Saan Ka Makasusumpong ng Tunay na Pag-asa?
Saan Ka Makasusumpong ng Tunay na Pag-asa?
HUMINTO ang iyong relo at waring nasira. Nang ipagagawa mo na ito, napaharap ka sa napakaraming mapagpipilian. Di-mabilang sa dami ang mga anunsiyo sa pagkumpuni ng relo, anupat ginagarantiyahan ng bawat isa sa mga ito ang kanilang mga pag-aangkin, na ang ilan sa mga ito ay nagkakasalungatan naman. Ngunit ano ang gagawin mo kung matuklasan mong kapitbahay mo pala ang malikhaing lalaki na nagdisenyo sa partikular na relong iyan noong nakalipas na mga taon? Hindi lamang iyon, nalaman mo rin na handa siyang tumulong sa iyo, nang libre pa. Waring malinaw na kung ano ang gagawin mo, hindi ba?
Ngayon, ihambing mo ang relong iyon sa iyong kakayahang umasa. Kung masumpungan mong nawawalan ka na ng pag-asa—kagaya ng marami sa maligalig na panahong ito—saan ka hihingi ng tulong? Maraming tao ang nag-aangkin na kaya nilang lulutasin ang problema, ngunit maaaring nakalilito at nagkakasalungatan naman ang di-mabilang na mga mungkahi. Kaya bakit hindi sumangguni sa Isa na nagdisenyo sa sangkatauhan na magkaroon ng kakayahang umasa? Sinasabi ng Bibliya na “hindi siya malayo sa bawat isa sa atin” at na talagang gusto niyang tumulong.—Gawa 17:27; 1 Pedro 5:7.
Mas Malalim na Kahulugan ng Pag-asa
Mas malawak at mas malalim ang konsepto ng Bibliya hinggil sa pag-asa kaysa sa konsepto na karaniwang ginagamit ng mga doktor, siyentipiko, at mga sikologo sa ngayon. Ang mga salita sa orihinal na wikang ginamit sa Bibliya na isinasaling “pag-asa” ay nangangahulugang sabik na maghintay at umasa ng mabuti. Ang pag-asa ay pangunahin nang binubuo ng dalawang elemento. Nasasangkot dito ang paghahangad sa isang bagay na mabuti gayundin ang saligan sa paniniwalang makakamit ang mabuting iyon. Hindi lamang pangangarap ang pag-asang iniaalok ng Bibliya. Ito ay matibay na nakasalig sa katotohanan at katibayan.
Hinggil dito, ang pananampalataya ay katulad din ng pag-asa, na dapat ay nakasalig sa katibayan—hindi sa pagkamapaniwalain. (Hebreo 11:1) Gayunman, ipinakikita ng Bibliya ang pagkakaiba ng pananampalataya at pag-asa.—1 Corinto 13:13.
Bilang paglalarawan: Kapag humingi ka ng pabor sa isang pinagkakatiwalaang kaibigan, maaari kang umasa na tutulungan ka niya. May saligan ang iyong pag-asa dahil nananampalataya (o may tiwala) ka sa iyong kaibigan—kilalang-kilala
mo siya, at nakita mo siyang kumilos nang may kabaitan at pagkabukas-palad noon. Ang iyong pananampalataya at pag-asa ay may malapit na kaugnayan, anupat nagtutulungan pa nga, ngunit magkaiba ang mga ito. Paano ka magkakaroon ng gayong pag-asa sa Diyos?Ang Saligan ng Pag-asa
Ang Diyos ang pinagmumulan ng tunay na pag-asa. Noong panahon ng Bibliya, tinawag si Jehova na “pag-asa ng Israel.” (Jeremias 14:8) Anumang mapananaligang pag-asa ng kaniyang bayan ay galing sa kaniya; kaya naman, siya ang kanilang pag-asa. Ang gayong pag-asa ay hindi pangangarap lamang. Binigyan sila ng Diyos ng matibay na saligan ng pag-asa. Sa pakikitungo sa kanila sa nakalipas na mga siglo, nakagawa siya ng isang rekord ng mga pangako at tinupad na mga pangako. Sinabi ng kanilang lider na si Josue sa Israel: “Nalalaman ninyong lubos . . . na walang isa mang salita sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo.”—Josue 23:14.
