Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagsasayaw Gaya ng mga Tipol

Pagsasayaw Gaya ng mga Tipol

Pagsasayaw Gaya ng mga Tipol

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ESPANYA

SA LUNSOD ng Pusan sa Timog Korea, makakakita ka ng isang pambihirang katutubong sayaw. Ang mga lalaki na may suot na mahahaba at puting mga damit at matataas at itim na mga sombrero ay kumakaway, umiikot at yumuyuko, at tumatayo pa nga sa isang binti lamang.

Simple lamang ang paliwanag sa kanilang kakaiba at di-pinaghandaang mga galaw. Tinutularan ng mga lalaki ang mga red-crowned crane (isang uri ng tipol) na nagpapalipas ng taglamig sa Timog Korea sa loob ng maraming siglo. Gayon na lamang ang paghanga ng mga tagaroon sa pambihirang sayaw ng mga tipol na ito anupat lumikha sila ng kanilang sariling sayaw, na salig sa tikas ng mga ibon.

Mga isang libo at limang daang kilometro ang layo, sa Hokkaido, Hapon, ang mga taong mahilig sa kalikasan ay dumaragsa sa Kushiro Shitsugen National Park para makita ang tunay na mga tipol. Dahil sa artipisyal na paraan ng pagpapakain sa kasagsagan ng taglamig, ang langkay ng red-crowned crane ng Hapon ay dumami ngayon nang ilang daan. Napakagandang panoorin ang isang grupo ng eleganteng puti-at-itim na mga ibon na ito na masiglang nagsasayaw sa niyebe. Ginamit ng manunulat na si Jennifer Ackerman ng National Geographic ang salitang Hapones na aware upang ilarawan ang kaniyang pagkabighani. Ipinahahayag nito “ang damdamin na nagmumula sa nakaaantig na kagandahan ng isang naglalahong bagay,” ang kaniyang paliwanag.

Ang mga tipol, na matatagpuan sa lahat ng kontinente maliban sa Timog Amerika at Antartiko, ay matagal nang nakabighani sa mga tao. Makikita ang mga ibong ito sa mga ipinintang larawan sa loob ng mga kuweba sa Aprika, Australia, at Europa. Sa Malayong Silangan, kung saan ang mga tipol ay sagisag ng mahabang buhay at kaligayahan, ito ang paboritong ipinta ng mga pintor. Marahil dahil sa habambuhay na magkasama ang magkaparehang tipol, inilalarawan din nito ang maligayang pag-aasawa at malimit na makikita sa pangkasal na mga kimono. Inuri ng mga Koreano ang red-crowned crane bilang “likas na monumento” dahil sa pagiging pambihira at kagandahan nito. Inilagay ng mga Hapones ang larawan ng nagsasayaw na mga tipol sa kanilang 1,000 perang papel na yen. At sa nagdaang 2,500 taon, nakalikha ang mga Tsino ng isang “sayaw ng puting mga tipol.” Marahil ang natatanging pagkahilig na ito sa pagsasayaw ang nagpapaliwanag kung bakit may pantanging pitak sa puso ng tao ang mga tipol.

Ang Sayaw ng mga Tipol

Ang lahat ng 15 uri ng tipol ay sumasayaw, at maging ang mga sisiw na wala pang dalawang araw ay nagtatangkang sumayaw. “Sumasayaw rin naman ang ibang grupo ng mga ibon,” ang paliwanag ng Handbook of the Birds of the World, “subalit wala nang iba pa ang sumasayaw nang gayon katindi, o . . . nang gayon kaganda sa paningin ng tao kundi ang mga tipol lamang.” Ang sayaw ng mga tipol ay sari-sari at palaging kagila-gilalas​—kung iisipin ang pagiging malaki ng mga ibon, ang kanilang eleganteng tindig, at ang kanilang dramatikong mga paglukso sa hangin na nakabuka ang mga pakpak. Kadalasang kasali sa sayaw ang “mahahaba, masalimuot na pagkakasunud-sunod ng magkakatugmang pagyukod, paglukso, pagtakbo at maiikling paglipad,” ang sabi pa ng Handbook of the Birds of the World. At tulad ng mga tao, minsang magsimulang sumayaw ang ilang tipol, karaniwan nang sumasali ang buong grupo. Nakapanood ang mga nagmamasid sa Aprika ng kasindami ng 60 pares ng gray crowned crane na lahat ay magkakasabay na nagsasayaw.

