Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Mararahas na Krimen Talagang pambihira ang pagkakasulat ng seryeng “Mararahas na Krimen—May Solusyon ba Ito?” (Hulyo 8, 2003) Pinahalagahan ko ang paraan ng pagbanggit ng unang artikulo sa mga katotohanang nagaganap nang hindi muna sinasabi kung ano ang solusyon. Nagtapos lamang ito sa ilang magagandang tanong para bulay-bulayin, anupat ipinauunawa sa mambabasa ang kalubhaan ng problema. Pagkatapos ay ibinalangkas ang maka-Kasulatang mga solusyon. Wala akong ibang masabi tungkol sa mga artikulo kundi kagila-gilalas ang mga ito!
A. L., Estados Unidos
Ang huling artikulo sa seryeng ito, na pinamagatang “Isang Makatotohanang Solusyon—Posible ba Ito?,” ay tumulong sa akin na maunawaan na kailangan ang pagbabago ng isip at puso upang ibigin ng mga tao ang katuwiran. Lahat tayo ay kailangang maturuan ng Diyos na Jehova, gaya ng sinasabi ng Isaias 54:13. Kahit ngayon pa lamang, sa tulong ni Jehova, maaari na nating sanayin ang ating sarili upang maging ang uri ng tao na gusto ni Jehova.
V. K., Estados Unidos
Tour de France Tuwang-tuwa ako sa artikulong “Ang Tour de France—100 Taon ng Sukdulang Pagsubok sa mga Siklista.” (Hulyo 8, 2003) Dati akong sumasali sa pang-amatyur na mga paligsahan ng mga siklista. Bagaman pinanonood ko taun-taon sa telebisyon ang Tour de France, wala akong kaalam-alam tungkol sa pinagmulan nito o na ang taóng 2003 ang ika-100 taon nito. Binanggit ng artikulo ang mga gawa ng “pagkamaginoo sa isport.” Sa palagay ko, ito ang dahilan kung bakit maraming tao ang naaakit dito.
R. S., Hapon
Ako po’y sampung taóng gulang, at talagang natuwa ako sa artikulo tungkol sa Tour de France. Marami pong salamat sa pagpapaliwanag ng maraming bagay hinggil sa kasaysayan ng pagbibisikleta. Umaasa po ako na maglalathala kayo ng marami pang artikulo tungkol sa isports.
J. F., Pransiya
Buhangin Nawili ako sa pagbabasa sa artikulong “Ang Karilagan ng Buhangin.” (Mayo 8, 2003) Talagang kabigha-bighani ang paglalarawan kung paano nabubuo ang buhangin at kung anong buhay ang umiiral sa buhangin. Namangha ako sa iba’t ibang kulay ng buhangin. Kahanga-hangang malaman na kung walang buhangin, wala tayong salamin o semento—tunay na mahahalagang produkto! Salamat sa napakainam na impormasyon.
N. N., Timog Aprika
Diyabetis Maraming salamat sa seryeng itinampok sa pabalat na “Ang Buhay ng May Diyabetis.” (Mayo 8, 2003) Sa loob ng 12 taon, mayroon akong Type 1 na diyabetis, at ginagamot ako sa pamamagitan ng madalas na pagtuturok sa akin ng insulin. Malaki ang naitutulong ng asawa ko sa akin. Patuloy naming pinag-aaralan ang sakit, magkasama kaming nagpupunta sa doktor, at pinagsisikapan kong magkaroon ng mas positibong saloobin. Dahil naglilingkod ako bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa, napansin ko ang higit na pangangailangan sa gitna ng mga kapuwa Kristiyano na maging mabait at matiisin sa maysakit upang matulungan siyang harapin ang mga hamon sa buhay. Ang gayong saloobin ang tumutulong sa akin na ipagpatuloy ko ang aking ministeryo sa mga kongregasyon. Tamang-tama ang pagdating ng seryeng ito ng mga artikulo. Muli, maraming salamat.
W. B., Poland
Dalawampu’t walong taon na akong may diyabetis. Sampung miyembro ng pamilya ko ang pinahihirapan din ng sakit na ito. Hanggang sa ngayon, ang inyong serye pa lamang ang nabasa ko na naglalaman ng pinakakomprehensibong impormasyon. Ipinakikita ng mga artikulo ang pag-ibig ng Maylalang—isang bagay na hindi taglay ng mga sekular na artikulo tungkol sa paksang ito. Yamang hindi ko naman nais na masyadong umasa sa aking pamilya, sinikap kong hindi ipakita sa iba na ako ay may sakit. Natutuwa akong alagaan ang iba. Pero tinulungan ako ng artikulong ito na matanto na kailangan ko munang alagaan ang aking sarili upang higit kong maalagaan ang iba.
L. P., Pransiya