi ni Stanley, mula sa Kanlurang Aprika. “Pinalalayas ako sa aming bayan ng mga taong hindi ko talaga kilala. Ang mga bahay ng ilang katribo namin ay sinunog. Hindi pinayagan ang tatay ko na mailabas ang perang idineposito niya sa bangko. Dahil dito, napoot ako sa tribong nagtatangi laban sa amin.”
Sina Rajesh, Christina, at Stanley ay mga biktima ng pagtatangi, subalit ilan lamang sila sa mga nakararanas nito. “Daan-daang milyong tao ang patuloy na nagdurusa ngayon dahil sa pagtatangi ng lahi, diskriminasyon, pagkapoot at takot sa mga banyaga at pagtatakwil ng lipunan,” ang paliwanag ni Koichiro Matsuura, ang punong direktor ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO). “Ang gayong di-makataong mga gawain, na pinasisidhi pa ng kawalang-alam at pagtatangi, ay nagbunga ng panloob na mga alitan sa maraming bansa at nagdulot ng labis na pagdurusa sa mga tao.”
Kung hindi mo pa nararanasang maging biktima ng pagtatangi, baka mahirapan kang unawain kung gaano kapait ang karanasang ito. “Tinitiis na lamang ito ng iba. Ginagantihan naman ng iba ang pagtatangi ng higit pang pagtatangi,” ang sabi ng aklat na Face to Face Against Prejudice. Sa anu-anong paraan nakapipinsala sa buhay ang pagtatangi?
Kung kabilang ka sa isang grupong minorya, baka masumpungan mong iniiwasan ka ng mga tao, iniirapan ka, o sinasabihan ka ng mapang-alipustang mga komento tungkol sa inyong kultura. Maaaring mahirapan kang humanap ng trabaho maliban na lamang kung tatanggapin mo ang isang hamak na trabaho na hindi nais gawin ng sinuman. Baka
mahirapan kang humanap ng angkop na tirahan. Maaaring madama ng iyong mga anak na nilalayuan at inaayawan sila ng kanilang mga kamag-aral.Ang mas masama pa, maaaring maudyukan ang mga tao na gumawa ng karahasan o pumatay pa nga dahil sa pagtatangi. Sa katunayan, ang mga pahina ng kasaysayan ay punô ng nakapanlulumong mga halimbawa ng karahasan dahil sa pagtatangi—lakip na ang mga pagmasaker, paglipol sa isang partikular na grupo ng mga tao, at ang tinatawag na paglilinis ng lahi.
Pagtatangi sa Loob ng Daan-daang Taon
May panahon na naging pangunahing tudlaan ng pagtatangi ang mga Kristiyano. Halimbawa, di-nagtagal pagkamatay ni Jesus, naging puntirya sila ng isang daluyong ng malupit na pag-uusig. (Gawa 8:3; 9:1, 2; 26:10, 11) Makalipas ang dalawang siglo, napaharap sa malupit na pagtrato ang nag-aangking mga Kristiyano. “Kapag may salot,” ang sulat ng manunulat na si Tertullian noong ikatlong siglo, “ang kaagad na isinisigaw ay, ‘Ihagis ang mga Kristiyano sa mga Leon.’ ”
Subalit pasimula noong ika-11 siglo sa panahon ng mga Krusada, ang mga Judio ang naging kinayayamutang minorya sa Europa. Nang manalanta ang bubonic plague (hindi humuhupang lagnat na may pagnanaknak ng kulani) sa Kontinente, na ikinamatay ng halos sangkapat ng populasyon sa loob lamang ng ilang taon, madaling napagbuntunan ng sisi ang mga Judio, yamang marami na ang napopoot sa kanila. “Ang salot ang nagbigay-katuwiran sa pagkapoot na ito, at ang pagkapoot na ito ng mga taong natatakot sa salot ang dahilan kung bakit nila ibinunton ang sisi sa mga Judio,” ang sulat ni Jeanette Farrell sa kaniyang aklat na Invisible Enemies.
Nang bandang huli, dahil sa pagpapahirap sa kaniya, “inamin” ng isang Judio na nakatira sa timog ng Pransiya na ikinalat ng mga Judio ang epidemya sa pamamagitan ng paglalagay ng lason sa mga balon. Sabihin pa, hindi totoo ang inamin niya, subalit inihayag ang impormasyong ito bilang katotohanan. Di-nagtagal, nilipol ang buong pamayanan ng mga Judio sa iba’t ibang lugar sa Espanya, Pransiya, at Alemanya. Tila walang nagbigay-pansin sa tunay na mga salarin—ang mga daga. At kakaunti lamang sa mga tao ang nakapansin na namatay rin sa salot ang mga Judio gaya ng iba pa!
