Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Aming Natutuhan Mula sa mga Pygmy

Ang Aming Natutuhan Mula sa mga Pygmy

Ang Aming Natutuhan Mula sa mga Pygmy

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA CENTRAL AFRICAN REPUBLIC

“Hubarin ninyo ang inyong mga sapatos. Maglalakad tayo sa tubig at pagkatapos ay babagtasin natin ang dinaraanan ng mga elepante. Sundin ninyong mabuti ang mga sasabihin ko. Kung may makasalubong tayong gorilya, yumukyok kayo at huwag ninyong titigan. Kung elepante naman ang makatagpo natin, huwag kayong kikilos.”

HABANG namamahinga sa balkon ng restawran, binubulay-bulay namin ang lahat ng aming nakita. Umaagos sa harapan namin ang Ilog Sangha; at sa kabilang pampang naman, nakikita namin ang pagkaganda-ganda at makapal na kagubatan. Nasa Bayanga kami, sa bandang timog sa dulo ng Central African Republic, na matatagpuan sa pagitan ng Cameroon at Republic of Congo.​—Tingnan ang mapa sa pahina 19.

Pagdating na pagdating namin sa tanggapan ng mga bisita ng Dzanga-Ndoki National Park, nalimutan namin ang aming pagod sa paglalakbay papunta roon. Ang parkeng ito ay matatagpuan 480 kilometro ang layo mula sa Bangui, ang kabisera ng Central African Republic, at kailangan naming magbiyahe nang halos 11 oras sa makipot na daan para makarating dito. Sa ilang lugar, ang kumpul-kumpol na kawayan ay tumutubo sa tabing-daan. Sa Ngoto, kailangan naming sumakay ng ferry para tawirin ang ilog. Talagang kakaiba ang ferry na ito sapagkat wala itong motor; tinatawid namin ang ilog sa pamamagitan lamang ng lakas ng agos nito. Hindi naaalis sa lugar ang ferry dahil sa kalô na gumugulong sa napakalaking kable, at iilang kabataang lalaki lamang ang siyang umaalalay sa ferry sa posisyon nito.

Sa banda pa roon, sa Ilog Bambio, may nakalutang na tulay, na napakapraktikal, yamang bumabagay ito sa pagbabagu-bago ng taas ng ilog kapag tag-init at tag-ulan. Kahanga-hanga ang lugar, at nakita namin ang mga hayop sa kanilang likas na tirahan at nakilala namin ang mga Aka Pygmy, * na namumuhay pa rin sa tradisyonal na paraan.

Gusto mo bang sumama sa amin sa napakagandang pamamasyal na ito, kahit na sa imahinasyon lamang? Ang ating giya ay isang Pygmy na nagngangalang Benoît. Pupunta tayo sa kaniyang nayon upang makilala ang dalawang herbalist na Pygmy na sasama sa atin, sina Germaine at Valérie. Talagang mamamangha tayo habang ipinakikita nila sa atin ang iba’t ibang halaman sa kagubatan na ginagamit sa panggagamot.

Mga Halamang Nakagagamot

Pagkatapos nating magbiyahe nang ilang minuto sa kagubatan, pinababa tayo sa sasakyan ng ating bagong mga kasama at pinasunod tayo sa kanila sa kagubatan. Tinatagpas nila ng kanilang mga matsete ang ating dinaraanan, samantalang sinusundan natin silang mabuti. Heto ngayon ang unang sorpresa sa atin, ang mo nzambu nzambu, isang halaman na tinatawag na water creeper. Agad na tumagpas ang ating mga giya ng halos 50 sentimetro ang haba, at ininom natin ang tubig na tumutulo mula rito. Dalisay, malinis, at nakapapatid ito ng uhaw.

Sa banda pa roon, ipinakita sa atin ang isang dahong mula sa punong bayabas. Pinakukuluan ng mga Pygmy ang mga dahon nito para gawing tsa na gamot sa ubo. Ang isa pang puno, ang ofuruma, ay naglalabas ng puting dagta, na tamang-tama namang pamahid sa mata para gamutin ang pamamaga nito. “May gamot ba para sa tuklaw ng ahas?” ang tanong natin. “Siyempre mayroon. Dinidikdik namin ang mga dahon ng bolo [ang tawag sa Aka para sa isang uri ng liana, isang tropikal na baging] at saka itinatapal sa pinagtuklawan,” ang sagot ng aming giya. Sa bawat hakbang, nakatutuklas tayo ng iba pang halaman, na tinitiyak ng ating mga giya, na nakagagaling. May mga panlunas sa mga sugat gayundin para sa mga parasito sa bituka, impeksiyon sa tainga, bulok na ngipin, at maging pagkabaog.

