Bakit Ito Bumabalik?
Bakit Ito Bumabalik?
HALOS 40 taon na ang nakalilipas, inakala na ang pangkaraniwang sakit na dala ng insekto gaya ng malarya, yellow fever, at dengge ay halos nalipol na sa malalaking lugar sa lupa. Subalit nangyari ang di-inaasahan—lumitaw muli ang mga sakit na dala ng insekto.
Bakit? Ang isang dahilan ay sapagkat ang ilang insekto at mga mikrobyong dala ng mga ito ay hindi na tinatablan ng mga pamatay-insekto at mga gamot na panugpo sa mga ito. Lalo pa ngang tumindi ang ganitong likas na kakayahang makibagay sa mga kalagayan, hindi lamang dahil sa labis na paggamit ng mga pamatay-insekto kundi dahil din sa maling paggamit ng mga gamot. “Sa maraming mahihirap na sambahayan,” ang sabi ng aklat na Mosquito, “bumibili ng gamot ang mga tao, umiinom ng sapat lamang na dami upang maibsan ang kanilang mga sintomas, pagkatapos ay itinatabi ang natitira para sa susunod na pag-atake ng sakit.” Dahil sa hindi kumpleto ang paggamot, maaaring mabuhay ang mas malalakas na mikrobyo sa katawan ng isang tao anupat lumilikha ng bagong henerasyon ng mga mikrobyong di-tinatablan ng gamot.
Pagbabago sa Klima
Ang isang malaking dahilan sa pagbabalik ng mga sakit na dala ng insekto ay ang pagbabago—sa kalikasan at sa lipunan. Ang isang halimbawa ay ang pagbabago sa klima ng globo. Inaasahan ng mga siyentipiko na makararating ang mga insektong may dalang mga sakit hanggang sa mas malalamig na lugar sa ngayon dahil sa pag-init ng globo. May ilang katibayan na maaaring nangyayari na nga ito sa ngayon. Si Dr. Paul R. Epstein ng Center for Health and the Global Environment, ng Harvard Medical School, ay nagsabi: “May nakikita na ngayong mga insekto at mga sakit na dala ng insekto sa mas matataas na lugar sa Aprika, Asia, at Latin Amerika.” Sa Costa Rica, lumaganap ang dengge sa kabundukan, na dati’y matatagpuan lamang sa Baybayin ng Pasipiko, at kumalat na ito ngayon sa buong bansa.
Subalit higit pa riyan ang nagagawa ng mas mainit na lagay ng panahon. Sa ilang lugar ay ginagawa nitong mga lusak ang mga ilog, samantalang sa ibang lugar naman ay nagiging dahilan ito ng pag-ulan at pagbaha na lumilikha ng mga hukay na naiimbakan ng tubig. Sa parehong kaso, ang naiimbak na tubig ay pinamumugaran ng mga lamok. Pinaiikli rin ng mas mainit na lagay ng panahon ang siklo ng pagpaparami ng mga lamok, anupat pinabibilis ang pagpaparami ng mga ito, at pinahahaba ang panahon ng pagdami ng mga lamok. Mas aktibo ang mga lamok sa mas mainit na lagay ng panahon. Nakaaabot pa nga hanggang sa loob ng tiyan ng lamok ang mas mainit na temperatura at pinatitindi ang pagpaparami ng mga mikrobyong nagdadala ng sakit, sa gayo’y mas malamang na maging sanhi ng pagkahawa ang isang kagat ng lamok. Subalit may iba pang mga problema.
Isang Masusing Pag-aanalisa sa Sakit
Isang salik din sa pagkakaroon ng sakit na dala ng insekto ang mga pagbabago sa lipunan ng tao. Upang maunawaan kung paano ito nangyayari, kailangan nating suriing mabuti ang ginagampanang papel ng mga insekto. Sa maraming sakit, ang insekto ay maaaring isang bahagi lamang sa proseso ng paglilipat ng sakit. Ang isang hayop o ibon ay maaaring maging tagakupkop ng isang sakit sa pamamagitan ng pagdadala ng mga insekto sa katawan nito o ng pagtira ng mga mikroorganismo sa daluyan ng dugo nito. Kung ang mga tagakupkop ay mabubuhay sa ganitong kalagayan, ang mga ito ay maaari ring pamugaran ng sakit.
