Kakaibang mga Prutas Mula sa Amazon
Kakaibang mga Prutas Mula sa Amazon
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRAZIL
AÇAÍ, BACURI, AT CUPUAÇU. Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito? Baka alam mo, kung nakatira ka sa Brazil. Mga pangalan ito ng tatlong kakaibang prutas mula sa rehiyon ng Amazon. Gustung-gusto ng mga taga-Brazil lalo na ang kakaibang lasa ng mga prutas na ito sa pinalamig na panghimagas. Pero may iba pang gamit ang mga ito. Alamin pa natin ang tungkol sa kamangha-manghang mga prutas na ito mula sa gubat.
Ang Masustansiyang Açaí
Ang puno ng açaí (Euterpe oleracea), isang payat na palma sa tropiko, ay nabubuhay sa maumidong mga floodplain at mga latian lalo na sa mga bukana ng mga ilog ng Amazon at Tocantins sa estado ng Pará. Sa gilid ng Baybaying Atlantiko sa Brazil, tumutubo ito mula sa Pará State hanggang sa Bahia State. Kapag nasa teritoryo ka ng açaí, malamang na nakatayo ka sa tubig at pinagpapawisan ang iyong noo. Ang payat ngunit matibay na katawan ng palmang açaí ay umaabot sa taas na 23 metro, na nakokoronahan ng mga dahon sa tuktok nito.
Mula Agosto hanggang Disyembre, namumunga ang palma ng mga anim hanggang walong kumpol ng açaí, na ang bawat kumpol ay may 700 hanggang 900 prutas na kasinlaki ng cherry. Pero paano makukuha ang mga açaí mula sa itaas ng puno? Ang ilang taong umaakyat sa puno ay naglalala ng istrap mula sa mga hibla ng mas mabababang
puno ng açaí. Isinusuot ng taong aakyat sa puno ang istrap sa kaniyang mga paa at inilalapat ito sa katawan ng puno. Kapag nakakapit na nang mahigpit ang kaniyang mga paa sa katawan ng puno, ikinakapit naman niya ang kaniyang mga kamay sa puno nang mas mataas sa ulo niya, iniaangat ang kaniyang sarili, at itinatapak ang kaniyang naka-istrap na mga paa sa katawan ng puno na pataas nang pataas hanggang makarating siya sa tuktok. Doon, pinuputol niya ang kumpol. Inihahagis ba niya ito pababa? Hindi, madudurog ito. Kung paano siya umakyat, ganoon siya bababa, pero ngayon naman, binabalanse ang prutas.Paano ba inihahanda ang açaí? Ganito ang paliwanag ni Eduardo, isang kabataang lalaki mula sa Pará: “Inilalagay ng nanay ko ang prutas ng açaí sa isang kaldero ng maligamgam na tubig. Hinahalo niya ang prutas hanggang sa humiwalay sa malalaking buto ang balat at ang manipis na laman nito na kulay asul na matingkad.” Mataas ang kaloriya ng prutas at mayaman sa iron, kalsyum, phosphorus, potassium, at bitamina B1 at B2. Hindi nakapagtataka kung bakit hinahangad ng mga atleta ang açaí bilang pampalakas at ng mga ina bilang pampalusog sa kanilang mga anak! Gusto ng maraming taga-Brazil na inumin ang açaí na inihalo sa tubig, asukal, at gawgaw mula sa kamoteng-kahoy. Gusto ni Eduardo ang açaí bilang pampalasa sa pinatuyong hipon at sa kamoteng-kahoy. Dinudurog din ang açaí sa mainit na tubig at sinasala, na nagbibigay ng malapot at mabangong likido na inihahain bilang inumin. Gayunman, hindi iyan ang huling gamit ng açaí.
