Demograpiya, ang Bibliya, at ang Kinabukasan
Demograpiya, ang Bibliya, at ang Kinabukasan
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA SWEDEN
ANG sangkatauhan ay dumami na mula sa 1.65 bilyon sa pagpasok ng ika-20 siglo hanggang sa nakagigitlang bilang na 6 na bilyon sa pagtatapos ng siglo. Patuloy kayang darami ang populasyon ng lupa sa nakagugulat na bilis na ito? Masasaksihan kaya ng milenyong ito ang mabilis na pagdami ng populasyon? Ang mga ekspertong lumulutas sa gayong masasalimuot na tanong ay tinatawag na mga demograpo; ang larangan ng kanilang pag-aaral ay demograpiya.
Binigyang-katuturan ng Webster’s Dictionary ang demograpiya bilang “pag-aaral hinggil sa estadistika ng populasyon ng mga tao [lalo na] may kinalaman sa laki at dami, distribusyon, at vital statistics [estadistika na nauugnay sa pagsilang, kamatayan, pag-aasawa, kalusugan at sakit].” Pinag-aaralan ng mga eksperto ang tatlong salik na nakaaapekto sa populasyon—pertilidad (bilang ng batang isinisilang); mortalidad (bilang ng taong namamatay); at pandarayuhan (bilang ng taong nagpapalipat-lipat sa iba’t ibang lupain).
Ang pangkasaysayang demograpiya ay pag-aaral hinggil sa pagdami at pagbabagu-bago ng mga populasyon noon. Maraming natututuhan ang pangkasaysayang mga demograpo tungkol sa sinaunang mga sibilisasyon sa pamamagitan ng maingat na pagsusuri sa nakasulat na materyal, mga labí, kalansay, at iba pang sinaunang bagay. Ang pangkasaysayang demograpiya ay medyo nakasalig sa hula-hula at bahagyang nakabatay sa siyensiya. Ganito ang inamin ng Atlas of World Population History:
“Hindi pa napatutunayan ang mga teoriya ng pangkasaysayang demograpo, ayon sa pinakamodernong pamamaraan, at dahil dito imposibleng mapanaligan ang mga ito batay sa pangmalas ng estadistiko.” Gayunman, interesado ang mga estudyante ng Bibliya sa demograpikong mga ideya. Sa katunayan, kadalasang kasuwato ang mga ito ng mga ulat ng Bibliya.Pagdami ng Populasyon Pagkatapos ng Delubyo
Sinasabi ng Bibliya na walong tao lamang ang nakaligtas sa Delubyo noong kapanahunan ni Noe. Ipinapalagay ng ilang demograpo na pagkalipas ng halos 1,400 taon, maaaring umabot sa 50 milyon ang populasyon ng lupa. Imposible bang dumami ang mga tao mula sa 8 hanggang sa halos 50 milyon sa loob ng 1,400 taon?
Una sa lahat, ang kalkulasyong 50 milyon ay isang pagtantiya lamang. Gayunman, nakatatawag-pansin ang sinabi ng Bibliya sa Genesis 9:1: “Pinagpala ng Diyos si Noe at ang kaniyang mga anak at sinabi sa kanila: ‘Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa.’ ” Pagkatapos, sa kabanata 10 at 11, mababasa natin ang tungkol sa 70 pamilyang nagmula sa mga anak ni Noe—sina Sem, Ham, at Japet. Sa patuloy na pagbabasa, masusumpungan natin ang talaangkanan ng mga tao mula kay Sem hanggang kay Abraham, na ‘naging mga ama ng mga lalaki at mga babae.’ Maaaring ito ang panahon ng mataas na pertilidad, na kaayon ng utos ng Diyos na “punuin ang lupa.”
Ano naman ang tungkol sa mortalidad? Inilalarawan din ng mga kabanatang iyon sa Genesis ang napakahabang buhay ng mga tao noong unang ilang dantaon pagkatapos ng Delubyo. * Kapag napakaraming isinisilang at pagkatapos ay kakaunti ang namamatay, ang bunga ay mabilis na pagdami ng populasyon.