Isaalang-alang ang Lyme disease, na nakilala noong 1975 at isinunod sa pangalan ng Lyme, Connecticut, E.U.A., kung saan ito unang nakita. Ang baktirya na sanhi ng Lyme disease ay maaaring nakarating daan-daang taon na ang nakalipas sa Hilagang Amerika na dala ng mga daga o mga hayop na sakay ng barko mula sa Europa. Pagkatapos na makasipsip ang maliit na garapatang Ixodes (isang uri ng garapata sa usa) ng dugo ng isang nahawahang hayop, nananatili ang baktirya sa loob ng tiyan ng garapata habang ito’y nabubuhay. Kapag kinagat ng garapata ang isa pang hayop o tao, maililipat nito ang baktirya sa daluyan ng dugo ng biktima.
Sa hilagang-silangan ng Estados Unidos, ang Lyme disease ay endemiko—matagal nang mayroon nito roon. Ang pangunahing pinamamahayan ng baktirya ng Lyme disease ay ang white-footed mouse. Ang mga daga ay nagsisilbi ring tagakupkop ng mga garapata, lalo na ng mga garapatang lumalaki pa lamang. Mas gustong tumira ng malalaki nang garapata sa mga usa, kung saan nakasisipsip ng dugo at nakapagpaparami ang mga ito. Kapag busóg na sa dugo, nalalaglag sa lupa ang babaing garapata para mangitlog, anupat di-magtatagal ay lilitaw ang mga uod nito para simulan muli ang bagong siklo.
Pagbabago ng mga Kalagayan
Ang mga mikrobyo ay kasabay na umiiral ng mga hayop at mga insekto sa loob ng maraming taon nang hindi naman nagbibigay ng sakit sa mga tao. Subalit ang isang endemikong sakit ay maaaring maging epidemiko—sakit na nakaaapekto sa maraming tao sa isang komunidad—dahil sa mga pagbabago ng kalagayan. Anong mga pagbabago ang nangyari sa kaso ng Lyme disease?
Noon, nakatulong ang maninilang hayop na limitahan ang pagkapit sa tao ng mga garapata ng usa sa pamamagitan ng pagbawas sa dami ng mga usa. Nang kainginin ng sinaunang mga naninirahang Europeo ang mga kagubatan para gawing mga bukirin, lalong umunti ang mga usa at nagsialis na rin ang mga maninila ng usa. Subalit noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo, maraming bukirin ang napabayaan yamang sa bandang kanluran nabaling ang
pagsasaka, at unti-unti na namang naging kagubatan ang lupain. Nagbalik ang mga usa, subalit ang kanilang likas na mga maninila ay hindi na nagbalik. Sa gayon, dumami nang dumami ang mga usa, gayundin ang mga garapata.Nang maglaon, lumitaw ang mga baktirya ng Lyme disease at pinamugaran ang mga hayop sa loob ng mga dekada bago naging panganib sa mga tao. Gayunman, nang magkaroon ng mga karatig-lunsod sa gilid ng kagubatan, pinasok ng napakaraming mga bata at mga nasa hustong gulang ang teritoryo ng mga garapata. Sa mga tao na ngayon kumapit ang mga garapata, at nagkaroon ang mga tao ng Lyme disease.
Sakit sa Isang Mabuway na Daigdig
Ipinakikita ng nabanggit na tagpo ang isa lamang sa maraming paraan kung paano kumakalat ang sakit at isang halimbawa lamang ito kung paano nakaiimpluwensiya ang mga ginagawa ng mga tao sa paglitaw nito. “Ang pagbabalik ng halos lahat ng bagong lumilitaw na mga sakit ay dahil sa panghihimasok ng tao,” ang sulat ng tagapangalaga ng kapaligiran na si Eugene Linden sa kaniyang aklat na The Future in Plain Sight. Narito pa ang ilang halimbawa: Ang popularidad at bilis ng makabagong paglalakbay ay nagiging dahilan ng pagkalat ng mga mikrobyo at mga tagapagdala nito sa buong daigdig. Ang pamiminsala sa mga tirahan ng kapuwa malalaki at maliliit na nilalang ay nakasisira sa pagkakasari-sari ng buhay. “Napinsala ng polusyon ang hangin at tubig,” ang sabi ni Linden, “anupat pinahina ang sistema ng imyunidad ng kapuwa mga hayop at mga tao.” Idinagdag pa niya ang sinabi ni Dr. Epstein: “Sa diwa, pinahina ng panghihimasok
ng tao sa ekolohiya ang sistema ng imyunidad ng globo, anupat lumikha ng mga kalagayang naging kaayaaya para sa mga mikrobyo.”Ang kawalang-katatagan sa pulitika ay humantong sa mga digmaan na sumira sa ekosistema at nagwasak sa mga istraktura na naglalaan ng pangangalaga sa kalusugan at pamamahagi ng pagkain. Kasabay niyan, sinabi pa ng Biobulletin: “Ang mga nagsilikas, na kulang sa nutrisyon at mahihina, ay kadalasang napipilitang tumira sa mga kampo na naglalantad sa mga tao sa sari-saring sakit dahil sa siksikan at maruruming kalagayan.”
