Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Ano ang Kailangan at Gusto ng mga Sanggol

Kung Ano ang Kailangan at Gusto ng mga Sanggol

Kung Ano ang Kailangan at Gusto ng mga Sanggol

MULA sa kaniyang pagsilang, kailangan ng bagong-silang na sanggol ang magiliw na pangangalaga, kasali na ang paghaplos at pagdaiti. Naniniwala ang ilang manggagamot na ang unang 12 oras pagkasilang ay napakahalaga. Sinasabi nila na ang pinakakailangan at pinakagusto ng mag-ina pagkatapos na pagkatapos ng pagsilang ay “hindi ang tulog o pagkain, kundi ang haplos at yakap at ang magtinginan at makinig sa isa’t isa.” *

Likas sa mga magulang na hawakan, kandungin, haplusin, at yapusin ang kanilang sanggol. Bunga nito, ang sanggol ay tiwasay na napapalapít sa kaniyang mga magulang at tumutugon sa kanilang atensiyon. Gayon na lamang kalakas ang puwersa ng buklod na ito anupat nagsasakripisyo ang mga magulang upang pangalagaan nang walang panghihinawa ang kanilang sanggol.

Sa kabilang banda, ang isang sanggol ay maaaring literal na manghina at mamatay kung wala ang mapagmahal na buklod ng mga magulang. Kaya ang ilang doktor ay naniniwala na mahalagang ibigay agad-agad ang sanggol sa kaniyang ina pagkasilang. Sinasabi nila na dapat na magkapiling sa unang mga sandali ang ina at sanggol kahit man lamang sa loob ng 30 hanggang 60 minuto.

Sa kabila ng pagbibigay-diin sa pagbubuklod, maaaring maging mahirap ang pagiging magkapiling ng mag-ina sa unang mga sandali, kung posible man, sa ilang ospital. Kadalasang inihihiwalay ang mga bagong-silang na sanggol sa kani-kanilang ina dahil sa panganib na maimpeksiyon ang bata. Subalit ipinakikita ng ilang katibayan na ang dami ng nakamamatay na mga impeksiyon ay maaaring bumaba pa nga kapag nasa piling ng mga ina ang mga bagong-silang na sanggol. Kaya parami nang paraming ospital ang nagpapahintulot na ang ina at sanggol ay magkapiling nang mas matagal.

Pagkabahala Hinggil sa Pagbubuklod

May ilang ina na hindi agad napapalapít ang kalooban sa kanilang sanggol sa unang pagkakataon na kanilang makita ito. Kaya nagtatanong sila, ‘Mahihirapan kaya ako sa aming pagbubuklod bilang mag-ina?’ Hindi maikakaila na hindi lahat ng mga ina ay nagiging magiliw sa kanilang sanggol sa unang pagkikita nila. Subalit, hindi naman kailangang mabahala.

Kahit na maantala ang pagmamahal ng ina sa sanggol, lubos naman itong malilinang sa bandang huli. “Walang sinumang nanganak ang patiunang nakatitiyak kung magtatagumpay o hindi ang ugnayan nila ng kanilang anak,” ang sabi ng isang makaranasang ina. Gayunman, kung ikaw ay nagdadalang-tao at nababahala, isang katalinuhan na patiunang makipag-usap sa iyong obstetrician. Liwanagin mo ang iyong mga kahilingan tungkol sa kung kailan at gaano mo katagal gustong makapiling ang iyong bagong-silang na sanggol.

“Kausapin Po Ninyo Ako!”

Waring may partikular na panahon na ang mga sanggol ay lalo nang sensitibo sa espesipikong mga estimulo. Natatapos din ang pantanging mga panahong iyon. Halimbawa, napakadaling natututuhan ng mura pang utak ang isang wika, baka nga higit pa sa isang wika. Subalit ang panahon na pinakamadaling matutuhan ang wika ay waring nagtatapos sa mga edad na lima.

Kapag tumuntong ang isang bata sa edad na 12 hanggang 14, ang pagkatuto ng isang wika ay maaaring napakahirap na. Ayon sa isang neurologong pedyatrisyan na si Peter Huttenlocher, iyon ang panahon na “nababawasan ang densidad at dami ng mga synapse sa mga bahagi ng utak na para sa wika.” Maliwanag, ang unang ilang taon ng buhay ay napakahalagang panahon para mapasulong ang kakayahang matuto ng wika!

