Sabon—Isang “Pambakuna sa Sarili”
Sabon—Isang “Pambakuna sa Sarili”
“HINDI malarya, ni tuberkulosis, o AIDS ang ikalawang pangunahing pumapatay ng mga bata sa daigdig. Iyon ay . . . ang pagtatae,” ang ulat ng magasing The Economist. Subalit buháy sana ngayon ang marami sa mga batang biktimang ito kung sila at ang kanilang mga pamilya ay regular na naghuhugas ng kanilang kamay sa pamamagitan ng sabon.
Nasumpungan ng mga mananaliksik sa London School of Hygiene and Tropical Medicine na ang “wastong paghuhugas ng kamay ay nakababawas ng mga sakit sa pagtatae nang 43%,” ang sabi ng The Economist. “Maaaring gayundin kalaki ang epekto nito sa mga impeksiyon sa palahingahan, ang pinakapangunahing pumapatay ng mga bata. Nasumpungan ng isang malawak na pagsusuring isinagawa sa hukbo ng Amerika na nabawasan nang 45% ang mga pagsinghot at pag-ubo ng mga sundalo nang maghugas sila ng kanilang mga kamay nang limang beses sa isang araw.” Sa papaunlad na mga lupain, abot-kaya naman ng karamihan sa mga pamilya ang halaga ng mga sabon. Kaya angkop ang pagkakalarawan dito bilang “isang uri ng pambakuna sa sarili.” At hindi ito masakit!
Pinasisigla rin ng Bibliya ang kalinisan. “Linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karungisan ng laman at espiritu,” ang sabi ng 2 Corinto 7:1. Bagaman pangunahin nang interesado ang Diyos sa ating espirituwal na kadalisayan, itinuturing din niyang mahalaga ang pisikal na kalinisan. (Levitico, kabanata 12-15) Siyempre pa, hindi niya tayo inaasahang maging labis-labis. Gayunpaman, dapat nating ugaliing maghugas ng kamay pagkatapos gamitin ang palikuran, pagkatapos maghugas ng bata o magpalit ng lampin nito, bago magluto o kumain, at sa iba pang pagkakataon na malamang na maipasa natin sa iba ang nakapipinsalang mga mikrobyo o virus. Sa pamamagitan ng palagiang paghuhugas ng ating mga kamay, ipinakikita natin ang Kristiyanong pag-ibig sa ating pamilya at sa lahat ng makakasalamuha natin.—Marcos 12:31.