Ang kawalang-katatagan sa ekonomiya ang nagtutulak sa mga tao para mandayuhan, kapuwa sa ibayo at sa loob ng hangganan ng bansa, lalung-lalo na sa mataong mga lugar sa lunsod. “Gustung-gusto ng mga mikrobyo ang siksikang mga lugar,” ang paliwanag ng Biobulletin. Habang pumuputok sa dami ng tao ang lunsod, “malimit na hindi makaalinsabay ang mahahalagang programa para sa kalusugan ng publiko, gaya ng pangunahing edukasyon, nutrisyon, at mga programa sa pagbabakuna.” Ang pagsisiksikan ng mga tao ay nagpapahirap din sa mga sistema sa tubig, alkantarilya, at pagtatapon ng dumi, anupat hindi nagiging madali ang sanitasyon at personal na kalinisan samantalang kasabay nito ay lumilikha ng mga kalagayang nagpaparami sa mga insekto at iba pang nagdadala ng sakit. Gayunman, may pag-asa pa naman ang kalagayan, gaya ng ipakikita ng kasunod na artikulo.
[Blurb sa pahina 11]
“Ang pagbabalik ng halos lahat ng bagong lumilitaw na mga sakit ay dahil sa panghihimasok ng tao”
[Kahon/Larawan sa pahina 7]
Sinasalakay ng West Nile Virus ang Estados Unidos
Ang West Nile virus, na pangunahing naililipat ng mga lamok sa mga tao, ay unang nakita noong 1937 sa Uganda at di-nagtagal ay napansin sa Gitnang Silangan, Asia, Oceania, at Europa. Nito lamang 1999 natuklasan ang virus sa Kanlurang Hemispero. Gayunman, mula noon, mahigit sa 3,000 pagkahawa ang naiulat sa Estados Unidos at mahigit sa 200 indibiduwal ang namatay.
Ang karamihan sa mga taong nahawahan ay walang kamalay-malay sa sakit na dumapo sa kanila, bagaman ang ilan ay maaaring magkaroon ng tulad-trangkasong mga sintomas. Subalit ang maliit na porsiyento ay nagkakaroon ng malubhang sakit, kasali na ang encephalitis at spinal meningitis. Wala pa ring panlabang bakuna o espesipikong gamot na makukuha para sa West Nile virus. Nagbababala ang U.S. Centers for Disease Control and Prevention na ang West Nile virus ay maaari ring makuha sa mga paglilipat ng sangkap ng katawan o sa pagsasalin ng dugo mula sa isang donor na may sakit. “Sa kasalukuyan ay wala pang paraan para suriin ang dugo kung may West Nile virus ito,” ang ulat ng serbisyo sa pagbabalita ng Reuters noong 2002.
[Credit Line]
CDC/James D. Gathany
[Kahon/Larawan sa pahina 8, 9]
Paano Mo Maiingatan Ang Iyong Sarili? Ilang Mungkahi
Humingi ang Gumising! ng mga mungkahi sa mga residente ng mga rehiyon sa daigdig na apektado ng mga insekto at sakit kung paano makapananatiling malusog. Baka makatulong ang kanilang payo sa inyong lugar.
Kalinisan—Ang Pangunahing Panlaban
◼ Panatilihing malinis ang inyong tahanan
“Takpan ang mga lalagyan ng pagkain. Panatilihing may takip ang nilutong pagkain hanggang sa ihain ito. Punasan agad ang tumapong mga pagkain. Huwag hayaang hindi nahugasan sa loob ng magdamag ang mga pinggan o huwag ilabas ang basurang pagkain na itatapon sa kinaumagahan pa. Takpan o ibaón ang mga ito, yamang ang mga insekto at mga daga ay lumalabas sa gabi para humanap ng pagkain. Gayundin, mas madaling panatilihing malinis at di-pinamamahayan ng insekto ang tahanan kung sesementuhan nang manipis ang lupa.”—Aprika.