Paano nagagawa ng mga sanggol ang kamangha-manghang pagkatuto na magsalita, na napakahalaga sa pagsulong ng kanilang kaisipan sa kalaunan? Pangunahin nang sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga magulang. Ang mga sanggol ay lalo nang tumutugon sa mga estimulo ng tao. “Tinutularan ng isang sanggol . . . ang tinig ng ina nito,” ang obserbasyon ni Barry Arons ng Massachusetts Institute of Technology. Subalit, kapansin-pansin na hindi tinutularan ng mga sanggol ang lahat ng tunog. Gaya ng naobserbahan ni Arons, “hindi tinutularan [ng sanggol] ang paglangitngit ng kuna na maaaring kasabay ng pagsasalita ng ina.”

Ang mga magulang na nagmula sa iba’t ibang kultura ay nakikipag-usap sa kanilang mga sanggol na ginagamit ang iisang ritmo at istilo ng pagsasalita. Kapag nagsasalita sa mapagmahal na paraan ang magulang, bumibilis ang tibok ng puso ng sanggol. Ipinapalagay na pinabibilis nito ang pag-uugnay ng mga salita sa mga bagay na tinutukoy nito. Kahit walang bigkasing salita, para bang sinasabi ng sanggol: “Kausapin po ninyo ako!”

“Tingnan Po Ninyo Ako!”

Napatunayan na sa unang taon o higit pa rito, ang damdamin ng sanggol ay napapalapít sa adultong nag-aalaga rito, karaniwan na sa kaniyang ina. Kapag nakadama ng kapanatagan dahil sa buklod na ito, mas mahusay ang pakikipag-ugnayan ng sanggol sa iba kaysa sa mga sanggol na hindi nakatikim ng kapanatagang dulot ng pagmamahal ng magulang. Pinaniniwalaan na ang gayong buklod ng anak sa kaniyang ina ay kailangang maganap bago tumuntong ng tatlong taóng gulang ang bata.

Ano ang maaaring mangyari kapag ipinagwalang-bahala ang sanggol sa napakahalagang panahong ito kapag ang kaniyang isipan ay napakadaling maimpluwensiyahan ng mga bagay sa paligid niya? Si Martha Farrell Erickson, na sumubaybay sa 267 ina at sa kani-kanilang mga anak sa loob ng mahigit na 20 taon, ay nagpahayag ng ganitong opinyon: “Unti-unti at patuloy lamang na pinapatay ng pagpapabaya ang sigla at lakas ng bata hanggang sa [ang bata] ay wala nang ganang makipag-ugnayan sa iba o tumuklas ng mga bagay sa kaniyang paligid.”

Sa pagsisikap na ilarawan ang kaniyang pangmalas hinggil sa malulubhang kahihinatnan ng pagpapabaya sa emosyon, sinabi ni Dr. Bruce Perry ng Texas Children’s Hospital: “Kung hihilingin ninyo sa akin na kunin ang isang 6-na-buwang gulang na sanggol at papipiliin ako kung babaliin ko ang bawat buto sa kaniyang katawan o ipagwawalang-bahala ko ang emosyonal na pangangailangan nito sa loob ng dalawang buwan, masasabi ko na mas mapapabuti pa ang sanggol kapag binali ko ang bawat buto sa katawan nito.” Bakit? Sa pangmalas ni Perry, “ang mga buto ay maaaring gumaling, subalit kapag nawalan ng pagkakataon ang isang sanggol na mapukaw ang utak sa napakahalagang panahong ito sa loob ng dalawang buwan, habang-buhay nang magulo ang utak nito.” Hindi naman sumasang-ayon ang lahat na ang gayong pinsala ay hindi na maiwawasto. Gayunpaman, ipinakikita ng mga pag-aaral sa siyensiya na ang kapaligirang nakapagpapasigla sa emosyon ay mahalaga sa murang isipan ng bata.

“Sa madaling salita,” ang sabi ng aklat na Infants, “[ang mga sanggol] ay nakahandang magmahal at mahalin.” Kapag umiyak ang sanggol, kadalasang nagmamakaawa siya sa kaniyang mga magulang: “Tingnan po ninyo ako!” Napakahalagang tumugon ang mga magulang sa mapagmahal na paraan. Sa gayong mga ugnayan, nalalaman ng sanggol na naipaaalam niya sa iba ang kaniyang mga pangangailangan. Natututuhan niyang makipag-ugnayan sa iba.

