Prague—Halina at Pumasyal sa Aming Makasaysayang Hiyas
Prague—Halina at Pumasyal sa Aming Makasaysayang Hiyas
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA CZECH REPUBLIC
GUSTO mo bang pumasyal sa isang lunsod na libu-libong taon na ang kasaysayan—isang lunsod na ang saklaw ng arkitektura ay mula sa Romanesque ng ika-10 siglo hanggang sa Gotiko, Renaissance, baroque, rococo, klasikal, neoclassic, at sa Art Nouveau ng ika-20 siglo? Kung gayon sumama ka sa amin sa Prague, isang hiyas ng Sentral Europa. Ang wikang Czech ay hindi madali; gayunman, kung magdadala ka ng isang phonetic phrase book, malaki ang maitutulong nito. Pero una sa lahat, nasaan nga ba ang Prague?
Tingnan mo ang mapa ng Europa. Hanapin mo ang Berlin, ang kabisera ng Alemanya, sa bandang silangan. Sundan mo ang tuwid na linya mga 300 kilometro patimog, at ang unang malaking lunsod na matutumbok mo sa Czech Republic ay ang Prague, ang kabisera. Sa banda pa roon ng timog at silangan, makikita mo naman ang Vienna, Austria, at pagkatapos ang Budapest, Hungary. Mga ilang oras lang ang pagitan sa bawat isa ng lahat ng lunsod na ito sakay ng kotse.
Ang Prague ay nakasaklang sa Ilog Vltava. Para sa talakayan hinggil sa ating pinapasyalang lunsod, maaari nating hatiin ang sentral Prague sa limang lugar. (Tingnan ang mapa sa pahina 23.) Ang unang lugar ay nasa kanlurang pampang, sa itaas ng isang burol. Dito mo makikita ang Kastilyo ng Prague at Hradc̆any, ang bayan na itinayo sa labas ng kastilyo noong mga 1320. Makikita mo sa loob ng kastilyo ang pagkalaki-laking Gotikong Katedral ng St. Vitus, na pinasimulang itayo noong 1344 at natapos noon lamang 1929. Dito nakatago ang korona at setro at ang libingan ni Prinsipe Wenceslas. Para marating ang kastilyo, puwede kang sumakay o maglakad. Matarik na lugar iyon, kaya siguruhin mong komportableng panlakad na sapatos ang suot mo! Kapag nasa lugar ka na ng kastilyo, huwag mong kaligtaang puntahan ang kakaibang minyatura ng mga bahay at tindahan ng mga regalo sa Golden Lane (Zlatá Ulic̆ka sa wikang Czech). Itinayo ang mga ito noong huling bahagi ng ika-16 na siglo para sa mga miyembro ng guwardiya ng palasyo. Nang maglaon, noong ika-17 siglo,
tinirhan ito ng mga panday-ginto. Kaya gayon ang pangalan nito.Matatagpuan naman sa bandang timog sa lugar ng kastilyo ang Little Quarter, Malá Strana. Ganito ang sabi ng isang guidebook: “Ang purok ay punung-puno ng mararangyang palasyong Baroque at matatandang bahay na may magagandang karatula.” Ang Prague ay kilalá bilang ang Lunsod ng Sandaang Tulis ng Tore, bagaman mas marami pa rito, na nagpapaalaala sa atin noong panahong relihiyoso pa ang maraming mamamayang Czech. Dito sa Little Quarter, nasumpungan natin ang ilan sa mga simbahang iyon, bagaman kakaunti na lamang ang nagsisimba sa ngayon pagkatapos ng panahon ng Komunismo. Ang isa sa pinakakilala ay ang Church of St. Nicholas. Pinasimulan itong itayo noong 1703 at natapos noong 1761. Napakatagal ginawa iyon anupat nakamatayan na ng mag-amang arkitekto na may proyekto ng simbahang iyon.
Pagtawid sa Vltava
Di-kukulangin sa pitong tulay ang bumabagtas sa Vltava sa bandang silangan ng Prague. Ang pinakakilala ay ang Charles Bridge (Karlu̇v Most), para sa mga pedestriyan. Kung hindi ka pa nakadaraan sa kahabaan ng tulay na ito, na mga 520 metro, hindi ka pa talaga nakatuntong sa Prague. Subukan mong maglakad nang umagang-umaga at sa bandang gabi. Sulit na makita mo ang iba’t ibang epekto ng kislap ng mga ilaw.
Pinagdurugtong ng tulay ang Little Quarter na nasa kaliwang pampang at ang Old Town sa silangan, sa kanang pampang. Ang Charles Bridge ay kadalasang dinudumog ng mga turista, mga nagpapalabas sa bangketa, at mga nagtitinda, na pawang nasa isang kapaligirang nakarerelaks. Marahil ay mapakikinggan mo ang isang napakahusay na grupo ng Czech, na manunugtog ng jazz, na tumutugtog ng paboritong mga musika ng New Orleans. Nagbebenta pa nga sila ng mga compact disc at mga cassette ng musika na buong-sigla nilang tinugtog. Baka makakita ka sa ibang lugar ng mga estudyanteng gustong kumita nang kaunti sa pagtitinda ng magagandang porselanang minyatura ng pinakabantog na mga gusali sa Old Town Square. Halos puwede mo pa ngang ayusin ang liwasan, kasama na ang astronomikal na orasan, sa iyong kabinet ng mga subenir sa bahay!