Pagkalipas ng libu-libong taon, maaasahan pa rin ang rekord na iyon. Ang Bibliya ay punô ng kamangha-manghang mga pangako ng Diyos at ng tumpak na ulat ng kasaysayan hinggil sa katuparan ng mga ito. Lubhang mapananaligan ang kaniyang makahulang mga pangako anupat kung minsan ay iniuulat ang mga ito na para bang natupad na ang mga ito nang panahong ipangako ang mga ito.
Kaya naman ang Bibliya ay matatawag nating aklat ng pag-asa. Habang pinag-aaralan mo ang rekord ng pakikitungo ng Diyos sa mga tao, lalo lamang titibay ang iyong mga dahilan sa paglalagak ng pag-asa sa kaniya. Sumulat si apostol Pablo: “Ang lahat ng bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng ating pagbabata at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.”—Roma 15:4.
Anong Pag-asa ang Ibinibigay sa Atin ng Diyos?
Kailan natin nararamdaman ang pinakamatinding pangangailangan na umasa? Hindi ba’t kapag napapaharap tayo sa kamatayan? Subalit para sa marami, sa gayong panahon mismo—halimbawa, kapag namatay ang isang mahal sa buhay—waring napakailap ng pag-asa. Kung sa bagay, ano pa nga ba ang higit na nagdudulot ng kawalang-pag-asa kundi ang kamatayan? Wala itong tigil sa pagtugis sa bawat isa sa atin. Maiiwasan lamang natin ito sa loob ng ilang panahon, at hindi natin ito mapawawalang-saysay. Angkop naman, tinatawag ng Bibliya na “huling kaaway” ang kamatayan.—1 Corinto 15:26.
Kung gayon, paano tayo makasusumpong ng pag-asa sa harap ng kamatayan? Buweno, sinasabi rin ng talata sa Bibliya na tumawag sa kamatayan bilang huling kaaway na “papawiin” ang kaaway na ito. Mas malakas ang Diyos na Jehova kaysa sa kamatayan. Pinatunayan na niya ito sa maraming pagkakataon. Paano? Sa pamamagitan ng pagbuhay-muli sa mga patay. Inilalarawan ng Bibliya ang siyam na iba’t ibang pagkakataon nang gamitin ng Diyos ang kaniyang kapangyarihan upang muling buhayin ang namatay na mga indibiduwal.
Sa isang pambihirang pangyayari, binigyan ni Jehova ng kapangyarihan ang kaniyang Anak, si Jesus, upang buhaying muli ang kaniyang mahal na kaibigan na nagngangalang Lazaro, na apat na araw nang patay. Ginawa ito ni Jesus, hindi sa paraang palihim, kundi hayagan, sa harap ng pulutong ng mga nagmamasid.—Juan 11:38-48, 53; 12:9, 10.
Baka itanong mo, ‘Bakit binuhay-muli ang mga tao? Hindi ba’t tumanda rin naman sila at muling namatay?’ Oo. Gayunman, dahil sa mapananaligang mga ulat ng pagkabuhay-muli na gaya nito, hindi na tayo maghahangad lamang na mabuhay-muli ang ating namatay na mga mahal sa buhay; may dahilan tayong maniwala na mabubuhay silang muli. Sa ibang salita, mayroon tayong tunay na pag-asa.
Sinabi ni Jesus: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay.” (Juan 11:25) Siya ang Isa na bibigyan ni Jehova ng kapangyarihan upang isagawa ang mga pagbuhay-muli sa pangglobong lawak. Sinabi ni Jesus: “Ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng . . . tinig [ni Kristo] at lalabas.” (Juan 5:28, 29) Oo, ang lahat ng natutulog sa libingan ay may pag-asang mabuhay-muli tungo sa buhay sa isang paraisong lupa.
