Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Magpapatato Kaya Ako?

Magpapatato Kaya Ako?

“Magandang tingnan ang ilang tato. Napakaartistiko ng mga ito.”​—Jalene. *

“Dalawang taon kong pinangarap ang aking unang tato.”​—Michelle.

NAGKALAT ang mga tato​—o waring ganoon nga ang kalagayan. Ang mga ito ay ipinagyayabang ng mga rock star, kilalang tao sa isports, modelo, at mga artista. Ginaya sila ng maraming tin-edyer, anupat may-pagmamalaking ipinakikita ang mga tato sa kanilang mga balikat, kamay, baywang, at bukung-bukong. Ikinatuwiran ni Andrew: “Magandang tingnan ang mga tato. Mayroon man o wala, personal na itong desisyon.”

Ganito ang sabi ng World Book Encyclopedia: “Ang pagtatato ay paggawa ng permanenteng mga disenyo sa katawan. Ginagawa ito sa pamamagitan ng maliliit na pagtusok sa balat na ginagamit ang isang pinatulis na patpat, buto, o karayom na isinasawsaw sa mga tinang may natural na mga kulay.”

Bagaman mahirap makakuha ng eksaktong mga estadistika, isang reperensiya ang gumawa ng pagtaya na 25 porsiyento ng lahat ng 15 hanggang 25 taóng gulang sa Estados Unidos ang may tato. Ganito ang sabi ni Sandy: “Popular ito.” Bakit ba lubhang kaakit-akit sa ilang kabataan ang mga tato?

Bakit Ito Napakapopular?

Para sa ilan, ang tato ay isang paraan upang gumawa ng isang kahanga-hangang romantikong kapahayagan. Sinabi ni Michelle: “Ipinatato ni kuya sa kaniyang bukung-bukong ang pangalan ng babaing nililigawan niya noon.” Ang problema? “Hindi na niya nililigawan ang babae.” Ayon sa magasing Teen, “tinataya ng mga doktor na mahigit sa 30 porsiyento ng lahat ng pag-aalis sa tato ay ginagawa sa mga tin-edyer na babae na gustong burahin ang pangalan ng dati nilang kasintahan.”

Itinuturing ng ilang kabataan na gawang-sining ang mga tato. Itinuturing naman ng iba ang mga ito bilang mga sagisag ng kasarinlan. “Hawak ko ang aking buhay,” ang pahayag ni Josie, na nagsabi pa na ang pagpapatato “ang tanging mahalagang desisyon na ginawa niya sa kaniyang buhay.” Pinahihintulutan ng pagtatato ang ilang kabataan na mag-eksperimento​—upang madamang may kontrol sila sa kanilang hitsura. Maaari ring sagisag ng paghihimagsik o alternatibong istilo ng pamumuhay ang mga tato. Kaya ang ilang tato ay naglalaman ng malalaswang salita at mga drowing o kontrobersiyal na mga sawikain.

Gayunman, ang karamihan sa mga kabataan ay malamang na nadala lamang sa uso. Subalit dahil lamang ba sa waring lahat ng tao ay gustong magpatato ay nangangahulugang dapat ka na ring magpatato?

Ang Sinaunang Sining ng Pagtatato

Tiyak na ang pagtatato ay hindi isang makabagong gawain. Natuklasan ang mga may-tatong momya sa Ehipto at Libya na may petsang daan-daang taon na ang lumipas bago pa ng panahon ni Kristo. Natuklasan din sa Timog Amerika ang mga momyang may tato. Marami sa mga imaheng may tato ay tuwirang nauugnay sa pagsamba sa mga paganong diyos. Ayon sa mananaliksik na si Steve Gilbert, “ang pinakaunang kilalang tato ay hindi isang abstrak na padron, kundi isang larawan na kumakatawan sa diyos na si Bes. Sa mitolohiya ng Ehipto, si Bes ang mahalay na diyos ng walang-taros na pagsasaya.”

Kapansin-pansin, ipinagbabawal ng Kautusang Mosaiko sa bayan ng Diyos ang pagtatato sa sarili. Ganito ang sinabi sa Levitico 19:28: “Huwag kayong magkukudlit ng mga hiwa sa inyong laman dahil sa isang namatay na kaluluwa, at huwag kayong maglalagay ng marka ng tato sa inyong sarili. Ako ay si Jehova.” Ang mga paganong mananamba, katulad ng mga Ehipsiyo, ay nagtato ng mga pangalan o mga sagisag ng kanilang mga bathala sa kanilang mga dibdib o bisig. Sa pamamagitan ng pagsunod sa pagbabawal ni Jehova hinggil sa mga marka ng tato, mamumukod-tangi ang mga Israelita mula sa ibang mga bansa.​—Deuteronomio 14:1, 2.

Bagaman ang mga Kristiyano sa ngayon ay wala na sa ilalim ng Kautusan ni Moises, ang pagbabawal nito hinggil sa pagtatato ay dapat na seryosong pag-isipan. (Efeso 2:15; Colosas 2:14, 15) Kung ikaw ay isang Kristiyano, tiyak na hindi mo nais na magkaroon ng mga marka sa iyong katawan​—kahit pansamantala lamang​—na may bahid ng paganismo o huwad na pagsamba.​—2 Corinto 6:15-18.