Pero tingnan mong mabuti ang pagkarami-raming estatuwa ng Katolikong mga “santo” na nakahilera sa magkabilang panig ng tulay. Makikita mo ang kabuuan ng napakaraming relihiyosong kasaysayan ng Czech sa mga ito. Matutunton mo ang mga petsa ng pagkagawa ng mga ito sa panahon ni John Nepomuk (1683) hanggang sa kapanahunan nina Cyril at Methodius (1938). Gayunman, ang pinakamagandang pigura para sa maraming estudyante ng Bibliya ay ang Kristo, na ginawa noong 1629. Ano ang kakaibang bagay rito?
Pinalibutan ito ng tinubog-sa-ginto na Hebreong sulat na kasama ang Tetragrammaton, ang apat na titik Hebreo. Kumakatawan ang mga ito sa pangalan ng Diyos na Jehova, na lumitaw nang halos 7,000 ulit sa Hebreong Kasulatan.
Talagang Masosorpresa Ka sa Old Town
Kapag nakatawid ka na sa Charles Bridge at nakadaan sa Old Town Bridge Tower (hanapin mo ang nililok na peskador [kingfisher] na nasa silangang patsada, ang paboritong personal na sagisag ni Wenceslas), nakarating ka na nga sa Old Town, at hindi mo na talaga maibababa ang iyong kamera! Matutuwa ka sa dami ng arkitektural na mga disenyo sa lugar na ito. Kung dederetso ka pagbaba mo ng tulay, tutumbukin mo ang Charles Street (Karlova), na karugtong ng maraming makikitid at pasikut-sikot na mga lansangan na punung-puno ng maliliit na tindahan at napakaraming mámimili. Subalit pagmasdan mo ang iba’t ibang istilo ng Renaissance at baroque.
Samantalang manghang-mangha ka sa nakikita mo sa iyong paglilibot, biglang tatambad sa iyo ang Old Town Square, at ang una mong makikita ay ang pulutong ng mga tao na nakatitig sa isang orasan, lalo na kung malapit na itong tumuntong sa eksaktong oras. Ito ang Town Hall Clock, isang kaakit-akit na astronomikal na orasan. Pero huwag mong asahan na eksaktung-eksakto ang oras nito ayon sa astronomiya. Ginawa ang orasang ito noong panahong *—Tingnan ang kahon sa pahinang ito.
naniniwala pa ang mga tao na ang lupa ang sentro ng uniberso at na ang araw at mga bituin ang umiinog sa palibot nito. Gayunpaman, isa itong obramaestra sa paggawa at inhinyeriya ng orasan.Ngayon ay papasók na tayo sa Old Town Square, na makapigil-hininga ang kagandahan dahil sa kaakit-akit na mga gusali at iba’t ibang arkitektura nito. Gayon na lamang kalawak ang liwasan anupat parang iilan lamang ang napakaraming tao. Napakaraming makikita. Huwag kang magmadali, at tingnan mo ang iyong guidebook para malaman mo kung ano ang iyong tinitingnan. Ang malaking simbahang iyon sa gawi roon na may dalawang tore at maraming tulis ay tinatawag na Simbahang Týn at itinayo noong 1365. Kulang ang espasyo para isulat ang tungkol sa iba pang mariringal na gusali na nasa pagkalaki-laking liwasang ito, gaya ng Palasyong Golz-Kinský na rococo.
Nasa sentro ng liwasan ang isang ubod-laking monumento ng relihiyosong repormador na Czech na si John Hus (1372-1415). Bagaman isang Katolikong pari, ginalit niya ang herarkiya dahil sa lakas-loob na paglalantad niya sa bulok na moralidad ng klero at pagbatikos sa pagbebenta ng indulhensiya. Bagaman pinangakuan ng proteksiyon kung pupunta siya sa Konsilyo ng Constance para ipaliwanag ang kaniyang opinyon, si Hus ay hinatulan na isang erehe at sinunog sa tulos.
Ang Nakaraan ng mga Judio sa Prague
Ang ikaapat na lugar, na hindi dapat kaligtaan, ay ang Jewish Quarter, na tinatawag na Josefov sa wikang Czech. Isinunod ang pangalan nito kay Joseph II noong 1784, nang humupa ang pagtatangi laban sa mga Judio. Ang isa sa tampok na mga lugar ng purok na ito ay ang Old-New Synagogue. Itinayo ito noong mga 1270 at ito ang pinakamatandang sinagoga sa Europa na ginagamit pa rin. Isa rin ito sa pinakaunang Gotikong mga gusali na matatagpuan sa Prague. Puwede kang pumasok sa sinagoga, at kung magmamasid kang mabuti, makakakita ka ng sampol ng pangalan ng Diyos
sa Hebreo—pero huwag mong tangkaing kunan ng litrato ang anuman. Baka di-magtagal at palabasin ka ng isang guwardiya kung hindi ka susunod sa mga pagbabawal sa pagkuha ng litrato.Sa lugar ding iyon, masisilip mo sa mga pinto ang isang matandang sementeryo ng mga Judio at makikita mo ang libu-libong lapida na may mga inskripsiyon sa wikang Hebreo. Malapit doon ang Jewish Town Hall na may dalawang orasan—isa na may Romanong mga numero at ang isa naman na may Hebreong mga letra.