Inilarawan ng propetang si Isaias ang nakaaantig-damdaming pagkabuhay-muling ito: “Mabubuhay Isaias 26:19, The New English Bible.
ang iyong mga patay, babangong muli ang kanilang mga katawan. Silang natutulog sa lupa ay gigising at sisigaw sa kagalakan; sapagkat ang iyong hamog ay isang hamog ng nagniningning na liwanag, at isisilang muli ng lupa ang matagal nang mga namatay na iyon.”—Hindi ba’t nakaaaliw iyon? Ang mga patay ay nasa pinakaligtas na maguguniguning kalagayan, gaya ng isang sanggol na ipinagsasanggalang sa loob ng bahay-bata ng ina. Oo, ang mga nagpapahinga sa libingan ay ganap na iniingatan sa walang-hanggang memorya ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. (Lucas 20:37, 38) At di-magtatagal ay bubuhayin silang muli, anupat papasok sa isang maligaya at malugod na naghihintay na daigdig na kagayang-kagaya ng pagbati ng isang maibigin at naghihintay na pamilya sa isang bagong-silang na sanggol! Kaya, may pag-asa maging sa harap ng kamatayan.
Kung Ano ang Magagawa ng Pag-asa Para sa Iyo
Maraming itinuturo sa atin si Pablo hinggil sa kahalagahan ng pag-asa. Tinutukoy niya ang pag-asa bilang isang mahalagang bahagi ng espirituwal na kagayakang pandigma—ang helmet. (1 Tesalonica 5:8) Ano ang ibig niyang sabihin dito? Buweno, noong panahon ng Bibliya, nagsusuot ng metal na helmet ang isang kawal sa digmaan, na kadalasang nakapatong sa isang gorang piyeltro o katad. Dahil sa helmet, ang karamihan sa mga unday sa ulo ay tatalbog lamang sa halip na magdulot ng nakamamatay na pinsala. Ano ang punto ni Pablo? Kung paanong ipinagsasanggalang ng helmet ang ulo, gayon ipinagsasanggalang ng pag-asa ang isip, ang kakayahang mag-isip. Kung mayroon kang matibay na pag-asa na kasuwato ng mga layunin ng Diyos, hindi kailangang mayanig ng pagkasindak o ng kawalang-pag-asa ang kapayapaan ng iyong isip kapag nakararanas ka ng hirap. Sino sa atin ang hindi nangangailangan ng gayong helmet?
Ginamit ni Pablo ang isa pang malinaw na ilustrasyon hinggil sa pag-asa na kaugnay ng kalooban ng Diyos. Sumulat siya: “Taglay natin ang pag-asang ito bilang angkla para sa kaluluwa, na kapuwa tiyak at matatag.” (Hebreo 6:19) Bilang isang nakaligtas hindi lamang sa minsang pagkawasak ng barko, alam na alam ni Pablo ang kahalagahan ng angkla. Kapag binagyo, inihuhulog ng mga magdaragat ang angkla ng barko. Kapag kumalawit ito sa sahig ng dagat at mahigpit na kumapit doon, may pag-asa ang barko na makayanan ang bagyo at hindi gaanong masira sa halip na matangay sa baybayin at bumangga sa mga bato.
Gayundin naman, kung ang mga pangako ng Diyos ay “tiyak at matatag” na pag-asa para sa atin, ang pag-asang iyon ang tutulong sa atin na makayanan ang kabagabagang dulot ng maligalig na mga panahong ito. Ipinangangako ni Jehova na darating ang panahon na hindi na sasalutin ng digmaan, krimen, lumbay, o maging ng kamatayan ang sangkatauhan. (Tingnan ang kahon sa pahina 10.) Ang panghahawakan sa pag-asang iyan ang tutulong sa atin na manatiling malayo sa kapahamakan, anupat nagpapasigla sa atin na mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Diyos sa halip na magpatangay sa magulo at imoral na saloobin na napakalaganap sa daigdig sa ngayon.