Ang mga taong ito, na kung minsa’y itinuturing na mga mangmang, ay napakaraming maituturo sa atin. Habang nagpapatuloy tayo sa paglalakad sa kagubatan, ang dalawa nating kasamang herbalist ay “namilí” ng kanilang pagkain​—mga kabuti, ligaw na letsugas, mga ugat na kahalili ng bawang. Talaga nga sigurong napakasarap ng ilang dahon dahil kinakain agad ang mga ito pagkapitas! Anong ganda nga na patuloy na matuto sa bagong sanlibutan na ipinangako ng Diyos!​—Isaias 65:17; 2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:1-4.

Nagtitipun-tipon Silang Lahat sa Deposito ng Asin na Dilaan ng mga Hayop

Nang bandang hapon pumunta tayo sa deposito ng asin na dilaan ng mga hayop para panoorin ang mga elepanteng gubat. Sa daan papunta roon nang sabihin sa atin ng ating giya ang nabanggit sa pasimula ng artikulo. Pero ano ba ang deposito ng asin na dilaan ng mga hayop? Ito’y isang malawak na hinawang lugar na ang lupa ay punô ng mineral na asin na gustung-gusto ng mga hayop. Ito ang dahilan kung bakit naging tagpuan sa araw-araw ang lugar na ito ng mga elepanteng gubat, buffalo, antilope, malalaking baboy-ramo, at iba pang maiilap na hayop.

Dahil sa napakakapal ng kagubatan, na labis na nagpapahirap para makita ang mga hayop dito, ang parke ay tinayuan ng isang mirador, o isang entabladong tanawan, sa gilid ng deposito ng asin na dilaan ng mga hayop. Gayunman, para makapunta sa entablado, kailangan nating tumawid sa latian na hanggang kalagitnaan ng hita ang tubig. Pinakikinggang mabuti ng ating giya ang ingay sa paligid at palaging tinitiyak na nasa likuran lamang niya tayo. Bakit? Sapagkat kung minsan ay doon din dumaraan ang mga elepante!

Nang makarating na tayo sa mirador, medyo matagal-tagal nating pinanood ang mga hayop​—mahigit na 80 elepante, ilang buffalo, at antilope. Naroon din ang isang siyentipiko na 11 taon nang pinag-aaralan ang mga elepante. Sinabi niya sa atin: “May kani-kaniyang personalidad ang bawat isa. Nakapagtala na ako ng 3,000 at kilala ko sa pangalan ang 700 sa kanila.” Nakalulungkot, ang garing ng elepanteng gubat ay labis na pinaglulunggatian para gawing personal na mga pantatak na ginagamit sa ilang bansa sa Silangan upang makilala ang maygawa ng mga dokumento at ipinintang mga larawan. *

Kung Paano Mangaso Gamit ang mga Lambat

Maagang-maaga kinabukasan, sinundan natin ang isang grupo ng sampung mangangaso para makita natin mismo kung paano mangaso gamit ang isang lambat. Dala ng mga lalaki’t babae ang kani-kanilang lambat na yari sa mga liana. Ang bawat lambat ay halos 20 metro ang haba at 120 sentimetro ang lapad. Habang papasók tayo nang papasók sa kagubatan, iniladlad at mahigpit na hinigit ng grupo ang mga lambat, na pinagtali-tali nila, kung kaya halos 200 metro ang sakop nito. Pagkatapos ay pinalibutan ng ating mga mangangaso ang bitag na ito, at habang umaatras sila pabalik sa kanilang dinaanan, niyuyugyog nila ang mga sanga at humihiyaw para bugawin patungo sa lambat ang mga hayop, kung mayroon man. Walang mga hayop sa oras na iyon. Kinalag ng mga mangangaso ang mga lambat, at lalo pang pumasok sa kaloob-looban ng kagubatan, at saka sila muling nagsimula. Isa, dalawa, sampung beses nilang ginawa iyon.

Pagod na pagod na tayo nang magtatanghali na. Ang mga Pygmy ay nakakita ng tatlong asul na duiker, maliit na antilope, subalit naiwasan ng mga ito ang mga lambat at nakatakas. Hindi tayo interesadong makakita ng isang hayop na nahuli sa mga lambat. Sa halip, ibig nating malaman kung paano nabubuhay sa malikhaing paraan ang mga taong ito kahit na waring kulang sila sa kagamitan at walang mga gamit na makabago. Kaya hindi naman tayo talagang nabigo, yamang di-pangkaraniwan ang ating nasaksihan.

