Isinilang Upang Matuto
Isinilang Upang Matuto
“Ang mga ibon ay lumilipad, ang mga isda ay lumalangoy; ang tao ay nag-iisip at natututo.”—JOHN HOLT, AWTOR AT GURO.
LIKAS sa bagong-silang na usa na tumayo nang tuwid sa mahaba at mabuway na mga paa nito at sumunod sa kaniyang ina. Sa kabilang dako naman, ang isang sanggol ay maaaring hindi makalakad hanggang sa siya ay isang taóng gulang. Gayunman, ang mga tao ay pinagkalooban ng tunay na kahanga-hangang utak na makapupong higit sa anumang hayop. Ang kahigitang ito ay makikita sa walang-tigil na pag-uusisa ng bata at masidhing interes sa pagtuklas sa mga bagay-bagay at sa kaalaman.
Upang masapatan ang pag-uusisang iyan, ginagawang parang laboratoryo ng normal at malulusog na sanggol ang kanilang daigdig. Bigyan mo sila ng isang bagay, at pag-aaralan nila ito gamit ang bawat pandama, kalakip na ang panlasa! At hindi diyan natatapos ang pag-eeksperimento. Gaya ng nalalaman ng bawat magulang, binabaluktot, hinahampas, inaalog, at sinisira ng mga sanggol ang mga bagay—kadalasa’y tuwang-tuwa pa—sa kanilang pagnanais na maunawaan at maranasan ang kanilang kapaligiran.
Ang hangaring matuto ng mga bata ay lalo pang nakikita kapag nagsimula na silang magsalita—isang kagila-gilalas na kakayahan sa ganang sarili! Walang anu-ano, ang mga bata ay nagiging palatanong. Mga tanong na gaya ng, ‘Bakit ganito?’ ‘Bakit ganiyan?’ ang palaging namumutawi sa kanilang mga bibig, anupat nasusubok ang pasensiya ng magulang. Sila ay “karaniwang natututo mula sa matitinding bugso ng sigasig at sigla,” sabi ng awtor na si John Holt.
Pagkatapos, pagkaraan ng ilang taon, ang mga bata ay pumapasok sa isang bagong daigdig ng kaalaman—isang daigdig na may mga guro, aklat-aralin, desk, at marahil daan-daang iba pang mga bata. Nakalulungkot, pagkatapos ng mga taon sa paaralan, hindi na gaanong nasasabik matuto sa gayong paraan ang maraming kabataan. Ipinalalagay pa nga ng ilan na maigting o nakababagot ang paaralan. Marahil hindi sila napasigla ng ilang asignatura o ng kanilang mga guro. O marahil hindi nila matiis ang pagkabalisa dahil sa panggigipit na makakuha ng matataas na marka.
Ang natamong negatibong mga saloobin sa gayong pag-aaral ay maaaring magpatuloy hanggang sa pagsapit sa
hustong gulang at maging sa katandaan, anupat iniiwasan ng mga naapektuhan nito ang anumang bagay na nagsasangkot ng malalim na pag-iisip, pag-aaral, o pananaliksik. Ang mga may-edad na ay may karagdagan pang hadlang na dapat harapin—ang paniniwalang kusang pinahihina ng katandaan ang kakayahang matuto. Subalit gaya ng makikita natin, ang paniniwalang iyan ay hindi makatuwiran.Gusto mo bang mapasulong ang iyong kakayahan at hangaring matuto, anuman ang iyong edad? Kung ikaw ay isang magulang, gusto mo bang maging mas magagaling na estudyante ang iyong mga anak at nasisiyahang matuto sa buong panahon ng kanilang pag-aaral at kahit pagkatapos pa nito? Kung gayon, pakisuyong ipagpatuloy ang pagbasa.
[Larawan sa pahina 2]
Sabik na matuto ang mga bata
[Larawan sa pahina 3]
Nakalulungkot, napapaharap ang maraming kabataan sa kaigtingan at kabalisahan sa paaralan