Ang kalapit na Sinagoga ng Pinkas ay “nagsisilbi ngayong alaala ng 77,297 Bohemiano at Moravianong Judio na nasawi sa mga gas chamber ng Nazi.” Ang kanilang mga pangalan, kasali na ang 36,000 Judio mula sa Prague, ay nakasulat sa loobang mga pader.—Prague Art and History.
Ang Sinaunang “New Town”
Ang huling lugar na papasyalan natin ay ang New Town (Nové Mĕsto). Bagaman tinatawag na bago, ang totoo’y ginawa ito ni Charles IV bilang pamilihan ng kabayo noong 1348. Ang pinakakilalang palatandaan nito ay ang Wenceslas Square, na inilarawan bilang “ang pamilihan ng makabagong Prague.” May mangilan-ngilang patsada ng Art Nouveau, gaya ng nasa magandang Hotel Evropa, subalit ang pinakamagandang bahagi ay ang estatuwa ni Wenceslas na nakasakay sa kabayo na itinayo noong 1912.
Hindi kumpleto ang pamamasyal natin sa Prague kung hindi natin aalalahanin ang pamana ng kultura nito, lalo na sa larangan ng musika. Kaya huwag na hindi mo papasyalan ang National Theatre at ang State Opera. Milyun-milyong mahihilig sa klasikal na musika ang nakikinig sa “New World Symphony,” ni Antonin Dvorak. Masusumpungan mo ang Dvorak Museum na nasa loob ng isang baroque na bilya na kulay pula at okre. Ang kinikilalang “ama ng musikang Czech” ay si Bedr̆ich Smetana, “isang kompositor na talagang may pusong Czech,” gaya ng isinulat ni Franz Liszt. Tanyag na tanyag siya dahil sa kaniyang tulad-simponiyang mga tula na may iisang tema na tinawag na “Má Vlast” (Ang Aking Lupang Tinubuan) at ang seksiyon na tinawag na Vltava, isang musikal na paglalarawan ng ilog na umaagos sa Prague. Ang Smetana Museum ay nasa lugar na malapit sa pantalan ng Old Town.
Napakarami pang makikita at mapahahalagahan sa Prague! Kailangan mo itong makita mismo. Halina at saksihan ang libu-libong taon ng kasaysayan at kultura!
[Talababa]
^ par. 14 Tingnan ang Gumising! ng Mayo 22, 2000, pahina 16-18.
[Kahon/Larawan sa pahina 23]
Ang Astronomikal na Orasan
Ang orasan ay may tatlong bahagi. Pagtuntong sa eksaktong oras, ang dalawang bintana sa bandang itaas ay bumubukas, anupat makikita mo ang prusisyon ng 12 apostol. Kapansin-pansin, sina Hudas Iscariote at Santiago na anak ni Alfeo ay pinalitan nina Pablo at Bernabe, na hindi kasali sa 12 apostol sa Bibliya. Sa bandang ibaba naman ng mga apostol ay isang kalansay, ang sagisag ng Kamatayan. Ito ang nagpapasimula ng prusisyon para sa pagpasok ng mga apostol. Sa kaliwang kamay nito, itinataas nito ang isang hourglass, na binabaligtad pagkatapos. Ang iba pang gumagalaw na mga pigura ay ang isang tumitilaok na tandang, umiiling na Turko, Kapalaluan na nananalamin, at Kasakiman sa anyo ng isang mukhang-salaping nagpapautang.
Bukod sa iba pang mga bagay, ipinahihiwatig ng astronomikal na orasan ang tatlong uri ng oras—ang matandang oras ng Bohemiano na nasa Arabikong numero, ang ating makabagong oras na may Romanong numero, at ang 12-bahaging paghahati-hati ng oras sa maghapon ayon sa sistema ng Babilonya. Naintindihan mo na ngayon kung bakit kailangan mong gumugol ng panahon para pag-aralan ang mapalamuting orasang ito!
[Mapa sa pahina 23]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Central Prague
Kastilyo ng Prague at Hradc̆any
Little Quarter
Ilog Vltava
Jewish Quarter
Old Town
New Town
[Larawan sa pahina 22]
Kasama sa Hebreong sulat ang Tetragrammaton
[Larawan sa pahina 24]
Isang palasyo na istilong “Art Nouveau” na may “baroque” na disenyo
[Larawan sa pahina 24, 25]
Charles Bridge
[Larawan sa pahina 25]
Tore ng orasan sa Old Town Hall at ang St. Nicholas Church
[Larawan sa pahina 25]
Ang loob ng Katedral ng St. Vitus
[Larawan sa pahina 25]
Wenceslas Square