Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Makatotohanang Solusyon—Posible ba Ito?

Isang Makatotohanang Solusyon—Posible ba Ito?

Isang Makatotohanang Solusyon​—Posible ba Ito?

WARING likas na sa makabagong lipunan ang krimen. Sa kabila ng mga pagsisikap at mabuting motibo ng mga social worker, pulis, at mga propesyonal sa rehabilitasyon ng mga kriminal, ang daigdig ay lalong nagiging mapanganib. May solusyon ba ito?

Ipinakikita ng Bibliya na darating ang malaking pagbabago. Hindi ito mangyayari sa pamamagitan ng mga pagsisikap ng mga pamahalaan ng tao. May limitasyon ang lahat ng taong tagapamahala, gaano man karangal ang kanilang mga tunguhin. Talagang wala silang kapangyarihan at kakayahan na sugpuin ang sanhi ng krimen o magtatag ng isang sistemang makapagbibigay ng permanenteng katiwasayan.

Ang sinasabi ng Bibliya na pagbabago ay ipatutupad ng ating Maylalang. Bilang Maylikha ng sansinukob, may kapangyarihan at legal na karapatan siya na gawin ang hindi kayang gawin ng mga tao. Inilarawan siya ng Bibliya bilang “ang Isa na iniuuwi sa wala ang matataas na opisyal, na ginagawang gaya lamang ng kabulaanan ang mismong mga hukom sa lupa . . . , malakas din ang kaniyang kapangyarihan.” (Isaias 40:23-26) Anong mga pagbabago ang ipinangangako ng Diyos, at paano ito nagbibigay sa atin ng tunay na pag-asa para sa isang mas magandang daigdig?

Ipinababatid sa atin ng Awit 37:10 ang pangako ng Diyos: “Kaunting panahon na lamang, at ang balakyot ay mawawala na; at pagtutuunan mo nga ng pansin ang kaniyang dako, at [ang balakyot] ay mawawala na.” Balak ng Diyos na alisin ang mga balakyot na wala nang pag-asang maituwid at walang intensiyong magbago. Gayunman, hindi niya lilipulin ang lahat ng tao. Para sa mga handang maging maamo, mapagpakumbaba, at mapayapa, nangangako ang salmista: “Umasa ka kay Jehova at ingatan mo ang kaniyang daan, at itataas ka niya upang magmay-ari ng lupa. Kapag nilipol ang mga balakyot, makikita mo iyon.” Pagkatapos alisin ang mga balakyot, tatamasahin ng mga matitira ang “kasaganaan ng kapayapaan”​—isang sanlibutan na wala nang anumang uri ng krimen.​—Awit 37:11, 34.

Kailangan ang Pagbabago sa Isip at Puso

Hindi sapat ang paglipol sa mga balakyot at pagliligtas sa mabubuting tao upang lubusang malutas ang suliranin sa krimen. Higit pa ang kailangan. Madalas na ang krimen ay bunga ng maling pagsasanay sa isip at puso ng mga tao. Subalit dito nakahihigit ang pamahalaan ng Diyos. Ilalaan ang praktikal na tagubilin at edukasyon upang sanayin ang mga tao upang ibigin nila ang katuwiran. Ganito ang sinasabi ng Isaias 54:13: “Ang lahat ng iyong mga anak ay magiging mga taong naturuan ni Jehova, at ang kapayapaan ng iyong mga anak ay sasagana.”

Tunay na magiging kasiya-siya ang mga resulta! Inilarawan ng Bibliya ang mga pagbabago sa mga tao na dati’y may tulad-hayop na mga katangian. Sinasabi nito: “Ang lobo ay tatahan ngang sandali kasama ng lalaking kordero, at ang leopardo ay hihigang kasama ng batang kambing, at ang guya at ang may-kilíng na batang leon at ang patabaing hayop ay magkakasamang lahat.” Bakit? “Sapagkat ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.” (Isaias 11:6, 9) Gayunman, ikaw at ang pamilya mo ay hindi na kailangan pang maghintay sa hinaharap para sa gayong mga pagbabago. Bakit?

Makikinabang Ka Na Ngayon

May mga taong gumagawa na ngayon ng kinakailangang mga pagbabago upang maghanda sa isang sanlibutan na wala nang krimen. Isinusuot na nila ang bagong personalidad, ang uri ng personalidad na nais ng Diyos sa mga taong maninirahan sa kaniyang bagong sanlibutan. (2 Pedro 3:13) Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya sa kanilang buhay. Basahin ang kapansin-pansing paglalarawan ng Bibliya: “Magbago kayo sa puwersa na nagpapakilos sa inyong pag-iisip, at magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at pagkamatapat.”​—Efeso 4:23, 24.

Inilalarawan pa ng Colosas 3:12-14 ang positibong mga katangian na nililinang ngayon ng maraming tapat-pusong indibiduwal. Sinasabi nito: “Bilang mga pinili ng Diyos, banal at iniibig, damtan ninyo ang inyong sarili ng magiliw na pagmamahal na may habag, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang pagtitiis. Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay lubusang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo. Ngunit, bukod pa sa lahat ng bagay na ito, damtan ninyo ang inyong sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.”

Nais mo bang tumanggap ng tulong upang isuot ang bagong Kristiyanong personalidad? Gayon na ang ginagawa ng milyun-milyong tao sa buong daigdig sa tulong ng mga Saksi ni Jehova. Sa mga pulong na idinaraos nang regular sa mga Kingdom Hall, at sa malalaking kombensiyon, maging ang mga tao na dati’y mararahas na kriminal ay natutong magsuot ng mapayapang personalidad. * Kung nais mong makinabang sa gayon kainam na programa ng pagtuturo sa Bibliya, huwag mag-atubiling makipag-ugnayan sa mga tagapaglathala ng magasing ito. Malulugod silang tulungan ka na mapabilang sa bayang naghahanda ngayon na mabuhay sa bagong sanlibutan ng Diyos na wala nang krimen.

[Talababa]

^ par. 12 Para sa mga halimbawa, tingnan ang Mayo 8, 2001, isyu ng Gumising! pahina 8-10.

[Mga larawan sa pahina 10]

Milyun-milyon ang tumatanggap ng edukasyon para sa buhay sa isang sanlibutan na wala nang krimen