Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Maningning na Bituin sa Tanghalan ng mga Ibon

Ang Maningning na Bituin sa Tanghalan ng mga Ibon

Ang Maningning na Bituin sa Tanghalan ng mga Ibon

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ESPANYA

ANG paboreal ay mistulang lumalabas sa napakagandang kurtina ng kulay na para bang siya ang bituin ng isang bagong pelikula. Ang maningning na mga balahibo nito sa buntot, na mas mahaba nang limang ulit kaysa sa katawan nito, ay tumataas mula sa kaniyang likod at kumikinang sa liwanag ng araw.

Ang maringal na tanawing ito ay ang ritwal sa panliligaw ng paboreal. Habang umaabot na sa kasukdulan ang panoorin, ang mga balahibo nito sa buntot ay nagsisimulang manginig, anupat lumilikha ng kaluskos na maliwanag na nakadaragdag sa tagumpay ng pagtatanghal. Paano nga matatanggihan ng kaniyang magiging kapareha ang inilarawan bilang ‘ang pinakakahanga-hangang palabas sa daigdig’?

Gayunman, ang paboreal ay magtatanghal sa mga manonood kahit hindi niya potensiyal na makakapareha. “Pinatunayan ng mga naturalista na mas madalas at mas matagal na nagtatanghal ang mga paboreal sa harap ng mga grupo ng mga tao kaysa sa harap ng mga inahing paboreal,” ang komento ng akdang Wonders of Peacocks. Marahil ang kilalang-kilalang reputasyon ng pagiging palalo ng paboreal ay mula sa kaniyang pagiging handang itanghal ang lahat ng kaniyang magandang balahibo sa buntot.

At bakit naman hindi? Ang kaniyang pagtatanghal ay walang-alinlangang sulit pagmasdan. Iba’t iba ang haba ng nakatagong balahibo sa buntot ng paboreal na nasasabugan ng kumikinang na mga matang batik, anupat nagagawa nila itong mag-anyong abaniko. Depende sa anggulong tinatamaan ng sinag ng araw, nagbabagu-bago ang kulay ng mga balahibo nito mula sa tanso, bronse, at ginto hanggang sa matingkad na mangasul-ngasul na berde at biyoleta.

Sa mga lupain sa Kanluran, kung saan ang pangunahing layunin sa buhay ng paboreal ay waring ang maglakad at ipagmalaki ang kaniyang balahibo, baka isipin ng mga tao na walang ibang kapaki-pakinabang na mga katangian ang ibon. Gayunman, sa India na kaniyang lupang-tinubuan, napapakinabangan din siya ng mga taganayon bilang isang mahusay na maninila ng batang mga kobra at iba pang makamandag na mga ahas. Ang kaniyang maliwanag na pagiging hindi tinatablan ng kamandag ng kobra ay nagpangyari sa paboreal na maging sagisag ng diyos at ng kawalang-kamatayan sa Silangan.

Mga 3,000 taon na ang nakalipas, ang paboreal ay lubhang pinahalagahan sa Gitnang Silangan. Nag-angkat ng mga paboreal si Haring Solomon, kasama ng iba pang mahahalagang kalakal na gaya ng ‘ginto, pilak, at garing.’ (1 Hari 10:22) “Ang pag-angkat ni Solomon ay marahil ang unang pagpasok ng mga Paboreal sa mga bansa sa Mediteraneo,” ang banggit ng aklat na The Natural History of the Bible. Pagkalipas ng ilang siglo, labis na hinangaan ni Alejandrong Dakila ang mga paboreal anupat ipinagbawal niya sa sinuman sa kaniyang mga sundalo ang pagpatay sa mga ito.

Kahit na sa ngayon, iilang tao ang hindi humahanga sa pambihirang pagtatanghal ng paboreal. At hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang Prodyuser ng pagtatanghal. Kung paano ipinakikita sa mga gawa ng isang dalubsining ang kaniyang kadalubhasaan, maliwanag na ipinakikita rin ng hiyas na ito sa mga nilikha ng ating Maylalang ang kaniyang artistikong pagkamalikhain.

[Buong-pahinang larawan sa pahina 17]

[Picture Credit Line sa pahina 16]

Cortesía del Zoo de la Casa de Campo, Madrid