Pagtawid sa Ilog Sangha Sakay ng Inukang Troso

Sino ba ang hindi gustong mamangka sa tahimik na ilog? Mas nakatutuwang gawin ito sa isang inukang troso, dahil halos kapantay mo ang tubig. Noong hapon nang tayo’y namamangka, nakakita tayo ng abuhing kandangaok at maraming iba pang ibon na may sari-saring kulay, na paganda nang paganda kaysa sa huling nakita natin. Nagpapalipat-lipat naman sa mga sanga sa tabing-ilog ang ilang ibon, na para bang sinusundan tayo habang marahan tayong namamangka.

May mga lugar na doo’y napagmasdan natin ang mga chimpanzee na palipat-lipat sa mga baging bilang aliwan​—o baka naman gusto nila tayong aliwin! Nagmamadali sa pagsagwan ang bangkero, si Alain Patrick, para makalayo tayo nang ilang daang metro pa, dahil may nakita siya kahapon na ilang hipopotamus doon. Makikita kaya natin ang mga ito ngayon? Sayang, hindi na natin nakita ang mga ito. Umalis na ang mga ito. Sa kabilang banda, dahil sa paglayo nating ito, nakita natin ang ilang nayon sa tabing-ilog at napahanga tayo sa maraming bata na napakahusay na magsagwan ng kanilang maliliit na inukang troso. Talagang hindi natin malilimutan ang ating pagsakay sa inukang troso sa Ilog Sangha.

Ang Naalaala Natin sa Ating Pag-uwi

Nang tayo’y papauwi na sa Bangui, napakaraming tanawin at mga alaala ang nagbalik sa ating isipan. Maraming bagay ang nakaantig sa ating damdamin, samantalang pinahanga naman tayo ng ibang bagay. Lalo nang hindi natin kailanman malilimutan ang pagiging magkatugma ng mga Pygmy at ng kagubatan o ang karunungan kung kaya nakikinabang ang mga Pygmy sa lahat ng bagay na natutuklasan nila sa kanilang likas na tirahan.

Isa pa, kahit na kulang ang panahon natin para makita ang lahat ng bagay roon, nagkaroon tayo ng pagkakataong pasyalan ang pambihirang bahagi ng daigdig, kung saan matatagpuan ang mga elepanteng gubat, gorilya, mga chimpanzee, hipopotamus, antilope, pantera, at mga ibon at paruparong may sari-saring kulay. Sinabi sa atin na ang makapal na kagubatan ng Dzanga-Sangha Reserve at ng Dzanga-Ndoki National Park ay kanlungan ng halos 7,000 uri ng mga halaman at 55 uri ng mga mamal.

Ang lahat ng walang-katulad na pagkasari-sari ng buhay na ito ay nagpapaalaala sa atin sa isang talata ng Bibliya: “Kay rami ng iyong mga gawa, O Jehova! Sa karunungan ay ginawa mong lahat ang mga iyon. Ang lupa ay punô ng iyong mga likha.” (Awit 104:24) Ang di-malilimutang karanasang ito ay nagpatibay ng ating determinasyon na ikapit ang sumusunod na salita ng awit ding iyon: “Aawit ako kay Jehova sa buong buhay ko; aawit ako ng papuri sa aking Diyos hangga’t ako ay nabubuhay. Maging kalugud-lugod nawa ang aking pagninilay-nilay tungkol sa kaniya. Ako, sa ganang akin, ay magsasaya kay Jehova.”​—Awit 104:33, 34.

[Mga talababa]

^ par. 6 Ang mga Pygmy sa ekwatoryal Aprika ay kilalá dahil sa kanilang pagiging maliliit, na wala pang limang talampakan ang taas.

^ par. 15 Ang mga pantatak na ito, na tinatawag na mga chop, ay gawa rin sa ibang materyal. Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang Gumising!, Mayo 22, 1994, pahina 22-4.

[Mga mapa sa pahina 19]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

CAMEROON

CONGO, REP.

CENTRAL AFRICAN REPUBLIC

Bangui

Bayanga

Dzanga-Ndoki National Park

[Picture Credit Line sa pahina 18]

© Jerry Callow/Panos Pictures