Bakit sumasayaw ang mga tipol? Iyon ba ay pag-eehersisyo, pakikipagtalastasan, pagliligawan, pagbababala, o basta pagpapakita ng pagiging masaya? Maaaring isa o lahat ng mga dahilang ito ang nag-uudyok sa kanila. Tiyak, gusto ng mga tipol na magsayaw nang may kapareha, at bahagi ng kanilang ritwal sa pagliligawan ang pagsasayaw. Pero kahit ang bata pang mga tipol ay sumasayaw, at ang mga sisiw ang pinakamasisiglang sumayaw. “Anuman ang dahilan nito, napakagandang panoorin ito,” ang pagtatapos ng Handbook of the Birds of the World.

Ang Paglipad ng mga Tipol

Kadalasang naririnig mo na ang mga tipol bago mo pa man makita ang mga ito. Ipinababatid ng matagal at tulad-trumpetang huni ang kanilang pagkanaroroon, kahit na milya-milya pa ang layo ng mga ito. Maliwanag na ang huning ito ay nakatutulong upang magsama-sama ang langkay sa panahon ng kanilang mahabang pandarayuhan. Ang karamihan sa mga uri ng tipol ay nandarayuhan mula sa kanilang pinamumugaran sa bandang hilaga. Kapag taglagas, naglalakbay ang mga ito ng mahahabang distansiya mula sa Canada, Scandinavia, o Siberia patungo sa mas mainit na lugar ng Tsina, India, Estados Unidos (Texas), o rehiyon ng Mediteraneo. Ang mga paglalakbay na ito ay mapanganib at nakapapagod. Namataan ang ilang Eurasian crane na lumilipad sa taas na halos 10,000 metro habang binabagtas ng mga ito ang Himalaya patungong India. Lumilipad ang mga ito sa karaniwang hugis-V na ayos at sinasamantala ang mainit na hangin para makasalimbay ang mga ito hangga’t maaari. Gayunman, kapag tumatawid sa katubigan, kailangan nilang dumepende sa lakas ng kanilang mga pakpak. *

Ang Kastilang ornitologo na si Juan Carlos Alonso ay gumugol ng halos 20 taon sa pagsubaybay sa paraan ng pandarayuhan ng 70,000 Eurasian crane na nagpapalipas ng taglamig sa Espanya. “Ang ilang ibon ay nilalagyan ng argolya, at ang iba naman ay kinakabitan ng maliliit na radio transmitter para matunton namin ang kanilang pandarayuhan,” ang paliwanag niya. “Tuwang-tuwa ako kapag ang ibong nagpapalipas ng taglamig sa Espanya ay natutuklasan ko na ako pala mismo ang naglagay ng argolya rito nang ito’y sisiw pa lamang sa Hilagang Alemanya. Matagal nang ginagamit sa loob ng maraming siglo ang ruta ng mga tipol. Natuklasan na isang tipol na nilagyan ng argolya sa Finland ang nakarating hanggang sa Etiopia sa timog para magpalipas ng taglamig, samantalang ang ibang tipol mula sa Siberia ay nagpapalipas naman ng taglamig sa Mexico.”

