Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Ang Pisika ng Buhul-buhol na Trapiko
Naitanong mo na ba kung bakit pagkatapos magmaneho sa mabagal na daloy ng trapiko sa loob ng ilang panahon, bigla kang nakapagmamaneho sa normal na bilis nang hindi nakikita ang dahilan ng pagkaantala? “Ayon sa obserbasyon at pagsusuri, may mga dahilan para sa gayong problema gaya ng tulad-pagong na pag-usad ng trapiko kahit na wala namang aksidente o baku-bakong daan,” ang sabi ng The Wall Street Journal. “Ang mga kotse ay kumikilos gaya ng mga molekula sa gas.” Maging ang sandaling pagbagal ay nagpapangyari sa mga sasakyan na “magdikit-dikit” hanggang sa hulihan, anupat bumabagal na parang pagong ang takbo ng mga kotse sa likuran. “Ayon sa isang pagtantiya, tatlong-kapat ng buhul-buhol na trapiko ay walang nakikitang dahilan,” ang sabi ng pahayagan.
“Ang dahilan ay nangyari at nalutas na mga ilang oras na ang nakararaan, subalit nananatili pa rin ang mga epekto nito.” Maaaring maging mabisa ang pagbabago ng ruta upang maiwasan ang buhul-buhol na trapiko kung walang gaanong sasakyan sa lunsod. Ngunit habang napupuno ng mga sasakyan ang mga lansangan at nagbabago rin ng ruta ang iba pang mga drayber, “ang tsansang makasumpong ng pinakamabilis na daanan ay nakakahawig ng paghahanap ng pinakamabilis na pila sa kahera sa isang supermarket,” ang sabi ng artikulo. “Sa katunayan, mas mainam na nahaharap ng relaks na mga drayber ang situwasyon kaysa sa mga drayber na determinadong hanapin ang pinakamabilis na ruta.”Maagang Pagkasugapa sa Nikotina
“Ang unang paghitit ng sigarilyo ay maaaring sapat na upang maging sugapa ang isang tin-edyer,” ang ulat ng pahayagang National Post ng Canada. “Sinasalungat ng pambihirang mga tuklas ang umiiral na pangmalas tungkol sa pagkasugapa sa nikotina na ang pagkasugapa raw ay unti-unti lamang nangyayari pagkatapos ng ilang taon ng malakas na paninigarilyo.” Sa isang pagsusuri sa 1,200 tin-edyer sa loob ng mga anim na taon, natuklasan ng mga mananaliksik na ang “pisikal na pagkasugapa ay mas malakas na puwersa kaysa sa panggigipit ng mga kasamahan, kahit sa mga bihira lamang manigarilyo,” ang sabi ng pahayagan. Ayon sa pagsusuri, “lumilitaw ang mga sintomas ng pagkasugapa sa nikotina sa maraming kabataang naninigarilyo sa pagitan ng unang paghitit ng sigarilyo at ng pagsisimula ng araw-araw na paninigarilyo.” Sinasabi ng mga mananaliksik na ang mga kampanya laban sa paninigarilyo ay dapat ituon hindi lamang upang tulungan ang mga kabataan na labanan ang panggigipit na manigarilyo kundi upang tulungan ding mapagtagumpayan ng mga naninigarilyo ang pagkasugapa sa nikotina.
Posible Bang Maging Sobrang Linis?
Sa pagtatapos ng araw, maraming tao ang nasisiyahang gumugol ng matagal na panahon sa paliligo ng mainit na tubig. Gayunman, “maaaring maging sanhi ng maraming problema sa balat ang sobrang paglilinis,” ang babala ng pahayagang The Daily Telegraph ng Australia. “Napakadalas at napakatagal maligo ng mga tao at sila’y gumagamit ng maling uri ng mga panlinis sa kanilang balat.” Ganito ang paliwanag ng espesyalista sa balat na si Dr. Megan Andrews: “Gusto nating lahat na maging sobrang linis subalit sa katunayan, ang pagiging sobrang linis ay nangangahulugang ang balat ay napinsala na . . . Malinis at presko ang pakiramdam ng mga tao subalit pinipinsala nila ang kanilang balat.” Bakit? Sapagkat ‘inaalis ng sobrang paglilinis ang natural na mga langis ng iyong balat, hinahadlangan ang nagsasanggalang na mga mikroorganismo nito at malamang na magdulot ng maliliit na bitak at pilat,’ ang sabi ng pahayagan, anupat binabanggit na ang taglamig “ang panahon na lalo nang dapat ikabahala.” Inirerekomenda ni Andrews ang sandaling paliligo minsan lamang sa isang araw.
