Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Lunsod Ako po ay 13 taóng gulang, at nasiyahan ako sa pagbasa sa mga artikulong “Madrid—Isang Kabiserang Itinayo Para sa Isang Hari” (Hunyo 22, 2003), “Barcelona—Isang Museo na Nasa Labas na Punô ng Kulay at Disenyo” (Hulyo 8, 2003), at “Seville—Isang Pintuang-daan Patungo sa mga Lupain sa Amerika” (Hulyo 22, 2003). Bilang isang Kastila na naninirahan sa Alemanya, natutuwa akong mabasa ang tungkol sa aking sinilangang bayan. Pakisuyong ipagpatuloy ninyo ang pagsulat ng gayong mga artikulo.
C.G.R., Alemanya
Lagi akong nasisiyahang magbasa ng Gumising! ngunit ang pinakagusto kong mga artikulo ay yaong hinggil sa iba’t ibang bansa at lunsod. Labis akong natuwa nang mabasa ko ang mga artikulo hinggil sa mga lunsod ng Espanya. Tuwang-tuwa rin ako nang makita ko ang artikulong “St. Petersburg—Ang ‘Bintana sa Europa’ ng Russia.” (Agosto 22, 2003) Talagang gusto kong makita ang mga tanawin at ang maliliwanag na gabi nito. Dahil sa artikulong ito, para na rin akong nakapasyal doon.
O.A.V., Russia
Mga Insekto Nagpapasalamat ako dahil sa seryeng “Kapag Nagkalat ng Sakit ang mga Insekto,” na may kasamang kahon na “Naikakalat ba ng mga Insekto ang HIV?” (Mayo 22, 2003) Mga ilang taon na rin akong naninirahan ngayon sa isang lunsod na maraming lamok tuwing tag-araw. Palagi akong nangangamba na baka mahawahan ako ng HIV virus. Dahil sa inyong artikulo, hindi na ako masyadong mababalisa sa tag-araw na ito!
J. L., Albania
Mula sa Aming mga Mambabasa Gustung-gusto kong basahin ang tudling na “Mula sa Aming mga Mambabasa.” Kung minsan, ginagamit ko ang mga komento ng mga mambabasa upang udyukan ang mga inaaralan ko sa Bibliya na magbigay ng pantanging pansin sa ilang artikulo. Ipinakikita ng tudling na hindi walang-kabuluhan ang inyong mga pagsisikap na maabot ang puso ng mga tao.
S. A., Russia
Tulog Nang simulan kong basahin ang seryeng “Sapat ba ang Iyong Tulog?” (Marso 22, 2003), hindi ko na mabitiwan ang magasin. Mula noong tin-edyer ako, madalas na dalawa o tatlong oras lamang ang tulog ko sa gabi. Tinulungan ako ng magasing ito na maunawaang kailangan ko nang humingi ng medikal na tulong.
W. A., Taiwan
Tubig Ang trabaho ko ay may kinalaman sa larangan ng nutrisyon at pagkontrol sa timbang, at ang artikulong “Ang Mahalagang Likido sa Buhay—Tubig” ang mismong kailangan ko. (Hunyo 8, 2003) Sa isang artikulo lamang, nagawa ninyong buurin ang lahat ng bagay na natututuhan ko sa 30-oras na kurso sa nutrisyon. Balak kong gamitin ang impormasyong ito upang tulungan ang aking mga kliyente.
J.F.S.F., Brazil
Postpartum Depression Noong Abril, kaming mag-asawa ay naging mga magulang na. Pagkasilang ng aming anak na lalaki, naranasan ko ang mga bagay na inilarawan sa artikulong “Pag-unawa sa Postpartum Depression.” (Hunyo 8, 2003) Ang lahat naman ay nagsasabi na napakaganda ng aming anak, ngunit ayaw ko man lamang siyang makita. Namalagi ako sa bahay at nag-iiyak. Matapos kong basahin ang artikulo, niyakap ko ang aking asawa at ipinagtapat sa kaniya ang nararamdaman ko. Tuwang-tuwa siyang maunawaan ang dahilan ng mga pagbabagong nakita niya sa akin. Nagpapasalamat ako sa inyong pagsulat tungkol sa ganitong paksa nang may angkop na taktika. Naantig ninyo ang aking puso.
S. V., Italya
Tour De France Para sa isang proyekto sa paaralan, pinili ko po ang paksang mga bisikleta. Tamang-tama ang paglabas ng artikulong “Ang Tour de France—100 Taon ng Sukdulang Pagsubok sa mga Siklista”! (Hulyo 8, 2003) Nagawa ko pa nga pong basahin ang aking sanaysay sa harap ng klase. Maraming artikulo mula sa Gumising! ang nagamit ko na sa aking atas sa paaralan. Salamat po sa inyo.
N. K., Alemanya