Acinipo—Isang Sinaunang Himpilan na Limot Na
Acinipo—Isang Sinaunang Himpilan na Limot Na
Mula sa manunulat ng Gumising! sa Espanya
NAPAKARINGAL ng pakiramdam namin habang naglalakad-lakad kami sa nilakaran ng mga Iberian at Romano dalawang libong taon na o higit pa ang nakalilipas. Nagbiyahe kami ng kasama ko mula sa San Pedro de Alcántara, sa baybayin ng Málaga sa bandang timog ng Espanya, para pasyalan ang ilang pueblos blancos (mapuputing bayan) ng Andalusia. Nagbiyahe kami pahilaga sa isang landas sa kabundukan, samantalang nasa kanan namin ang Sierra de las Nieves, kasama ang Pico Torrecilla nito na may taas na 1,900 metro. Bagaman kahanga-hanga ang tanawin, hindi kami nakahanda sa aming makikita habang palusong kami sa makasaysayan at napapaderang lunsod ng Ronda. Ang pagkaganda-gandang lunsod na ito ay libu-libong taon na pinanirahan ng mga Celt (na tumawag dito na Arunda), Griego, taga-Fenicia, Romano, Vandal, at mga Berber (Moor), bukod sa iba pa na tumalo sa mga Visigoth noong ikawalong siglo C.E.
Ngunit ang sadya namin ay ang Ronda la Vieja, Sinaunang Ronda, na kilala noong unang panahon bilang Acinipo (Athinipo ang bigkas). Sinabi ng isang ensayklopidiyang Kastila na ang pangalang ito, na nagmula sa Sidonio, ay galing sa mga mangangalakal na taga-Fenicia na nanirahan doon mula sa Sidon, na nasa Lebanon sa ngayon. Ang pangalan ay nauugnay sa sinaunang mga salitang Griego at Latin na tumutukoy sa mga ubas. Nakatatak sa isang panig ng sinaunang mga barya ang pangalang Acinipo at mga uhay ng trigo, samantalang sa likod naman nito ay isang kumpol ng ubas. Maliwanag, ang agrikultura at paggawa ng alak ang pangunahing mga hanapbuhay rito. Sinabi ng isang reperensiya na ang Acinipo, “dahil sa heograpikong kinalalagyan nito . . . , ay naging isang malaking lunsod, anupat naging munisipalidad na may kapangyarihang gumawa ng mga barya, at nang dakong huli ang mga naninirahan dito ay nagkaroon na rin ng mga karapatang katulad ng sa sinumang mamamayan ng Imperyo ng Roma.”
Mula sa aming travel guide at mga mapa, napag-alaman namin na ang Acinipo ay matatagpuan mga ilang kilometro sa bandang hilagang-kanluran ng Ronda. Sabik na sabik na ang kaibigan kong Amerikano. Ito ang kauna-unahang paglalakbay niya sa Europa at kauna-unahang pagkakataon na makita ang mga labí ng Imperyo ng Roma.
Habang binabagtas namin ang makitid na daan ng lalawigan, nahirapan kaming hanapin ang mga labí. Huminto kami para humingi ng tulong sa isang pastol na nagpapakain ng kaniyang mga tupa. Tiniyak niya sa amin na makikita namin ang Ronda la Vieja na ilang kilometro na lamang ang layo sa banda pa roon. Ayun nga, bigla naming nakita ang isang matarik na burol na nakatunghay sa amin na isang lugar na mukhang madaling maipagtanggol. Nang makarating kami sa pasukan ng arkeolohikal na lugar, tumambad sa amin ang gilid ng burol at makikita roon ang nagkalat na mga bunton ng sinaunang kaguhuan. Ito pala ang dating mga tirahan, marahil ay itinayo noong mga panahong Romano. Maliwanag na minsan ay nagkaroon ng malaki-laking populasyon dito. Sa bandang tuktok ng burol, halos isang kilometro ang layo, ay matatagpuan ang tila isang solido na batong pader. Nakaintriga ito sa amin. Ano kayang mga kaguhuan ang masusumpungan namin?
Bakit May Lunsod Dito?
