Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Nasa Oras!

Maging Nasa Oras!

Maging Nasa Oras!

“ANG pagiging huli ay isang suliraning nakaugalian na ng mga opisyal na punong ehekutibo,” ang ulat ng USA Today. “Huli silang dumarating sa anim sa 10 miting,” dagdag pa nito, anupat binabanggit ang isang surbey sa 2,700 opisyal na punong ehekutibo.

Sa mga negosyante, ang pagiging huli ay hindi lamang itinuturing na pagpapakita ng masamang asal. Ganito ang naging konklusyon ng isang pag-aaral sa 81,000 aplikante sa trabaho: “Ang oras na hindi nagamit dahil sa pagiging huli at sa pagliban nang walang pahintulot ay mga pangunahing dahilan ng pagkawala ng kita.” Mangyari pa, hindi lamang sa mga negosyante nagdudulot ng mga suliranin ang pagiging huli. Isiniwalat ng isang surbey sa mga punong-guro ng mga paaralang sekondarya na “ang pagiging huli ng mga estudyante ang pangunahin at pinakamadalas maulit na suliranin sa pagdidisiplina.”

Nilayon ng ating Maylalang na maging palaisip tayo sa oras. Inilagay niya ang “dalawang malalaking tanglaw”​—ang araw at ang buwan​—upang tulungan tayong sukatin ang oras. (Genesis 1:14-​16) Sa ngayon, maaari na nating sukatin ang ating oras sa pamamagitan ng minuto at segundo dahil sa modernong mga orasan. Gayunman, sa kabila ng teknolohiya, marami pa rin sa atin ang may suliranin sa pagiging nasa oras​—sa trabaho, paaralan, o sa iba pang mahahalagang kasunduan.

Ang kakulangan ba sa panahon ang laging dahilan? Totoo namang maaari tayong madaig ng mga kahilingan sa trabaho at pamilya. Magkagayunman, ganito ang sinabi ng isang nagtatrabahong ina na nagngangalang Wanda Rosseland: “Huminto na akong magreklamo na kulang ang panahon ko nang matanto ko na tayong lahat ay may 24 na oras sa bawat araw. Napag-isipan ko na ito at nakita ko na sa ating modernong daigdig, hindi naman talaga napakakaunti ng panahon natin, kundi napakaraming pang-abala at panggambala sa atin.”

Isaalang-alang din si Renee, * na ina ng limang anak at isang Saksi ni Jehova. Nagugunita niya: “Noong maliliit pa ang mga anak ko, isang hamon ang ihanda sila para sa paaralan at Kristiyanong mga pulong. Gayunman, hindi ko naging problema ang pagiging nasa oras. Ngunit ngayong malalaki na silang lahat, naging di-magandang kaugalian ko na ang mahuli.” May ganito ka rin bang di-magandang kaugalian? Kung oo, posible pang magbago! Narito ang ilang bagay na magagawa mo.

PAG-ISIPAN ANG MAGIGING MGA BUNGA. Ang nakaugalian nang pagiging huli ay waring isang maliit na bagay lamang. Subalit isaalang-alang ang mga salita ng Bibliya: “Mga patay na langaw ang nagpapabaho at nagpapabula sa langis ng manggagawa ng ungguento. Gayon ang ginagawa ng kaunting kamangmangan sa isa na pinahahalagahan dahil sa karunungan at kaluwalhatian.” (Eclesiastes 10:1) Oo, ang “kaunting kamangmangan” sa anyo ng kawalan ng konsiderasyon sa iba ay makasisira ng iyong reputasyon sa isang guro o amo.

Habang kumukuha ng mga kurso sa isang lokal na kolehiyo, napansin ng isang babaing nagngangalang Marie na ang ilan sa kaniyang mga kaklase “ay walang pakialam sa oras,” anupat kadalasang huling dumarating sa klase. “Ngunit hindi nagtagal ay kinailangan silang magbago,” ang gunita niya. “Naging mahigpit sa oras ang dalawa sa mga propesor. Kaya kung sinumang mga estudyante ang mahuli nang ilang minuto lamang, itinatala na silang lumiban. At katumbas ng bagsak na grado ang isang takdang bilang ng pagliban.”

Ang nakaugalian nang pagiging huli ay makasisira rin ng iyong reputasyon sa mga kaibigan at kasama. Naaalaala ng isang lalaking nasa katanghaliang gulang na nagngangalang Joseph ang isang kapuwa Kristiyano na kilala niya mga dekada na ang nakalilipas. Bagaman hinahangaan ang lalaking ito dahil sa kaniyang mga kakayahan bilang guro, may nakahihiya siyang kahinaan. “Palagi siyang náhuhulí,” ang gunita ni Joseph. “Talagang náhuhulí sa lahat ng bagay! At tila hindi siya kailanman nabahala tungkol dito. Naging paksa ng mga biruan ng mga tao ang pagiging huli niya.” Nagsisimula na ba ang mga tao na tawagin kang isang taong palaging náhuhulí? Kung oo, magiging madali para sa kanila na hindi mapansin ang iyong magagandang katangian.