‘Hindi Ko Kaya Mapalaki sa Layaw ang Sanggol?’

‘Kung aaluin ko ang sanggol sa tuwing iiyak ito, hindi ko kaya siya mapalaki sa layaw?’ baka maitanong mo. Marahil nga. Nagkakaiba-iba ang mga opinyon sa tanong na ito. Yamang natatangi ang bawat bata, karaniwan nang kailangang tiyakin ng mga magulang kung aling pamamaraan ang pinakamabuti. Gayunman, ipinakikita ng kamakailang pananaliksik na kapag ang bagong-silang na sanggol ay gutóm, di-komportable, o balisa, ang sistema niya sa pagtugon sa kaigtingan ay naglalabas ng mga hormon para sa kaigtingan (stress hormone). Ipinahahayag niya ang kaniyang kabalisahan sa pag-iyak. Diumano, kapag natugunan at nasapatan ng magulang ang mga pangangailangan ng sanggol, ang adulto ay nagsisimulang makalikha ng mga kawing ng selula sa utak ng sanggol na tumutulong sa sanggol na mapahinahon ang kaniyang sarili. Gayundin, ayon kay Dr. Megan Gunnar, ang isang sanggol na agad na natutugunan ang pangangailangan ay hindi gaanong naglalabas ng hormon sa kaigtingan na tinatawag na cortisol. At kung sakaling mabalisa man siya, mas madali niyang napipigilan ang maigting na pagtugon.

“Sa katunayan,” ang sabi ni Erickson, “ang mga sanggol na mabilis at madalas na natutugunan ang pangangailangan, lalo na sa unang 6-8 buwan ng buhay nila, ay talagang hindi masyadong iyakin kaysa sa mga sanggol na pinabayaang mag-iiyak.” Mahalaga ring iba-ibahin ang paraan ng iyong pagtugon. Kung iisa ang paraan ng iyong pagtugon sa bawat pagkakataon, gaya ng pagpapasuso o pagkarga sa kaniya, talaga ngang magiging laki sa layaw ang bata. Kung minsan, ang pagpansin sa kaniyang iyak kahit sa boses mo lamang ay sapat na. O ang pagtabi sa sanggol at mahinahong pagsasalita sa tapat ng kaniyang tainga ay maaaring maging epektibo. Sa kabilang banda, ang paghaplos sa kaniyang likod o tiyan ang siyang kailangan.

“Trabaho ng sanggol ang umiyak.” Ganiyan ang kasabihan sa Silangan. Para sa sanggol, ang pag-iyak ang pangunahing paraan ng pagsasabi kung ano ang kaniyang gusto. Ano kaya ang mararamdaman mo kung ipinagwawalang-bahala ka sa tuwing may hihilingin ka? Samakatuwid nga, ano kaya ang madarama ng iyong sanggol, na walang-kaya kapag walang tagapag-alaga, kung ipinagwawalang-bahala siya tuwing hinahangad niya ang iyong atensiyon? Subalit, sino ba ang dapat tumugon sa kaniyang pag-iyak?

Sino ba ang Dapat Mag-alaga sa Sanggol?

Isiniwalat ng kamakailang sensus sa Estados Unidos na 54 na porsiyento ng mga bata, mula nang sila’y ipanganak hanggang sa tumuntong sa ikatlong baitang, ay palaging inaalagaan ng ibang mga tao bukod pa sa kanilang mga magulang. Sa maraming pamilya, baka kailangang parehong magtrabaho upang makaraos sa buhay. At maraming ina ang nagbabakasyon pagkatapos manganak, kung posible, upang alagaan ang kanilang bagong-silang na sanggol sa loob ng ilang linggo o mga buwan. Subalit sino ang mag-aalaga sa sanggol pagkatapos niyan?

Mangyari pa, wala namang istriktong tuntunin na umuugit sa gayong mga desisyon. Ngunit mabuting tandaan na ang bata ay mahina pa rin sa mahalagang yugto na ito ng kaniyang buhay. Kailangang seryosong pag-usapan ng dalawang magulang ang bagay na ito. Kapag nagpapasiya kung ano ang gagawin, dapat nilang isaalang-alang nang maingat ang mga opsyon.