Nagpupunyaging Mabuhay​—Sa Tulong ng Tao

Sa kasalukuyan, 9 sa 15 uri ng tipol ang nanganganib na malipol. Ang pinakananganganib, ang whooping crane ng Hilagang Amerika, ay umunti hanggang sa naging 14 na ibon na lamang ito noong 1938. Gayunman, dahil sa programa ng pagpaparami habang nakakulong ang mga ito at sa pag-iingat sa mahahalagang tirahan, unti-unting dumami ang bilang nito hanggang sa mahigit na 300. Nagpapalaki ngayon ng mga sisiw na nakakulong ang mga naturalista at saka pakakawalan ang mga ito sa protektadong mga lugar sa iláng. Sa kasalukuyan, matagumpay na ginagamit ang napakagaang mga eroplano para turuan kung paano mandayuhan ang mga bata pang whooping crane. Gayundin ang sinisikap na gawin ng mga siyentipikong Ruso upang ingatan ang Siberian crane na nanganganib malipol.

Ang isa sa mga pinakanakaaantig-damdaming kuwento ng tagumpay ay mula sa Hapon. Hindi nandayuhan ang isang maliit na langkay ng red-crowned crane sa Hokkaido, yamang nakakakain naman ang mga ibon sa mga buwan ng taglamig sa mga batis na malapit sa maiinit na bukal. Subalit, nang kasagsagan ng taglamig noong 1952, maging ang mga batis na ito ay nagyelo, at waring maglalaho ang maliit na langkay ng 30 ibong ito. Subalit nagsaboy ng mais sa nagyelong mga batis ang mga batang mag-aarál na tagaroon, kaya nabuhay ang mga ibon. Simula noon, palagi nang pinakakain ang mga tipol, at ang maliit na langkay ay umabot sa halos 900 ibon, mga sangkatlo ng kabuuang dami nito sa buong daigdig.

Pagharap sa Kinabukasang Walang Katiyakan

Tulad ng maraming iba pang uri ng ibon, napinsala ang mga tipol dahil sa pagkatuyo ng mga latian at pagkawala ng damuhan. Para mabuhay, kailangang matutuhan ng mga tipol na mamuhay kasama ng mga tao. Sa pangkalahatan, mas gusto ng mga ito na mga ilang kilometro ang layo nila sa mga tao, pero kapag hindi sila ginugulo, nasasanay rin ang mga itong makisama sa mga tao. Sa India, ang mga sarus crane, ang pinakamataas sa lahat ng lumilipad na mga ibon, ay nasanay nang magparami sa maliliit na lawa ng nayon. Ang ibang nagtagumpay na uri ng tipol ay natutong kumuha ng pagkain sa mga bukirin habang nandarayuhan o kapag nasa mga lugar kung saan sila nagpapalipas ng taglamig.

Inaasahan na ang sama-samang pagsisikap ng mga tagapagtaguyod ng pangangalaga sa kapaligiran sa maraming bansa ay titiyak sa kaligtasan ng magagandang nilalang na ito. Kalunus-lunos nga kung ang mga henerasyon sa hinaharap ay hindi na kailanman masisiyahan sa maringal na sayaw ng mga tipol o makaririnig man lamang ng kanilang huni na tulad trumpeta habang lumilipad ang mga ito sa kalangitan patungong timog kung taglagas!

[Talababa]

^ par. 11 Ang libu-libong Eurasian crane ay nandarayuhan sa Israel kapag tagsibol at taglagas, at ang ilan ay nagpapalipas din ng taglamig doon. Sa pagtatakipsilim sa bandang itaas ng Libis ng Jordan, maaaring makita ng mapapalad na nagmamasid ang mga langkay ng tipol na lumilipad sa tanawin ng Bundok Hermon na nababalutan ng niyebe. Ang napakagandang tanawing ito ay nagbibigay ng sandaling karanasan ng hindi malilimutang kagandahan.

[Larawan sa pahina 15]

Mga “red-crowned crane,” Asia

[Larawan sa pahina 16]

Mga detalye mula sa isang porselana sa Korea

[Larawan sa pahina 16]

Mga “black-and-white crane” na may mga kumpol ng balahibo sa tainga

[Larawan sa pahina 16, 17]

Mga lumilipad na “common crane” ng Europa

[Larawan sa pahina 17]

Mga “crowned crane”