“Ilayo sa bahay ang prutas o anumang bagay na dinadapuan ng mga insekto. Huwag papasukin ang mga hayop na pambukid—kambing, baboy, manok—sa loob ng bahay. Takpan ang mga palikuran na nasa labas ng bahay. Agad na ibaon sa lupa ang mga dumi ng hayop o tabunan ito ng apog upang huwag langawin. Kahit na hindi ito ginagawa ng inyong mga kapitbahay, makokontrol mo ang dami ng mga insekto sa loob ng inyong bahay at nagbibigay ka rin ng mabuting halimbawa.”—Timog Amerika.
[Larawan]
Para mo na ring inanyayahang makisalo sa iyo ang mga insekto kung iiwan mong walang takip ang pagkain o basura
◼ Personal na kalinisan
“Mura naman ang sabon, kaya palaging maghugas ng kamay at maglaba ng damit, lalo na pagkatapos makipagkamay sa mga tao o humawak ng mga hayop. Iwasang humawak ng patay na mga hayop. Huwag mong hipuin ang iyong bibig, ilong, at mga mata. Dapat na laging nilalabhan ang mga damit kahit na mukhang malinis pa ang mga ito. Gayunman, may mga bango na nakaaakit sa mga insekto, kaya iwasang gumamit ng mababangong sabon at panlinis na mga produkto.”—Aprika.
Mga Hakbang sa Pag-iingat
◼ Alisin ang mga pinamumugaran ng lamok
Takpan ang mga tangke ng tubig at banyera. Itapon ang lahat ng lalagyang naiimbakan ng tubig. Huwag hayaang maimbak ang tubig sa mga halamang nasa paso. Pinamumugaran ng mga lamok ang anumang lusak na nagtatagal nang mahigit sa apat na araw.—Timog-silangang Asia.
◼ Iwasang mahantad sa mga insekto
Umiwas sa paboritong oras ng pagkain at lugar ng mga insekto. Maagang lumulubog ang araw sa tropiko, kaya maraming gawain sa araw-araw ang tinatrabaho sa gabi, kung kailan mas aktibo ang maraming insekto. Mas nanganganib ka kung ikaw ay mauupo at matutulog sa labas ng bahay sa panahong laganap ang sakit na dala ng insekto.—Aprika.
[Larawan]
Para mo na ring inanyayahang kagatin ka ng mga lamok kapag natulog ka sa labas ng bahay sa isang malamok na bansa
Magsuot ng damit na maitatago ang iyong balat, lalo na kung ikaw ay nasa kakahuyan. Maglagay ng insect repellent sa iyong damit at balat, na laging sinusunod ang mga tagubilin sa etiketa nito. Suriin ang sarili at ang iyong mga anak kung may mga garapatang kumapit pagkatapos ninyong mamalagi sa labas ng bahay. Panatilihing malusog at walang mga insekto ang inyong alagang mga hayop.—Hilagang Amerika.
Huwag masyadong maglalapít sa mga hayop na pambukid, yamang maaaring ikalat ng mga insekto ang sakit mula sa mga ito tungo sa mga tao.—Sentral Asia.
Gumamit ng mga kulambo—lalo na kung ibinabad sa pamatay-insekto—para sa buong pamilya. Gumamit ng mga iskrin sa bintana, at panatilihing maayos ang mga iskrin. Takpan ang mga butas sa ilalim ng medya-agwa na maaaring pasukan ng mga insekto. Maaaring magastos ang gayong mga hakbang sa pag-iingat, subalit mas malaki ang iyong magagastos kung ipapasok mo sa ospital ang bata o kung ang kumikita ng salapi ay hindi makapagtrabaho dahil malubhang nagkasakit.—Aprika.
[Larawan]
Ang mga kulambo na ibinabad sa pamatay-insekto ay mas mura kaysa sa gamot at mga bayarin sa ospital
Alisin sa inyong tahanan ang mga pinagtataguan ng mga insekto. Tapalan ang mga dingding at kisame, at patsehan ang mga siwang at mga butas. Balutan ng telang hindi mapapasok ng insekto ang kisameng kogon. Alisin ang mga kalat—gaya ng mga salansan ng papel o tela o grupu-grupong larawan sa dingding—na pinagtataguan ng mga insekto.—Timog Amerika.