ANG IBANG TAO. Ang pagiging huli ay kawalang-galang at nakagagambala sa iba. At maaari itong magbigay ng impresyon na may saloobin kang nakatataas ka sa iba. Bilang paliwanag kung bakit napakaraming ehekutibo sa negosyo ang may tendensiyang mahuli sa mga miting, inamin ng isang negosyante: “Karamihan sa amin ay arogante.” Sa kabaligtaran, itinuturing ng mga Kristiyano ang iba bilang nakatataas sa kanila. (Filipos 2:3) Ikinakapit din nila ang Gintong Aral at nakikitungo sila sa iba sa paraang nais nilang pakitunguhan sila. (Mateo 7:12) Hindi ka ba nayayamot kapag kailangan mong maghintay sa iba? Kung gayon, huwag mong paghintayin ang iba.

● MATUTO NG MGA KASANAYAN SA PAGSASAAYOS NG PANAHON. Ipinagpapabukas mo ba ang mga bagay-bagay at nagmamadali sa kahuli-hulihang sandali? Siksik na siksik ba ang iyong iskedyul, anupat sinisikap mong gawin ang napakaraming bagay sa napakakaunting panahon? Makatutulong ang simulain sa Eclesiastes 3:1: “Sa lahat ng bagay ay may takdang panahon.” Ang paglalagay ng mga bagay sa “takdang panahon” ay tutulong sa iyo na magawa ang mga ito sa maayos na paraan.

Una, itala ang lahat ng kailangan mong gawin. Pagkatapos, sundin ang simulain sa Filipos 1:10: ‘Tiyakin ninyo ang mga bagay na higit na mahalaga.’ Oo, unahin ang mas mahahalagang bagay. Anu-ano ang kailangang-kailangan nang gawin? Anu-ano ang ilang bagay na maipagpapaliban nang walang masamang epekto? Pinakahuli, tuusin kung gaano karaming oras ang kailangan upang magawa mo ang mga bagay-bagay at kung kailan mo magagawa ang mga ito. Maging makatotohanan, at iwasang mag-iskedyul ng napakaraming bagay sa napakakaunting panahon.

Nagpapasalamat ang isang babaing nagngangalang Dorothy sa kaniyang mga magulang na nagturo sa kaniya na maging nasa oras. Ikinuwento niya: “Kung kailangan kaming nasa Kristiyanong pulong pagsapit ng 7:30 n.g., sinisimulang ihanda kami ng aking ina isang oras at 45 minuto bago nito. Kailangan kaming maglaan ng panahon para maghapunan, maghugas ng pinggan, magbihis, at magpunta sa dakong pulungan. Basta na lamang naging normal na bahagi ng aming buhay ang pagiging nasa oras.” Kung minsan, nakatutulong ang paglalaan ng panahon para sa di-inaasahang mga pangyayari. Nagugunita ni Dorothy: “Kinailangan kong sunduin kamakailan ang ilang tao para sa pulong. Nang nasa daan na ako, nabutas ang gulong ng aking sasakyan. Ipinaayos ko ito at nasa oras pa rin ako para sunduin sila. Talagang naglalaan ako ng sapat na panahon sakali mang masira ang kotse o maging masikip ang daloy ng trapiko.”

● HUMINGI NG MGA MUNGKAHI SA IBA. Sinasabi ng Bibliya sa Kawikaan 27:17: “Sa pamamagitan ng bakal, ang bakal ay napatatalas. Gayundin pinatatalas ng isang tao ang mukha ng iba.” Kasuwato ng simulaing iyan, makipag-usap sa iba na ang kalagayan ay katulad ng sa iyo​—ngunit naisasaayos na maging nasa oras para sa mga bagay-bagay. Kadalasang may ilang mungkahi sila na makatutulong.

Determinado si Renee, na sinipi sa itaas, na baguhin ang kaniyang pagiging huli. Sinabi niya: “Naipasiya ko kamakailan na pasulungin ito. Bagaman hindi madali, sumusulong naman ako kahit paano.” Maaari ka ring sumulong. Sa pamamagitan ng tamang saloobin at pagsisikap, matututo kang maging nasa oras!

[Talababa]

^ par. 6 Binago ang ilang pangalan.

[Mga larawan sa pahina 24]

Ang nakaugalian nang pagiging huli ay maaaring magbigay ng hindi magandang impresyon sa mga amo at magpakita ng kawalan ng konsiderasyon sa iba

[Larawan sa pahina 25]

Makatutulong ang mahusay na personal na pag-oorganisa upang maiwasan mo ang pag-aaksaya ng panahon