Ang Pansamantalang Paninirahan ng mga Israelita sa Ehipto
Pinag-aalinlanganan ng ilang mananaliksik ang ulat ng Bibliya hinggil sa mabilis na pagdami ng populasyon na nangyari sa gitna ng mga Israelita nang sila’y naninirahan sa lupain ng Ehipto. Sinabi ng Bibliya na bukod sa mga asawa ng mga anak na lalaki ni Jacob, “ang lahat ng kaluluwa sa sambahayan ni Jacob na pumaroon sa Ehipto ay pitumpu.” (Genesis 46:26, 27) Subalit nang umalis sa Ehipto ang mga Israelita pagkalipas ng 215 taon, lubhang nakapagtataka dahil sa nagkaroon ng “anim na raang libong matitipunong lalaki na naglalakad, bukod pa sa maliliit na bata.” (Exodo 12:37) Kung ibibilang natin ang mga babae at maliliit na bata, maaaring umabot sa tatlong milyon lahat-lahat ang mga Israelita! Posible ba ang gayong pagdami?
Upang masagot ang tanong na ito, pansinin nating mabuti kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagdami ng populasyon ng mga Israelita sa Ehipto: “Ang mga anak ni Israel ay naging palaanakin at nagsimulang kumapal ang bilang; at patuloy silang dumarami at lumalakas nang napakabilis, anupat ang lupain ay napuno nila.” Ang pagdami ng mga Israelita noong panahong iyon ay lubhang di-pangkaraniwan.—Exodo 1:7.
Kapansin-pansin, nagkaroon ng gayunding nakakatulad na pagdami sa makabagong mga bansa, gaya sa Kenya noong dekada ng 1980. Gayunman, naiiba ang pagdami ng mga Israelita dahil tumagal ito sa loob ng mahabang panahon.
Ang Bibliya mismo ay nagbibigay ng isa pang dahilan sa mabilis na pagdami ng Israel. Walang kakapusan sa pagkain samantalang nasa Ehipto ang mga Israelita. Maliwanag, kapag naminsala ang taggutom, maraming tao ang namamatay nang maaga. Bunga nito, mas kakaunting bata ang maisisilang sa panahong iyon. Gayunman, ipinakikita ng Bibliya na napakaraming pagkain ang mga Israelita. Nang dumating ang pamilya ni Jose sa Ehipto, sinabi ni Paraon kay Jose: “Patahanin mo ang iyong ama at ang iyong mga kapatid sa pinakamainam ng lupain. Patahanin mo sila sa lupain ng Gosen.” (Genesis 47:6) Kahit na nang alipinin ng mga Ehipsiyo ang mga Israelita, lumilitaw na may sapat silang pagkain. Sa katunayan, pagkatapos na makalaya mula sa pagkaalipin, naalaala ng mga Israelita ang tinapay, isda, pipino, pakwan, puero, sibuyas, bawang, at kalde-kalderong karne na kinain nila samantalang sila’y nasa pagkaalipin.—Exodo 16:3; Bilang 11:5.
Noong Unang Siglo C.E.
Maaari ring palawakin ng demograpiya ang ating unawa hinggil sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Halimbawa, kapag binasa natin ang utos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa,” baka isipin natin, ‘Gaano ba kalawak ang atas na iyan ng pangangaral?’ (Mateo 28:19) Gaano karaming tao ang nabuhay sa Imperyo ng Roma noong unang siglo? Tinataya ng ilan na ang populasyon nito ay nasa pagitan ng 50 at 60 milyon. Kung totoo iyan, napakalaki ng trabaho ng sinaunang Kristiyanong mga ebanghelisador!