Kapaha-pahamak na Payo
“Hanggang sa dekada ng 1970, ang karamihan ng mga nayon sa Bangladesh at West Bengal [India] ay humukay ng mabababaw na balon, o nagtipon ng tubig mula sa maliliit na lawa o mga ilog—at palaging dumaranas ng kolera, disintirya at iba pang sakit na dala ng tubig,” ang sabi ng The Guardian Weekly. “Dahil diyan, pinayuhan ng UN ang mga tao na magbaon ng mga tubo hanggang sa umabot sa ilalim ng lupa na may tubig (kalipunan ng magagaspang at butas-butas na mga batong may tubig) para sa tubig na malinis at ligtas mula sa mikrobyong nagdudulot ng sakit.” Halos 20 milyong balon ng tubo ang hinukay sa Bangladesh, Vietnam, Laos, Burma (ngayo’y Myanmar), Thailand, Nepal, Tsina, Pakistan, Cambodia, at West Bengal, India. Gayunman, umabot ang maraming balon sa burak na may arseniko na nasa kalaliman. Malawakang pagkalason dulot ng arseniko ang naging resulta anupat tinatawag ito ng World Health Organization na “ang pinakamalaki at lansakang pagkalason ng mga tao sa kasaysayan ng daigdig.” Mga 150 milyon katao ang umiinom ng kontaminadong tubig sa nakalipas na dalawang dekada. Umaabot sa 15,000 malulubhang kaso ng pagkalason dulot ng arseniko ang nangyari sa Bangladesh lamang. Isinasaalang-alang ng lokal na mga grupo, ng mga pamahalaan, at ng UN ang mga mapagpipilian, subalit wala pang nasusumpungang praktikal na estratehiya upang lunasan ang situwasyon.
Babala sa Pagpapatiwakal ng mga Bata
“Ipinahahayag nang berbal o sa sulat ng 80 porsiyento ng mga batang nagtatangkang magpatiwakal o nagpapatiwakal ang kanilang binabalak, mga ilang araw o buwan bago pa nila gawin iyon,” ang ulat ng pahayagang Milenio ng Lunsod ng Mexico. Ang pangunahing mga dahilan kung bakit ayaw nang mabuhay ng mga menor-de-edad ay ang pagmamalupit (pisikal, emosyonal, o berbal), seksuwal na pang-aabuso, pagkakawatak-watak ng pamilya, at mga problemang nauugnay sa paaralan. Ayon kay José Luis Vázquez, isang espesyalistang saykayatris sa Mexican Institute of Social Security, ang kamatayan ay naging pang-araw-araw na pangyayari sa telebisyon at sa pelikula, sa mga video game, at sa mga aklat anupat ang mga bata ay nagkaroon ng maling ideya tungkol sa kahalagahan ng buhay. Sinabi pa niya na 15 sa bawat 100 bata sa pagitan ng edad na walo at sampu ang nag-isip nang magpatiwakal at sa mga ito, 5 porsiyento ang nagtagumpay sa pagkitil sa kanilang buhay. Inirerekomenda ng pahayagan ang pagiging alisto kapag binanggit ng mga bata ang pagpapatiwakal, sa halip na waling-bahala ito bilang isa lamang pagbabanta o isang pagsisikap na makatawag ng pansin. Sinabi pa nito: “Dapat gumugol ng panahon at makipaglaro ang mga magulang sa kanilang mga anak, hindi kailanman dapat mawala ang komunikasyon, at laging pagpakitaan sila ng pag-ibig.”
Masama sa Iyo ang Magalit
Ayon kay Valentina D’Urso, isang guro sa sikolohiya sa Padua University sa Italya, “dumarami ang galit sa ating lipunan, subalit nagdudulot ito ng nakapipinsalang mga epekto sa katawan.” Naninigas ang mga kalamnan, bumibilis ang tibok ng puso at paghinga, at ang katawan ay umiigting. Maaari ring mapinsala ng galit ang kakayahan ng isang tao na mangatuwiran at nababawasan nito ang pagkontrol niya sa kaniyang mga pagkilos. “Sanayin natin ang ating sarili na maging handang harapin ang mga kalagayang magpapagalit sa atin . . . Mahinahon nating sabihin karaka-raka na ‘Hindi ako sang-ayon,’ at higit na bubuti ang ating buhay,” ang mungkahi ni D’Urso.
Maiigting na Doktor
Sinurbey kamakailan ng Canadian Medical Association ang 2,251 doktor sa buong bansa at “natuklasang 45.7 porsiyento ang nasa malalang yugto ng burnout, na kakikitaan ng emosyonal na pagkapagod, pagiging mapang-uyam at pagkadama ng pagiging di-mabisa sa kanilang trabaho,” ang sabi ng pahayagang Vancouver Sun. Ayon kay Dr. Paul Farnan, tagapag-ugnay ng British Columbia Physician Support Program, kabilang sa mga salik na nagdudulot ng kaigtingan para sa maraming doktor ay ang kahirapan sa paghahanap ng makakapalit kung gusto nilang magbakasyon, ang mahigpit na kahilingan na maging handa sila kapag tinawag kailanma’t kailangan sila, at ang tambak na mga rekord na dapat ayusin. Hinihimok ni Dr. Farnan ang maiigting na doktor na gawing timbang ang kanilang buhay sa pamamagitan ng paggugol ng panahon na kasama ng kani-kanilang pamilya at pakikibahagi sa mga gawaing nakasasapat sa emosyonal at espirituwal na mga pangangailangan.