Marami pang magagawa sa palmang açaí. Ang palmito, o cabbage palm, isang malambot at puting substansiya na matatagpuan sa usbong sa dulo ng sanga ng puno, ay paboritong pagkaing ginagamit sa mga salad. Ang mga ugat ay ginagawang gamot na pamatay ng mga parasito, at ang mga hibla ay ginagamit sa paggawa ng mga walis. Ang mga dahon ay kinakain ng mga hayop o ginagamit sa paggawa ng papel, at ang katawan ng puno ay maaaring gawing napakainam na kahoy para sa konstruksiyon.
Ang Bacuri at ang Cupuaçu
Ang bacuri (Platonia insignis) ay isang punong pampalamuti, na may taas na 20 hanggang 30 metro. Ang mga sanga nito sa tuktok ay may hugis na tulad ng nakabaligtad na kono. Mga kasinlaki ng kahel ang prutas at hugis-itlog, na may makapal at kulay-lemon na balat. Nakapalibot sa mga buto, ang maputi at madikit na laman nito ay manamis-namis na maasim-asim at may masarap na amoy. Punung-puno ng phosphorus, iron, at bitamina C ang makatas na sabaw nito. Ginagawa ng mga taga-Brazil na sirup, mga jelly, mga compote, at mga inumin ang bacuri. Hindi itinatapon ang malangis at mamula-mulang itim na mga buto kundi ginagamit na gamot sa iba’t ibang sakit sa balat. Ginagamit bilang kahoy sa konstruksiyon ang kulay dilaw na kahoy ng punong bacuri.
Ang cupuaçu (Theobroma grandiflorum) ay kamag-anak ng mas pamilyar na halamang kakaw (Theobroma cacao). Ang taba sa mga buto ng cupuaçu ay katulad ng mantikilyang cacao, o mantikilyang cocoa, na ginagawang tsokolate. Bagaman likas na tumutubo ang cupuaçu sa mainit at maumidong kapaligiran ng lunas ng Amazon, itinatanim ito sa buong Brazil. Nakaangkop nang husto ang puno sa baybaying estado ng Espírito Santo.
Una muna, nagkakaroon ang puno ng cupuaçu ng kulay-kastanyas na balat, na matibay para gamitin bilang kahoy. Pagkatapos, sa ikawalong taon nito, namumunga ang puno ng kumpul-kumpol na mga bulaklak at prutas. Nakabitin ang mabulo, kayumanggi, at biluhabang mga prutas nito mula sa mahahabang sanga na natatakpan ng kulay-kalawang na mga dahon. Tumitimbang ng isa hanggang isa at kalahating kilo ang bawat prutas. Sa una, baka mapaatras ka sa matapang na amoy nito. Pero ang maputi, mabango, at maasim na laman nito ay tamang-tama para sa sorbet at iba pang panghimagas.
Kung makadalaw ka sa Brazil, tikman mo ang maraming natatanging lasa ng prutas na ito. Parami nang paraming tropikal na mga lasa ang idinaragdag ng mga tindahan ng sorbetes sa kanilang listahan sa mas malalaking lunsod sa Brazil. Totoo, baka mabulol ka sa pag-order ng sorbet na may mga pangalang gaya ng jaca, umbu, biribá, buriti, mangaba, murici, sapoti, cajarana, graviola, maracujá, o jabuticaba. Subalit masasarapan ka sa lasa ng mga ito!
[Larawan sa pahina 15]
“Açaí”
[Credit Line]
André Valentim/Tyba/BrazilPhotos
[Larawan sa pahina 15]
Tagakuha ng “açaí” na umaakyat sa puno
[Credit Line]
Lena Trindade/BrazilPhotos
[Larawan sa pahina 16]
“Bacuri,” nasa kaliwa ang puno
[Credit Line]
Prutas na bacuri: Geyson Magno/Ag. Lumiar
[Larawan sa pahina 17]
“Cupuaçu”
[Mga larawan sa pahina 17]
Masarap na sorbetes na “cupuaçu,” nasa likod ang puno
[Credit Line]
Background: Silvestre Silva/Reflexo