Sa pagbabasa ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, napag-alaman natin na dumalaw si apostol Pedro sa malayong lugar ng Babilonya para ipangaral doon ang mabuting balita. (1 Pedro 5:13) Bakit sa Babilonya? Ganito ang paliwanag ng isang komento ng The New Encyclopædia Britannica: “Ang pinakasentrong mga lugar ng mga Judio sa labas ng Palestina ay Sirya, Asia Minor, Babilonya, at Ehipto, na tinatayang ang bawat isa ay may di-kukulangin sa 1,000,000 Judio.” Yamang inatasan si Pedro na mangaral partikular na sa mga Judio, makatuwiran para sa kaniya na maglakbay sa pamayanan ng mga Judio—ang Babilonya. (Galacia 2:9) Palibhasa’y maraming Judio roon, malamang na hindi siya naubusan ng teritoryo!
Ano ang Inaasahan sa Kinabukasan?
Gaya ng ating nakita, ang mga demograpo ay interesado sa partikular na mga detalye ng kasaysayan ng tao. Ano ang sinasabi nila tungkol sa kinabukasan? May mahahalagang katanungang bumabangon. Magkakaroon kaya ng mabilis na pagdami ng populasyon sa milenyong ito? Walang sinuman ang nakatitiyak. Dahil napapansin ang pagbaba ng bilang ng mga isinisilang sa ilang bansa, inihuhula ng ilang mananaliksik na di-magbabago ang populasyon sa daigdig.
Subalit hindi sumasang-ayon ang lahat ng eksperto. Ganito ang sabi ng publikasyong Population Today: “Sa ngayon, may dalawang magkaibang ‘daigdig’ may kinalaman sa pagdami ng populasyon: yaong mga bansa na ang dami ng isinisilang na anak ng bawat mag-asawa ay dalawa lamang o wala pa at yaong mga bansang napakaraming mag-anak. Kasali sa ‘daigdig na may dalawang anak o mas kaunti pa rito’ ang Europa, Estados Unidos, Canada, Hapon, at mangilan-ngilang bansang mabilis ang pag-unlad . . . Sa kabaligtaran naman, ang ‘daigdig na mabilis dumami’ ay binubuo ng karamihan ng mga bansa sa Aprika, Asia, at Latin Amerika, kung saan ang dami ng isinisilang ay mahigit sa dalawang anak sa bawat mag-asawa. Sa mga bansang ito, na halos pinaninirahan ng mahigit sa kalahati ng populasyon sa daigdig, ang bawat babae ay karaniwan nang may apat na anak.”
Kaya bagaman nabawasan ang pagdami ng populasyon sa ilang bansa, nadagdagan naman ito o hindi nagbago sa ibang bansa. Ganito binuod ng Population Today ang mga inaasahan sa hinaharap: “Para sa karamihan ng papaunlad na mga bansa, hindi pa tapos ang mabilis na pagdami ng populasyon. Matitiyak ang tunay, hindi ang guniguni, na pagwawakas ng ‘pagdami ng populasyon’ sa pamamagitan ng kung gaano kabilis at kung ilang bansa ang mag-uukol ng pansin sa mga programa para sa pagbabawas ng bilang ng mga sanggol na namamatay, pagbibigay ng edukasyon sa kababaihan, at pagtuturo ng pagpaplano ng pamilya.”
Lalampas pa kaya nang mahigit pa sa anim na bilyon ang kasalukuyang mga naninirahan sa lupa? Panahon lamang ang makapagsasabi. Subalit alam natin na ang layunin ng Diyos ay na punuin ang lupa—hindi apawan ng mga tao. (Genesis 1:28) At taglay natin ang lahat ng dahilan para magtiwala na sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, mangyayari ito.—Isaias 55:10, 11.
[Talababa]
^ par. 9 Nang maglaon, nabawasan ang haba ng buhay ng tao tungo sa 70 o 80 taon, gaya ng sinabi ni Moises noong mga taon ng 1500 B.C.E.—Awit 90:10.
[Larawan sa pahina 12]
Ang mga nakaligtas sa Delubyo ang pinagmulan ng populasyon sa daigdig na lumampas na sa ngayon sa anim na bilyon
[Larawan sa pahina 13]
Sa loob ng 215 taon, ang maliit na bilang ng mga Israelita sa Ehipto ay nakagugulat na dumami nang tatlong milyon