Bakit kaya pinili ng mga Romano na dito magtayo ng isang lunsod, na para bang nasa
pusod ng liblib na dako? Dahil hindi basta makalalapit dito ang mga kaaway nang hindi nalalaman ng mga naninirahan. Hindi ang mga Romano ang kauna-unahang nakakita ng mga bentaha ng estratehikong lugar na ito. Sinabi ng mga arkeologo na ang lugar na ito ay pinanirahan ng sinaunang mga tao mahigit na 4,000 taon na ang nakalilipas. Sa pagdating ng mga taga-Fenicia noong mga 1000 B.C.E., naging mahalagang bahagi ang Acinipo sa mga negosyo nila, yamang angkop na angkop ang loobang ito na nagdurugtong sa Málaga at Cádiz, na mga kolonya sa baybayin.Isang guwardiya ang nakabantay sa pasukan ng mga kaguhuan, at pagkatapos makipag-usap sandali, pinayagan niya kaming pumasok sa lumang pintuang-daan. Sa bandang kanan namin, makikita ang labí ng mga tirahan na pabilog ang hugis noong ikawalo at ikapitong siglo B.C.E. Sinimulan naming bagtasin ang burol at nasumpungan ang mga bato na bahagi ng pampublikong lugar na pinagpupulungan noon, na itinayo ng mga Romano. Nahinuha ng mga arkeologo mula sa mga labíng nahukay rito na may pampublikong mga gusali sa lugar na ito at na ang liwasan (plasa) mismo ang pinakasentro ng lunsod.
Isang Kakaibang Teatro
Napatingin kami muli sa mataas na pader sa taluktok ng burol. Iniisip namin kung ano kaya ito noong mga panahong Romano. Habang papalapit kami, nabatid namin na papasok pala kami sa backdrop ng isang teatro. Yari ito sa bato na may malaking arko at isang tore. Palibhasa’y sinusunod ang kaugaliang Romano, ang mga bato ay tinabas at inilatag nang walang semento. Nang dumaan kami sa arko, nasa entablado na pala kami, anupat pinagmamasdan namin ang mga baytang at upuan na marahil ay para sa di-kukulangin sa sanlibo katao. Tinabas ang teatro mula sa batuhan sa gilid ng burol. Napahanga kaming isipin na ang kinatatayuan namin ay ang lugar kung saan nagtanghal ang mga artista at orador na Romano!
Alam ng mga Romano kung paano lubusang mapakikinabangan ang mga gilid ng bundok anupat ginawa nila itong mga teatro. Ang mga bakas ng mga teatro at ampiteatrong Romano ay matatagpuan sa mga lugar na kasinlayo ng Mérida sa kanlurang Espanya, Trier sa Alemanya, at Nîmes at Arles sa Pransiya, at maging sa kasinlayo ng Caerleon sa Wales sa bandang hilaga. May mga kilalang ampiteatro sa Pompeii at Roma. Maaaring makaupo ang 50,000 katao sa Colosseum ng Roma! Kalat-kalat ang mga labí ng mahigit sa 75 ampiteatrong Romano sa buong hangganan ng dating Imperyo ng Roma. Ang naglalakbay na mga grupo ng mga artista ay nagpapalipat-lipat sa mga teatro, anupat nang-aaliw sa pamamagitan ng kanilang mga pagtatanghal.
Ang teatro sa Acinipo ang pinakanaingatang bahagi ng lunsod. Tamang-tama ang kinalalagyan ng mga upuan dahil sa pagkadahilig ng burol at naipagsanggalang ang mga ito sa hangin na humahaginit mula sa matarik na burol na mas mataas. Ang teatro ay dinisenyo para lubusang mapakinabangan ang likas na akustika.
Umakyat kami sa taluktok ng matarik na burol. Kahanga-hanga ang tanawin sa lahat ng direksiyon. Sa bandang kaliwa namin, sa timog, ay matatagpuan ang Ronda, at sa bandang kanan naman, o sa hilaga, ay makikita ang sinaunang lunsod ng Olvera. Naupo kami sa teatro sa malungkot na gilid ng burol na ito samantalang nasa likuran namin ang napakaitim na ulap, at ginuniguni namin ang maaaring naging tanawin noong nakalipas na mga 2,000 taon sa abala ngunit liblib na lunsod ng Acinipo sa Roma. Pinag-isipan namin kung ano pa kaya ang maaaring matuklasan sa kakaibang lugar na ito. Marahil, balang araw, ang dating mga naninirahan doon na bubuhaying muli ang magsisiwalat sa mga lihim nito.—Juan 5:28, 29; Gawa 24:15.
[Mapa sa pahina 14]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
MADRID
Acinipo
Ronda
Málaga
[Larawan sa pahina 15]
Karatula sa pasukan: “Arkeolohikal na Lugar ng Acinipo”
[Larawan sa pahina 15]
Kaguhuan ng Romanong mga tirahan
[Larawan sa pahina 15]
“Backdrop” ng teatro
[Larawan sa pahina 15]
Teatro at entablado
[Larawan sa pahina 15]
Panulukang tore ng teatro
[Larawan sa pahina 15]
Taluktok ng burol na kinaroroonan ng Acinipo
[Larawan sa pahina 16]
Sa unahan, mga pundasyon ng mga tirahan bago ang panahong Romano