Personal ka ring nasasangkot sa pag-asang iniaalok ni Jehova. Nais niyang maranasan mo ang buhay na nilayon niya para sa iyo. Hangarin niya na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas.” Paano? Una, kailangang “sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan” ang bawat isa. (1 Timoteo 2:4) Hinihimok ka ng mga tagapaglathala ng babasahing ito na kumuha ng nagbibigay-buhay na kaalamang iyan hinggil sa katotohanan ng Salita ng Diyos. Ang pag-asang ibibigay ng Diyos sa pamamagitan nito ay lubhang nakahihigit sa alinmang pag-asa na masusumpungan mo sa daigdig na ito.
Yamang may gayong pag-asa, hindi ka na makadarama ng kawalang-kakayahan, sapagkat makapagbibigay ang Diyos sa iyo ng lakas na kailangan mo upang maabot ang anumang itinakda mong tunguhin na kasuwato ng kaniyang kalooban. (2 Corinto 4:7; Filipos 4:13) Hindi ba’t iyon ang uri ng pag-asang kailangan mo? Kaya kung nangangailangan ka ng pag-asa, kung hinahanap mo ito, matuwa ka. Maaari kang magkaroon ng pag-asa. Maaari mo itong masumpungan!
[Kahon/Larawan sa pahina 10]
Mga Dahilan Para Umasa
Makatutulong ang maka-Kasulatang mga kaisipang ito upang patibayin ang iyong pag-asa:
▪ Nangangako ng maligayang kinabukasan ang Diyos.
Sinasabi ng kaniyang Salita na magiging pangglobong paraiso ang lupa na tinatahanan ng maliligaya at nagkakaisang pamilya ng tao.—Awit 37:11, 29; Isaias 25:8; Apocalipsis 21:3, 4.
▪ Hindi makapagsisinungaling ang Diyos.
Kinasusuklaman niya ang lahat ng uri ng kasinungalingan. Si Jehova ay napakabanal o napakadalisay, kaya imposibleng magsinungaling siya.—Kawikaan 6:16-19; Isaias 6:2, 3; Tito 1:2; Hebreo 6:18.
▪ Walang hanggan ang kapangyarihan ng Diyos.
Si Jehova lamang ang makapangyarihan-sa-lahat. Walang anumang bagay sa sansinukob ang makahahadlang sa kaniya sa pagtupad sa kaniyang mga pangako.—Exodo 15:11; Isaias 40:25, 26.
▪ Nais ng Diyos na mabuhay ka magpakailanman.
—Juan 3:16; 1 Timoteo 2:3, 4.
▪ May pag-asa pa tayo sa pananaw ng Diyos.
Mas pinagtutuunan niya ng pansin, hindi ang ating mga pagkakamali at pagkukulang, kundi ang ating mabubuting katangian at mga pagsisikap. (Awit 103:12-14; 130:3; Hebreo 6:10) Umaasa siya na gagawin natin ang tama at nalulugod siya kapag gayon ang ginagawa natin.—Kawikaan 27:11.
▪ Nangangako ang Diyos na tutulungan ka niyang maabot ang makadiyos na mga tunguhin.
Hindi dapat madama ng kaniyang mga lingkod na wala silang magagawa. Saganang ipinagkakaloob ng Diyos ang kaniyang banal na espiritu, ang pinakamalakas na puwersang umiiral, upang tulungan tayo.—Filipos 4:13.
▪ Hindi mali kailanman na umasa sa Diyos.
Palibhasa’y lubos na mapananaligan at mapagkakatiwalaan, hindi ka niya kailanman bibiguin.—Awit 25:3.
[Larawan sa pahina 12]
Kung paanong ipinagsasanggalang ng helmet ang ulo, gayon ipinagsasanggalang ng pag-asa ang isip
[Larawan sa pahina 12]
Kagaya ng isang angkla, makapagbibigay ng katatagan ang pag-asang may matibay na saligan
[Credit Line]
Courtesy René Seindal/Su concessione del Museo Archeologico Regionale A. Salinas di Palermo