Minsang mapukaw ang pagtatangi, maaari itong mamalagi sa loob ng maraming siglo at biglang sisilakbo
sa anumang panahon. Noong kalagitnaan ng ika-20 siglo, pinagliyab ni Adolf Hitler ang pagkapoot sa mga Judio nang isisi sa mga ito ang pagkatalo ng Alemanya sa Digmaang Pandaigdig I. Nang matapos ang Digmaang Pandaigdig II, si Rudolf Hoess—ang Nazi na kumander ng kampong piitan sa Auschwitz—ay umamin: “Isinagawa ang aming militar at salig-ideolohiyang pagsasanay taglay ang paniniwalang kailangan naming ipagsanggalang ang Alemanya laban sa mga Judio.” Upang “ipagsanggalang ang Alemanya,” pinangunahan ni Hoess ang paglipol sa mga 2,000,000 katao, ang marami sa kanila ay mga Judio.Nakalulungkot, bagaman lumipas na ang maraming dekada, hindi pa rin nagwakas ang mga kalupitan. Halimbawa, noong 1994, sumiklab ang alitan ng mga tribo sa Silangang Aprika sa pagitan ng mga Tutsi at Hutu, na ikinasawi ng di-kukulangin sa kalahating milyon katao. “Walang lugar na mapagkakanlungan,” ang ulat ng magasing Time. “Dumanak ang dugo sa mga pasilyo ng mga simbahan kung saan nanganlong ang marami. . . . Ang labanan ay manu-mano, napakapersonal at nakapanghihilakbot, at kinakitaan ng pagkauhaw sa dugo anupat ang mga nakaligtas ay naiwang tulala at hindi makapagsalita.” Maging ang mga bata ay hindi nakaligtas sa kakila-kilabot na karahasan. “Isang maliit na lugar ang Rwanda,” ang sabi ng isang mamamayan doon. “Subalit naririto na yata ang lahat ng poot sa daigdig.”
Ang mga labanang nauugnay sa pagkalansag ng dating Yugoslavia ay umakay sa kamatayan ng mahigit 200,000 katao. Ang magkakapitbahay na nanirahang magkakasama nang payapa sa loob ng maraming taon ay nagpatayan sa isa’t isa. Libu-libong kababaihan ang ginahasa, at milyun-milyon ang puwersahang pinalayas sa kanilang mga tahanan sa ilalim ng makahayop na patakaran ng paglilinis ng lahi.
Bagaman karamihan sa mga pagtatangi ay hindi naman humahantong sa pagpaslang, lagi itong nagbubunga ng di-pagkakasundo at paghihinanakit. Sa kabila ng globalisasyon, ang pagtatangi ng lahi ay “waring lumalala pa sa kalakhang bahagi ng daigdig,” ang sabi ng isang kamakailang ulat ng UNESCO.
May magagawa ba upang pawiin ang pagtatangi? Upang masagot ang tanong na iyan, dapat nating alamin kung paano nag-uugat sa isip at puso ang pagtatangi.
[Kahon sa pahina 5]
Mga Ugaling Ipinamamalas ng mga Nagtatangi
Sa kaniyang aklat na The Nature of Prejudice, binalangkas ni Gordon W. Allport ang limang uri ng paggawi na ibinubunga ng pagtatangi. Karaniwan nang ipinamamalas ng isang taong nagtatangi ang isa o higit pa sa mga sumusunod.
1. Negatibong mga komento. Nagsasalita siya nang may paghamak sa grupo na kinayayamutan niya.
2. Pag-iwas. Iniiwasan niya ang sinumang kabilang sa grupong iyon.
3. Diskriminasyon. Ang mga kabilang sa grupo na sinisiraang-puri ay pinagkakaitan niya ng ilang uri ng trabaho, ng tirahan, o ng mga karapatang panlipunan.
4. Pisikal na pananalakay. Nakikisangkot siya sa karahasan, na nilayon upang takutin ang mga tao na kinamumuhian niya.
5. Paglipol. Nakikibahagi siya sa pagbitay sa mga akusadong hindi pa nililitis, sa mga masaker, o sa mga kilusan sa paglipol.
[Larawan sa pahina 4]
Kampo ng mga nagsilikas sa Benaco, Tanzania, Mayo 11, 1994
Isang babaing nagpapahinga sa tabi ng dala niyang mga galon ng tubig. Mahigit 300,000 nagsilikas, na karamihan ay mga Hutu na taga-Rwanda, ang tumawid patungong Tanzania
[Credit Line]
Photo by Paula Bronstein/Liaison