Itinuturing ng ilang tao ang mga insekto at mga daga na mga panauhin sa bahay. Hindi panauhin ang mga ito! Huwag papasukin ang mga ito. Gumamit ng mga insect repellent at mga pamatay-insekto—subalit ayon lamang sa mga tagubilin. Gumamit ng mga panghuli ng langaw at panghampas ng langaw. Maging mapanlikha: Isang babae ang gumawa ng telang parang tubo, pinunô iyon ng buhangin, at isiningit ito sa siwang sa ilalim ng pinto upang hindi makapasok ang mga insekto.—Aprika.
[Larawan]
Hindi dapat maging mga panauhin sa bahay natin ang mga insekto. Palayasin ang mga ito!
◼ Mga paraan upang huwag magkasakit
Panatilihin ang iyong resistensiya sa pamamagitan ng tamang pagkain, pamamahinga, at ehersisyo. Bawasan ang kaigtingan.—Aprika.
Mga naglalakbay: Patiuna mong alamin ang pinakabagong mga impormasyon tungkol sa mga sakit na dala ng insekto. May makukuhang impormasyon mula sa mga departamento ng pampublikong kalusugan at mga Internet site ng gobyerno. Bago ka maglakbay, uminom ng gamot o gumawa ng pag-iingat na angkop sa lugar na iyong pupuntahan.
Kung Masama ang Iyong Pakiramdam
◼ Magpatingin agad sa doktor
Ang karamihan sa mga sakit ay mas madaling lunasan kapag nasuri agad.
◼ Mag-ingat sa maling panggagamot
Magpatingin sa mga doktor na pamilyar sa mga sakit na dala ng vector at sa mga sakit sa tropiko kung kinakailangan. Sabihin mo sa iyong doktor ang lahat ng iyong sintomas at kung saan ka naglakbay, maging noon pa. Uminom ng antibiyotiko kung kinakailangan lamang, at tapusin ang buong serye ng paggamot.
[Larawan]
Maaaring makatulad ng ibang sakit ang mga sakit na dala ng insekto. Ipaalam sa iyong doktor ang buong pangyayari
[Credit Line]
Globo: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.
[Kahon/Larawan sa pahina 10]
Naikakalat ba ng mga Insekto ang HIV?
Pagkalipas ng mahigit na isang dekada ng pag-iimbestiga at pananaliksik, walang nakitang katibayan ang mga dalubhasa sa insekto at siyentipiko sa medisina na ang mga lamok o anumang iba pang mga insekto ay naglilipat ng HIV—ang virus ng AIDS.
Halimbawa, sa kaso ng mga lamok, ang bibig ng insekto ay hindi tulad ng isang heringgilya na iisa ang butas kung saan maaaring pumasok ang dugo. Sa halip, sumisipsip ng dugo ang mga lamok sa isang butas samantalang naglalabas ng laway sa isa pa. Pagkatapos, ang paliwanag ni Thomas Damasso, isang espesyalista sa HIV sa District of Health Management Team sa Mongu, Zambia, tinutunaw ng sistema ng panunaw ng lamok ang dugo, anupat pinapatay ang virus. Walang natuklasang HIV sa dumi ng insekto. At hindi tulad ng mga parasito ng malarya, ang HIV ay hindi nakapapasok sa glandula ng laway ng lamok.
Para mahawahan ng HIV, dapat mahantad muna ang isang tao sa napakaraming nakahahawang mikrobyo. Kapag naabala ang lamok sa pagsipsip ng dugo at lumipad agad sa susunod na biktima, anumang dami ng dugo na natira sa bibig nito ay napakakaunti para makapinsala. Ayon sa mga eksperto, hindi mahahawa ng HIV ang isa kahit na tumama sa sugat ang isang hinampas na lamok na may dugong positibo sa HIV.
[Credit Line]
CDC/James D. Gathany
[Mga larawan sa pahina 7]
Ikinakalat sa mga tao ng mga garapata ng usa (ipinakita na pinalaki sa kanan) ang “Lyme disease”
Kaliwa pakanan: Adultong babae, adultong lalaki, at maliit pang garapata, na pawang ipinakita sa aktuwal na laki
[Credit Line]
Lahat ng garapata: CDC
[Mga larawan sa pahina 10, 11]
Malaki ang nagagawa ng mga baha, maruruming kalagayan, at pandarayuhan ng mga tao sa pagkalat ng mga sakit na dala ng insekto
[Credit Line]
FOTO UNACIONES (mula sa U.S. Army)