Pagkain Mula sa Iyong Sariling Taniman
Pagkain Mula sa Iyong Sariling Taniman
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA CENTRAL AFRICAN REPUBLIC
SA MARAMING lupain, ang araw-araw na álalahanín ng mga tao ay kung paano nila mapakakain ang kani-kanilang pamilya. Kadalasang isang malaking hamon iyon dahil napakamahal ng pangkaraniwang mga gulay. Gayunman, nakasumpong ang ilan ng isang maituturing na simpleng solusyon—ang pagtatanim ng kanilang sariling pagkain!
Baka gusto mo ring subuking maglinang ng iyong sariling maliit na taniman. Totoo, maaaring walang gaanong lupa sa inyong tinitirhang lugar, pero marahil ay may lupa naman sa kalapit na lugar na maaari mong linangin. Isip-isipin mo ang perang iyong matitipid sa pagtatanim ng masarap at nakapagpapalusog na pagkain! Ang paghahalaman ay isang paraan pa nga para makapag-ehersisyo ka. Maaari ring maging isang proyekto ng pamilya ang isang taniman na makasisiya sa inyong mga anak. Tunay nga, ang paglilinang ng isang taniman ng gulay ay nakapagtuturo. Nagtuturo ito ng mga katangiang gaya ng pagkamatiisin. (Santiago 5:7) Isa pa, ang pagsubaybay sa pagtubo ng mga halaman ay makapaglalapít sa iyo sa Maylalang ng lahat ng mabubuting bagay.—Awit 104:14.
Pero huwag mo namang isipin na walang kahirap-hirap ang pagpapatubo ng iyong sariling pagkain o na mabilis mong makikita ang resulta nito. Ngunit sa pamamagitan ng determinasyon at kaunting kaalaman, maaari kang magtagumpay!
Pagharap ng Isang Pamilya sa Hamon
Kuning halimbawa sina Timothée at Lucie—isang Kristiyanong mag-asawa na may dalawang anak, na nakatira sa Bangui, ang kabisera ng Central African Republic. Nasumpungan nila na ang paglilinang ng sarili nilang taniman ay isang praktikal at nakasisiyang paraan upang mapagkasya ang kanilang kaunting kinikita.
Noong 13 anyos si Lucie, naglinang siya ng isang maliit na taniman malapit sa kaniyang tahanan, na inaasikaso niya pagkagaling sa eskuwela o kung dulo ng sanlinggo. Tuwang-tuwa siyang makita na tumutubo ang mga halaman. Subalit lumipas pa ang ilang taon saka niya naisip maglinang ng taniman para sa kaniyang pamilya. Isinaayos niyang gamitin ang kalapit na bukid na nagsisilbing tambakan ng basura. Nakita ni Lucie ang potensiyal nito. Sa halip na sirain ang isang piraso ng lupa, ang
pagkabulok ng basura sa loob ng maraming taon ay nakagawa ng lupa na kapaki-pakinabang sa pagpapatubo ng mga pananim na makakain. Ipinasiya nina Lucie at Timothée na gawing mayabong na taniman ang lupang iyon.Pagpapasimula
Una muna, kailangan nilang magsaliksik. Nakipag-usap sila sa iba na may kabatiran sa pagtatanim ng gulay, at nakinig silang mabuti. Yamang nangangailangan ng patubig ang piraso ng lupa, natutuhan pa nga nilang maghukay ng sarili nilang balon. Nakatulong din ang pagbabasa ng mga aklat tungkol sa paghahalaman.
Binasa nila ang tungkol sa mga interaksiyon ng halaman, at nalaman nila na ang ilang halaman ay nagtutulungan upang mabuhay. Gayunman, may ilang halaman na talagang nakahahadlang sa pagtubo ng iba. Sinasabi ng ilan na magandang pagsamahin ang mga karot at kamatis sa isang taniman ng gulay. Gayundin naman, parehong nakikinabang ang seleri at cauliflower kapag itinanim nang magkasama. At ang eneldo ay “kaibigan” ng mga gisantes, pipino, letsugas, at mga sibuyas. Ngunit hindi mabuting pagsamahin ang letsugas at parsli. Makasisira ang mga sibuyas sa abitsuwelas at gisantes. Kapag nakapipinsala ang mga halaman sa isa’t isa, humihina at madaling masira ng mga peste at mapanirang mga insekto ang mga ito.
Nalaman din nina Timothée at Lucie na hindi magandang magtanim ng iisang halaman sa isang pirasong lupa. Kapag sinalanta ito ng mga insekto o dinapuan ng sakit, maaari itong maubos lahat. Ang pagtatanim ng iba’t ibang pananim na piniling mabuti ay nakatulong sa kanila na mabawasan ang panganib na ito. Ang mga yerba at mga bulaklak ay nakadaragdag ng kulay, buhay, at kagandahan sa kanilang taniman ng gulay at nakaaakit ng mga bubuyog at iba pang kapaki-pakinabang na mga insekto na tumutulong upang manatiling malusog ang mga taniman.
Natuklasan din ng mag-asawang ito ang mga paraan upang maiwasan ang paggamit ng nakalalasong isprey sa kanilang mga pananim. Nalaman nila na ang pagtatanim lamang ng bawang ay makatutulong para mapalayas ang ilang peste sa taniman. *
Pinaghirapan at pinagtiyagaan nila iyon, subalit ngayon ay may mayabong na taniman na sina Timothée at Lucie. Nagbubunga iyon ng repolyo, parsli, mga kamatis, karot, pipino, at talong—kung minsan nga ay sobra-sobra pa sa kayang kainin ng pamilya!
Maglinang ng Iyong Sariling Taniman!
Ngunit hindi lamang ang mga tao sa Aprika ang nakatuklas ng pagiging praktikal ng pagkakaroon ng sariling taniman. Halimbawa, sa Alemanya ay may mahigit na isang milyong inilaan na taniman sa lunsod. Kung minsan ay tinatawag na Schrebergaerten (ipinangalan sa manggagamot na Aleman na si Daniel Schreber), ang inilaang mga taniman ay mga kumpol ng maliliit na piraso ng lupa (200 hanggang 400 metro kuwadrado) na pinauupahan sa mga nakatira sa lunsod. Ayon sa isang mananaliksik, ang maliliit na tanimang ito ay “may mahalagang papel na ginagampanan sa pag-aani ng mga sariwang prutas at gulay.” Ang mga taniman ay nagsisilbi ring mga kapirasong “paraiso” para sa mga nagtatanim—isang lugar para sa pagtatrabaho at pagpapahingalay.
Ipinangangako ng Bibliya na balang araw at di-magtatagal, ang buong lupa ay magiging isang pangglobong halamanan—isang tunay na paraiso. (Lucas 23:43) Ngunit pansamantala, marahil ay maaari kang humanap ng isang piraso ng lupa at masiyahan sa pag-aani ng pagkain mula sa iyong munting taniman.
[Talababa]
^ par. 13 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa pag-aalis ng mga peste sa halamanan nang hindi gumagamit ng mga pamatay-insekto, tingnan ang artikulong “Paghahalaman sa Organikong Paraan,” sa Marso 22, 2002, isyu ng Gumising!
[Larawan sa pahina 24]
Sina Timothée at Lucie ay nag-iigib ng tubig para sa taniman ng kanilang pamilya
[Larawan sa pahina 24]
Isang inilaang taniman sa Munich, Alemanya