Mga Panganib sa Kalusugan

May mga bagay rin hinggil sa kalusugan na dapat mong isaalang-alang. Ganito ang komento ni Dr. Robert Tomsick, isang kasamahang propesor ng dermatolohiya: “Ang ginagawa mo’y sinisira mo ang balat at ipinapasok ang tina rito. Kahit na mababaw lamang ang pagkakatusok ng karayom, sa oras na sinira mo ang balat, nanganganib kang magkaroon ng impeksiyong dulot ng baktirya o virus. Sa palagay ko, ang [pagpapatato] ay mapanganib sa pangkalahatan.” Nagpatuloy si Dr. Tomsick: “Minsang naipasok na ang tina, kahit na walang impeksiyon, palaging may tsansang magkaroon ng mga alerdyi, dermatitis at mga reaksiyong dulot ng alerdyi na maaaring maging sanhi ng pamumula, pamamaga, pagbibitak-bitak at pangangati ng balat.”

Sa kabila ng intensiyong gawing permanente ang mga tato, iba’t ibang pamamaraan ang ginagamit upang tangkaing alisin ang mga ito: Pag-aalis sa pamamagitan ng laser (pagsunog sa tato), operasyon (paglaplap sa balat na may tato), dermabrasion (pagliha sa balat sa pamamagitan ng sipilyong de-alambre upang alisin ang epidermis at dermis), salabrasion (paggamit ng solusyong may asin upang ibabad doon ang balat na may tato), at scarification (pag-aalis sa tato sa pamamagitan ng solusyon ng asido at paglikha ng pilat kapalit ng tato). Magastos at maaaring masakit ang mga pamamaraang ito. “Mas masakit pa ang pag-aalis sa tato sa pamamagitan ng laser kaysa sa pagpapatato,” ang sabi ng magasing Teen.

Ano Kaya ang Iisipin ng Iba?

Dapat mo ring pag-isipang mabuti kung ano ang maaaring ipalagay ng iba hinggil sa pagkakaroon mo ng tato, yamang marami ang negatibo hinggil dito. (1 Corinto 10:29-33) Dahil lamang sa kapritso, si Li, isang babaing taga-Taiwan, ay nagpatato sa edad na 16. Isa na siya ngayong 21-taóng-gulang na nagtatrabaho sa opisina. “Nababahala ako kapag tinitingnan ng mga katrabaho ko ang aking tato,” ang pag-amin ni Li. Sinabi ng Britanong manggagawa hinggil sa kalusugan ng isip na si Theodore Dalrymple na sa maraming tao, ang mga tato “ay kadalasan nang ang nakikitang palatandaan na ang isang lalaki . . . ay kabilang sa isang marahas, malupit, laban sa lipunan, at kriminal na grupo.”

Isang artikulo sa magasing American Demographics ang may gayunding komento: “Maliwanag na itinuturing ng karamihan ng mga Amerikano na mapanganib ang nakikitang pagpapalamuti sa katawan. Walumpu’t limang porsiyento [ng mga kabataan] ang sumasang-ayon sa pananalitang, ‘dapat matanto ng mga taong may nakikitang mga tato . . . na ang anyong ito ng pagpapahayag ng sarili ay malamang na lumikha ng mga balakid sa kanilang karera o personal na mga ugnayan.’”

Isaalang-alang din kung ang pagpapatato ay makatutulong o makasisira sa iyong pag-aangkin bilang isang Kristiyano. Ito kaya’y maging isang “dahilan na ikatitisod” ng iba? (2 Corinto 6:3) Totoo, nagpatato ang ilang kabataan sa mga bahagi ng kanilang katawan na di-nakikita. Baka hindi pa nga alam ng kanilang mga magulang ang mga lihim na tatong ito. Ngunit mag-ingat! Ang biglaang pagpunta sa doktor o ang paliligo lamang sa paaralan ay maaaring magbunyag ng iyong lihim! Makabubuting “gumawi nang matapat sa lahat ng bagay,” anupat iniiwasan ang mangmang na panlilinlang.​—Hebreo 13:18.

Kagaya ng lahat ng moda, mawawala rin ang pagiging kaakit-akit ng mga tato sa kalaunan. Sa totoo lamang, may gustung-gusto ka bang kasuutan​—ito man ay maong, t-shirt, damit, o sapatos​—na handa mong isuot sa buong buhay mo? Siyempre hindi! Nagbabago ang mga istilo, disenyo, at kulay. Gayunman, di-tulad ng damit, mahirap alisin ang mga tato. Bukod dito, ang “magandang tingnan” sa iyo noong ikaw ay edad 16 ay maaaring hindi na gaanong kaakit-akit kapag ikaw ay 30 na.

Marami ang nagsisisi sa paggawa ng mga permanenteng pagbabago sa kanilang hitsura. “Nagpatato ako bago ko nakilala si Jehova,” ang sabi ni Amy. “Sinisikap kong itago ito. Kapag nakikita ito ng iba sa kongregasyon, nahihiya ako.” Ang mensahe? Mag-isip muna bago magpatato. Huwag kang gumawa ng desisyong pagsisisihan mo sa dakong huli.

[Talababa]

^ par. 3 Binago ang ilang pangalan.

[Larawan sa pahina 26]

Kadalasan nang iniuugnay ang mga tato sa mapaghimagsik na mga istilo ng pamumuhay

[Larawan sa pahina 26]

Sa kalaunan, marami ang nagsisisi na sila’y nagpatato

[Larawan sa pahina 27]

Mag-isip muna bago magpatato