“Lalong nagiging malinaw na ang panahon na kailangan ng mga anak mula sa kanilang mga ina at ama ay hindi mapapalitan maging ng pinakamahuhusay na programa sa pangangalaga sa bata upang mapalaki ang ating mga anak,” ang sabi ni Dr. Joseph Zanga, ng American Academy of Pediatrics. Patuloy na ikinababahala ng mga eksperto na ang maliliit pang bata na nasa mga pasilidad ng day care ay hindi gaanong natututong makipag-ugnayan sa tagapag-alaga na dapat sanang natutuhan nila.

Ang ilang ina na nagtatrabaho, palibhasa’y batid ang mahahalagang pangangailangan ng kanilang anak, ay nagpasiyang manatili na lamang sa tahanan kaysa sa ibang tao ang mangalaga sa emosyonal na pangangailangan ng kanilang mga anak. Sinabi ng isang babae: “Talagang naniniwala ako na ginantimpalaan ako ng kasiyahan na hindi maibibigay sa akin ng anumang trabaho.” Mangyari pa, hindi lahat ng ina ay nakagagawa ng ganiyang desisyon dahil sa kahirapan ng buhay. Walang ibang opsyon ang maraming magulang kundi ang ipasok ang mga bata sa mga pasilidad ng day care, kaya naman bumabawi sila nang husto sa pagbubuhos ng kanilang atensiyon at pagmamahal kapag nagkakasama-sama sila. Sa katulad na paraan, maraming nagsosolong mga magulang na nagtatrabaho rin naman ang may kakaunting mapagpipilian hinggil sa bagay na ito at kahanga-hanga ang kanilang pagsisikap sa pagpapalaki sa kanilang mga anak​—na may mabubuting resulta naman.

Ang pagiging magulang ay maaaring isang nakagagalak na gawain, na lipos ng nakatutuwang karanasan. Subalit, ito ay isang mapanghamon at mahirap na gawain. Paano ka magtatagumpay?

[Talababa]

^ par. 2 Sa seryeng ito ng mga artikulo, ipinakikita ng Gumising! ang pananaw ng maraming iginagalang na mga eksperto sa pangangalaga ng bata, yamang ang mga pananaliksik na gaya nito ay maaaring maging kapaki-pakinabang at nakapagtuturo sa mga magulang. Gayunpaman, dapat kilalanin na ang gayong mga pananaw ay kadalasang nagbabago at binabago sa paglipas ng panahon, di-tulad ng mga pamantayan sa Bibliya na lubusang itinataguyod ng Gumising!

[Kahon/Larawan sa pahina 6]

Tahimik na mga Sanggol

Sinasabi ng ilang doktor sa Hapon na dumarami ang mga sanggol na hindi man lamang umiiyak o ngumingiti. Tinatawag sila ng pedyatrisyang si Satoshi Yanagisawa na tahimik na mga sanggol. Bakit humihinto sa pagpapakita ng kanilang emosyon ang mga sanggol? Ipinapalagay ng ilang doktor na bumabangon ang ganitong kondisyon dahil napagkakaitan ang mga sanggol ng ugnayan sa mga magulang. Ang kondisyong ito ay tinatawag na sapilitang kawalang-kaya (enforced helplessness). Sinasabi ng isang teoriya na kapag patuloy na ipinagwalang-bahala o binigyan ng maling pakahulugan ang mga pangangailangan para sa komunikasyon, sa dakong huli ay sumusuko nang magsikap ang mga sanggol.

Kung hindi maibigay sa sanggol ang angkop na estimulo sa tamang panahon, baka hindi mabuo ang bahagi ng kaniyang utak na nagpapangyari sa kaniya na maging madamayin, ang sabi ni Dr. Bruce Perry, pinuno ng psychiatry sa Texas Children’s Hospital. Sa mga kaso ng malubhang pagpapabaya sa emosyon, baka lubusan nang mawala ang kakayahang makadama ng empatiya. Naniniwala si Dr. Perry na sa ilang kaso, ang pag-aabuso sa nakasusugapang mga substansiya at ang karahasan ng mga kabataan ay maaaring kaugnay ng gayong mga karanasan sa pagkabata.

[Larawan sa pahina 7]

Ang buklod ng magulang at sanggol ay higit na tumitibay habang sila ay nag-uusap